Martes, Setyembre 4, 2012

May Cristo Nga Kayang Eksistido Na Sa Simula Pa Lamang?


“WALANG CRISTO SA KALAGAYAN
SA PASIMULA KUNDI SALITA NA BINALAK”

Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyrigt 1964 by
CHURCH OF CHRIST
(Iglesia Ni Cristo)
Kabanata XXIII
Pahina 199-208



Natiyak natin sa patotoo  ng mga talata ng Biblia na [TAO ang tunay na kalagayan ni Cristo].  Kailan ma’y hindi naging Diyos si Cristo.  Ang Ama ang iisang tunay na Diyos na itinuturo ni Cristo na dapat kilalanin ng lahat ng tao.

     Datapuwa’t ang lahat ng relihiyong naniniwalang si Cristo’y Diyos ay nagkakaisa ng pagtuturo na ang kalagayan daw ni Cristo sa pasimula ay Diyos na at pagkatapos daw ay nagkatawang-tao.  Totoo kaya ang kanilang paniniwalang ito na kanilang ipinakikilala?  Sa ikalulutas ng suliraning ito ay kailangang pag-aralan ang paksang binabanggit sa itaas nito:  “WALANG CRISTO SA KALAGAYAN SA PASIMULA KUNDI SALITA NA BINALAK.”

Mayroon na bang Cristo
Sa kalagayan sa pasimula?
     Sa Juan 1:1, ay sinasabi ang ganito:

     Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.

     Sa Bibliang Ingles ay ganito ang nakasulat:

     “In the beginning was the Word, and the Word was with God, and the Word was God.

     Malinaw na mapapansin natin na hindi wasto ang pagkakasalin ng talatang ito sa wikang Tagalog mula sa Bibliang Ingles.  Sa Bibliang Ingles ay wala ang pronombre o panghalip na “siya” (He).  Idinagdag ang panghalip na “siya” na wala naman sa Bibliang Ingles upang palitawin na  mayroon na ngang kalagayan si Cristo sa pasimula.  Mapapansin din ang maling pagkakasalin sa wikang Tagalog ng “Word” na sa pagkakasalin ay “Verbo.”  Ang Verbo ay wikang Kastila at hindi wikang Tagalog.  Ang kahulugan ng “Word” sa wikang Tagalog ay “Salita” at hindi Verbo.  Kung gayon, ang dapat maging salin ng Juan 1:1, ay ganito:

     “Nang pasimula ay Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos.”

     Sa talatang ito’y mayroon bang sinasabi na si Cristo’y Diyos na sa pasimula?  Wala!  Mayroon na bang Cristo sa kalagayan sa pasimula?  Wala pa rin!  Ano pa lamang sa pasimula?  Salita pa lamang!  Kanino galing ang Salita?  Sa Diyos na nagsalita!  Ang Diyos bang nagsalita ay si Cristo?  Hindi!  Sino?  Ang Diyos na mula’t mula pa na walang pasimula at walang hanggan (Awit 90:2).  Kung gayon, paano magiging Diyos pa si Cristo sa pasimula?  Mayroon na palang Diyos sa mula’t mula pa!  Sa hulihan daw ng talata ay sinasabing:  “ang Salita ay Dios.”  Ang ibig bang sabihin ng “ang Salita ay Diyos,” si Cristo ay Diyos na sa pasimula?  Hindi, ang konklusyong iyan ay pakahulugang sarili lamang ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos.  Ano ang ibig sabihin ng:  “ang Salita ay Diyos?”  Ang Salita ay Diyos, ngunit ang Diyos ay hindi Salita.  Ano ang kalagayan ng Diyos?  Espiritu (Juan 4:24).  Kung gayon,  kalagayan ba ng Diyos ang tinutukoy ng:  “ang Salita ay Diyos?”  Hindi, sapagka’t ang Diyos ay hindi nga salita.  E, ano ang ibig sabihin nito?  Ang salita ng Diyos ay Diyos, hindi sa kalagayan kundi sa uri ng Diyos.  Ang salita ng Diyos ay kauri ng Diyos na nagsalita.  Ano ba ang uri ng Diyos?  Ang Diyos ay makapangyarihan, kaya ang salita Niya’y tinatawag na Diyos, sapagka’t ang Kanyang mga salita ay makapangyarihan din na katulad Niya.  “Sapagka’t walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Luc. 1:37).  “…oo, aking sinalita, akin namang papapangyarihin; aking pinanukala, akin namang gagawin” (Isa. 46:11).

