IBA ANG IGLESIA
KATOLIKA
SA IGLESIANG
ITINAYO NI CRISTO
Ang isa sa malaking pagdaraya ay ang pagtuturo na ang
Iglesia Katolika Apostolika Romana ay siyang Iglesiang itinayo ni Cristo. Ang mga paring Katoliko at ang kanilang mga
upahan ang nagpapalaganap ng malaking kasinungalingang ito. Maraming tao ang kanilang napapaniwala na ang
Iglesia Katolika ay ito ang Iglesiang itinayo ng ating Panginoong
Jesucristo. Kaya panahon na ngayon upang
mabuksan ang pag-iisip ng mga nadaya at mamulat sa katotohanang iba pala ang
Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni Cristo, gaya ng sinasabi ng paksa ng
kabanatang ito. Patutunayan namin sa
pamamagitan ng mga talata ng Biblia at ng mga aklat na sinulat ng mga pari at
mga tagapagturong katoliko, na iba ang Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni
Cristo. Ang Iglesia Katolika ay hindi Iglesia ni Cristo. Ano ang isa sa
pagkakaiba ng Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni Cristo?
Ano ba ng Iglesia Katolika ayon sa “Doctrina Cristiana”?
Sa Catecismo o Doctrina Cristiana na sinulat ni Pari Luis de Amezquita, pahina 25,
ay ganito ang sinasabi:
“T. Ano kaya ang Santa Iglesia Catolica?
“S. Ang kalahatang Kristiano, at ang puno
nila’y Santo Papa sa Roma.”
Ang sabi
rito’y ang Iglesia Katolika raw ay ang kalahatang Cristiano at ang puno nila’y
ang Papa sa Roma. Ang dapat sana nilang
sabihi’y ang kalahatang Katoliko at hindi ang kalahatang Cristiano. Sapagka’t sa Maikling Katesismo ng Aral Kristiano, pahina 50, ay sinasabing ang
mga kaanib na bumubuo sa Iglesia Katolika at sumusunod sa Papa at mga Obispo ay
tinatawag na mga Katoliko. Kaya ang
tamang sabihin nila’y ang Iglesia Katolika ay ang kalahatang katoliko, at ang
puno nila’y ang Papa sa Roma.
Sino naman ang puno o pangulo ng Iglesiang itinayo ni Cristo ayon sa turo ng mga
Apostol? Ang
Papa ba sa Roma? Basahin natin
ang itinuro ni Apostol Pablo na nasa Efeso 5:23, na ganito ang sinasabi:
“Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.”
Sino ang puno
o pangulo ng Iglesiang itinayo ni Cristo?
Hindi ang Papa sa Roma!
Sino? Si Cristo ayon kay Apostol
Pablo. Sino ang gumawa kay Cristo na
maging pangulo ng Iglesia? Ang Diyos
(Efe. 1:20-23). Ano ang karapatan ng mga
pari upang alisin si Cristo sa pagka-Pangulo ng Iglesia at ang ipalit ay ang
kanilang mga Papa? Ito lamang ay
maliwanag nang katunayan na iba nga ang Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo
ni Cristo. Ang puno ng Iglesia
katolika’y ang Papa. Ang Puno ng
Iglesiang itinayo ni Cristo ay si Cristo.
Magkaiba sa
batong pinagtayuan
Ano pa ang
ibang katunayang iba nga ang Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni
Cristo? Pumunta naman tayo sa batong
pinagtayuan o saligan ng Iglesia. Ayon sa tagapagturong katoliko, sino raw ang batong
pinagtayuan ng Iglesiang itinayo ni Cristo? Sa Ang Pananampalataya ng ating mga Ninuno
na sinulat ni Cardinal Gibbons, pahina 105, ay ganito ang sinasabi:
“Si Hesus na ating Panginoon ay nagtatag ng iisa lamang
Iglesia, na minarapat Niyang itayo sa
ibabaw ni Pedro. Samakatuwid, ang alin mang Iglesiang di
kumikilala kay Pedro bilang kanyang kinatatayuan ay di siyang Iglesia ni
Cristo, at samakatuwid ay di mangyayaring tumatag sapagka’t di gawa ng Diyos.”
