TUNGKOL SA MGA PISTANG KATOLIKO
Ang relihiyon na may pinakamaraming pistang
ipinagdiriwang ay ang Iglesia Katolika Apostolika Romana. Natataranta na halos ang mga katoliko sa
karamihan ng pistang ipinag-uutos sa kanila ng mga pari na ipagdiwang. Ang bayan ay totoong hirap na sa kapipista,
na ang mga salaping kanilang pinagpatuluan ng pawis at tinipon sa mahabang
panahon ay nalilimas na lahat sa araw ng pista, at ang kalimitan ay
nagkakautang pa ang pobreng naghanda dahil sa karamihan ng mga panauhing
nakipamista sa kanilang bayan o nayon.
At ang lalong masama pa nito, walang kabanalang natatamo o naidudulot sa
tao ang mga pistang ito, kundi kasalanan pa nga at nagbubunga ng mga kaguluhan,
patayan, saksakan at sarisaring kapahamakan.
Kaya matatawag nating peste ang mga pistang ito ng Iglesia Romana.
Ang iba’t ibang
pistang pinagtibay ng Iglesia Katolika
Hindi lamang
ang mga santu-santohang ginawa ng mga Papa ang ipinagpipista taun-taon sa lahat
halos ng bayan at nayon dito sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng daigdig,
kundi ang iba’t ibang pistang pinagtibay ng Iglesia Katolika, gaya ng tinatawag
nilang Mahal na Araw at lahat ng matatandang pistang Judio tulad ng Pentecoste,
at ang Domingo na lalong kilala sa tawag na Linggo. Ang mga pistang ito’y pinagtibay noong
ikatlong siglo, malaon nang nasa langit ang ating Panginoong Jesucristo at
malaon na ring patay ang mga Apostol.
Tangi rito’y
lumikha rin ang Iglesia katolika ng mga pista ukol kay Cristo, ang tinatawag
nilang Epifania at Pasko, at gayundin ang mga pistang patungkol sa mga
Confesor, gaya nina Martin at Gregorio.
Ang lahat ng ito’y pinagtibay noong ikaapat na siglo.
At noong
ikaanim at ikapitong siglo, nilikha rin ng Iglesia Katolika ang pistang
patungkol sa Birhen, at marami pang mga pista, ang bilang nito’y umaabot ng
mahigit na isang daan, hindi pa kasama rito ang pista ng Monasterio at mga
Simbahan. (The Catholic Encyclopedia, Vol. VI, pahina 20-22).
Naghirap ang
Buhay ng mga Katoliko at tumutol,
Kaya binawasan
ng Papa ang maraming pista.
Dahil sa
karamihan ng mga pistang ipinatutupad ng Iglesia Katolika, ay naghirap ang
buhay ng mga katoliko na rin, ayon sa tala ng The Catholic Encyclopedia, at sila’y tumutol sa bagay na ito. Kaya’t ipinasiya ng Papa Graciano noong 1150,
na apatnapu’t isang (41) pista na lamang ang ipagdiwang. Nguni’t nang maging Papa si Gregorio noong
1235, ginawa naman niyang apatnapu’t lima (45).
At noong ikalabin-tatlong siglo, ipinasiya ni Papa Urbano na tatlumpu’t
anim (36) na pista na lamang ang ipagdiwang, at binalaan ang mga Obispo na
huwag nang lumikha ng mga bagong pista.
Noon namang
1727, ipinasiya ni Papa Benedicto XIII, na gawin na lamang labimpito (17) ang
pista, at ito’y sa Espanya lamang, at sa Sisilya noong 1748, sa Austria noong
1745, at sa wakas ay ginawa na lamang na labinlimang (15) pista, at ipinasiya
ni Papa Pio VI, na ang pagbabawas ay sa lahat ng bansa sa buong mundo, na
kinatatalatagan ng Iglesia Katolika Apostolika Romana (The Catholic Encyclopedia, Vol. VI, pahina 20-22).
Walang
kinalaman ang Diyos, si Cristo at ang mga Apostol sa mga Pistang kinatha
ng Iglesia Katolika, kaya ito’y mga utos tao lamang.
Ang mga
pistang ito ng Iglesia Katolika na
dumami at kumaunti, maragdagan at mabawasan ay sariling-sarili lamang niya at
walang kinalaman ang Diyos, si Cristo at ang mga Apostol. Ni isa man sa mga pistang ito’y hindi
ipinag-uutos ng Diyos, hindi ipinag-uutos ni Cristo, at hindi rin ipinag-uutos
ng mga Apostol. Kung ang Diyos ang may
utos ng mga pistang iyan ng mga katoliko, sino ang mga Papa upang pangahasang
dagdagan o bawasan ang mga utos ng Diyos?
