Huwebes, Disyembre 11, 2014

Tungkol Sa Ipinananakot Na Purgatoryo

TUNGKOL SA IPINANANAKOT NA PURGATORYO



Ang mga Katoliko ay may pinaniniwalaang purgatoryo.  Ito ang itinuro ng mga pari sa kanila at tinanggap naman nila nang hindi na sinuri kung saan nagmula ang aral na ito—kung mula sa Diyos o kung mula lamang sa mga tao.  Sukat ang ito’y kinagisnan nila, sapat na yaon upang sila’y sumampalataya at lubos na magtiwala, hanggang sa pati ang mga lupa nila at mga kayamanan nila ay ibigay nila sa simbahan (kaya nagkaroon ng asyenda ang mga pari sa Pilipinas), —sapagkat pinapaniwala sila ng mga pari na sa pamamagitan ng kanilang pagpaparasal at pagpapamisa ay mahahango ang mga kaluluwa ng kanilang mga minamahal sa apoy ng (umano’y) purgatoryo.

ANG PURGATORYO RAW AY ISA SA DAKONG
PATUTUNGUHAN NG KALULUWA PAGKAMATAY
NG TAO
     Ayon sa pagtuturo ng pari, pagkamatay na pagkamatay raw ng tao, ang kaluluwa raw nito’y haharap agad sa hukom na si Jesucristo upang  magsulit at ayon daw sa kahatulan, ito ay mapaparoon sa langit, sa impiyerno o sa purgatoryo.  Bilang patotoo, sisipiin ko ang sinasabi ng paring si Enrique Demond na nasusulat sa kanyang aklat na pinamagatang SIYA ANG INYONG PAKINGGAN—ANG ARAL NA KATOLIKO dahong 71:

      “Ang tatlong Estasion Pagkamatay ng Katawan ng Tao”

      “Pagkamatay na pagkamatay ng ating katawan ang kaluluwa natin ay haharap agad sa hukom na si Jesucristo upang ipagbigay sulit niya ang kanyang mga gawa at ayon sa kahatulan siya’y mapaparoon sa langit, sa infierno o sa purgatoryo.”

ANO ANG PURGATORYO?
          Ang makasasagot sa tanong na iyan ay ang mga paring kumatha niyan.  Mga pari ang kumatha ng purgatoryo, kaya mga pari rin ang nakakaalam kung ano ito.  Tingnan natin ang paliwanag ng paring si Enrique Demond:

     “Ang purgatoryo ay isang pook na sangagan na kinalalagyan ng mga kaluluwa na nangamatay sa mahal na grasia ng Dios, datapuwa’t hindi pa nakapagbabayad dito sa lupa ng boong pagbabayad sa tapat na katarungan ng Dios dahil sa mga kasalanang munti o dahil sa parusang may hanggan na hindi pa pinatatawad.”  (Siya Ang Inyong Pakinggan — Aral na Katoliko, pp. 71-73)

     Tunghayan naman natin ang paliwanag ng paring si Luis de Amezquita sa kanyang Catecismo, dahong 25:

     T.  Diyata ano ang Purgatoryo?
     S.  Pagsasangagan (kung baga sa ginto) sa mga kaluluwa ng kristianong banal na nakapagsisi man at nakapagkumpisal man datapuwa’t hindi pa nakapagkawas dito sa lupa ng boong kawas sa mga kasalanan nila…

     Kung susuriin nating mabuti ang purgatoryong nilikha ng mga pari, lumalabas, ayon din sa kanilang paliwanag, na ang lahat ng mga katoliko—kasama na ang lahat ng mga papa at mga pari — masusugba sa kanilang sangagang purgatoryo.  Bakit?  Sapagka’t ayon sa kanila, ang sasangagin sa purgatoryo ay ang mga kaluluwa ng mga kristiyanong banal na kahit namatay sa grasya ng Diyos, nakapagsisi at nakapagkumpisal man nguni’t hindi pa nakapagkawas dito sa lupa.  Dahil sa pati ang mga papa at mga pari ay nagkukumpisal at nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, at naniniwala sila na sila’y mga kristiyanong banal, kaya silang lahat ay sasangagin sa kanilang sangagang purgatoryo.  Walang katoliko, kung gayon, na makaliligtas sa apoy ng purgatoryo  (kung tunay na mayroon nito).  Lalong mabuti kung tigilan na ng mga katoliko ang pagkukumpisal at pagbabanal ayon sa itinuturo ng mga pari, upang makaligtas sila sa pagkahulog sa ipinananakot nilang purgatoryo.

