Lunes, Disyembre 1, 2014

ANG MISANG ISINASAGAWA NG IGLESIA KATOLIKA

ANG MISANG ISINASAGAWA NG IGLESIA KATOLIKA

Ang unang utos ng Iglesia Katolika Apostolika Romana na mababasa sa kanyang Catecismo ay ito:  “Makinig ng buong misa kung Domingo at piestang pinangingilinan.”  (Catecismo ni Luis de Amezquita, p. 10)

     Malinaw na ang pakikinig ng misa ay hindi utos ng  Diyos kundi utos lamang ng  Iglesia Katolika.  Ang utos na iyan ay maliwanag sa mga Katoliko, sapagka’t iyan ay itinuro sa kanila.  Sinusunod iyan ng mga tapat na Katoliko.  Sinasampalatayanan nila ang utos na iyan nang higit sa pagsampalataya sa mga utos ng Diyos.  Hindi kinaliligtaan ng mga tapat na Katoliko ang pakikinig ng misa tuwing Linggo at kung araw ng pista, at ang iba nama’y halos araw-araw.  Ito’y ginagawa nila sa paniniwalang ang misa ay buhat sa Diyos, at ayon sa itinuro ng mga Pari, ito raw ay itinatag ni Jesucristo.  Dahil sa itinurong ito ng mga Pari, ang iba’y hindi lamang nakikinig ng misa, kundi nagpapamisa pa.  Ipinagpapamisa nila ang kanilang mga namatay na magulang, asawa, kapatid, at mga kamag-anak, sapagka’t itinuro sa kanila ng mga Pari na sa pamamagitan nito (pagpapamisa), ay mahahango ang mga kaluluwang diumano’y pinarurusahan sa purgatoryo.  At sa pagtupad sa utos na ito ng mga tapat na Katoliko ay hindi lamang salapi ang kanilang ginugugol at ibinibigay sa simbahan, kundi pati ng kanilang mga lupain, at ito ang dahilan ng pagkakaroon ng malawak na asyenda ng Iglesia Katolika sa Pilipinas.

Ano ang misa?
     Ang tanging makapagpapaliwang kung ano ang misa ay ang mga Pari ng Iglesia Katolika, sapagka’t ito ay sarili nilang aral na kinatha ng kanilang pag-iisip.  Kaya itanong natin sa Pari kung ano ang misa.  Ayon kay Juan Trinidad, Paring Jesuita, sa kanyang munting aklat na pinamagatang Iglesia ni Cristo, pahina 35, 34, ay ganito ang sinasabi:

     “Ang mahal na misa ay dili iba kungdi ang pagaalay sa Diyos nang mahal na Katawan at Dugo ng ating Panginoong Jesucristo sa anyo ng tinapay at alak.  Ngayon nakita na natin  na ito ang ginawa ng ating Panginoon sa huling hapunan.

    “Sapagka’t sa mahal na Misa ay ating inihahain sa Diyos ang Katawan at Dugo ng mahal niyang Anak na si Jesucristo.”

     Samakatuwid, ayon sa pari, ang misa ay pag-aalay o paghahain sa Katawan at Dugo ni Cristo, sa anyo ng tinapay at alak.  Sa Misa raw ay inihahain nila sa Diyos ang katawan at dugo ng mahal NIyang Anak na si Jesucristo.  Ito raw ay ginawa ni Cristo noong Huling Hapunan.  Samakatuwid, ibig palitawin ng mga Pari na si Cristo ay nagmisa at Siyang nagtatag ng kanilang misa.

Misa ba ang ginawa ni Cristo
noong huling hapunan?
     Ayon sa mga paring Katoliko, misa ang ginawa ni Cristo noong Huling Hapunan.  Kaya sinasabi nila na si Cristo ang nagtatag ng misa.  Ano itong ginanap ni Jesus noong Huling Hapunan na siyang tinatawag na misa ng mga Paring Katoliko?  Sa Luc. 22:19-20, ay ganito ang sinasabi:

     “At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.

    “Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.”

