ANG KARAPATAN NA
DAPAT SAMAHAN NG MGA TAO
SA PAGLILINGKOD SA DIYOS
Isang
Pagbubunyag Sa
Iglesia Ni
Cristo
Copyright 1964
by
(Iglesia Ni Cristo)
Kabanata XXI
Pahina 176-187
Naliwanagan
natin na ang Diyos ay may tinawag na mga unang Sugo. Sa huling Araw na ito ay mayroon ding tinawag
ang Diyos na [Huling Sugo]. Ang Huling Sugong ito ay tinawag ng Diyos
mula sa Malayong
Silangan o sa Pilipinas
noong 1914. Si Kapatid na Felix Manalo ang katuparan nito
ayon sa kaganapan ng hula. Mahalaga ang
Sugo, kaya ang Diyos ay nagsusugo sa lahat ng panahon. Nguni’t hindi nalalaman ng marami ang
kahalagahan ng mga Sugo sa paglilingkod sa Diyos.
Ano ang karapatan at kaugnayan ng mga Sugo
sa paglilingkod sa Diyos? Maaari bang
tanggapin at maging dapat sa Diyos ang alinmang paglilingkod na gagawin ng tao
na hiwalay sa karapatan ng Sugo? Totoo
bang hindi na kailangan ang pakikisama sa mga Sugo sa ikapagiging dapat sa
Diyos? Sa ikaliliwanag ng katotohanan
nito ay nararapat na talakayin natin ang paksang ito: “ANG KARAPATAN NA DAPAT SAMAHAN NG MGA TAO SA
PAGLILINGKOD SA DIYOS.”
Aling
Karapatan Sa Diyos Ang Dapat
Pakisamahan
Ng Mga Tao Na
Naglilingkod
Sa Kanya?
Sa I Juan 1:3,
ay sinasabi ang ganito:
“Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming
ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay
magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at
tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.”
Ang nagsasalita sa talatang ito’y si
Apostol Juan. Ano ang karapatan ni
Apostol Juan? Siya’y isa sa mga Sugo ng
Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Ayon sa
kanya, aling karapatan sa Diyos ang dapat pakisamahan ng mga tao na
naglilingkod sa Diyos? Sinabi niyang ang
mga naglilingkod sa Diyos ay dapat munang MAKISAMA SA “AMIN.” Sino ang tinutukoy niya ng salitang “amin?” Ang mga
Sugo na sa kanila’y kabilang si Juan.
Samakatuwid, ang sinumang naglilingkod sa Diyos ay dapat MAKISAMA
sa karapatan ng mga Sugo upang sila naman ay magkaroon ng pakikisama sa Diyos
at kay Cristo. Bakit ang pakikisama sa
mga Sugo ay nauugnay sa pakikisama sa Ama at sa Anak? Sapagka’t ang mga Sugo ay may pakikisama sa
Ama at sa Anak. Paano magagawa ang
pakikisama sa karapatan ng mga Sugo ng Diyos.
Dapat nilang tuparin yaong nakita at narinig ng mga Sugo na kanilang
ibinabalita o ipinangangaral. Ang mga
ayaw makisama sa karapatan ng mga Sugo ay walang kaugnayan ang kanilang
paglilingkod sa Diyos at kay Cristo. Ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa Kanyang mga Sugo at hindi
mabuting iwasan ang pakikisama sa kanilang karapatan? SA II Cor. 5:18-20, ay
tinitiyak ang ganito:
“Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo
tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo;
“Sa
makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa
kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo.
“Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan
namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y
makipagkasundo sa Dios.”
Ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa Kanyang
mga Sugo kaya hindi mabuting iwasan ang pakikisama sa kanilang karapatan? Sa kanila ipinagkatiwala ng Diyos ang
ministeryo sa pagkakasundo o ang karapatan sa pangangasiwa ng pakikipagkasundo
ng tao sa Diyos. Sa kanila rin
ipinagkatiwala ang salita ng pagkakasundo o ang Ebanghelyo. Sa mga Sugo sa pangalan nino ipinagkatiwala
ang mga karapatang ito? Sa mga Sugo sa
pangalan ni Cristo. Hindi sugo sa
pangalang Katoliko, sa pangalang Protestante at iba’t iba pa. Mga Sugo sa pangalan ni Cristo o mga Sugo sa Iglesia ni Cristo. Si Cristo at ang mga Apostol ang mga Sugo na
dapat pakisamahan nang panahong iyon upang maging dapat sa Diyos. Sa dako ng mga Gentil ay si Apostol Pablo
naman ang Sugong dapat pakisamahan ng mga naglilingkod sa Diyos nang panahong
yaon. Sino naman ang Sugong dapat
pakisamahan sa huling araw na ito? Ang
Sugo ng Diyos sa Huling Araw, si Kapatid na Felix Manalo. Sa pamamagitan nga ba ng pangangaral ng mga
Sugong ito nagkaroon ng Iglesia ni
Cristo? Opo.
Sa pangangaral ni Cristo at ng mga Apostol
ay nagkaroon ng Iglesia ni Cristo sa Jerusalem . Sa pangangaral ni Apostol Pablo ay nagkaroon
ng Iglesia ni Cristo sa dako ng mga
Gentil; at sa pangangaral naman ni Kapatid na Felix Manalo ay nagkaroon ng Iglesia ni Cristo sa Huling Araw na ito
sa Pilipinas. Dahil dito, dapat bang
iwasan ng sinuman ang pagtanggap sa mga Sugo ng Diyos? Hindi.
Sino ba ang natatanggap ng mga tao kung
tinatanggap nila ang mga Sugo ng Diyos? Sa Juan 13:20,
ay tinitiyak ang ganito:
“Katotohanan,
katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay
tinatanggap ang nagsugo sa akin.”
Ang tumatanggap sa mga Sugo ng Diyos ay
tinatanggap si Cristo at ang Diyos na nagsugo sa Kanya. Sino naman ang
naitatakuwil ng mga nagtatakuwil sa mga Sugo ng Diyos? Sa Luc. 10:16,
ay tinitiyak ang ganito:
“Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang
nagtatakuwil sa inyo ay ako ang
itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.”
Ang nagtatakuwil sa mga Sugo ng Diyos ay
naitatakuwil naman nila si Cristo at ang Diyos na nagsugo kay Cristo.
Bakit ang tumatanggap sa mga Sugo ay si
Cristo at ang Diyos ang kanilang tinatanggap at ang nagtatakuwil naman sa
kanila ay naitatakuwil ang Diyos at si Cristo?
Sino Ba
Ang Gumawa Ng Karapatan
Sa
Pagkasugo Ng Diyos?
Sa Juan 6:29, ay
ganito ang ipinakikilala:
“Sumagot si
Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.”
Sino ang gumawa ng karapatan sa pagka-sugo
ng Diyos? Ang Diyos ang gumawa ng
karapatan sa pagka-sugo ng Diyos. Kaya
ang pagtanggap sa mga Sugo ay pagtanggap sa Diyos at kay Cristo at ang
pagtatakuwil sa kanila ay pagtatakuwil sa Diyos at kay Cristo. Ano ang dapat gawin sa mga Sugo ng
Diyos? Sila’y dapat sampalatayanan. Hindi dapat labanan ang mga Sugo ng Diyos. Kanino tuwirang lumalaban ang mga lumalaban sa mga Sugo ng Diyos
at ano ang masamang ibubunga sa mga maghihimagsik laban sa kanila? Sa Blg. 16:1-3, 11, ay
ganito ang nasusulat:
“Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni
Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni
Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao:
“At
sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel ,
na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan
na mga lalaking bantog:
“At sila'y nagpupulong laban
kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo'y kumukuha ng
malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa't isa sa kanila, at
ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng
Panginoon?
“Kaya't ikaw at ang iyong buong pulutong ay
napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga't siya'y inyong inupasala?”
