PANGANGARAL NG EBANGHELYO
NG KAHARIAN SA LAHAT NG BANSA
Pangulong
Tudling
Pasugo/June
1997
Pahina
13
Sa
isang mahalagang pagtatagpo ng Panginoong Jesucristo at ng Kaniyang mga alagad
na naganap sa Bundok ng mga Olibo na nakatala sa ebanghelyo ayon kay Mateo ay
inihayag ng Panginoon sa mga apostol ang mga tanda ng panahon at ng wakas ng
daigdig. Kabilang sa mga tanda na
Kaniyang ipinahayag na siyang magbabadya ng Kaniyang ikalawang pagparito at ng
wakas ng mundo ay ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian
sa lahat ng bansa. Sinabi ng panginon:
“At ipangangaral
ang ebanghelyo ng kaharian sa buong
sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng bansa.
Kung magkagayon, darating na ang wakas.” (Mat. 24:14, New Pilipino
Version)
Ang
ebanghelyo ng kaharian na siyang mensahe ukol sa kaligtasan ay ipangangaral ng tunay na Iglesia sa buong mundo bago
dumating ang araw ng kawakasan. Malinaw
na itinuturo ng Biblia na ang mga maliligtas sa pamamagitan ng Pagtubos ay
inilipat sa Kaharian
ng Anak. Ayon kay Apostol Pablo:
“Iniligtas niya tayo
mula sa kapangyarihan ng kadiliman at dinala sa kaharian ng kanyang Anak na minamahal. Sa pamamagitan niya, tayo’y tinubos at pinatawad sa ating mga
kasalanan.” (Col. 1:13-14,
Ibid.)
Ang apostol ding ito ang nagpatotoo na ang
Iglesia ni Cristo ang siyang tinubos ng mahalagang dugo ng
Panginoong Jesus (cf. Gawa 20:28, Lamsa).
Kaya, ang ebanghelyo ng kaharian o ang mensahe ukol sa kaligtasan ay
ipangangaral ng Iglesia ni Cristo sa
buong daigdig bago dumating ang dakilang araw ng pagparito ni Cristo.
Sa kasalukuyan, saksi tayo sa pagpupunyagi
ng Iglesia ni Cristo na ang gawaing
ito ay maipalaganap sa iba’t ibang panig ng daigdig. Mula nang pasimulan nito ang kaniyang misyon
sa Malayong Kanluran noong 1968, bilang katuparan ng mga hula sa Banal na Kasulatan, ang Iglesia ay
nagsikap nang maipangaral ang dalisay na ebanghelyo sa maraming bansa at
lahi. Ang malawakang pamamahayag ng mga
salita ng Diyos ay patuloy nitong isinasagawa sa buong mundo. Ang mga kapatid na nangibang-bayan ay
nagsisikap sa bawat pagkakataon upang maibahagi ang tunay na pananampalataya sa
mga taong kabilang sa iba’t ibang kultura.
Ang bunga ng kanilang mga pagsusumikap ay malinaw na makikita sa patuloy
na pagdami at paglago ng mga lokal ng Iglesia
ni Cristo sa buong daigdig.
Kung ang kasalukuyang bilis ng gawaing
pagpapalaganap ng Iglesia ni Cristo
ay gagamiting batayan, ang misyon ng Iglesia na “maipangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa buong sanlibutan” ay
malapit nang matupad—at pagkatapos nito ay ang katapusan ng daigdig.
Tunay nga, maraming dakilang kaganapan ang
kamakailan lamang ay natupad sa kasaysayan ng Iglesia. Noong Hulyo
22, 1994, ang Iglesia ni Cristo ay
matagumpay na nakapagtatag ng lokal sa Roma,
ang sentro ng Katolisismo, bilang sagisag ng paglaya ng tunay na Iglesia ni Cristo mula sa halos
dalawampung siglo ng pagkatalikod sa pananampalataya. Nakarating na rin ang banal na gawain sa Latin America sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa
Diyos ng mga sambahayang Latino, pangunahin
na ang mga Mehikano. Habang nagpapatuloy ang mga kaganapang ito,
ang Iglesia, bilang katuparan ng isa pang hula ng Biblia, ay nakabalik na sa dati nitong tahanan—sa Jerusalem —noong
Marso 31, 1996 (cf. Isa 43:5, Magandang Balita Biblia; Isa. 52:7-8,
Living Bilble).