     Ang ginawang ito ni Jesus ay misa ayon sa mga paring Katoliko.  At sapagka’t ang utos na ito:  “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin,” ay ginanap ng mga Apostol at ng unang Iglesia ni Cristo, gaya ng mababasa natin sa I Cor. 11:23-25, sinasabi ng mga Pari na ang mga Apostol man daw ay nagmisa.

Hindi Misa Ang Banal na Hapunan
     Ang ginanap ni Jesus at ng mga Apostol ay hindi misa kundi Banal na Hapunan.  Iba ang misa sa Banal na Hapunan.  Ano ang pagkakaiba?  Ang misa ay paghahain o paghahandog sa katawan at dugo ni Cristo, ayon sa paliwanag ng mga Paring Katoliko.  Ang Banal na Hapunan ay hindi paghahandog o paghahain sa katawan at dugo ni Cristo kundi pag-aalaala lamang sa Kaniyang katawan at dugong inihain.  Sinabi ni Cristo:  “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin.”  Hindi Niya sinabing:  “Gawin ninyo ito upang Ako’y ihain.”

     Tangi sa rito, sa pagsasagawa ay nagkakaiba rin ang misa at ang Banal na hapunan.  Nang ganapin ni Jesus at ng mga Apostol ang Banal na Hapunan, papaano nila isinagawa? —Kumain sila ng tinapay at uminom ng alak o katas ng ubas (Mat. 26:26-29).  Nang ito nama’y ibigay ng mga Apostol sa unang  Iglesia ni Cristo, sa papaanong paraan?  Sinabi ni Apostol Pablo:  “Kung ano ang aking tinanggap sa Panginoon ay siya ko naming ibinibigay sa inyo” (I Cor. 11:23).  Ano ang tinanggap ni Pablo sa Panginoon na siya niyang ibinigay sa Iglesia?  Ang pagkain ng tinapay at ang pag-inom ng alak o katas ng ubas (I Cor. 11:23-25).  Samakatuwid, si Pablo ay isang tapat na ministro.  Tinupad at ipinatupad ang utos ng Panginoon.  Hindi niya dinagdagan o binawasan man.

     Ganito ba ang misa ng Iglesia Katolika?  Hindi ganito!  Napakalaki ng pagkakaiba!  Bakit?  Tinapay lamang ang ibinibigay ng Pari sa mga tao at hindi pinaiinom ng alak.  Sinabi ng pari:  “Tinatanggap natin si Jesucristo sa anyong tinapay lamang.  Hindi dapat tayong uminom sa kalis…” (Aral na katoliko, p. 198).  Samakatuwid, pagkain lamang at walang pag-inom.  Naiiba ito sa ginanap ni Jesus at ng mga Apostol.  Ito ang katunayang iba ang misa sa Banal na Hapunan.  Hindi misa ang ginanap ni Jesus at ng mga Apostol.  Si Jesus ay hindi nagmisa kailanman:  gayundin ang mga Apostol.

Hindi na kailangan ang magmisa o
maghandog araw-araw ng hain
     Sinasabi ng mga Pari na sa misa ay inihahandog nila si Cristo.  At. Kung araw-araw ay nagmimisa sila, araw-araw ay inihahain nila si Cristo.  Sang-ayon ba ang Diyos na maghandog araw-araw ng hain?  Ito ba’y kailangan pa?  Basahin natin ang sagot sa Heb. 7:27:

     “Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili.”

     Maliwanag ang sinasabi sa talata.  Hindi na kailangang maghandog araw-araw ng hain o misa.  Hindi na kailangang ihandog si Cristo (sa misa) araw-araw, sapagka’t inihandog na ni Cristo ang Kanyang sarili minsan at magpakailanman.  Ang misa ay kalabisan—hindi kailangan.  Ito ay laban sa Diyos.  Sinabi ng Diyos:  “Hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain.”  Sabi naman ng mga Pari:  “Kailangang ihandog si Cristo araw-araw sa pamamagitan ng misa.”  Kaya ang mga Pari ay kalaban ng Diyos.  Hinahamak ng misa ang ginawang paghahandog ni Cristo sa krus ng Kanyang sarili.  Hindi na dapat ihandog si Cristo nang paulit-ulit.  Sa Misa’y inihahain si Cristo araw-araw.  Ito’y kalabisan na.  Sapat na ang minsang paghahandog ng katawan ni Cristo sa ikababanal ng mga sumasampalataya sa Kanya.   Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

