Ang Matatag na Sambahayan
sa Kasalukuyang Panahon
Sinulat ni EDELYNDON L. ENRIQUEZ
Nagbabago man ngayon ang pananaw
o isipan ng maraming tao sa sanlibutan ukol sa moralidad at wastong kaasalan,
namamalagi ang tagubilin ng Diyos maging sa panahon natin ngayon.
Sa kasalukuyan ay maraming
pagbabagong nagaganap sa lipunan at sa daigdig na hindi lamang nagpaparupok sa
pinakapundasyon ng pamilya kundi nagsasapanganib pa sa marami. Noon pa man, sa panahon ng mga apostol, ay
mayroon na silang ibinigay na babala tungkol sa magiging kalagayan ng mundo:
“Datapuwa't
alamin mo ito, na sa mga huling araw ay
darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa
kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw,
masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, Walang katutubong pagibig, mga walang
paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis,
hindi mga maibigin sa mabuti, Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga
maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan,
datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.”
(II Tim. 3:1-5)
Tuwirang nagbabala ang mga apostol na ang
mga huling araw ay totoong mapanganib dahil sa magiging gawi at ugali ng mga
tao. Sadyang nakababahala ang nangyayari
sa marami, lalo na sa mga kabataan, na nasusumpungang maibigin sa sarili,
masuwayin sa magulang, mga walang turing, mga walang pagpipigil sa sarili, at
mga maibigin sa kalayawan. Ang ganitong
kalakaran sa panig ng mga kabataan ay lumalarawan sa kalagayan ng kanilang
sambahayan.
Ang mga sociologists na gumagawa ng mga pag-aaral
tungkol sa lipunan ay iniuugnay ang mga pagbabagong nangyayaring ito at sa
karakter ng mga tao sa modernization at globalization, mga itinuturing na phenomenon at
puwersa na masusumpungan sa larangan ng teknolohiya sa komunikasyon. Sa impluwensiya ng Kanluran, partikular ng
Estados Unidos, ang mga bansa na tulad ng Pilipinas ay dumaraan sa proseso ng modernization kung saan ay makikita ang
pag-unlad ng teknolohiya, pag-unlad ng mass
media, at ang pagbabago sa paniniwala at values o pagpapahalaga ng mga tao.
Ang globalization naman ang
nagpabilis at nagbigay-lakas sa proseso ng modernization.
Kaya sa kasalukuyang panahon, sa
pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa komunikasyon at
transportasyon, kapansin-pansin ang mabilis na pagkilos o paglipat sa iba’t
ibang bansa hindi lamang ng mga tao kundi maging ng impormasyon, salapi, at
kalakal.
Dahil sa mabilis na pag-unlad ng
teknolohiya sa komunikasyon kabilang na rito ang Internet ay nagkaroon ng globalization of information. Ito ay nakapagpapabago nang malaki sa takbo ng
daigdig. Subalit nagkaroon din ng mga
negatibong epekto ang mga pagbabagong ito sa maraming sambahayan.
Ang negatibong epekto ng
mabilis na daloy ng impormasyon
Ang mabilis na pagdaloy ng mga
impormasyon mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, partikular ng mga ideyang
mula sa Kanluran tulad ng liberalismo at relatibismo, ay nagtulak sa marami na
ipahayag at gawin ang sarili nilang gusto kahit hindi na naaayon sa moral at spiritual
values na
naunang tinanggap at natutuhan nila sa kanilang sambahayan at sa relihiyong
kinalakhan.
Batay sa pag-aaral ng
mga sociologists, may mga
kabataan—katulad ng mga nasa Pilipinas—na nagkaroon ng pananaw na iba sa mga
kinamulatan nilang pamantayan ukol sa moralidad at wastong kaasalan na
natutuhan nila sa kanilang mga magulang.
Sinasabi ng mga kabataang ito na ang mga dating pamantayan ay lipas na
at wala ng halaga sa kasalukuyan (Belen T. G. Medina, The Filipino Family, 2001, pp.
236-237). Dahil sa maling pananaw na
iyon ay naging karaniwang bagay na lamang sa maraming kabataan ang premarital
sex, teen-age pregnancy, single parenthood, at
maging ang homosexuality.