     Samakatuwid, sa Juan 1:1, ay walang sinasabi na mayron nang Cristo sa kalagayan sa pasimula.  Ano ang nasa talata?  “Nang pasimula ay Salita…”  Ano ang salita?  Ang salita ay hindi kalagayan.  Ano ang tinatawag na salita?  Ito’y binubuo ng tatlong bagay.  Tinig, titik, at tinutukoy.  Bakit ganito ang tinutukoy na salita?  Sapagka’t kung mayroon mang tinig at wala namang letra ay hindi maaaring tawaging salita.  Ano ang tawag doon?  Ingay o ugong.  Ngunit mayroon mang letra at wala namang tinutukoy ay hindi rin maaaring maging salita.  Kaya ang salita ay dapat buuin ng tinig, titik, at tinutukoy.  Ito pa lamang ang mayroon sa pasimula.  Salita pa lamang!  Wala pang kalagayan!  Anong uring salita?  Salita pa lamang na binalak ng Diyos.  Pinatutunayan din ba ng Iglesia Katolika na talagang Salita na binalak ng Diyos ang Cristo sa pasimula?  Opo.  Sino ang nagpapatunay?  Si Pari Juan L. Trinidad sa kanyang Bagong Tipang Katolikong salin niya sa wikang Tagalog mula sa Vulgata Latina (Bibliang Katoliko).  Sa I Ped. 1:20, ay ganito ang nasusulat.

     “Nasa isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang daigdig, nguni’t ipinakilala Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.”

     Tinitiyak ng talatang ito na Siya (Cristo) ay nasa isip pa lamang ng Diyos bago nilalang ang daigdig.  Kung gayon, maliwanag na sa pasimula ay WALA PANG CRISTO SA KALAGAYAN.  Ano ang mayroon sa pasimula?  Nasa isip pa lamang ng Diyos ang panukala sa paglalang ng Cristo o Salita pa lamang na BINALAK ng Diyos.  Samakatuwid, hindi totoong mayroon nang Cristo sa kalagayan sa pasimula!  At lalong hindi totoo na si Cristo’y Diyos na sa pasimula, gaya ng paniniwala at itinuturo ng mga relihiyong naniniwala na si Cristo’y Diyos.

     Ano pang ibang talata ng Biblia ang ginagamit ng mga naniniwala na si Cristo’y Diyos upang patunayan nila na may Cristo na sa kalagayan sa pasimula?  Ang nasa Col. 1:17, na ganito ang sinasabi:

     “At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya.

     Sinasabi raw sa talatang ito na “Siya” (Cristo) ay una sa lahat ng mga bagay, kaya maliwanag daw na mayroon nang Cristo sa kalagayan sa pasimula.  Saan ba una si Cristo sa lahat ng bagay?  Sa pagkalalang ba?  Hindi!  E, saan una si Cristo sa lahat ng mga bagay?  Sa pagkapanukala ng Diyos at hindi sa pagkalalang!  Kaya sa pasimula ay NASA ISIP PA LAMANG SIYA NG DIYOS o panukala pa lamang ng Diyos ang paglalang kay Cristo.  Bakit si Cristo ang pinanukala ng Diyos na UNA sa lahat ng mga bagay?  Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya.(Talatang 16).  Bakit si Cristo ang pinanukala ng Diyos na una sa lahat ng mga nilalang?  Sapagka’t ang lahat ay nilalang ng Diyos na itinalaga at iniuukol kay Cristo (Efe. 2:10).  Nalalaman ng Diyos na magkakasala ang mga taong Kanyang lalalangin, kaya pinanukala Niyang UNA ang paglalang ng Cristo upang Siya ang maging Tagapamagitan nila sa Diyos (I Tim. 2:5).  Kaya ang lahat ay nilalang sa pamamagitan Niya at ukol sa Kanya.  Kailan pa binalak ng Diyos na iukol kay Cristo ang mga tao na Kanyang lalalangin?  Sa Efe. 1:4-5, ay ganito ang sinasabi:

     Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:

     “Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban.