Sa taong ito, isa na namang hula ang
nagkaroon ng katuparan. Sa pamamagitan
ng pagkakatatag ng lokal ng Iglesia sa Atenas
noong Mayo 10, 1997, ang misyon ni
Apostol Pablo na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Hentil ay maipagpapatuloy na
sa mga wakas ng lupa (cf. Isa. 49:6; Gawa 13:46-47). Hindi maglalaon at ang lahat ng kultura,
bansa, at lahi ay makababatid sa Iglesia
ni Cristo at bunga nito ay marami ang makatatanggap sa tunay na
pananampalataya at makapagsasagawa ng tunay na pagsamba sa Dakilang Lumikha
bago dumating ang wakas ng panahon.
Mayroon pang mga bansa na hindi pa
nararating ng Iglesia. Subalit, sa
tulong at patnubay ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya sa
pakikipagtalastasan at mass media,
ang mensahe ukol sa kaligtasan sa banding huli ay makararating din sa lahat ng
sulok ng daigdig. Samantalang nagaganap
ang mga tanda ukol sa Iglesia ni Cristo sa
mga huling araw na ito ay buong pagsisikap naman nitong ipangangaral ang
ebanghelyo sa buong sanlibutan. Ito ay
isa sa mga tanda ng kaniyang kaligtasang mabilis na dumarating. Ang Panginoon ay nagbigay ng ganitong
katiyakan:
“Kapag nagsimula nang
mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas
sa inyo.” (Lu. 21:28, MB)
(Isinalin mula sa Ingles)*****
________________________________________________________________
‘AKO’Y GAGAWA, AT SINONG PIPIGIL?’
Pangulong Tudling
GOD’S MESSAGE – May 2012
Pahina 33-34
Ang
paksa ukol sa kung paano maliligtas ang tao sa Araw ng Paghuhukom ay ang
pinakamahalagang katanungang kinakaharap ng sangkatauhan sa bawat henerasyon,
at lalo na ngayong ang mundo ay papalapit na sa kaniyang kawakasan. Isa itong tanong na dapat ihanap ng tao ng
tamang kasagutan; kung hindi ay tuluyan na siyang maliligaw, malalayo sa Diyos,
at magdurusa sa dagat-dagatang apoy at asupre magpakailan-kailan man.
Tunay ngang napakahalagang paksa ang
nauukol sa kaligtasan. Kaya naman, hindi
lamang kamangmangan—manapa’y kahangalan—ang nakikita sa maraming tao sa
kasalukuyan na inuubos ang buong panahon sa pagtatamo ng kayamanan, o sa
pagbibigay-daan sa mga pita ng laman, samantalang ipinagwawalang-bahala ang
ukol sa kaligtasan. Walang sinumang tao
na matino ang pag-iisip na pipiliin ang ilang taon—at kahit sabihin pang ilang
dekada—ng pamumuhay sa karangyaan sa mundong ito, na ang kapalit naman ay
walang hanggang pagdurusa at kahapisan pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Gayunpaman, tila ganoon ang hinahangad ng
marami kung ang pagbabatayan ay ang kanilang kondukta at paraan ng pamumuhay.
Ang mga makamundong kalayawan ay buong
sigasig na hinahangad ng marami, kapalit ang walang hanggang kapahamakan. Hindi na nakapagtataka, kung gayon, kung
bakit ang buhay ng tao ay batbat ng mga kahirapan, karamdaman, karahasan at
madalas ay nagwawakas sa walang saysay na kamatayan, na dapat gumising sa tao
mula sa kaniyang pagkakahimbing, at maunawa niyang wala sa kaniya ang
pinakamahalaga, na dili iba’t ang Panginoong Diyos. Ang taong walang Diyos ay nagpaplano sa
kaniyang sarili, sinusunod ang kaniyang sariling payo, at nabubuhay ayon sa
kaniyang sariling mga tuntunin.
Maraming tao ang isinasantabi muna ang
kaligtasan dahil sila daw ay bata pa at marami pang mga maliligayang araw na
nakaabang sa kanila. Ang kabataan ay
dagling kumukupas sa mga kalayawan at walang taros na pagsasaya; ang
panggitnang yugto naman ng buhay ay nagugugol sa mga intindihin sa mundong ito
at sa pang-araw-araw na pamumuhay; at ang katandaan ay biglang darating—kung
ito man ay darating pa—saka nila matutuklasang ang kanilang puso ay tumigas na,
ang mga nakasanayan ay naging pamalagian na, at ang budhi ay lubos nang
nadumhan, kaya nawalan na ng puwang ang Diyos o ang Kaniyang mga kautusan.
Subalit dapat ba
itong mangyari? Ang kasagutan sa
tanong ukol sa kaligtasan ay nakapaloob sa mga salita ng Diyos na dapat
tanggapin at sampalatayanan ng bawat kaluluwa.