Si Moises na Sugo ng Diyos sa bayang Israel at ang kanyang kapatid na si Aaron ay
nilabanan ni Core at ng dalawang daan at limampung mga lalaking bantog sa
kapisanan ng Israel . Sila’y nagpupulong laban kay Moises at kay
Aaron. Ano ang sinabi ni Moises kay Core
at sa kanyang mga kasama? “Kaya’t ikaw
at ang iyong boong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga’t siya’y inyong
inupasala?
Tiniyak ni Moises kay Core at sa mga
kasama nito na ang kanilang ginagawang paglaban sa kanya at pag-upasala kay
Aaron ay tuwirang paglaban nila sa Panginoon.
Kaya ang paglaban sa Sugo ng Diyos ay paglaban sa Diyos. Dahil dito, ano ang masamang ibinunga kay
Core at sa mga kasama nito ng kanilang paghihimagsik kay Moises na Sugo ng
Diyos.
“At sinabi ni Moises, Dito ninyo
makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon
na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka't hindi kinatha ng aking sariling
pagiisip.
“Kung
ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung
sila'y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako
sinugo ng Panginoon.
“Nguni't kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't
ibuka ng lupa ang kaniyang bibig, at sila'y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa
kanila, at sila'y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na
minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.
“At
nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa
na nasa ilalim nila ay bumuka:
“At ibinuka ng lupa ang
kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat
ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pag-aari.
“Na anopa't sila at lahat ng nauukol sa
kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila'y pinagtikuman ng lupa, at sila'y
nalipol sa gitna ng kapisanan.
“At ang
buong Israel
na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka't kanilang sinabi, Baka
pati tayo'y lamunin ng lupa.
“At apoy ang lumabas na mula
sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog
ng kamangyan.” (Talatang
28-35)
Ano ang masamang ibinunga kay Core at
sa kanyang mga kasama nang maghimagsik laban kay Moises na Sugo ng Diyos? Si Core at ang kanyang mga kasama ay pinarusahan
ng Diyos. Bumuka ang lupa at nilamon ng
buhay si Core at ang kanyang boong sambahayan at ang lahat ng kanilang mga
pag-aari. Ang apoy ay lumabas mula sa
Panginoon at nilamon naman ang dalawang daan at limampung lalake na kasama ni
Core.
Masama rin ba ang magsalitaan o
magbulung-bulungan laban sa Sugo ng Diyos?
Masama rin. Si Miriam at si Aaron
ay nagsalitaan at nagbulungbulungan laban kay Moises dahil sa pagkapag-asawa
nito sa isang babaeng Cusita. Narinig ng
Panginoon ang kanilang pagsasalitaan at nagalit Siya sa kanila. Dahil dito, si Miriam ay nagkaketong. Ipinagtapat ni Aaron kay Moises na nagawa
nila iyon at sila’y nagkasala dahil sa kanilang kamangmangan. Humibik si Moises sa Diyos na pagalingin si
Miriam. Si Miriam ay kinulong ng pitong
araw sa labas ng kampamento at ang bayan ay hindi naglakbay hanggang si Miriam
ay nadalang muli sa loob (Blg. 12:1-2, 9-10, 11-16).
Samakatuwid, hindi mabuting maghimagsik at
magbulung-bulungan laban sa Sugo ng Diyos.
Bakit? Sapagka’t ito’y tuwirang
paglaban at pag-upasala sa Diyos na nagbigay at gumawa ng karapatan sa kanilang
pagiging Sugo.
Maaari
Bang Matamo Ang Karapatang
Maging
Sugo ng Diyos Sa Sariling
Magagawa
Ng Tao?
Sa Heb. 5:4, ay
ganito ang sinasabi:
“At sinoman
ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung
tawagin siya ng Dios, na gaya
ni Aaron.”
Maaari bang matamo ang karapatang maging
Sugo ng Diyos sa sariling magagawa ng tao?
Hindi. Bakit? Sapagka’t ang maging Sugo ng Diyos ay hindi
tinatanggap ng sinuman sa kanyang sarili.