Ang Diyos ay mahigpit tungkol sa Kanyang mga utos. Sinabi niya:
“Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.” (Deut. 12:32)
Mahigpit na
ipinagbabawal ng Diyos ang pagdaragdag at pagbabawas sa Kanyang mga utos. Kung ano lamang ang Kanyang iniutos, iyon
lamang ang dapat isagawa ng tao. Ang
paglabag dito’y kasalanan. Ayon naman sa
ating Panginoong Jesucristo, kahi’t tuldok o kudlit ay hindi dapat mawala sa
kautusan hanggang maganap ang lahat ng bagay (Mat. 5:18). Parurusahan ba ang magdagdag at magbawas sa
mga utos ng Diyos?—Parurusahan! Ano ang
parusa?—Ang magdaragdag ay daragdagan ng salot, at ang mag-alis o magbawas ay
aalisin ang kanyang bahagi sa punong kahoy ng buhay at sa Bayang Banal (Apoc.
22:18-19). Dahil dito, kung ang mga
pistang katoliko ay tunay na utos ng Diyos, ang mga Papa ng Iglesia Katolika ay tiyak na
tatanggap ng parusa, sapagka’t sa pamamagitan nila’y nadaragdagan at
nababawasan ang mga pista.
Hindi kabanalan
at walang kabuluhan ang
Pagsambang
nababatay sa utos ng tao.
Dahil sa ang
mga pistang katoliko ay hindi utos ng Diyos kaya ito ay utos lamang ng tao at
katha ng tao. At sapagka’t ito’y hindi
utos ng Diyos, may kabanalan kayang matatamo sa pagsunod dito? Sa Juan 17:17, ay sinabi ng ating Panginoong
Jesucristo:
“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.”
Ayon sa ating
Panginoong Jesucristo, ang katotohanan ang makababanal sa tao. Alin ang katotohanan?—Ang katotohanan ay ang
mga salita ng Diyos. Katotohanan ukol sa
ano ang mga salita ng Diyos? Katotohanan
ayon ayon sa kabanalan (Tito 1:1). Samakatuwid, ang pagsunod at pagtatapat sa
mga salita o utos ng Diyos, ito ang kabanalan.
Sa labas ng mga salita ng Diyos ay walang kabanalang ipagiging
dapat. At dahil sa ang mga pistang
katoliko ay utos lamang ng tao, hindi kabanalan sa harap ng Diyos ang pagsunod at pagtatapat dito.
Tangi sa hindi
kabanalan sa harap ng Diyos ang pagsunod sa utos ng tao, ano pa ang sinasabi ng
Diyos kung ito’y pagbatayan natin ng pagsamba sa Kanya? Ganito ang nasusulat sa Mat. 15:9:
“Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”
Kung gayon,
ang pagdaraos ng mga pista ng Iglesia Katolika ay walang kabuluhan sa harap ng
Diyos. Kung hindi kabanalan at walang
kabuluhan, bakit pa tayo magdaraos ng mga pista? Bakit natin gugugulin ang ating salapi, pagod
at panahon sa bagay na walang kabuluhan?
Dapat nating mapag-isip-isip ito, mga kababayang Katoliko. Imulat natin ang ating mga mata sa harap ng
katotohanan. Huwag tayong pabulag sa mga
pari. Huwag tayong sumunod ng pikit-mata
sa kanilang mga utos. Itakwil natin ang
mga utos ng pari na hindi makababanal at walang kabuluhan sa harap ng Diyos.
Walang
karapatang mula sa Diyos ang mga Papa at mga Konsilyo Sa paglalagda
ng mga utos na susundin sa pagsamba sa Diyos.
Ang lumilikha
ng mga utos na sinusunod ng mga katoliko at ginagamit sa kanilang mga pagsamba
sa Diyos ay ang Konsilyo sa pamumuno ng Papa sa Roma. May karapatan ba ang mga Konsilyo at ang Papa
sa paglalagda ng mga utos na susundin ng mga tao sa paglilingkod sa Diyos? Sino lamang ba ang itinuturo ng Biblia na
tanging Tagapagbigay ng kautusan at Hukom?
Sa Sant. 4:12, ay sinasabi ang ganito:
“Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, sa makatuwid baga'y ang makapagliligtas at makapagwawasak: datapuwa't sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?”
Sa talatang
ito’y maliwanag na sinasabi na iisa ang tagapagbigay ng kautusan. Sino ang iisang ito? Ito ba ang papa o ang konsilyo katoliko? Hindi.
Sino? Ang makapagliligtas at
makapagwawasak, samakatuwid ay ang Diyos.
Kung gayon, walang karapatan ang Papa o ang Konsilyo na gumawa ng mga
utos na susundin ng mga tao. Inaagaw
niya ang karapatan ng Diyos! Mangangagaw
ng karapatan ng may karapatan.
“Ang bansa ng
maraming pista.”
Ang Pilipinas
ay tinatawag na “bansa ng maraming mga pista.”