Itinuro mismo ng Panginoong Jesucristo, na: “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya” (Juan 6:29, Magandang
Balita Biblia).
Manalig o sumampalataya sa sinugo Niya,
alalaong baga’y, sa sugo ng Diyos. Sa
bawat yugto ng kasaysayan ng tao, ang Diyos ay nagpadala ng sugo, gaya ni Moises, ng mga
propeta—Samuel, Daniel, Ezekiel, Jeremias—at ang pinakadakila sa lahat: ang Panginoong Jesucristo mismo. “Sa pamamagitan ng mga sugo, paulit-ulit
silang pinadalhan ng salita ng PANGINOON … sapagkat nahahabag siya sa kanyang
bayan…” (II Cron. 36:15, New Pilipino Version). Ang nakakalungkot: “Ngunit hinamak nila ang mga sugo ng Dios, itinakwil ang
kanyang mga salita at pinagtawanan ang kanyang mga propeta hanggang sa ang poot
ng PANGINOON ay mag-alab laban sa mga tao, at wala nang maaaring maging lunas” (II Cron. 36:16,
Ibid.).
Ang sangkatauhan ay may nakahihiya at
nakalulungkot na kasaysayan, gaya
ng itinuturo ng Biblia, sa hindi pagtanggap at pagsunod sa mga sugo ng Diyos sa
bawat panahon. Subalit hindi maaaring
baliwalain ng tao ang mga sugo ng Diyos sapagkat “sa kanila dapat sumangguni ang mga tao”
tungkol sa mga kalooban ng Panginoon (Mal. 2:7,
MB).
Ang makahulugang sagot ni Apostol Pablo
sa mga taong iba ang hinahanap na pakinggan ay maliwanag: “At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo?” (Rom. 10:15, NPV).
Ang pagiging sugo ng
ating Panginoong Jesucristo, ng Kaniyang mga apostol, o ng mga propetang nauna
sa kanila, ay hindi na pagtatalunan pa.
Subalit, paano kaya sa ating panahon? Ipinahayag mismo ng Diyos ukol sa Kaniyang
sugo sa mga huling araw na ito, na: “Sinong gumawa at
yumari, na tumawag ng mga sali’t saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga” (Isa. 41:4).
Yayamang di na pag-aalinlanganan na ang
Diyos ay kasama ng Kaniyang mga sugo sa mga nakalipas na panahon, nangako Siya
na Siya rin ang kasama ng huli, na
lubos na sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang pangakong ito ay natupad kay Kapatid na Felix Y. Manalo. Bagama’t siya ay binalewala sa pagsisimula ng
kaniyang ministeryo, ang panukala ng Diyos ukol sa kaniya ay ipinahayag ng
nasabi ring propeta: “Ikaw na aking
hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyan,
at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita
itinakuwil; Huwag kang matakot, sapagka’t
ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking
palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay
ng aking katuwiran” (Isa. 41:9-10).
Ang nasabing salita ng hula ay nagsasaysay
hindi lamang ng kahalalan ng Sugo sa mga huling araw, kundi maging ng pangakong
tulong, lakas, at pag-alalay ng Diyos sa pamamagitan ng kanang kamay ng
Kaniyang katuwiran. Kinasangkapan siya
ng Diyos upang ang mga tao sa mga huling araw na ito ay magkaroon ng pagkakataong
makipagkasundo sa Kaniya at magtamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom. Sa tuwi-tuwina ay magiliw nating gunitain ang
walang humpay na pagsusumakit ng Sugo upang maiangat ang buhay-espirituwal ng
bawat kaanib ng Iglesia at ang kaniyang buong pusong pagtatalaga sa tungkuling
itiniwala sa kaniya ng Diyos, hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.
Bawat kaanib sa Iglesia ni Cristo ay dapat magpagal nang buong sikap upang ganap na
pakinabangan ang biyayang kaligtasan na bunga ng pagtuturo ng Sugo. Magagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsunod
sa ipinayo ni Apostol Pablo, na isinugo naman noon sa mga Hentil, na: “Ngayon mga kapatid, ipinaaalala ko sa inyo ang ebanghelyong
ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap at pinanatilihan hanggang
ngayon. Sa pamamagitan nito’y ligtas
kayo kung matatag kayong nananatili sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban
na lang kung sumampalataya kayo ng walang kabuluhan” (I Cor. 15:1-2, NVP).