Paano ito tinatanggap?
Tinatanggap nila ang pagiging Sugo sa pamamagitan ng pagtawag ng Diyos
sa kanila, gaya
ni Aaron. Si Aaron ay naging dakilang
saserdote ng bayang Israel
hindi sa kanyang sariling kagustuhan, kundi siya’y tinawag ng Diyos. Paano naman tinatawag
ng Diyos ang Kanyang Sugo na katulad ni Moises? Sa Exo. 3:7-9, 10, ay
ganito ang ipinakikilala:
“At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking
bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga
tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan.
“At
ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa
sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing
binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo,
at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.
“At
ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka
aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio.
“Halika nga ngayon, at ikaw
ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na
mga anak ni Israel .”
Paano tinawag ng Diyos si Moises upang
maging Sugo kay Faraon na ilabas ang mga anak ni Israel sa pagkaalipin sa
Ehipto? Si Moises ay tinawag ng Diyos ng
MUKHAAN. Mismong
ang Diyos ang kausap at tumawag kay moises na nagsabi: “Halika nga ngayon at ikaw ay aking susuguin
kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang Aking bayan na mga anak ni Israel .” Si Moises lamang ba
ang Sugo na tinawag ng Diyos ng mukhaan?
Sa Juan 20:21-22, ay ganito ang
ipinakikilala:
“Sinabi
ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo
sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.
“At
nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin
ninyo ang Espiritu Santo .”
Si Moises lamang ba ang tinawag ng Diyos
na maging Sugo sa pamamagitan ng mukhaang tawag? Hindi lamang si Moises, kundi ang mga Apostol
man ng ating Panginoong Jesucristo ay tinawag ng Diyos ng mukhaan sa
pamamagitan ni Cristo. Sinabi sa kanila
ni Cristo, kung paano ang pagkasugo sa Kanya ng Ama ay gayon di naman sinusugo
sila ni Cristo. Tangi ba sa pagtawag ng
mukhaan ay mayroon pang ibang paraan ang Diyos sa paghahalal sa Kanyang mga
Sugo? Mayroon pang ibang paraan ng
pagtawag ng Diyos sa Kanyang mga Sugo, gaya ng paghahalal Niya kay Juan
Bautista, kay Jesus, kay Pablo at sa Sugo sa Huling Araw o kay Kapatid na Felix
Manalo.
Paano
Inihalal Ng Diyos Sa Pagka-sugo
Si Juan
Bautista, Si Jesus, Si Pablo
At Ang
Sugo Sa Huling Araw?
Ano ang patotoo ni
Juan Bautista sa kanyang pagkasugo?
Sa Juan 1:19-23, ay sinasabi ang ganito:
“At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga
saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga?
“At
kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang
Cristo.
“At sa
kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At
sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi.
“Sinabi
nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa
nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?
“Sinabi
niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw
sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.”
Ano ang patotoo ni Juan Bautista tungkol
sa kanyang pagka-sugo ng tanungin siya ng mga saserdote at mga Levita? Sinabi niya na hindi siya si Cristo at hindi
rin siya si Elias. Sinabi niya na siya
ang tinig na humihiyaw sa ilang na HINUHULAAN ng propeta
Isaias. Samakatuwid, ang paraan ng
pagtawag ng Diyos kay Juan Bautista sa pagiging Sugo ay HINDI MUKHAAN, kundi sa
pamamagitan ng HULA. Totoo nga bang may hula si Isaias na katulad
ng binanggit ni Juan na bilang patotoo sa kanyang pagka-sugo? Mayroon, sa Isa.
40:3, ay ganito ang ipinakikilala:
“Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo
sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa
ating Dios.”
Nang maipakita ni Juan Bautista ang patotoong ito ay hindi na
kumibo ang mga nagtatanong sa kanya at tinanggap nila na siya nga ang tinutukoy
ng hula.