     “Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.”  (Heb. 10:10)

     Ano pa ang katuturan ng paghahandog sa katawan ni Cristo araw-araw (sa Misa), samantalang ito’y naihandog na ni Cristo minsan at magpailanman?  Ang ibig bang sabihin ng mga Pari’y hindi sapat ang ginawang paghahadog ni Cristo kaya tinutulungan nila ng kanilang misa?  Sila’y nagkakamali, sapagka’t sinasabi ng mga salita ng Diyos na sapat na ang minsang paghahandog ni Cristo ng Kanyang Katawan sa ikababanal ng mga sa Kanya’y sumasampalataya.  Kaya ang Misa ay hindi kailangan at walang kaabuluhan.

Ang makabagong Misa
     Marahil ay mapapansin ng mga bumabasa ang mga salitang “Makabagong Misa.”  Hindi alam ng maraming Katoliko na ang Misang isinasagawa ngayon ng Iglesia Katolika ay hindi katulad ng misang isinagawa nila noong bago mag-ikasampung siglo.  Ang kasalukuyang misa ang tinatawag na Makabagong Misa (Modern Mass).  Ang Misang isinagawa ng Iglesia Katolika noong bago mag-ikasampung siglo ang tinatawag naming “Unang Misa” (Early Mass).  Ang pinakamalaking pagkakaiba ng Makabagong Misa sa Unang Misa ay ang doktrina ng Transubstantiation at Real Presence.”  Ang Unang Misa ay wala nito.

     Ano ang tinatawag na Transubtantiation?”  Ito raw ang mahiwagang pagpapalit, na ang tinapay at alak sa eukaristiya ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Cristo, pagkatapos na ito raw ay mabulungan ng Pari.  Pagkatapos daw na masabi ng Pari ang diumano’y wika ng konsagrasyon, wala na raw tinapay at alak sa altar, sapagka’t ang mga ito raw ay naging katawan at dugo ni Cristo.  Ito ang tinatawag na transubtantiation.”  At ang Real Presence naman ay ang tunay na pagharap (daw) ni Cristo sa eukaristiya (My Catholic Faith, ni Obispo Morrow, p. 285).

Saan, paano at kalian nalikha ang
Makabagong Misa?
       Saan nagmula ang aral tungkol sa “Real Presence” at “Transubtantiation,” at kalian ito ganap na pinagtibay ng Iglesia Katolika?  Ang makapagbibigay sa atin ng ganap na kaliwanagan ukol sa aral na ito ng Iglesia Katolika, ay ang aklat na “The Evolution of the Mass,” ni Louis  Coulange.

     Ang aral na “Real Presence” at “Transubstantiation” ay hindi nagmula sa Diyos, hindi kay Cristo, at hindi sa mga Apostol.  Ang Biblia ay walang anumang sinasabi ukol sa aral na iyan ng Iglesia Katolika.  Iyan ay nagpasimula sa mga karaniwang Katoliko, at pagkatapos ay tinanggap na lamang ng mga Papa, ng mga Padres at Doctores ng Iglesia Romana.

