Lunes, Setyembre 24, 2012

Ang Anghel Na May Taglay Ng Tatak Ng Diyos


Ang Anghel Na May Taglay
Ng Tatak Ng Diyos

Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Church of Christ
(Iglesia ni Cristo)
Kabanatang XIX
Pahina 157-164



Hindi lamang iisa ang hulang tumutukoy sa paglitaw ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas at sa sugo   ng Diyos sa huling araw.  Marami ang hulang nagpapatotoo tungkol dito.  Ang isa ay ang hulang nasa Apoc. 7:2-3, tungkol sa ibang anghel na may taglay ng tatak ng Diyos na buhay.  Sa kabanatang ito’y liliwanagin natin kung sino ang kinatuparan ng hulang ito.  Sipiin muna natin ang nilalaman ng Apoc. 7:2-3:

     “At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat,

      “Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios.

     Bago natin liwanagin kung sino ang katuparan ng anghel na may taglay ng tatak ng Diyos na binabanggit sa Apoc. 7:2-3, alamin muna natin kung may ilang uri sa kalagayan ang tinatawag na anghel.

May Ilang Uri Sa Kalagayan
Ang Tinatawag Na Anghel?
Sa Heb. 1:13-14, ay ganito ang sinasabi:

     “Nguni't kanino sa mga anghel sinabi niya kailan man, Lumuklok ka sa aking kanan, Hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tungtungan ng iyong mga paa?

     “Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?

     Ito ang isa  sa uri sa kalagayan ng tinatawag na anghel.  Ang kalagayan sa pagkalalang ay espiritu.  Ang tahanan ng mga anghel na ito’y sa langit, sa paligid ng luklukan ng Diyos (Apoc. 5:11).  Tangi rito, mayroon pa bang tinatawag na anghel na iba ang uri sa kalagayan kay sa nasa kalagayang espiritu?  Sa Apoc. 1:16, ay ganito ang sinasabi:

     At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.

     Ano itong pitong bituin na hawak sa kanang kamay?  Ito ba’y literal na bituin ang mga bituing planeta?  Sa Apoc. 1:20, ay ganito ang sinasabi:

     Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.”

     Ano itong pitong bituin?  Ito ay mga anghel ng pitong Iglesia.  Samakatuwid, ay may mga anghel ng Iglesia, at ang mga ito’y itinutulad sa bituin.  Ang Iglesia ay wala sa langit kundi nasa lupa, kaya ang itnatawag na anghel ng Iglesia na itinutulad sa bituin ay hindi taga langit kundi taga lupa.  Ano ang kalagayan sa pagkalalang nitong anghel ng Iglesia na itinutulad sa bituin?  Sa Dan. 12:3, ay ganito ang sinasabi:

     “At silang pantas ay sisilang na parang ningning ng langit; at silang mangagbabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailan man.

     Ang  anghel ng Iglesia na itinutulad sa bituin ay pantas sa pagpapabalikloob ng marami sa katuwiran ng Diyos.  Sino ba itong nagpapabalikloob ng mga tao sa Diyos?  Ito ang mga ministrong halal ng Diyos na isinusugo sa pangangaral ng ebanghelyo.  Ano ang kanilang kalagayan sa pagkalalang?  Sila’y tao, may laman at may buto at hindi espiritu.  Tinatanggap ba ng mga tagapagturong Katoliko na ang kanilang mga Obispo na tao sa kalagayan sa pagkakalalang ay tinatawag nilang anghel ng Iglesia?  Sa Bagong Tipan na isinalin sa Tagalog ng paring si Juan L. Trinidad, sa Apoc. 2:1, ay ganito ang sinasabi:

     “Sa anghel ng iglesya sa Efeso ay isulat mo:  Ito ang sinasabi na may hawak ng pitong bituin sa kanan Niyang kamay, at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto.”

     Ano ang paliwanag ng paring si Juan L. Trinidad sa anghel ng Iglesia?  Sa footnote ay ganito ang kanyang paliwanag:

     “2, 1:  Anghel;  ang anghel na tagatanod ng iglesya, o kaya’y ang mismong iglesya; o kaya naman, (at ito ang lalong karaniwang pakahulugan), ang Obispo ng iglesya…”

     Sa paliwanag na ito ng paring si Juan Trinidad sa anghel ng iglesia ay maliwanag na tinatanggap niya na ang Obispo, na sa kalagayan sa pagkalalang ay tao, may laman at may buto, ay tinatawag na anghel.  Bakit kung kami ang nangangaral nito ay nagagalit ang mga Katoliko at maging ang mga pari?  Bakit daw namin sinasabing si Kapatid na Felix Manalo’y anghel, gayong ito ay tao na may laman at may buto?  Kapag mga pari ba ang mangangaral ay tama at kung kami ay mali?

     Bakit ba ang salitang anghel ay ikinakapit sa nasa kalagayang espiritu at itinatawag pa rin sa nasa kalagayang tao?  Ano ba ang kahulugan ng salitang anghel?  Ang salitang anghel ba’y pangalan ng kalagayan sa pagkalalang o pangalan ng tungkulin?  Marami ang nagkakamali sa bagay na ito.  Ang akala nila’y ang salitang anghel ay pangalan ng kalagayan sa pagkalikha, gaya ng tao, hayop, isda, ibon, at iba pa.  Ito ay mali.  Ito ay pangalan ng tungkulin o ng karapatan at hindi ng kalagayan sa pagkalalang.  Ano ang kahulugan ng salitang anghel ayon sa Biblia?  Sa Heb. 1:13-14, na atin nang sinipi sa unahan nito, sinasabing ang mga anghel ay mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng magmamana ng kaligtasan.  Samakatuwid, sugo ang kahulugan ng salitang anghel.  Pinatutunayan din ito ng mga paring Katoliko.  Sa aklat na The Apostle’s Creed, na sinulat ng paring si Clement H. Crock, pahina 72, ay ganito ang sinasabi:

     “They are called ‘Angels,’ from a Greek word which means messenger.  The word ‘Angel,’ therefore, does not express the nature of these spirits, but rather the offices for which God at times uses them in His government and ordering of the universe.”