Hindi lamang ang mga kabataan ang
naimpluwensiyahan ng mga liberal values o ng mga
modernong isipan kundi maging ang mga magulang o ang mga may asawa. Batay
rin sa pag-aaral, may kinalaman ang mass
media sa pagdami ng bilang ng mga may-asawang nagkaroon ng extra marital affairs, at
kapansin-pansin ang pagpayag o pagpaparaya ng marami sa ganitong uri ng
pamumuhay na resulta pa rin ng modernization (Ibid., p. 130). Kapansin-pansin din ang pagdami sa
kasalukuyang panahon ng mga kaso ng paghihiwalay ng mag-asawa. Sa
pagtaya ng bilang ng mga kaso sa korte na isinampa ng mga mag-asawa laban sa
isa’t isa, ng mga petisyon ukol sa paghihiwalay (legal separation at annulment),
at ng mga talagang hiwalay na, ipinahayag ng mga nagsuri na ang pagsasama ng
maraming mag-asawa sa kasalukuyang panahon ay nagiging marupok at maligalig (Ibid., p. 282).
Ang matatag na sambahayan
Sa panahong mapanganib
Bago pa man pag-aralan ng mga sociologists ang epekto ng mga
pagbabagong nagaganap sa lipunan at sa daigdig, mayroon nang ipinagpauna at
ibinabala ang Panginoong Jesucristo sa magiging kalagayan ng tao bago magwakas
ang mundo. Sinabi Niya:
“At
samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng
bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari
ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng
katapusan ng sanglibutan? …At dahil sa
pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.” (Mat. 24:3, 12)
Ayon mismo sa Panginoong Jesucristo, sa
panahong malapit na ang Kaniyang muling pagparito na siya ring katapusan ng
mundo, lalaganap ang kasamaan at ang pag-ibig ng marami sa Diyos ay lalamig.
Itinuturo ng Banal na Kasulatan kung aling
sambahayan ang magiging mapalad sa lahat ng panahon kahit na may mga banta ng
mga pagbabagong dulot ng makabagong panahon:
“Mapalad
ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot, Ang maalab na adhika’y sumunod sa
kanyang utos. Hindi siya magkukulang
sa anumang kailangan, Ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay. Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na
mabunga, Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya. Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong
susundin, Buhay niya ay uunlad at lagging pagpapalain.” (Awit
128:1-4, Magandang Balita Biblia)
Ang sambahayang may takot sa Diyos ay
naninindigan sa pagpapahalaga at sa pagsunod sa mga utos ng Diyos anuman ang
mangyaring pagbabago sa daigdig. Noon pa
mang una ay mahigpit nang itinagubilin ng Diyos sa mga magulang na mag-ingat
sila upang wala isa man sa kanilang sambahayan ang tumalikod at magdala ng
nakalalasong isipan nang sa gayon ay huwag mapahamak ang kanilang angkan (Deut.
29:18-19, Ibid.).
Nagbabago man ngayon ang pananaw o isipan
ng maraming tao sa sanlibutan tungkol sa moralidad at wastong kaasalan,
namamalagi ang tagubilin ng Diyos maging sa panahon natin ngayon na binigyang
diin ng mga apostol sa kanilang pagtuturo:
“Huwag na kayong umayon
sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo
at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos—kung ano ang
mabuti, nakalulugod sa kanya at talagang ganap.” (Roma 12:2, Ibid.).
Ang dapat gawin sa anak
Kung nagsisikap ang mga magulang
na mapag-aral ang kanilang mga anak upang makaagapay sila sa mabilis na paglago
ng kaalaman sa daigdig at mabigyan sila ng magandang kinabukasan, dapat naman
silang sawayin kung ang pinakikinggan na nila ay mga isipan o paniniwalang
salungat sa aral ng Diyos. Ang sabi sa Kawikaan
19:27:
“Magtigil ka anak ko, sa
pakikinig ng aral Na nagliligaw lamang mula sa mga salita ng kaalaman.”
Ang halimbawa nito ay ang tinatawag na materialism o ang labis na pagpapahalaga
sa mga material na bagay. Ito ay
maaaring unti-unting pumupukaw at natatanim sa isipan ng mga kabataan lalo na
sa panahong ito ng globalization. Hindi masama na maghangad ng kasaganaan at
pag-unlad, subalit kapag ito ang higit na pinahahalagahan ng tao at ito na
lamang ang kaniyang inaasahan, siya ay manganganib na maligaw ng landas at
mapahamak.
Ang mga kabataan ngayon ay may mga
naririnig sa mga paaralan bukod pa sa mga nakikita nila sa telebisyon at sa Internet, o
nababasang mga kuru-kuro, kaisipan, at values na maaaring lumalabag na sa
kalooban ng Diyos. Dahil dito, dapat
subaybayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak, sawayin, at ituwid
kung nagkakamali. Dapat nilang alamin
kung ano ang mga kaalamang natatanggap nila sa paaralan at gabayan sila sa
wastong paggamit ng makabagong teknolohiya sa komunikasyon.