     Dahil sa hindi ganap na pagkaunawa ng mga karaniwang Katoliko sa pangungusap ng Pari kung iniaabot ang ostiya, nagkaroon sila ng isang pakahulugan sa sinasabi ng Pari…iba sa talagang kahulugan na ibig sabihin nito (ng Pari).  Sinasabi ng Pari kung iniaabot ang ostiya:  “Ito ang katawan ni Cristo.”  Sasagot naman ang nakikinabang:  “Amen.”  Ayon sa pakahulugan ng Pari, ang sagutang ito ay may ganitong kahulugan:  Ang salitang “Ito ang Katawan ni Cristo” na sinasabi ng Pari kung iniaabot ang ostiya ay nangangahulugang:  “Sumasampalataya ka ba na si Cristo ay nagkatawang tao na tulad ng sa atin?”  Ang kahulugan naman ng “Amen” na isinasagot ng nakikinabang ay:  “Oo, sumasampalataya ako,”—iyan ang ayon sa pagpapakahulugan ng Pari.  Samantalang ang nakikinabang naman ay may ibang pakahulugan.  Ayon sa kanila, ang sinasabi ng Pari na “Ito ang katawan ni Cristo” at sinasagutan nila ng “Amen” ay nangangahulugang ang ostiyang iniabot sa kanila ng Pari ay tunay ngang Katawan ni Cristo.  Ang paniniwalang ito ay naging paniniwala ng mga nakikinabang na Katoliko, at ito ay lumaganap sa lahat ng dako.  Dahil sa paglaganap ng paniniwalang iyan, napilitan ang Pamunuan ng Iglesia Katolika na iyan ay tanggapin at maging isang ganap na aral sa boong Iglesia Romana.  (The Evolution of the Mass, pahina 106-107).  Ang aral na iyan ang tinatawag ngayong “Real Presence” o ang tunay na pagharap (daw) ni Cristo sa eukaristiya.  Kung gayon ang aral na ito ay hindi mula sa Diyos kundi mula sa maling pagkaunawa ng mga nakikinabang na Katoliko sa pangungusap ng Paari kung iniaabot ang ostiya, at ang kamaliang iyan ang lumalang ng doktrinang “Real Presence” ng Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Dahil sa maling pagkaunawa ay napasunod ng mga karaniwang Katoliko ang kanilang mga Papa!

Ang kauna-unahang tumanggap ng paniniwalang ito (Real Presence) ay si Paschasius Radbert, tagapamahaala ng monastery ng Corbie, Francia.  Sa pamamagitan ng aklat na kanyang sinulat noong taong 844, na pinamagatang “The Body and the Blood of the Lord,” (Ang Katawan at ang Dugo ng Panginoon) ay ipinahayag  niya na ang eukaristiya ay nagtataglay ng tunay na laman ni Cristo na ipinanganak ni Birhen Maria.  Ang aklat na ito sa pasimula ay buong higpit na tinutulan ng maraming manunulat na Katoliko nang panahong yaon, na diyan ay kabilang sina Ratramme at Hrabanus Maurus.  Sa kabila ng mahigpit na pagtutol, ang paniniwalang yaon ay naging ganap na matibay pagkatapos ng pangyayari kay Berenger.

     Si Berenger ay isang tagapagturo ng teolohiya sa katedral ng Tours, Pransiya.  Sa kanyang pagiging masugid na tagasunod ng mga Padres ng Iglesia Katolika, siya ay sumampalataya na ang misa ay isang pag-aalala lamang sa pagkamatay ni Jesucristo, at ang eukaristiya ay isang sagisag lamang ng katawan ni Cristo.  Ang pananalig na ito ay kanyang ipinakipagtalo kay Lafranc, katulong na tagapamahala ng monasteryo ng Bec.  Siya ay isinumbong sa Konsilyo ng Roma na kasalukuyang nagpupulong noon (1050) sa nasabing siyudad, at siya ay hinatulan ni Papa Leo IX.  Pagkatapos ay muli siyang hinatulan ng Konsilyo ng Roma noong 1059 na pinamahalaan ng Papa Nicolas II.  Sa Konsilyong ito, siya (si Berenger) ay hinatulan na sunugin niya sa harap ng mahigit na isang daang Obispo ang lahat ng kanyang sinulat at siya’y pinalagda sa isang kasulatan ng pananampalataya, na doo’y isinasaad ang kanyang ganap na pagtanggap sa bagong pananalig, na ang laman ng eukaristiya ay tunay na Katawan at Dugo ni Cristo (The Evolution of the Mass, pahina 112).  Sa ganyang paraan nagtatagumpay ang Iglesia Katolika Apostolika Romana!  Sa pamamagitan ng dahas at kabagsikan ay naipipilit niyang tanggapin ng mga tao ang kanyang mga mali at buktot na mga aral.  Noong siya’y nasa sukdulan pa ng kapangyarihan, ang sinumang tumutol sa kanya ay walang awa niyang hinahatulan ng kamatayan.  Tinatanggap ngmga tao ang kanyang  itinuturo, hindi dahil sa iyon ang katotohanan, kundi dahil sa takot sa kabagsikan at kalupitan.  Ang kasaysayan ang nagsasabi na ang Iglesia Katolika Apostolika Romana ay natigmak ng dugo, sa dami ng mga bayani at mga martir na kanyang ipinapatay, dahil lamang sa pagtutol sa kanyang mga maling aral.