Ang paglalarawan sa Iglesia Ni Cristo batay sa paningin ng mga di-kaanib at maging ng
mga manunulat-kasaysayan ay makahihikayat sa mga nagmamasid na tinupad ng Diyos
ang Kaniyang pangakong pagtulong at pagpapalakas sa Kaniyang Sugo sa mga huling
araw at sa gawaing kaniyang sinimulan.
Tungkol sa Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang namayapa nang si Kapatid na Felix Manalo, sinabi ni
Prof. Robert R. Reed, sa isang nailathalang pag-aaral sa Journal of the Humanities and Social Sciences of Southeast Asia and Oceana
(2001), na: “Hindi kalabisang sabihin na ang kaniyang
pananaw, pagtuturo, at pamamaraan sa pangangasiwa ay patuloy na naging
walang-kupas na batayan upang maging gabay sa doktrina ng masugid niyang mga
tagasunod at para rin sa pangmahabang-panahong mga planong para sa ikauunlad ng
Iglesia na binuo ng mga lider ng INC” (p. 565, isinalin mula sa
Ingles). Ang pahayag na ito ay
kasang-ayon ng isang naunang pahayag: “Hangang-hanga sa mga
tagumpay ng INC (Iglesia ni Cristo), nagpahayag ng komentaryo si Senador
Neptali Gonzales, isang haligi ng Protestante, ‘Ang tagumpay ng gawaing ito na kinasihan
ng Diyos na pinasimulan (ni Kapatid na Manalo) noong 1914, ay maliwanag na
kitang-kita sa kahanga-hangang paglaki ng Iglesia dito at sa ibayong
dagat. Ang malalaking kapilya nito na
nangingibabaw sa ating mga tanawin ay walang kapantay sa kanilang karingalan’” (Isabelo T. Crisostomo, ‘From One-Man
Mission to Global
Church ,’ Philippine Graphic, July 29, 1994, p.
16, isinalin mula sa Ingles).
Tungkol sa tagumpay ng Iglesia sa larangan
ng pagpapalaganap at sa paglago ng bilang ng kaniyang mga kaanib, ganito ang
pansin ng isang tagamasid: “Lubhang maliit ang kabatiran sa Iglesia ni Cristo, isang
makapangyarihan at mabilis na lumalaganap na iglesia…
“Sa maraming mga taon na
ngayon, ang mga teologo at mga kritiko ay nagtangkang may pagpupumilit na
mabuksan ‘ang sekreto’ na nagbunsod sa Iglesia ni Cristo sa gayong pambihirang
paglaki. Bakit ang mga tao ay naaakit dito? Bakit ito lumalaki ng napakabilis? Ang mga
katedral at mga kapilya nito ay naging mga kahanga-hangang palatandaan sa lahat
ng mga lalawigan, siyudad at mga bayan. At
maging sa ibayong dagat, ang Iglesia (ni Cristo) ay may matibay na nakatatag na
mga kongregasyon sa may 65 mga bansa sa buong mundo.
“Ang lahat ng ito naabot
sa maikling panahon lamang, 78 taon mula nang ang Iglesia (ni Cristo) ay
lumitaw sa Pilipinas noong 1914”
(Robert C. Villanueva, ‘The Untold Story of the Iglesia ni Cristo’, Philippine Panorama May 31, 1992, pp.4,
6, isinalin mula sa Ingles).
Sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang
kilusang pagpapalaganap, ang Iglesia ni
Cristo sa mga huling araw na ito, ay may mga kongregasyon, extension at
group worship service sa 99 na mga bansa at teritoryo sa buong mundo, sa labas
ng Pilipinas.
Ang malalaking institusyon, ang mga paring
Katoliko, pastor Protestante, at mga tagapangaral ng iba’t-ibang relihiyon at
pananampalataya ay nagtangkang pigilin ang paglaganap at pagtatagumpay ng Iglesia ni Cristo, subalit pawang
nangabigo. Ito ay sa dahilang tapat ang
Diyos sa Kaniyang pangako, na nagsabing “Ako’y gagawa, at sinong pipigil?” (Isa. 43:13). *****
-
RICHARD J. RODAS
Editor-in-Chief
______________________________________________
Basahin din:
[The Fulfillment of Bible Prophecies]
[The Church Of Christ Today In Bible Prophecies]
[Identifying The True Religion Or The True Church]
Basahin din:
[The Fulfillment of Bible Prophecies]
[The Church Of Christ Today In Bible Prophecies]
[Identifying The True Religion Or The True Church]
Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]
______________________________________________________________________________________
[Study Iglesia Ni Cristo]
______________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito. Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran. Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
___________________________________________________________________________
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito. Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran. Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
___________________________________________________________________________