Ang ating
Panginoong Jesucristo ba’y tinawag din ng Diyos sa pamamagitan ng hula? Opo. Ano ang hula sa pagkasugo ni Jesus? Sa Deut. 18:18-19,
ay ganito ang sinasabi:
“Aking
palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya,
at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.
“At
mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang
sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya.”
Paano natin natiyak na ang ating
Panginoong Jesucristo nga ang tinutukoy ng hulang ito? Sa pamamagitan ng pagpapakilala ni Apostol
Pedro. Bakit
naman naipakilala ni Apostol Pedro ang hulang ito? Ito’y hindi buhat
sa kanyang sariling pagpapaliwanag kundi sa udyok ng Espiritu
Santo (II Ped. 1:20-21). Sa Gaw. 3:22-23, 20,
ay tiniyak niya ang ganito:
“Tunay na sinabi ni Moises, Ang
Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna
ng inyong mga kapatid; siya ang
inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya.
“At
mangyayari, na ang bawa't kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay
pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.
“At upang kaniyang suguin
ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus:”
Sa pamamagitan din
ba ng hula inihalal ng Diyos si Pablo sa pagka-sugo? Opo.
Sa Isa. 49:6, ay ganito ang banggit ng
hula:
“Oo,
kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay
aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw
ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.”
Sino naman ang
nagpakilala na si Pablo nga ang Sugong ito na ibibigay na pinakailaw sa mga
Gentil? Ayon sa katuparan ng
hula, si Apostol Pablo rin sa kanyang sarili ang nagpakilala na siya ang Sugong
tinutukoy ng hula. Sa Gaw. 13:47, ay tiniyak niya ang ganito:
“ Sapagka't
ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa
kahulihulihang hangganan ng lupa.”
Ang sugo ba ng Diyos sa
Huling Araw na ito ay tinawag din ng Diyos sa pamamagitan ng hula?
Opo. Sa Isa.
41:4, 9-10; 46:11; 43:5, ay ganito ang nasusulat:
“Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng
una? Akong Panginoon, ang una, at kasama
ng huli, ako nga,
“Ikaw na aking hinawakan
mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at
pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita
itinakuwil;
“Huwag kang matakot,
sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios;
aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang
kamay ng aking katuwiran.
“ Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula
sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking
sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.
“ Huwag
kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa
silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.”
Paano natin matitiyak na ang tinutukoy ng
hulang ito ay ang Sugo ng Diyos sa Huling Araw o si Kapatid na Felix
Manalo? Kung paanong si Apostol Pablo
ang nagpakilala ng hulang tumutukoy sa kanya, gayon din naman si Kapatid na
Felix Manalo ang nagpakilala ng mga hulang tumutukoy sa kanya na siya ang Sugo
sa Huling Araw. Sapagka’t siya ang
Sugong tinutukoy ng hula. Paano niya
ipinakilala ang hulang ito sa kanyang pagka-sugo? Itinuro niya ang hulang ito at ipinangaral sa
lahat ng dako at mababasa sa pagkakasulat sa magasing PASUGO. Bakit sa PASUGO mababasa at hindi sa Biblia? Sapagka’t ang pagpapakilala ng Sugo sa Huling
Araw na ito ay hindi maaaring maisulat sa Biblia, sapagka’t ang Biblia ay
naisulat na. Kaya sa pamamagitan ng PASUGO na
naghahayag ng katotohanan ng Diyos matutunghayan ang kanyang pagpapakilala.
Ang tiyak at maliwanag na pagpapakilala ng
Sugo ng Diyos sa huling Araw na ito tungkol sa hulang tumutukoy sa kanya at
hindi magawang labuin at pasinungalingan ng maraming kumakalaban sa Iglesia ni Cristo. Dahil dito, sinasabi nilang sila’y maniniwala
kung mababasa sa hula ang pangalan ni Kapatid na Felix Manalo. Kung ang bagay na ito ang kanilang hinahanap,
sila na rin ang naglalantad sa kanilang sarili na sila’y hindi nakauunawa ng
tuntunin ng Diyos sa paghahalal sa Kanyang mga Sugo sa pamamagitan ng
hula. Bakit? Sapagka’t hindi binabanggit ang pangalan ng
mga inihahalal na Sugo ng Diyos sa pamamagitan ng hula. Binanggit ba ang pangalan ni Juan Bautista sa
Hula na tumutukoy sa kanya? Hindi!