PANALANGIN DAW AT MISA ANG MAKATUTULONG
SA MGA NASA PURGATORYO
      Papaano raw matutulungan ang mga kaluluwang sinasangag sa purgatoryo?  Ganito ang sabi ni Cardinal Gibbons:

     “May isang purgatoryo, at ang mga kaluluwang napipigil doon ay matutulungan ng mga panalangin ng mga matapat, lalung-lalo na sa pamamagitan ng karapat-dapat na Sacrificio sa Altar.”  (Ang Pananampalataya ng ating mga Ninuno, dahong 210).

     Ganito naman ang patotoo ni Enrique Demond sa kanyang aklat na Siya Ang Inyong Pakinggan—Ang Aral Na Katoliko, dahong 73:

     “Ang dinadalita ng mga kaawa-awang kaluluwa sa purgatoryo ay ang hindi pagkakita sa Diyos at maraming sarisaring hirap at sakit.  Wala silang magagawa sa sarili nila upang makaalis sa kanilang kapahamakan.  Nguni’t tayong nabubuhay pa dito sa lupa ang makatutulong at makapagbabayad sa kanilang utang sa Diyos.  Tayo ay makatutulong sa kanila sa paraan ng mga panalangin, ng mga indulhensiyang ipinatutungkol sa kanila, ng mga paglilimos at ng ibang gawang kabanalan, lalung-lalo na sa paraan ng sacrifisio ng Santa Misa.”

     Kung totoong may purgatoryo at ang mga kaluluwa ng “Kristiyanong banal,” nagsisi at nagkumpisal mang mga katoliko ay sinasangag doon at ang tanging makatutulong upang sila’y mahango roon ay ang mga buhay na naririto sa lupa, sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin at pagmimisa, bakit hindi manalangin nang manalangin at magmisa nang magmisa ang mga paring iyan, — kahit na walang bayad—upang mahango sa sinasabi nilang purgatoryo ang mga kaluluwang umano’y pinarurusahan doon ,  Bakit kung walang bayad ay ayaw magmisa ang mga paring iyan?   Ang ibig pa nila’y adelantado ang bayad, at buhay ka pa’y magbayad ka na raw agad upang kung mamatay ka’y tiyak daw na maipagpapamisa ang kaluluwa mo.  Papaano ang mga walang ibabayad sa pari, di mabubulok sa purgatoryo?  Maliwanag na ang hinahango ng mga pari ay hindi ang kaluluwa sa panakot nilang purgatoryo kundi ang pera sa bulsa ng kanilang mga nadaya at nalinlang.

ANG BIBLIA AY WALANG SINASABING PURGATORYO
     Kung ang aral tungkol sa purgatoryo ay aral na mula sa Diyos, dapat itong masumpungan sa Banal na Kasulatan.  Ang mga aral ng Diyos ay nasusulat sa Biblia.  Ang mga itinuro ng ating Panginoong Jesucristo ay nasusulat sa Biblia, gayundin ang ipinangaral ng mga Apostol.   Nguni’t tungkol sa purgatoryo na isang katha ng mga pari ay walang sinasabi ang Biblia.  Ang Biblia ay tahimik tungkol sa purgatoryo!  Si Cristo’y walang binanggit na sangagan ng mga kaluluwa.  Ang mga Apostol ay hindi rin nagturo ng ukol sa bagay na ito.  Ang mga paring Romanista lamang ang nagtuturo niyan.  Hindi natin ito dapat ipagtaka, sapagka’t ang mga pari nama’y hindi sinugo ng Diyos.  Hindi sila inutusan upang mangaral ng Ebanghelyo.  At dahil sa ang aral tungkol sa purgatoryo ay wala sa Biblia, ito ay hindi aral ng Diyos kundi aral ng tao, at kung aral ng tao, ito ay walang kabuluhan sa harap ng Diyos, kaya dapat itakwil sapagka’t ibang ebanghelyo (Mat. 15:9; Gal. 1:6-9).