Ayon kay
Cardinal Gibbons, si Pedro raw ang batong pinagtayuan ni Cristo ng Kanyang
Iglesia. Totoo kaya ito? Pumapayag ba si
Apostol Pedro na siya nga ang batong pinagtayuan ni Cristo ng Iglesia? Itanong natin sa kanya, sapagka’t siya ang kausap ni Cristo (at hindi
si Cardinal Gibbons) noong sabihin nitong itatayo Niya ang Kanyang Iglesias a
ibabaw ng bato. Sino
ang itinuro ni Apostol Pedro na batong pinagtayuan ng Iglesiang itinayo ni
Cristo? Sa I Pedro 2:3-5, ay
ganito ang sinasabi:
“Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya: Na kayo'y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Dios ay hirang, mahalaga, Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.”
Ang sabi
ni Pedro’y “kung inyong napagkilala na
ang Panginoon ay mapagbiyaya.” Sino ang
tinutukoy dito ni Pedro na Panginoon? Sa
Gawa 2:36, sinabi ni Pedro na ang Panginoon ay si Cristo. Pagkatapos ay sinabi niyang “kayo’y
magsilapit sa Kanya”—sa Panginoon o kay Cristo,--“na isang batong buhay.” Bakit pinalalapit ni Pedro kay Cristong bato
ang mga tao? Upang matayong buhay na
ukol sa espiritu. Samakatuwid, hindi
tinatanggap ni Apostol Pedro ang pagtuturo ng mga paring katoliko na sa kanya
nakatayo ang Iglesia. Mali ang turong
ito. Hindi kay Pedro nakatayo ang
Iglesia kundi kay Cristo. Nag-iisa ba si Pedro pagtuturong kay Cristong bato nakatayo
ang Iglesiang itinayo ni Cristo?
Basahin naman natin ang patotoo ni Apostol Pablo. Sa Efe. 2:20-22, ay ganito ang sinasabi:
“Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok; Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon; Na sa kaniya'y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.”
Si Apostol
Pablo man ay nagpapatotoo na ang batong pinagtayuan ng Iglesiang itinayo ni Cristo ay si Cristo
at hindi si Pedro. Nagkakaisa si Pedro
at si Pablo sa partuturo na si Cristo ang batong pinagtayuan ng Iglesia. Ang aral naman ng mga katoliko ay kay Pedro
nakatayo ang Iglesia. Ito pa ang isang
katunayan na magkaiba nga ang Iglesia Katolika at ang Iglesiang itinayo ni
Cristo.
Ano pa ng
pagkakaiba ng Iglesia Katolika
at ng Iglesiang
itinayo ni Cristo noong unang siglo?
Sa
kinikilalang Tagapamagitan ay magkaiba rin ang Iglesia Katolika at ang
Iglesiang itinayo ni Cristo. Sinu-sino ang kinikilala ng mga katoliko na pintakasi nila o
Tagapamagitan sa Diyos? Sa Ang Aral Na Katoliko ni Enrique Demond, pahina 115, ay ganito ang sinasabi:
“Itinuturo ng Santa Iglesia Katolika na ang paggalang at
pagdalangin sa mga santo sa langit ay lubhang magaling at pinakikinabangan ng
ating kaluluwa … Tayo’y dumadalangin sa mga santo upang sila’y mamanhik at
mamagitan sa Dios ng mga grasia at biyaya para sa atin.”