Ano ang binabanggit sa hula? Ang
kanyang gawain o tungkuling isasagawa.
Ano ang gawain ni Juan Bautista ayon sa hula? Siya’y maghahanda
ng daan ng Panginoon o ng ating Panginoong Jesucristo (Isa. 40:3-4).
Si Juan Bautista ba ang nagsagawa ng gawaing ito? Opo.
Kung gayon, tiyak na siya ang katuparan ng hula.
Binanggit ba ang pangalan ng ating Panginoong
Jesucristo sa hula ukol sa Kanya? Hindi rin
po. Ano ang binanggit ng
hula? Ang Kanyang tungkulin at ang dako
na Kanyang pagmumulan? Saan dako Siya
magmumula? Ititindig sa gitna ng mga kapatid o sa Israel . Ano ang Kanyang gawain?
Gaya
ni Moises. (Deut. 18:18-19). Ano ba si Moises? Sugo ng Diyos
upang magligtas ng bayan ng Diyos sa pagkaalipin sa Ehipto (Exo. 3:10).
Gayon din naman, si Cristo ay Sugo ng Diyos upang magligtas ng bayan ng
Diyos o ng Iglesia ni Cristo sa
pagkaalipin sa kasalanan. Ito ba ang
ginawa ni Cristo? Opo. Natupad ba ito sa kanya? Natupad.
Kung gayon, si Cristo nga ang tinutukoy ng hula ayon sa katuparan nito.
Binanggit ba ang pangalan ni Apostol Pablo
sa hula ukol sa kanya? Hindi rin po! Ano ang
binanggit sa hula? Ang kanyang
gagawin. Ano ang kanyang gawain? Siya’y ibinibigay na ilaw sa mga Gentil sa ikaliligtas
(Isa. 49:6).
Natupad ba ito sa kanya?
Natupad. Siya
ang nangaral ng Ebanghelyo sa mga Gentil, kaya siya ay naging apostol sa mga
Gentil (Gal. 2:8). Dahil dito, hindi man binanggit ang pangalan
ni Pablo sa hula ay natiyak natin na siya nga ang Sugo sa mga Gentil sapagka’t
siya ang kinatuparan nito. Kung ang
pangalan ni Juan bautista, ni Jesus, at ni Apostol Pablo ay hindi binanggit sa
hula, hindi dapat hanapin ng mga kumakalaban sa Iglesia ni Cristo ang pangalan ni Kapatid na Felix Manalo na
mabanggit sa hula sa kanyang pagka-sugo.
Bakit hindi binabanggit ang pangalan ng Sugo ng Diyos na inihahalal sa
pamamagitan ng hula? Sapagka’t ang
pangalan ay madaling parisan at sa katotohanan ay maraming mga tao ang
nagkakaparis ng mga pangalan. Kung
magkaroon ng tatlumpung tao na pawang Felix Manalo ang pangalan ay lalong
babangon ang malaking pag-aalinlangan kung sino sa kanila ang tunay na
Sugo. Kaya ang sinumang tumutunghay ng
hula ng Diyos ay dapat sumunod sa Kanyang tuntunin. Ano ba ang tuntunin ng Diyos sa pagsusugo sa
pamamagitan ng hula? Hindi binabanggit
sa hula ang pangalan ng Kanyang sinusugo.
Ano ang mahalagang binabanggit sa hula ukol sa Sugo sa Huling Araw na
ito? Ang panahon ng pagtawag ng Diyos sa Huling
Sugong ito. Ang dakong pagmumulan
niya. Ang uri ng kanyang gawaing
tutungkulin. Ang mga pangako ng Diyos sa
Sugong ito sa pagtupad ng kanyang tungkulin.