     Sa pamamagitan ng pasiya ng Konsilyo ng Roma nang taong 1059, ang paniniwalang si Cristo’y buhay na nasa eukaristiya ay ganap na pinagtibay.  Ito ang tinatawag nila ngayong “Real Presence.”  Ang pasiyang ito (Real Presence) ay pinawalang kabuluhan ni Papa Gregorio VII, at sa loob ng maraming taon, siya’y naging tagapagtanggol ni Berenger laban sa kanyang mga kaaway.  Dahil dito, tumawag siya (si Papa Gregorio VII) ng panibagong Konsilyo sa Roma noong taong 1079, upang lutasin ang suliranin ukol sa eukaristiya.  Datapuwa’t ang bagong Konsilyong ito (Konsilyo ng Roma 1079) ay gumawa ng kapasiyahang katulad din ng nayari na ng Konsilyo ng Roma noong 1059—samakatuwid baga’y pinagtibay na muli ang doktrina ng “Real Presence” o ang tunay na pagharap ni Cristo sa Eukaristiya, na pinawalang kabuluhan ni Papa Gregorio VII.  Dahil sa muling pinagtibay ng Konsilyo ng Roma noong 1079 ang doktrina ng “Real Presence” kaya napilitan ang Papa Gregorio VII na ito ay tanggapin at pagtibayin upang maging isang pangkalahatang aral sa boong Iglesia Katolika Apostolika Romana.  Sa ganito natatag ang makabagong misa (The Evolution of the Mass, pahina 113).

     Simula nang pagtibayin ng Konsilyo ng Roma ang doktrina ng “Real Presence”—pagkatapos makonsagra ng Pari ang laman ng eukaristiya, ay nawawala na raw ang tinapay at alak,—maliban sa anyo—at nagkakaroon ng isang pagpapalit ng sustansiya, na ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan (daw) at dugo ni Jesucristo.  Ang pagpapalit na ito ng sustansiya—na ang tinapay at alak sa eukaristiya ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Cristo—ay tinawag na “Transubtantiation” noong taong 1150.  Ang nagbigay ng tawag na ito ay si Roland Bandinellii, na naging Papa sa pangalang Alexander III.

     Noong ikalabing-anim na siglo, ang aral na ito ay iniutos ng Konsilyo ng Trento na ituro sa sambayanang Katoliko na may kalakip na pagbabala, na ganito ang sinasabi:

     “Kung ang sinumang tao ay magpahayag na sa misa ay walang tunay na sakripisyo na handog sa Diyos, siya nawa ay matakuwil.
     “Kung ang sinuman ay magsabing ang sakripisyo ng misa ay isang pag-aalaala lamang sa sakripisyong naganap sa krus, siya nawa ay matakuwil.”  (The Evolution of the Mass, pahina 130).

     Madarama natin sa pasiyang ito,--sa bagsik, dahas at bangis ng kapangyarihan,--napipilit na papagkaisahin ng Iglesia Katolika ang mga tao, hindi sa pagsunod sa Diyos at sa salita ng Diyos kundi sa pagsunod sa mga aral na kinatha ng kanyang mga Konsilyo.