PINATUNAYAN NI RIZAL NA HINDI
MATUTUNGHAYAN SA BIBLIA O SA EBANGHELYO
ANG PURGATORYO NG MGA PARI
      Kami ba lamang ang nagsasabing wala sa Biblia o sa Ebanghelyo ang aral tungkol sa purgatoryo?  Tingnan natin ang sinasabi ni Rizal tungkol dito sa purgatoryong ipinananakot ngmga pari:

     “Subali’t ipagpatuloy nating alamin kung papaano napalipat sa Katolisismo ang purgatoryong iyan, na hindi natutunghan sa Biblia ni sa mga banal na ebanghelyo, Si Moises man at si Jesu-Cristo ay di bumanggit bahagya man sa bagay na ito…  Ang mga kristiyano ng mga unang siglo ay hindi naniniwala sa Purgatoryo.  Sila’y nangamamatay na taglay ang masayang pag-asa na madaling makakaharap ang Diyos” (Noli Me Tangere, dahong 52). 

Maliwanag ang sabi ni Rizal.  Ang Purgatoryo ng mga pari ay hindi matutunghan sa Biblia o sa Ebanghelyo.  Si Moises na dakilang lider sa panahon ng Israel at si Jesucristo na pinakadakilang lider sa panahong kristiyano, ay hindi bumanggit bahagya man tungkol sa Purgatoryo.  Nguni’t bakit nagkaroon ng aral na Purgatoryoang Iglesia Katolika?  Sino ang kumatha nito?

ANG KUMATHA O NAGPASYANG
MAGKAROON NG PURGATORYO
     Sino ang nagpasya na magkaroon ng aral na purgatoryo ang Iglesia Katolika?  Sasagutin tayo ng paring Paulista na si Bertrand L. Conway, sa kanyang aklat na The Question Box, dahong 393:

     “The Catholic Church has defined the existence of Purgatory in the Decree of Union drawn up at the Council of Florence in 1439 and again at the Council of Trent (Sess. xxv.) which says:  “The Catholic Church, instructed by the Holy Ghost, has from Sacred Scriptures and the ancient traditions of the Fathers, taught in Sacred Councils, and very recently in the Ecumenical Synod (Sess. vi., can. 30; Sess. xxii., chs. 2, 3), that there is Purgatory, and that the souls therein detained are helped by the suffrages of the faithful, but principally by the acceptable sacrifice of the altar.”

     Sa wikang Pilipino ay ganito:

     “Ang pagkakaroon ng Purgatoryo ay tiniyak ng Iglesia Katolika sa pamamagitan ng utos o pasya sa pagkakaisa (Decree of Union) na niyari sa Konsilyo ng Florencia noong  1439, at inulit sa Konsilyo ng Trento (sess xxv.) na nagsasaad:  ‘Ang Iglesia Katolika na tinuruan ng Espiritu Santo, mula sa mga Banal na Kasulatan at sa matatandang kaugalian ng mga magulang ay nagturo sa mga Banal na Kapulungan  (Sacred Council) at ngayon ay nagtuturo sa Pangkalahatang Kapulungan  (Ecumenical Synod Sess. vi., can 30; Sess. xxii, chs. 2, 3) ito, na mayroong Purgatoryo, at ang mga kaluluwang doon ay napipigil ay natutulungan sa pamamagitan ng mga panalangin ng mga tapat, nguni’t lalung-lalo na ng karapat-dapat na handog sa dambana’.”

Maliwanag sa sagot na ito ng paring si Conway na ang Purgatoryong ipinangangaral nila ay hindi aral na mula sa Diyos kundi sa Pasya ng Konsilyo ng Florencia noong 1439 at inulit sa Konsilyo ng Trento.  Ano ang karapatan ng mga konsilyong ito upang yumari ng mga aral na sasampalatayanan ng tao?  Na tinuruan daw sila ng Espiritu Santo at ang itinuro ay mayroon daw Purgatoryo, at ang mga kaluluwang doo’y napipigil ay matutulungan daw sa pamamagitan ng mga panalangin at lalo na raw ng karapat-dapat na handog sa dambana o misa?  Hindi Espiritu Santo ang nakapagturo sa mga obispong bumuo ng Konsilyong yumari at nagpasyang may Purgatoryo.  Walang kinalaman ang Espiritu Santo sa kathang aral na ito ng mga Pari!  Sinasangkalan lamang nila ang Espiritu Santo upang madaya at malinlang ang mga panatikong Katoliko.