Maliwanag ang
sagot sa atin ng paring si Enrique Demond tungkol sa kung sinu-sino ang
kinikilala ng mga katoliko na kanilang pintakasi o tagapamagitan nila sa
Diyos. Ang mga santo raw nila. Nananalangin daw sila sa mga santo upang
ipamagitan sa Diyos. Sinu-sino itong mga
santong dinadalanginan ng mga katoliko?
Nananalangin sila kay Santa Mariang Birhen, kay San Miguel Arkangel, Kay
San Juan Bautista, sa mga santos Apostoles, kay San Pedro, kay San Pablo, kay
San Agusting Ama nila, at sa lahat ng mga santo (todos los santos); at pati sa
mga pari ay nananalangin din sila, sapagka’t ang mga ito’y tagapamagitan din
daw sa Diyos (Catecismo ni Pari Luis
de Amezquita, pahina 15; Ang Aral na katoliko, ni Enrique Demond, pahina 228).
Sino naman ang kinikilala ng mga kaanib sa Iglesiang itinayo
ni Cristo na kanilang Tagapamagitan sa Diyos, at ilan ang kinikilala nilang
Tagapamagitan? Ganito ang sagot
ni Apostol Pablo:
“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim.
2:5)
Iisa lamang
ang Tagapamagitan sa Diyos ng mga Iglesia
ni Cristo. Hindi marami na gaya ng
mga Katoliko. Sino lamang ang tangi at
iisang Tagapamagitan ng Iglesia ni Cristo? Ang taong si Cristo Jesus. Iyan ang turo ng mga Apostol. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa turong iyan
ng mga Apostol, ,mga kaibigang katoliko?
Nagpapanggap pa naman kayong Apostolika—ang aral at turo raw nila’y ang
aral at turo ng mga Apostol—bakit kayo hindi nasisiyahan sa turo ng mga
Apostol? Bakit ang aral ninyo’y iba sa
aral ng mga Apostol? Iyan ang lalong
maliwanag na katunayan na iba nga ang Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni
Cristo noong unang siglo. Marami ang
Tagapamagitan ng Iglesia Katolika—ang mga santo at santa nila. Iisa ang Tagapamagitan ng Iglesia ni Cristo—si Cristo lamang.
Bakit si Cristo lamang ang tanging Tagapamagitan sa Diyos ng
mga Iglesia ni Cristo? Ano ang katangian
ni Cristo sa pagiging Tagapamagitan? Sa I Juan 2:1-2, ganito naman ang sinasabi ni
Apostol Juan:
“Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid: At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman. ”
Ang sabi ni
Apostol Juan, kung tayo’y magkasala ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si
Jesucristo, ang matuwid; at Siya ang pampalubag-loob sa ating mga
kasalanan. Samantalang ang mga
tagapamagitan ng mga katoliko ay hindi matuwid kundi mga nagkasala sa harap ng
Diyos. Si Cristo na Tagapamagitan ng Iglesia ni Cristo ay matuwid—hindi
nagkasala kailanman, kaya Siya lamang ang pampalubag-loob sa ating mga
kasalanan. Ang mga santo ng Iglesia
katolika ay hindi makalulubag ng loob kundi makagagalit sa Diyos, sapagka’t
hindi sila ang inilagay ng Diyos na Tagapamagitan kundi si Cristo.
Magkaiba rin sa
pinagkukumpisalan
ng mga
kasalanan
Tungkol sa
pagkukumpisal ay nagkakaiba rin ang Iglesia Katolika sa Iglesia ni Cristo. Kanino nagkukumpisal ang mga katoliko kung sila’y nagkakasala
sa Diyos? Sa pari, gaya ng
mababasa natin sa Ang aral Na Katoliko
ni Enrique Demond, pahina 217:
“Paano ang
pagdulog sa konfesor? Pasimulan natin
ang pagkukumpisal na sasabihin:
‘Bendisionan mo ako Padre, sa
ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. Ako po’y nagkumpisal na mayroon na ngayong
______ Dito’y sabihin natin kung ilang linggo, ilang buwan o ilang taong hindi
tayo nagkumpisal______ ‘Ipinagkukumpisal ko ngayon ang aking mga kasalanang
pinagsisihan ko’______ Dito’y sabihin at ipagkumpisal nating maliwanag ang
ating mga kasalanan at kung ma kailang ginawa natin. Pagkasabi ng mga kasalanan natin ay isunod na
wiwikain: ‘At ikaw, Padre, yayamang kahalili ka ng Dios dito sa lupa, ako’y
kalagan mo sa kasalanan ko at parusahan mo ako.’”