     Kailan pa binalak ng Diyos na iukol kay Cristo ang mga tao na Kanyang nilalang?  Nang una pa, bago pa itinatag ang sanlibutan at hindi pa nilalalang ng Diyos ang mga tao, sila’y pinili na ng Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nilalang na iukol kay Cristo.  Bakit?  Upang sila’y maging mga banal at mga walang dungis sa pag-ibig sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.  Dahil dito’y napakaliwanag na si Cristo ay hindi maaaring Diyos na sa pasimula.  Bakit?  Sapagka’t sa pasimula’y mayroon nang Diyos na nagbalak ng paglalang nang Cristo na pag-uukulan Niya sa mga taong Kanyang lalalangin.  Si Cristo ay sinasabing UNA SA LAHAT NG MGA BAGAY, sapagka’t UNA SIYA SA PAGKAPANUKALA NG DIYOS, nguni’t sa PAGKALALANG ay una ang mga taong pinanukala ng Diyos na iukol sa Kanya bago pa itatag ang sanlibutan.

Kailan nilalang ng Diyos ang tao na Kanyang
Binalak bago itinatag ang sanlibutan?
     Sa Gen. 1:26, 27, 31, ay sinasabi ang ganito:

     “At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang  tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa.

     “At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.

      “At nakita ng Dios ang lahat ng kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaanim na araw.

     Kailan nilalang ng Diyos ang mga tao na Kanyang binalak bago itinatag ang sanlibutan?  Nilalang ng Diyos ang tao nang ikaanim na araw mula sa simula ng paglalang sa mundo.  Mayroon na bang Cristo noon sa kalagayan?  Wala pa!  Kailan naman ipinanganak ang ating Panginoong Jesucristo?  Sa Luc. 2:1-7, 11, ay ganito ang sinasabi:

     “Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.

     “ Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.

     “At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.

     “ At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;

     “Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.

     “At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

     “At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

     “Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

     Kailan ipinanganak ang ating Panginoong Jesucristo?  Noong araw na lumabas ang isang utos ni Augusto Cesar na magpatala ang buong sanlibutan upang magkaroon ng sensus ng mga mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.  Nagtungo roon sina Jose at Maria at noon ipinanganak ni Maria si Jesus sa isang pasabsaban sa silungan ng mga hayop.  Samakatuwid, maraming sali’t saling lahi ng mga tao ang nakaraan muna bago pa ipinanganak ang ating Panginoong Jesucristo (Mat. 1:17).  Ano ang ipinakikilala sa pagkapanganak ng ating Panginoong Jesucristo?  Ito ang katuparan ng sinasabi sa Juan 1:14, na ganito:

     At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

     Sa Bibliang Ingles ay ganito ang salin:

     “And the Word was made flesh, and dwelt among us, (and we beheld his glory, the glory as of the only begotten of the Father,) full of grace and truth.

     Samakatuwid, ang matuwid na dapat maging salin sa Wikang Tagalog ng talatang ito ay hindi “NAGKATAWANG-TAO ANG VERBO,” kundi “AT ANG SALITA AY GINAWANG LAMAN.”

     Bakit hindi isinalin ng wasto ang Juan 1:14 ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos?  Upang mabigyan nila ng lugal sa Biblia ang kanilang paniniwala na kanilang itinuturo na si Cristo’y Diyos na nga sa pasimula na nagkatawang-tao.  Ano ang ibig sabihin na ang SALITA ay ginawang laman o tao?  Ang Salita ay hindi naging tao, kundi ang Salita na binalak ng Diyos sa paglalang nang si Cristo ay nagkaroon ng kaganapan.  Ano ang kaibahan ng ang “Salita ay nagkatawang-tao” kaysa ang “Salita ay ginawang laman o tao?  Ang “Salita ay nagkatawang-tao” ay nangangahulugang ang tinutukoy ng Salita ay hindi talagang tao ang tunay na kalagayan, kundi nagkatawang-tao lamang.  Kaya sinasabi nilang ang Salita (ito raw si Cristo) ay Diyos sa pasimula at pagkatapos ay naging tao.  Samantalang ang “Salita ay ginawang tao” ay nangangahulugang ang tinutukoy ng Salita sa pasimula (Cristo) ay talagang TAO ang tunay na kalagayan nito at hindi Diyos.  Pinatutunayan ba ng Banal na kasulatan ang katotohanang ito?  Pinatutunayan.  Sa Mat. 1:16, 19-21, ay ganito ang ipinakikilala:

     At naging anak ni Jacob si Jose asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na siyang tinatawag na Cristo.