Ang pagkakatatag ng Unang Misa
     Ang nagtatag ng seremonya ng misa ay si Hippolytus, Obispo ng Roma, noong ikatlong siglo.  Ang seremonyang itinatag ni Hippolytus ay tinawag sa pangalang “Misa”.  Ang katagang “Misa” ay hindi si  Hippolytus ang nagkapit sa kanyang seremonya, kundi si Ambrosio, Obispo ng Milan, noong Edad Media.  Ang kahulugan ng salitang “missa” ay pagpapaalis (dismissal), at ito ay ikinapit ni Ambrosio doon sa bahagi ng seremonya ni Hippolytus, kung pinaaalis ang mga Catecumento (bagong tinuturuan sa pagka-Katoliko).  Nguni’t nang lumaon, ang katagang “misa” ay ikinapit ng mga Katoliko sa buong seremonya ni Hippolytus.

     Ang seremonyang ito na kinapitan ng pangalang “misa” ay siyang seremonya sa eukaristiya sa kapanahunan ni Hippolytus; at ito ay isinasagawa sa ganitong paraan; Dadalhin ng mga diakono ang tinapay at alak; itataas ng Obispo ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng tinapay at alak at magpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng isang panalanging may sagutan:  na namumuno ang Obispo at sumasagot ang mga tao.  (The Evolution of the Mass, p. 53-54).

Ang pagpapakahulugan ng mga
Unang “Padres” sa Unang Misa
     Pagkamatay ni Tertullian, ang mga unang paring katoliko ay nawalan ng anumang kaalaman tungkol sa kahulugan ng mga pangungusap na:  “Ito ang Aking Katawan.”  Dahil dito, sila ay napilitang kumatha ng iba’t ibang pakahulugan.  Ayon kina Cipriano at Agustin, ang katawang binabanggit sa pangungusap na iyon ay ang Iglesia.  Ayon naman kay Ambrosio, ang katawang binabanggit ay ang pinakuan sa krus.  Nguni’t nagkakaisa sila sa paniniwalang ang laman ng eukaristiya (tinapay at alak) ay mga sagisag lamang.

     Wala isa man sa mga Paring Katoliko na nakaaalam ng tinatawag ngayong “Transubtantiation.”  Ang kanilang paniniwala ay:  bago banalin at pagkatapos banalin, ang tinapay at alak ay nananatiling tinapay at alak.  Lahat sila ay naniniwalang ang misa ay isang pag-aalaala lamang sa paghahandog na ginanap sa Kalbaryo; nguni’t walang sinumang nag-iisip na ang tunay na handog sa Kalbaryo (si Cristo) ay tunay na naroroon sa tinapay at alak na ginagamit sa eukaristiya.  Dito’y mapupuna natin ang malaking pagkakaiba ng paniniwala ng mga unang paring Katoliko sa mga pari sa panahong ito.  At mapupuna rin natin ang malaking pagkakaiba ng makabagong misa sa unang misa na kapuwa itinatag ng Iglesia Katolika Apostolika Romana.

     Ukol naman sa mga taong nagsisimba noong Edad Media, ang paniniwala sa ostiya ay isang anting-anting; kaya’t ito’y dala-dala nila saan man pumaroon at ipinapahid sa bahagi ng katawang masakit upang gumaling.  Noon ang misa ay hindi pinahahalagahan ng mga tao.  Kung minsan, ang paring nagmimisa ay hindi marinig sa malaking kaingayan.  Kung minsan nama’y nag-aaway habang nagmimisa.  Sa Aprika noong ikaapat na siglo, ang pakikinabang ay naging isang pagkakataon sa paglalasingan.  (The Evolution of the Mass, pahina 98-103).

Ang Magmisa, Magpamisa at Makinig ng Misa
Ay Walang Kabuluhan at Maling Pananampalataya
     Ang misa,—maging ang una at maging ang makabago, ay hindi itinatag ng Diyos, hindi itinatag ni Cristo, at hindi itinatag ng mga Apostol.  Walang utos ang Diyos na magmisa at makinig ng misa; wala ring utos si Cristo, gayundin ang mga Apostol.  Ang Banal na Kasulatan ay walang anumang sinasabi ukol dito.  Ang misa ay itinatag ng Iglesia Katolika.  Ang doktrina ng “Real Presence” at “Transubtantiation” na idinagdag sa makabagong misa, ay pinagitbay, hindi ng Diyos, o ni Cristo, o ng mga Apostol, kundi ng mga Konsilyo Katoliko.