Kanino
nagkukumpisal ang mga kaanib sa Iglesia Katolika? Sa kanilang mga pari. Kanino naman nagkukumpisal ang mga kaanib o ang mga sangkap ng katawan ni
Cristo? Ganito ang sabi ni
Apostol Juan:
“Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” (I Juan
1:9).
Kanino
ipinahahayag o ikinukumpisal ng mga Iglesia
ni Cristo ang kanilang mga kasalanan?
Sa Diyos. Hindi sa harap ng mga
tao. Bakit sa Diyos? Sapagka’t sa Kanya tayo nagkasala at sa Siya
lamang ang makapagpapatawad sa ating mga kasalanan at makalilinis sa lahat ng
ating mga kalikuan. Kanino nagkumpisal si David ng kanyang mga kasalanan? Sa Awit 51:1-4, ay ganito ang ating mababasa:
“ Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang. Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan. Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka. ”
Kanino
ikinumpisal ni David ang kanyang mga kasalanan?
Sa Diyos lamang, sapagka’t sa Diyos siya nagkasala, at ang Diyos lamang
ang makapapawi ng kanyang mga pagsalansang.
Ang Diyos lamang ang makahuhugas ng kanyang mga kasalanan. Samantalang ang mga katoliko’y sa kanilang
mga pari nagkukumpisal. Sa mga pari nila
idinudulog ang kanilang mga kasalanan.
Hindi ba maliwanag na iba ang Iglesia katolika sa Iglesia ni Cristo? Iba at
napakalaki ng pagkakaiba.
Magkaiba sa
pangalan ang Iglesia Katolika
at ang
iglesiang itinayo ni Cristo
Kanino nanggaling ang pangalang Iglesia Katolika Apostolika
Romana? Galing ba ito kay Jesus? Ang paring si Juan Trinidad ang ating
pasagutin, sa pamamagitan ng kanyang munting aklat na pinamagatang Ang Sagot Na Katotohanan Sa Iglesia Ni
Cristo. Sa pahina 10 ng aklat na ito
ay ganito ang sabi ng pari:
“Hindi galing
kay Jesus ang Pangalang ‘Iglesia Katolika Apostolika Romana’.”
Tinatanggap ng
mga paring katoliko na hindi galing kay Jesus ang pangalang Iglesia Katolika
Apostolika Romana. Kung gayon ay saan galing?
Sino ang lumikha ng pangalang ito? Pari din ang sasagot sa tanong na iyan, ang
paring si Clement H. Crock. Sa aklat ng
paring ito na pinamagatang The Apostles’
Creed, pahina 191, ay ganito ang sinasabi:
“In 1870, at
the Vatican Council, the name ‘Roman Catholic Church’ was proposed, but it was
rejected. The bishops assembled
unanimously decided upon this official name:
‘The Holy Catholic Apostolic Roman Church’…”
Sa Pilipino:
“Noong 1870, sa
Konsilyo sa Batikano, ang pangalang ‘Iglesia Katolika Romana’ ay iminungkahi
datapuwa’t tinutulan. Ang mga obispong nagkatipon
ay buong pagkakaisang nagpasiya sa pangalang opisyal na ito: ‘Ang Banal na Iglesia Katolika Apostolika
Romana’.”