      “At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.

      “Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

     “At siya'y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.

     Ano ang tunay na kalagayan ni Cristo nang magkaroon na ng kaganapan ang sa simula’y binalak ng Diyos na lalangin? Tao.  Tao ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan, kaya isang batang lalake ang kanyang ipinanganak, na ito ang Jesus na tinatawag na Cristo.  Natupad ang panukala ng Diyos sa paglalang nang Cristo at ang Cristo na sa pasimula pa’y binalak ng Diyos na una sa lahat ng mga bagay ay TAO ang kalagayan.  Hindi Diyos sa pasimula na naging tao!  Iba ang Diyos na nagbalak sa paglalang nang Cristo at iba naman ang Cristo sa Diyos na nagpanukala ng paglalang sa Kanya sa pasimula.

Ano ang pagkakaiba ng simula ng Diyos
At ni Cristo?
     Sa Awit 90:2, ay ganito ang nasusulat:

     “Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.

     Ano ang pagkakaiba ng simula ng Diyos at ni Cristo?  Ang Diyos ay walang pasimula.  Bago pa nalabas ang mga bundok at bago pa Niya nilikha ang sanlibutan, Siya ay Diyos na.  Kaya ang Diyos ay walang pasimula at wala ring hanggan.  E, ang ating Panginoong Jesucristo, mayroon ba Siyang pinagmulan?  Sa Juan 8:42, ay ganito ang sinasabi:

     Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.

     Mayroon bang pinagmulan si Cristo?  Mayroon.  Sinabi Niya na Siya’y nagmula at nanggaling sa Diyos.  Kung gayon, iba nga ang Diyos kay Cristo at iba naman si Cristo sa Diyos!  Hindi si Cristo ang Diyos at ang Diyos ay hindi si Cristo!  Iba ang Diyos na pinagmulan ni Cristo kaysa kay Cristo na nagmula sa Diyos!

     Paano nagmula at nanggaling si Cristo sa Diyos?  Nagmula sa Diyos ang balak sa paglalang nang Cristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo (Mat. 1:20; Juan 1:1, 14).  Kailan nagkaroon ng kaganapan ang balak na ito ng Diyos sa pasimula?  Sa Gal. 4:4, ay ipinakikilala ang ganito:

     Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.

     Kailan nagkaroon ng kaganapan ang balak ng Diyos sa pasimula sa paglalang nang Cristo?  Nang dumating ang kapanahunan na ipanganak na si Cristo ng isang babae.  Sino ang babaing nanganak kay Cristo?  Si Maria na Kanyang ina (Mat. 1:16).  Nang panahong iyan lamang nagkaroon nang Cristo sa kalagayan!  Kaya mali ang paniniwalang mayroon nang Cristo sa pasimula, isang Cristo na sa pasimula raw ay Diyos at pagkatapos ay naging tao!  Ang masamang aaral na iyan ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos ay nasasalig lamang sa MALING SALIN sa Bibliang Tagalog ng mga talatang Juan 1:1, 14, mula sa Bibliang Ingles.

Paano makikilala ang maling pagkakasalin
Ng mga salitang nakatitik sa Biblia?
     Makikilala ang maling pagkakasalin ng mga salitang nakatitik sa Biblia kapag ang isang talata ay nasasalungat sa ibang mga talata na nasusulat din sa Biblia.  Sa lalong ikaliliwanag natin ng bagay na ito ay ating gamitin ang Rom. 9:5, na ganito ang nasusulat:

     “Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.

     Ano ang sinasabi sa talatang ito na salin sa Bibliang Tagalog?  Si Cristo ay Diyos na maluwalhati magpakailanman.  Bakit natin natitiyak na mali ang pagkakasalin ng talatang ito?  Sapagka’t may talatang sumasalungat sa talatang iyan.  Alin ang talatang sumasalungat dito?  Ang nasa I Cor. 8:6, na itinuro rin ni Apostol Pablo, na ganito ang sinasabi:

     “Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.