ANG PURGATORYO’Y ISANG DAYA
AYON SA ISANG NAGING PARING KATOLIKO
     Totoo ba na ang Purgatoryo’y isang daya?  Na ito’y hindi umiiral?  Na ito’y imbento lamang ng Iglesia Romana?  Tunghayan ninyo ang pagtatapat ng isang naging paring katoliko, si G. Lucien Vinet.  Tumanggap siya ng orden noong 1933, katulong na paroko sa St. Jean at Moris, Manitoba; Pastor ng Lac de Bonnet, Manitoba; kapelyang (Chaplain) katoliko sa Royal Canadian Air Force nang ikalawang Digmaang Pandaigdig, at umalis sa pagkapari noong 1942.  Ganito ang sabi niya sa kanyang aklat na pinamagatang I Was A Priest:

     “Indeed, as Roman priest, we have accepted from them Mass money to relieve the souls in a non-existent Purgatory.  We took advantage of our parishioners religious superstitions and we played on their feelings to extract from them money under pretext of delivering their departed beloved ones from imaginary sufferings of a fictitious purgatory.” (I Was A Priest, p. 7, by Lucien Vinet).

     Sa Wikang Pilipino ay ganito:

     “Sa katotohanan, bilang mga paring Romano, kami ay tumatanggap mula sa kanila ng salaping para sa misa upang hanguin ang mga kaluluwa sa isang hindi umiiral na Purgatoryo.  Aming sinasamantala ang aming mga parokya sa kanilang mga pamahiin ukol sa relihiyon at aming pinaglalaruan ang kanilang makataong damdamin upang katasin mula sa kanila ang salapi sa ilalim ng balatkayong pagliligtas sa kanilang mga yumaong minamahal mula sa hinihinagap na pagdurusa sa kabulaanang Purgatoryo.” (I Was A Priest, Lucien Vinet, dahong 7)

     “The real Judas is the Roman priest who knows the wickedness of Romanism and yet clings to it for material gain.” (Ibid., p. 10)

     Sa Wikang Pilipino ay ganito:

     “Ang tunay na Judas ay ang Paring Romano na nakaaalam ng kabuktutan ng Romanista at gayunman ay nangangapit dito dahil sa pakinabang.”  (Ibid., dahong 10)

     “When will Roman Catholic throughout the world open their eyes and come to the realization that the holiness of their Church and their priests is a pure farce!” (Ibid., p. 28).

     Sa Wikang Pilipino ay ganito:

     “Kailan pa kaya ididilat ang mga mata ng mga Katoliko Romano sa buong daigdig at darating sa pagkatiyak na ang kabanalan ng kanilang Iglesia at ng kanilang mga Pari ay isang tunay na biru-biruan.” (Ibid., dahong 28).

     “Purgatory, like Mass, has no foundation in Holy Scripture.  Christ ang the first Christians never talked about it and never knew of its supposed existence.” (Ibid., p. 41).

     Sa Wikang Pilipino ay ganito:

     “Ang Purgatoryo, gaya ng Misa, ay walang saligan sa Banal na Kasulatan.  Si Cristo at ang unang Kristiyano ay hindi kailan man nag-usap ukol dito at hindi nalaman ang kanyang ipinalalagay na pag-iral.”   (Ibid., dahong 41).

     “We ex-priest, knows very well that Mass and Purgatory are inventions that are exceedingly profitable, but so not ask a priest who is still in bondage to Rome to explain to you what Mass really is and how it has come into being .  He cannot answer you with sincerity.” (Ibid., p. 41).

     Sa Wikang Pilipino ay ganito:

     “Kaming mga naging Pari, ang nakaaalam na mabuti na ang Misa at ang Purgatoryo ay mga imbento na may sukdulang pakinabang, datapuwa’t huwag tatanungin ang isang Pari na natatalian ng Roma na magpaliwanag sa inyo kung ano ang Misa sa katotohanan at kung papaano ito lumitaw, Siya’y hindi makasasagot sa inyo nang buong katapatan” (Ibid., dahong 41).

Narito ang pagtatapat ng naging paring si G. Lucien Vinet.  Hindi totoong may purgatoryo.  Iyan ay hindi umiiral!  Iyan ay kabulaanan!  Iyan ay imbento lamang ng Iglesia Romana!  Ang pagdurusa ng mga kaluluwang umano’y nasa purgatoryo ay sa hinagap lamang.  Nguni’t binabayaran ng mahal ang paring nagmimisa ng mga kaawaawang nadaya, sa pag-asang sa pamamagitan nito’y mahahango ang mga kaluluwang hinihinagap na nagdurusa sa kabulaanang purgatoryo.  Alam ng lahat ng pari ang kabuktutang ito ng Iglesia Romana, nguni’t nangangapit pa rin sila rito dahil sa pakinabang.  Alam din nilang ito’y (ang purgatoryo) walang saligan sa Banal na Kasulatan, at si Cristo at ang unang Kristiayano’y walang kamalayan ukol dito; nguni’t sinasamantala nila ang kamangmangan ng kanilang kaanib upang katasin mula sa kanila ang salapi sa ilalim ng balatkayong pagliligtas sa kanilang mga yumaong mga minamahal mula sa hinihinagap na pagdurusa sa kabulaanang purgatoryo.  Salamat na lamang sa Diyos at nagkaroon ng isang Lucien Vinet na nagkaroon ng lakas ng loob na ibunyag ang karima-rimarim na raket ng mga nagpapanggap pa namang mga kahalili ng Diyos dito sa lupa.