Sino ang
lumikha ng pangalang Iglesia Katolika Apostolika Romana? Ang Konsilyo ng Batikano noong 1870. Samakatuwid, tama ang sabi ng paring si Juan
Trinidad na hindi nga galing kay Jesus ang pangalang Iglesia Katolika
Apostolika Romana. Ano naman ang
pangalan ng Iglesiang itinayo ni Cristo, ayon kay Apostol Pablo? Iglesia ni Cristo ang tawag ni
Apostol Pablo sa Iglesiang itinayo ni Cristo (Roma 16:16). Bakit Iglesia
ni Cristo ang itinawag ni Pablo sa Iglesiang itinayo ni Cristo? Sapagka’t ang sabi ni Jesus “Itatayo ko ang Aking Iglesia” (Mat. 16:18). Aking
Iglesia ang tawag ni Jesus. Iglesia
ni Cristo naman ang tawag ni Pablo.
Bakit Aking Iglesia ang tawag ni Jesus at Iglesia ni Cristo ang tawag ni Pablo sa Iglesiang itinayo ni
Cristo? Ano ba iyong Iglesia? Sa Col. 1:18, ay sinasabi: “At siya ang ulo ng katawan, samakatuwid baga’y ng Iglesia.” Ano ang Iglesia? Ang Iglesia ay katawan ni Cristo at si Cristo
ang ulo nito, kaya Iglesia ni Cristo
ang itinawag, na ang kahuluga’y katawan
ni Cristo.
Pinatutunayan
ba ng mga paring Katoliko na Iglesia ni
Cristo nga ang pangalang itinawag sa Iglesiang itinayo ni Cristo? Pinatutunayan. Mababasa natin ang patotoo ng paring si
Francis B. Cassilly sa aklat na sinulat nito na pinamagatang Religion:
Doctrine and Practice. Sa
pahina 442 ng aklat na ito ay ganito ang sinasabi:
“Did Jesus Christ establish a Church? Yes, from all history, both secular and
profane, as well as from the Bible considered as a human document, we learn
that Jesus Christ establish a Church, which from the earliest times has been
called after him the Christian Church or the Church of Christ.”
Sa Pilipino:
“Si Jesucristo ba’y nagtayo ng Iglesia? Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, maging
pansanlibutan at di-ukol sa kabanalan, gayundin naman sa mula sa Biblia na
kinikilalang makataong kasulatan, naalaman natin na si Jesucristo ay nagtayo ng
Iglesia, na mula pa sa kauna-unahang panahon ay tinawag nang sunod sa Kanya ang
Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo.”
Maliwanag ang
patotoo ni Pari Cassilly. Si Cristo ay
nagtayo ng Iglesia at ang pangalang itinawag ay Iglesia ni Cristo.
Samakatuwid, maging sa pangalan ay iba ang iglesia Katolika sa Iglesiang
itinayo ni Cristo.
Lubhang
napakarami pa ang pagkakaiba ng Iglesia Katolika at ng Iglesiang itinayo ni
Cristo, ngunit sapat na ang ilang mga patotoo na aming inilahad upang makilala
ng mga kababayang katoliko at ng mga nagsusuri at naghahanap ng katotohanan, na
iba ang Iglesia Katolika sa Iglesiang itinayo ni Cristo. Hindi totoo ang sinasabi at ipinangangaral ng
mga pari na Iglesia Katolika ang Iglesiang itinatag ni Cristo noong unang siglo
sa Jerusalem. Ito ay malaking
pagdaraya! Isang malaking
kasinungalingan at panlilinlang! Imulat
na ninyo ang inyong mga mata sa harap ng katotohanan, mga kababayang
katoliko. Dinaya kayo ng inyong mga
pari. Pinapaniwala kayo sa
kasinungalingan. Magbalikloob kayo sa
Diyos. Lumayas kayo sa Iglesia Katolika
at pumasok kayo sa Iglesia ni Cristo.
Hango mula sa aklat na Isang
Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 INC/Pahina 59-66