Hindi dapat payagan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng ibang
konsepto ng tama at mali
o ng katotohanan at hindi katotohanan tulad ng “relatibismo” na pinahahalagahan sa mga
modernong lipunan. Ayon sa kaisipang ito,
ang isang ideya o gawi ay itinuturing na tama hindi batay sa mga aral ng Diyos,
kundi depende o relatibo sa kung ano ang naaangkop sa panahon, sa kultura, o sa
interes ng mga tao. Kaya ang mga
kabataang naimpluwensiyahan ng ganitong isipan ay iniwan ang dating paniniwala
at ang sinunod ay ang paraan ng pamumuhay na inaakala nilang angkop sa panahon
at sa sarili nilang gusto.
Kung hindi sasawayin ng mga magulang at sa
halip ay sila pa ang umaayon sa moderno at liberal na isipan na hiwalay sa
kalooban ng Diyos, malamang na kapag ang kanilang mga anak ang naging magulang
na rin, iba nang isipan at gawi ang maisasalin nila sa kanilang magiging mga
anak. Kapag ito ay nangyari malilihis
rin ang takbo ng isipan, pag-uugali, at paraan ng pamumuhay ng mga susunod na
henerasyon.
Upang ito ay hindi mangyari, pinapananagot
ng Diyos ang mga magulang na tiyaking maituro sa lahat ng susunod na lahi o
henerasyon ang Kaniyang mga aral upang ang lagi nilang masunod ay ang Kaniyang
mga utos: “Sa lahat ng lahi nila
ito’y dapat na iaral, At ang angkang susunod pa ay marapat na turuan. Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
Ang matatag na pag-asa’y ilalagak nila sa Diyos, At ang dakila niyang gawa’y
hindi nila malilimot” (Awit 78:6-7, MB). Sa ganito, hindi malalagot ang pagpapahalaga
at paggalang sa mga utos ng Diyos sa lahat ng panahon, anuman ang mga
pagbabagong nagaganap sa daigdig.
Ang utos ng Diyos sa mag-asawa
Napakalaki ng kinalaman ng
matatag na pagsasama ng mag-asawa sa ikapagkakaroon nila ng bisa sa pagtuturo
at pagsaway sa kanilang mga anak. Kapag
nakikita ng mga anak na ang kanilang mga magulang ang unang nanindigan sa
pagpapahalaga at pagsunod sa mga utos ng Diyos anuman ang mga pagbabagong
nangyayari sa mundo, ganito rin ang kanilang gagawin. Dahil dito, ano ang ipinag-uutos ng
Diyos sa mag-asawa? Ang sabi ng Banal na
Kasulatan:
“Dapat igalang ng lahat
ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa’t-isa ang mag-asawa. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga
nakikiapid at mga nangangalunya.” (Heb. 13:4, Ibid.)
Kahit pa moderno na ang panahon, hindi
sila magkakaroon ng relasyon sa iba, sa halip ay mamamalaging matatag ang
pagmamahalan at pagsasama ng mag-asawang may takot sa Diyos. Anuman ang suliraning bumabagabag sa kanilang
sambahayan at sa kanilang pagsasama, buong tiyaga nila itong pinagtutulungang
malunasan sa paraang hindi labag sa kalooban ng Diyos. Kailanman ay hindi nila gagawing lunas ang
paghihiwalay sapagkat iginagalang nila ang kautusan ng Diyos na huwag makipaghiwalay ang babae o ang lalake
sa kaniyang asawa (I Cor. 7:10-11, Ibid.)
sapagkat namumuhi ang Diyos sa
diborsiyo (Mal. 2:16, New Pilipino Version). Dahil dito, ang mag-asawang may takot sa
Diyos ay hindi maiimpluwensiyahan ng masamang paligid.
Nais ng Diyos na ang
bawat miyembro ng sambahayan, mula sa mga magulang hanggang sa lahat ng
kanilang mga anak, ay magtaglay ng takot sa Kaniya, manindigan sa pagsunod sa
Kaniyang mga utos, at walang isa man na sa Kaniya’y tatalikod. Sa ganito, magiging matatag ang sambahayan
ngayon at sa hinaharap na panahon.*****
GOD’S MESSAGE/February 2008,
pages 23-25
________________________________________________________________