HINDI MATAGALAN NG ISANG PARI ANG SUMBAT
SA KANYA NI CRISTO DAHIL SA KANYANG
PAGNANAKAW SA SALAPI NG MGA TAO NA
IBINABAYAD SA KANYANG PAGMIMISA.
     Isa pa ring paring katoliko ang dahil sa hindi matagalan ang sumbat sa kanya ni Cristo dahil sa kanyang pagnanakaw sa salapi ng mga kaawa-awang tao sa pamamagitan ng kanyang walang kabuluhang pagmimisa, ay iniwan ang pagka-pari.  Siya’y si G. Joseph Zacchello, na nagtamo ng karapatang pagkapari noong ika-22 ng Oktubre, 1939.  Ganito ang kanyang pagtatapat na mababasa sa kanyang sinulat na polyeto na pinamagatang The Priest Who Found Christ:

     “Ang mga maralitang tao ay pinagkakalooban ako ng mula sa $5.00 hanggang $30.00 sa dalawampung minutong seremonyang tinatawag na misa, sapagka’t ipinangangako ko sa kanila na palalayain ang kaluluwa ng kanilang mga kamag-anak sa apoy ng purgatoryo.  Nguni’t sa tuwing pagmamalasin ko ang malaking krusipiho sa dambana ay waring si Cristo ay sinusumbatan ako at sinasabing:  NINANAKAW MO ANG SALAPI NG MGA TAO, ng mga nilikhang nagpapakahirap sa paggawa, sa pamamagitan ng iyong walang katotohanang mga pangako.  Ikaw ay nagtuturo ng mga aral na laban sa Aking mga aral.”

     Maliwanag ang pagtatapat na ito ng naging paring si Joseph Zacchello.  Pagnanakaw ang tawag sa kanilang ginagawang pagsingil sa mga tao ng salapi, dahil sa kanilang pagmimisa na ipinangangakong palalayain ang kaluluwa ng kanilang mga minamahal sa apoy ng purgatoryo.  Sinusumbatan siya ni Cristo, ayon sa kanya, at sinasabing ang kanyang mga pangako ay walang katotohanan, at nagtuturo siya ng mga aral na laban sa Kanyang mga aral.  At dahil hindi niya matagalan ang sumbat sa kanya, iniwan niya ang pagka-pari at ipinagtapat ang mga katotohanang ito.  Ganito sana ang lahat ng mga pari!  Lahat sana ng mga paring katoliko’y katulad nina Lucien Vinet at Joseph Zacchello!

“ADELANTADO” PA ANG PAGBABAYAD SA MISANG
PATUNGKOL SA KALULUWANG NASA PURGATORYO (RAW).
     Bihirang katoliko marahil ang nakakaalam na buhay pa sila ay dapat na silang magbayad (adelantado ang bayad) sa mga pari (P5.00 isang misa; 30 sunud-sunod na araw na magmimisa kaya ang kabuuang halaga ay P150), upang kung sila’y mamatay ay makasiguro (raw) sila na maipagpamisa ang kanilang mga kaluluwa.  Sa ikatitiyak ng mga kababayang katoliko ng mga bagay na ito, tunghayan ninyo ang sinasabi sa The Family Christian Calendar 1950:

    
“MAKIPAGKAYARI NGAYON UKOL SA MISA PAGKATAPOS NG INYONG KAMATAYAN”
“Ang aming Tanging Kasunduan ukol sa Misa (Misa Espesyal) ay magdudulot sa iyo ng kapakinabangan ng mga Misa batay sa halaga sa Kasunduan kapagkaraka pagkatapos ng inyong kamatayan—panahong nangangailangan ang iyong kaluluwa ng tulong ukol sa espiritu.  Walang pagkabalam gaya ng sa mga bagay na ang testamento  ay pinawalang kabuluhan, walang misang gaganapin.  Kung ilalagak mo ang iyong bayad ngayon, pinananagutan namin na magsagawa ng mga Misa, kapagkaraka na maipagbigay alam sa amin ang iyong pagkamatay at kung hihilingin mo, magbabayad kami ng 2% (P.02 sa piso na tubo) sa iyong deposito, kung ito’y P200.00 o higit pa.  May karapatan ka rin, kung ibig mo, na kuning muli ang kuwalta sa panahon ng mahigpit na pangangailangan na kami’y mabigyan ng tatlumpung araw na palugit.