Kailan ba ang panahon ng pagtawag ng Diyos
sa Huling Sugo? Tatawagin
ng Diyos ang Huling Sugo sa “mga wakas ng lupa” (Isa. 41:4, 9). Ang tiyak na
panahon ng “mga
wakas ng lupa” ay 1914, at mula sa mga sulok niyaon o sa mga sulok
ng lupa. Alin ang tinatawag na mga sulok
ng lupa? Ang apat na direksiyon ng
mundo: Silanganan, Hilagaan, Timugan at
Kanluran. Ang Huling Sugo ay tinawag
mula sa Timugan o sa Iglesia Katolika, sapagka’t siya’y Katoliko sa
pasimula. Ang Iglesia Katolika ay galing
sa Roma na nasa TIMOG
ng Europa. Pagkatapos ay nasama siya sa
mga Protestante na dumating dito sa Pilipinas mula sa HILAGANG AMERIKA, kaya tinawag
siya ng Diyos sa HILAGAAN. At ang Huling
Sugo ay mula sa MALAYONG
SILANGAN o sa PILIPINAS, sapagka’t siya’y isang tunay na Pilipino. Ano ang uri ng kanyang gawain? Katulad ng ibong mandaragit, sapagka’t
daragitin o kukunin niya ang mga anak ng Diyos na nakukulong sa Katoliko at
Protestante na narito rin sa Malayong Silangan
o Pilipinas (Isa. 46:11; 43:5).
Ano naman ang pangako ng Diyos sa Kanyang Huling Sugo? Ang Sugong ito’y
hindi itatakuwil ng Diyos, ang Diyos ay
sumasakanya, palalakasin, tutulungan at aalalayan ng kanang kamay ng Kanyang
katuwiran (Isa. 41:10).
Natupad ba kay
Kapatid na Felix Manalo ang lahat ng binabanggit ng hula? Natupad!
Basahin ang sinundang [kabanata] nito na
may paksang “Ang
Sugo ng Diyos Sa Huling Araw Na Ito.” Kung gayon, hindi man binanggit ang pangalan
ni Kapatid na Felix Manalo sa hula ay hindi dapat pagalinlanganan ng sinuman na
siya nga ang Huling sugo na tinutukoy ng hula.
Bakit? Sapagka’t sa kanya natupad
ang lahat ng binabanggit ng hula. Wala nang
IBA pang kinatuparan nito kundi si Kapatid na Felix Manalo.
Samakatuwid, ang mga tao na gumagawa ng
paglilingkod sa Diyos ay nararapat makisama sa karapatan ng Huling Sugo sa
huling araw ng ito upang maging dapat.
Ang Huling Sugong ito ang Sugo sa pangalan ni Cristo o sa Iglesia ni Cristo, kaya ang sinumang
makikisama sa karapatan ng Huling Sugo ay dapat lumagay sa Iglesia ni Cristo. Ang Iglesia ni Cristo ang sa Diyos,
sapagka’t may Sugo na dapat pakisamahan sa ikapagiging dapat ng paglilingkod.
Nguni’t paano raw ngayong namatay na si
Kapatid na Felix Manalo na Huling Sugo ng Diyos? Marami ang nagpapalagay na tapos na rin ang Iglesia ni Cristo sa Pilipinas sa
pagkamatay na ito ng Huling sugo. Hindi
maaaring mawala o matapos ang Iglesia ni
Cristo. Namatay man ang Sugo ay
hindi naman natatapos ang organisasyon na siyang Iglesia ni Cristo. Ito’y magpapatuloy at hahantong hanggang sa araw ng
paghuhukom (Apoc. 14:14-15). Ngunit ngayong wala na si Kapatid na Felix Manalo,
sa kaninong karapatan daw naman dapat makisama ang mga Iglesia ni Cristo at gayon din ang mga iba pang naglilingkod sa
Diyos? Sa karapatan ng kapalit na
inilagay ng Diyos sa pamamagitan ng Huling Sugo. Nang mamatay si Moises na Sugo ng Diyos sa
bayang Israel ay ipinalit o inihalili si Josue, gayon din naman, may inihanda
ang Diyos sa pamamagitan ng pangunguna ng Huling Sugo na kanyang kahalili. Kailanma’t buo ang organisasyon at namatay
ang Lider o Sugo, doon din sa loob ng organisasyong iyon kukuha ng ipapalit sa
namatay. Kaya buhay pa si Moises ay
inihanda na si Josue na hahalili sa kanya.