     Ayon sa talatang ito, sino ang Diyos na itinuturo ni Apostol Pablo?  Ang Ama, ang iisang Diyos na itinuturo ni Pablo.  Ano naman ang itinuturo sa Rom 9:5?  Si Cristo ang Diyos na maluwalhati magpakailan man.  Hindi ba magkasalungat ang dalawang talatang iyan?  MAGKASALUNGAT.  Kung gayon, natitiyak natin na ang isa sa dalawang talatang iyan ay MALI ANG PAGKAKASALIN.  Bakit?  Sapagka’t si Apostol Pablo ang nagtuturo sa dalawang talatang iyan.  Hindi maaaring si Pablo’y magturo ng salungat din sa kanya.  Sa ikatitiyak natin nito, ay pag-aralan natin ang salin ng Roma 9:5 sa Bibliang Ingles:

     “Whose are the fathers, and of whom as concerning the flesh Christ came, who is over all, God blessed for ever. Amen.

   Alin ang bahagi sa talatang ito mula sa Bibliang Ingles na MALI ang pagkasalin sa Bibliang Tagalog?  Ang salitang “God blessed.”  Ano ba ang wastong salin sa Tagalog ng salitang “GOD BLESSED?”  Ang God blessed sa Wikang Tagalog ay “pinagpala ng Diyos” at hindi “Diyos na maluwalhati.”  Kung gayon,  ang wastong salin sa Wikang Tagalog ng talatang Roma 9:5, mula sa Bibliang Ingles, ay ganito:

     “Sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, siya ay lalo sa lahat, pinagpala ng Diyos magpakailan man.  Siya nawa.”

     Dito’y maliwanag na mapapansin natin na si Apostol Pablo’y walang itinuturong si Cristo ay Diyos na maluwalhati magpakailan man, mula sa Bibliang Ingles.  Ano ang kanyang itinuturo?  Si Cristo ay pinagpala ng Diyos.  Sino ang Diyos na nagpala kay Cristo?  Ang AMA.  Kung gayon, kanino galling ang turo na si Cristo ay Diyos na maluwalhati na salin sa Bibliang Tagalog?  Sa mga naniniwala na si Cristo’y Diyos na nagsalin ng Bibliang Tagalog.  Sila lamang ang pinagmulan ng maling aral na iyan na mula naman sa kanilang maling pagkakasalin.  Namali ba sila o sadyang iminali nila ang pagkakasalin sa talatang ito sa Wikang Tagalog?  Maaaring sinadya nila na kanilang iminali.  Bakit?  Sapagka’t sa ibang mga talata, ang banggit na ‘God blessed” ay hindi nila isinalin ng “Diyos na maluwalhati.”  Sa Gen. 2:3 ng Bibliang Ingles ay sinasabi ang ganito:  “And God blessed the seventh day…”  Isinalin nila sa Bibliang Tagalog nang ganito:  “At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw…”  Alin naman ang banggit sa Bibliang Ingles na kanilang isinalin sa Wikang Tagalog ng:  “maluwalhating  Diyos?”  Ang talatang I Tim. 1:11, sa Bibliang Ingles na ganito ang sinasabi:  “According to the glorious gospel of the blessed God, which was committed to my trust.”  Ganito naman nila isinalin ito sa Bibliang Tagalog:  “Ayon sa Ebanghelyo ng kaluwalhatian ng maluwalhating Diyos, na ipinagkatiwala sa akin.”  Bakit ang “blessed God” sa talatang ito’y isinalin nila ng ‘Maluwalahating Diyos?’  Sapagka’t nalalaman nilang iyon ang wastong salin.  Ngunit bakit naman ang “God blessed” sa Roma 9:5, ay isinalin nila ng:  “Diyos na maluwalhati?”  Samantalang ang “God blessed” sa Gen. 2:3, ay isinalin nila ng “Binasbasan ng Diyos.”  Pareho ba ang “God blessed” at ang “blessed God?”  Hindi!  Kung gayon, talagang IMINALI nila ang pagkakasalin ng Roma 9:5 sa Bibliang Tagalog!  Bakit?  Upang kanilang bigyan ng PUWANG SA BIBLIA ang kanilang paniniwala na si Cristo’y Diyos!

     Ano pa ang isang talata na mali ang pagkakasalin sa Bibliang Tagalog ang ginagamit ng mga naniniwala na si Cristo’y Diyos?  Ang nasa I Juan 5:20, na ganito ang sinasabi:

     “At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.