Mula pa sa panahon ng mga Kastila, bawa’t bayang itatag, ang mga pari ay
nagtatayo ng simbahan na may kasamang patron na pipintakasihin ng bayan. Taun-taon ay ipinagpipista ang kaarawan ng
patrong ito. Gayundin, bawa’t nayong
itatag, magkakaroon ng sariling kapilya o visita, at mangyari pa, may patrong
pintakasi; at, taun-taon, pagdating ng kaarawan ng patrong ito, ang nayon ay
magdaraos ng pista. Anupa’t ayon sa mga
tala o mga ulat na tinipon noon pang bago magkadigma, ang Pilipinas ay
nakapagdaraos ng mahigit na sampung libong (10,000) pista sa taon-taon, at ang
mga salaping nagugugol sa mga pistang ito’y umaabot sa halagang dalawampu’t
dalawang angaw (22,000,000.00) na piso
(Ang halagang ito’y noon pang bago magkadigma; tayahin ninyo kung magkano ang
magiging katumbas nito sa kasalukuyan).
Dalawampu’t
dalawang angaw na piso! Kaylaking halaga
na natapon sa walang katuturan! Kung
ito’y ginugol sa kapaki-pakinabang na bagay, lalo na sa ikabubuti ng bayan at
ng mga mamamayan, ay malaki sana ang naging bunga. Nguni’t ginugol lamang sa karangyaan, kainan,
lasingan, sayawan at pagpaparangal sa mga larawan ng mga diyus-diyusan!
At ang lalong
masamang ibinubunga ng mga pista ng mga katoliko ay ang mga patayan, barilan,
saksakan, nakawan, dukutan, at iba pa.
Bihirang pistahan ang hindi natitina ng dugo. Bihirang pistahan ang walang barilan,
saksakan at malulubhang basag-ulo.
Paano’y halos sa lahat ng tahana’y may inuman ng alak o lasingan. At kung lasing na’y gagawa na ng basag-ulo
hanggang sa humantong sa pagpapatayan.
Ang mga mandurukot ay naglisaw kung pista. Sinasamantala nila ang karamihan ng tao upang
isagawa ang kanilang marungis na “hanapbuhay”.
Kung kalian pista ng santo (daw), saka magdamagan ang sugalan, cabaret,
sabungan, at iba’t ibang kalayawan. Kung
kalian pista ng patron, saka nagkalat ang betu-beto, perya, at iba’t ibang uri
ng sugal, at ito’y malimit na sa loob pa ng patio ng simbahan ginagawa. Anupa’t hindi pagpapakasanto ang ginagawa ng
iba sa kaarawan ng kanilang “santo” kundi pagpapakadiyablo. Kaya hindi pista ang dapat itawag kundi peste.
Nagpapahirap sa
taumbayan ang maraming pista
Ayon kay Obispo
Madriaga
Dahil sa
walang tigil na kababatikos ng Iglesia ni
Cristo sa mga pistang Katoliko, nagising din sa wakas ang isa sa mga Obispo
ng Iglesia Katolika, si Obispo Mariano A. Madriaga ng Lingayen at Dagupan. Sa isang sermon ay tinuligsa ng Obispo ang
napakaraming pista ng Iglesia Romana, at
sinabing ito ay salungat sa diwa ng Kristiyanismo. Ganito ang salin sa Tagalog ng pahayag ng
Obispo Madriaga:
“Ang pagdaraos
ng napakaraming pista ay salungat sa diwa ng Kristiyanismo. Ang lumikha ng langit at lupa ay namatay sa
krus ng walang damit, samantalang sa karaniwang pagdiriwang sa taun-taon ng mga
bayan at mga nayon ay may kapuna-punang pagtatanghal sa mga tinatangkilik na
materyal at kapangyarihan sa pananalapi…Kinakailangan nating bawasan ang bilang
ng mga pista hanggang sa sukdulan, sapagka’t ito ang nagpapahirap sa mga
taumbayan, at siyang magsasadlak sa bansa sa pagpapatiwakal at pagdaralita.” (Manila
Times, May 3, 1955)
Kung kami ang
magpapahayag ng mga salitang ito, tiyak na magagalit sa amin ang mga kababayang
katoliko. Marahil nama’y hindi na sila
magagalit ngayon, spagka’t obispo na nila ang may sabing ang pagdaraos ng
maraming pista ay salungat sa diwa ng Kristiyanismo. Nakita ni Obispo Madriaga ang samang
ibinubunga ng mga pistang Katoliko.
Namulat din ang kanyang mga mata sa katotohanang ang mga pistang ito ang
nagpapahirap sa mga taumbayan, at siyang magsasadlak sa ating bansa sa
pagpapatiwakal at pagdaralita. Lahat
sana ng mga Obispo at mga paring Katoliko ay magising na tulad ni Obispo
Madriaga at sana’y hindi lamang dapat bawasan ang mga pista kundi dapat lipulin ito pagka’t ito ang
pinagmumulan ng lahat ng kaguluhan at mga kasamaang naghahari sa ibabaw ng
lupa.
Hango sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni
Cristo/Copyright Iglesia Ni Cristo Church of Christ 1964/Kabanata XIV/Pahina
112-123