     “Sa ganitong magaan na paraan pinakamabuting magbigay samantalang nabubuhay ka pa niyong binabalak mong ibigay sa panahon ng kamatayan.  Ano mang halaga mula P50.00 pataas ay tinatanggap.

     Ang halaga ng isang Misa ay P5.00.

“MGA MISA NI GREGORIO”
     “Si San Gregoriong Dakila ay itinagubilin ang paggawa ng 30 Misa sa loob ng 30 sunud-sunod na araw na tanging patungkol sa pagpapahinga ng tanging tinutukoy na patay.  Ito ang banal na paniniwala, pinatutunayan ng maraming multo, na sa katapusan ng ika-30 Misa ang kaluluwa ay mahahango sa apoy ng Purgatoryo.

     “Ang tatlumpung Misang ito ay kailangang isagawa sa loob ng 30 sunud-sunod na araw, walang patlang.  Kung mapatlangan, dapat ulitin mula sa pasimula.

     “Ang mga ito’y maaaring patungkol lamang sa namatay.

     “Ang mga Misa ni Gregorio ay isa sa mga dakilang tulong sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.

“ANG MGA MISA NI GREGORIO UKOL SA ISANG TAO”
     “Magkaroon ng mga Misa ni Gregorio patungkol sa iyong mahal na yumao at makipagkayari na ang mga ito’y maisagawa kapagkaraka pagkatapos ng iyong pagkamatay.  Wala nang ibang higit na maaaring makaalaala na maipatungkol sa iyo kundi ikaw na rin.

     “Ipadala ang iyong bayad sa mga Pari ni San Pablo at makipagkayari sa mga mapagkakatiwalaang mga tao na magbabalita sa amin pagkatapos ng iyong pagkamatay.  Ang Misa ay sisimulan agad.

“BAYAD SA MGA MISA NI GREGORIO”
     “Ang mga Pari ni San Pablo ay tumatanggap ng pinakamababang bayad sa halagang P150 sa mga misa ni Gregorio.  Maraming tao ay nagpapadala ng malaking bayad dahil sa pangyayaring ang pananagutan ng mga Misa ni Gregorio ay nagtataglay ng kapansinpansing balakid.”  

     Ito’y maliwanag.  Hinihingi ng mga pari na kayo’y (mga Katoliko) magbayad na samantalang nabubuhay, upang kung mamatay ay tiyak daw na maipagpapamisa agad ang inyong kaluluwa, at tiyak din nilang sa katapusan ng ika-30 Misa (30 Misa ang gagawin sa loob ng 30 sunud-sunod na araw), ang kaluluwa raw ninyo’y mahahango sa apoy ng Purgatoryo.  Samakatuwid, talagang ang mga katoliko, ayon sa mga pari, pagkamatay ay sa purgatoryo ang tungo—walang kasala-sala na sa purgatoryo ang tungo!  Kaya ngayon pa’y (buhay ka pa at wala pa sa purgatoryo nila) pinagbabayad ka na upang pagkamatay mo’y masimulan na nila ang paghango sa inyong kaluluwa.  Nguni’t ang nakapagtataka lamang nito’y naipagpamisa mo na’t lahat, nagdaan na ang maraming Todos los Santos, ay hindi pa rin nahahango ang nasabing kaluluwa.  May talaan ba ang mga pari ng mga kaluluwang mga nahango na, ang mga kasalukuyang hinahango at ang mga hahanguin pa?  Natitiyak kong wala!  At talaga namang wala.  Ang unang wala ay ang sinasabi nilang purgatoryo.  Iyan ay hindi umiiral at kabulaanan lamang!  At lalong walang mga kaluluwang sinasangag doon!  Panahon na upang idilat ng mga kababayang Katoliko ang kanilang mga mata sa katotohanan!  Magsuri lamang sila at ang pagbatayan ay ang mga salita ng Diyos na nasusulat sa Biblia, matitiyak nilang sila ay nadaya at nalinlang!  Magbalik loob kayo sa Diyos habang may panahon pa!



Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church Of Christ/Kabanata XIV/Pahina 112-123