     Ano ang ipinakikilala sa talatatang ito na salin sa Bibliang Tagalog?  Si Cristo raw ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan.  Bakit natin natitiyak na mali ang pagkakasalin ng talatang ito? Sapagka’t may talatang nasasalungat dito.  Aling talata?  Ang nasa Juan 17:3, 1, na ganito ang sinasabi:

     “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.

     “Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.

      Ano ang ipinakikilala ni Cristo sa talatang ito?  Ipinakikilala ni Cristo na ang AMA ang dapat kilalaning IISANG DIYOS na TUNAY.  Ang pagkakilalang ito ang may buhay na walang hanggan.  Ang sumulat ng sinalitang ito ni Jesus ay si Juan at siya rin ang sumulat ng I Juan 5:20, hindi maaaring si Juan ay sumulat ng salungat sa kanya rin.  Sa Bibliang Ingles ay ganito ang sinasabi sa I Juan 5:20: 

     “And we know that the Son of God is come, and hath given us an understanding, that we may know him that is true, and we are in him that is true, even in his Son Jesus Christ. This is the true God, and eternal life.

     Ano ang mali sa pagkakasalin sa Wikang Tagalog ng talatang ito?  Ang salitang “even” ay isinalin nila ng “samakatuwid” na “therefore” ang salitang katumbas nito sa Wikang Ingles.  Ang salitang “even” ay dapat isalin sa Wikang Tagalog ng “maging” o “kahit.”  Sa talatang ito’y walang sinasabing si Cristo ang tunay na Diyos.  Ito’y sariling pakahulugan o sariling konklusyon lamang ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos sa talatang ito.  Sinuman ay walang karapatang magpaliwanag at magpakilala sa tunay na Diyos, maliban sa ating Panginoong Jesucristo.  Bakit?  Sapagka’t si Cristo ang sinugo ng Diyos upang magpakilala sa tunay na Diyos.  Si Cristo ang nakakakilala sa Diyos, kaya siya ang dapat magpakilala sa Kanya (Juan 1:18; 7:28).

     Sino ang ipinakikilala ni Cristo na:  “Ito ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan?”  Ang sabi ni Cristo:  “Ito ang buhay na walang hanggan na IKAW, AMA, ang makilala nila na [IISANG DIYOS NA TUNAY]”  (Juan 17:3, 1).  Hindi ipinakilala ni Cristo na Siya ang TUNAY NA DIYOS.  Ano si Cristo?  Sinugo ng Diyos.  Diyos ba Siya na Sinugo ng Diyos?  Hindi!  Sinabi Niya:  “Ako’y tao na nagsaysay ng katotohanan na aking narinig sa Diyos”  (Juan 8:40).  Ano ngayon ang gagawin ninyo sa mga talatang ito, kayong mga naniniwalang si Cristo ang tunay na Diyos?  Kayo’y dapat magbalikloob at tigilan na ang pagpaparatang sa Iglesia ni Cristo na hindi sa Diyos at Anti-Cristo dahil sa aral nito na ang tunay na kalagayan ni Cristo ay TAO.  Kung hindi kayo magtitigil ng pagtuturo ng MALING PANANAMPALATAYA na si Cristo’y Diyos ay mananatili kayong kalaban ni Cristo o mga magdaraya at Anti-Cristo.  Si Cristo’y hindi Diyos sa pasimula at pagkatapos ay naging tao!  Sapagka’t ang Diyos ay hindi pumapayag na Siya’y maging tao at ang tao’y hindi pinapayagan ng Diyos na maging Diyos (Oseas 11:9; Ezek. 28:2).  Huwag ninyong ipilit ang inyong maling aral na ibinabatay sa inyong mga iminaling salin ng mga talata ng Biblia at sa inyong sariling pakahulugan at pagpapaliwanag.*****
__________________________________________________
Basahin din:
[Ang Orihinal Na Paniniwala kay Cristo Ng Mga Unang Cristiano]
[Kung Paano Nila Nilikha Ang Aral Na Si Cristo Ay Diyos]
[Frequently Asked Questions About Jesus Christ]
[Compare Beliefs In Jesus Christ]

Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]

INDEX
________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.  
_________________________________________________________________________________