Ang kanyang karangalan at kapangyarihan ay isinalin
ni Moises kay Josue upang sundin siya ng buong kapisanan na mga anak ni Israel .
(Blg. 27:15-20). Kaya nang mamatay si Moises ay humalili sa
kanya si Josue upang ipagpatuloy ang naiwang gawain ng Sugo ng Diyos na si
Moises, na patnubayan ang Israel . Kung paano bang
sumama ang Diyos kay Moises ay gayon din ang Diyos ay sumama kay Josue? “Walang makatatayong sinomang
tao sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: kung paanong ako'y suma
kay Moises, ay gayon ako sasa iyo: hindi kita iiwan ni pababayaan kita.”
(Josue 1:5).
Nangako ba naman ang bayang Israel na kanilang susundin ang
pamamahala ni Josue? Nangako ang bayang Israel na kanilang susundin si
Josue katulad ng kanilang pagsunod kay Moises at ang sinumang maghihimagsik
laban sa pamamahala ni Josue ay kanilang papatayin (Josue 1:16-18).
Si Cristo na ating Panginoon ay namatay
din. Dahil ba rito’y nawasak na ang Iglesia ni Cristo? Hindi.
Nabuhay na mag-uli si Cristo at bago Siya umakyat sa langit ay mayroon
Siyang inilagay na kahalili Niya sa pangangasiwa ng Iglesia. Sino ang inilagay ng ating Panginoong Jesucristo na mga
kahalili Niya? Ang
mga Apostol. Sinabi sa kanila ni Cristo
na sila’y Kanyang sinusugo na katulad ng pagkasugo sa kanya ng Ama (Juan 20:21). Ang mga Apostol ang nagpatuloy ng pangangaral ng
Ebanghelyo sa ikaliligtas ng mga sasampalataya (Mar.
16:15-16). Hindi naging balakid
ang pagkamatay ni Cristo sa pagpapatuloy ng gawain at paglago ng Iglesia ni Cristo. Gayon din ang Iglesia ni Cristo sa huling araw na ito, noon pang Enero 28, 1953,
ay mayroon nang inihanda ang Sugo na magiging kahalili niya kung siya’y
mamatay. Ito ang mangangasiwa sa Iglesia ni Cristo upang ipagpatuloy ang banal na gawain ng Iglesia. Ito’y si Kapatid na Erano G. Manalo. Siya ang
inihanda ng Diyos sa pamamagitan ng Huling Sugo upang ipagpatuloy ang
pamamahala sa Iglesia ni Cristo sa
huling araw na ito. Kaya ang sinumang
maglilingkod sa Diyos sa huling araw na ito ay dapat makisama sa karapatan ng
nangangasiwa sa Iglesia ni Cristo.
Ang
katotohanang ito ay hindi maaaring labuin ng mga kumakalaban sa Iglesia ni Cristo, gayunman, hindi nila
matanggap na ang Iglesia ni Cristo ay
sa Diyos, dahil sa isang aral nito na NASASALUNGAT sa lahat ng iba’t ibang iglesia. Aling aral iyon? Ang tungkol sa tunay na
kalagayan ni Cristo.
Ang Iglesia ni Cristo raw ay hindi sa Diyos
kundi Anti-Cristo, dahil sa aral na ito na LABAN sa lahat halos ng relihiyon. ANO NGA BA ANG TUNAY NA KALAGAYAN NI CRISTO? Basahin ang susunod na [kabanata].
________________________________________________________________
Basahin din:
Bisitahin:
________________________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito. Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran. Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito. Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran. Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________