     Dahil dito, ang misa ay utos at aral ng tao.  Iyan ay katha lamang ng Iglesia Katolika.  Ano ang sinasabi ng mga Apostol tungkol sa utos na kinatha ng mga tao?  Sinabi ni Apostol Pablo:  “Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.” (Tito 1:14).  Alin ang katotohanan?—Ang mga salita ng Diyos, at itinuro ng ating Panginoong Jesucristo na ito ang makababanal sa tao (Juan 17:17).  Samakatuwid, dahil sa ang misa ay utos at aral ng tao at hindi mga salita ng Diyos, walang kabanalang matatamo sa pakikinig nito.  At ano ang itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo ukol sa pagsambang nababatay sa utos ng mga tao?  Sa Mat. 15:9, ay ganito ang sinasabi:

     “Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

     Kung gayon, walang kabuluhan ang pagmimisa ng pari, wala ring kabuluhan ang pakikinig ng misa, at lalong walang kabuluhan ang pagpapamisa; at hindi lamang walang kabuluhan kundi maling pananampalataya.  Bakit maling pananampalataya?  Sapagka’t ang pananampalataya ay sa mga salita ni Cristo (Rom. 10:17).  Ang mga salita ni Cristo ay mula sa Diyos na nagsugo sa Kanya (Juan 12: 49; 7:16).  At sapagka’t ang misa ay aral at utos ng tao, ang pagsampalataya rito ay hindi magiging dapat sa kaharian ng Diyos (Gal. 5:20-21).


Ang Paring nagmimisa ay nagsasalita sa hangin
     Ang wikang ginagamit ng pari sa pagmimisa ay Latin, isang wikang patay.  Dahil dito, ang mga nakikinig ng misa ay hindi nakakaunawa ng sinasabi ng Pari.  At sapagka’t hindi nauunawaan ng mga Katoliko ang misang pinakikinggan nila, mayroon ba silang pakinabang dito?  Tunghayan natin ang sinasabi ni Apostol Pablo sa I Cor. 14:6:

     “Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral?”

     Kung gayon, walang pakikinabangin ang sinumang Katoliko na nakikinig ng misa, sapagka’t hindi nila nauunawaan ang sinasabi ng Pari.  At sapagka’t hindi nauunawaan ng mga taong nakikinig ang misa sa wikang Latin, kanino nagsasalita ang Paring nagmimisa?  Ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo sa I Cor. 14:9:

     “Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita.”

      Kung gayon, ang paring nagmimisa sa wikang Latin ay nagsasalita sa hangin, at ang nakikinig ng misa ay nakikinig sa hangin, kaya’t ang pagsambang Katoliko ay pagsambang sa hangin.

     May iminamatuwid ang mga pari sa kanilang paggamit ng Latin sa pagmimisa.  Sa oras daw ng pagmimisa, ang pari ay nakikipag-usap sa Diyos at hindi sa mga tao;  at sapagka’t ang Diyos ang kausap ng pari kapag nagmimisa at ang Diyos ay walang salitang hindi nauunawaan, kaya kahit anong uri ng salita ay maaaring gamitin sa Kanya.  Gayon pala, bakit naman ipinag-uutos pa ng mga pari sa mga tao na makinig ng misa kung lingo at pistang pangilin?  Hindi pala sa tao nauukol ang mga misa kundi sa Diyos, bakit pa sila inuutusang makinig ng misa?  Ano, inuulol ba nila ang tao?  Iyan ang lalong nagpapakilala na wala ngang kabuluhan ang misa.  Hindi dapat makinig ng misa, at lalong hindi dapat magpamisa.  Ito’y walang kabuluhan sa harap ng Diyos.  Wala ring kabuluhan ito sa mga tao, sapagka’t hindi nila ito nauunawaan.

Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church of Christ/Kabanata IX/Pahina 76-86






      .