     Sa Wikang Pilipino:

     “Sila’y tinatawag na mga ‘Anghel,’ mula sa isang salitang Griego na ang kahuluga’y sugo.  Ang salitang ‘Anghel,’ kung gayon, ay hindi nagpapahayag ng kalagayan ng mga espiritung ito, kundi ng mga tungkulin, na may pagkakataong ang Diyos ay ginagamit sila sa Kanyang pamamahala at inuutusan sa sanlibutan.”

     Paring Katoliko ang nagpapatotoo nito.  Aklat-Katoliko ang ating sinipi.  Pinatutunayang ang kahulugan ng salitang anghel ay sugo, at ang salitang anghel ay hindi nagpapahayag ng kalagayan sa pagkalalang kundi ng tungkulin.  Ang mga nilalang ng taga-langit na ang kalagayan ay espiritu ay tinatawag na anghel, hindi sapagka’t sila’y taga-langit o may pakpak, kundi dahil sa sila’y sinusugo ng Diyos.  Sugo ang kahulugan ng salitang anghel.  Tinatawag ding anghel ang mga taong inihalal ng Diyos sa pangangaral ng ebanghelyo, sapagka’t sila’y mga sugo ng Diyos.  Ang sabi ng mga Apostol:  “Kami nga’y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin:  kayo’y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo’y makipagkasundo sa Dios”  (II Cor. 5:20).  Kung gayon, ang salitang anghel na ang kahuluga’y sugo ay hindi lamang itinatawag sa nasa kalagayang espiritu, kundi itinatawag din naman sa nasa kalagayang tao, gaya ng mga ministrong halal ng Diyos sa pangangaral ng ebanghelyo.  Ang tumututol dito’y tumututol sa katotohanang nasusulat sa Banal na Kasulatan.

Anong Uri Sa Kalagayan Itong Anghel O Sugo
Na May Taglay Ng Tatak Ng Diyos?
     Ayon sa hulang nasa Apoc. 7:2-3, na sinipi na natin sa unahan nito, ang anghel na ito’y may taglay ng tatak ng Diyos na buhay.  Ano ang gawaing pinangangasiwaan ng sugong ito.  Gawaing pagtatatak.  Tatatakan niya at ng kanyang mga kasama ang mga alipin ng Diyos.  Ano ang tatak at papaano ang pagtatatak?  Sa Efeso. 4:30, sinasabing ang tatak ng Diyos ay ang Espiritu SantoPapaano itinatatak ang Espiritu Santo?  Sa Efe. 1:13, ay ganito ang sinasabi:

     “Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako.

     Papaano ang pagtatatak?  Sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng mga sinugo ng Diyos, ang mga nakinig at sumampalataya ay natatatakan ng Espiritu Santo na ipinangako.  Talaga bang sa pangangaral ng mga sinugo tinatanggap ng mga sumasampalataya ang Espiritu Santo?  Sa Gawa 10:44, ay ganito ang sinasabi:

    “Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita.

     Sa pangangaral ni Apostol Pedro na sugo ng Diyos natatakan ng Espiritu Santo ang mga nakinig.  Hindi lamang si Pedro ang nagtatak kundi maging si Apostol Pablo ay nagtatak din, ayon da kanyang patotoo na nasusulat sa Roma 15:28:

     “Kung maganap ko nga ito, at aking matatakan na sa kanila ang bungang ito, ay magdaraan ako sa inyong patungo sa Espana.

     Maliwanag kung gayon, na ang tatak ay Espiritu Santo at ang pagtatatak ay pangangaral ng ebanghelyo ng mga sugo ng Diyos.  Ang anghel na binabanggit sa Apoc. 7:2-3, ay magtatatak sa mga alipin ng Diyos, kaya natitiyak nating tao ang kalagayan sa pagkalalang ng anghel na ito.  Ang mga anghel na may kalagayang espiritu ay hindi nangangaral ng ebanghelyo.  Sila’y isinusugo ng Diyos upang maghatid ng maikling balita sa mga tanging tao sa mga tanging panahon (Mat. 1:20-24; Gawa 10:3-7; 12:7-10)

Ang Dakong Lilitawan Ng Sugong
May Taglay Ng Tatak Ng Diyos
     Saang dako lilitaw ang pagtatatak o ang pangangaral ng ebanghelyo ni Cristo ayon sa pangitain ni Apostol Juan?  Ayon sa hulang nasa Apoc. 7:2, ito ay magmumula sa sikatan ng araw.  Alin itong sikatan ng araw?  Sa Apoc. 7:2, ng Bibliang Ingles ay ganito ang nakasulat:

     “And I saw another angel ascending from the East, having the seal of the living God…”

     Sa Pilipino:

     “At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa Silangan, taglay ang tatak ng Diyos na buhay…”

     Sa Silangan magmumula itong anghel o taong sinugo ng Diyos sa pangangaral ng tunay na ebanghelyo.  Ngunit ang Silangan ay nahahati sa tatlong bahagi:  Silangang Malapit (Near East), Gitnang Silangan (Middle East), at Malayong Silangan (Far East).  Aling bahagi ng Silangan ang pagmumulan ng taong magdadala ng payo o ng mga salita ng Diyos na itinulad sa ibong mandaragit?  Sa Isa. 46:11, na isa sa mga hulang tumutukoy sa sugo ng Diyos sa huling araw, ay ganito ang sinasabi:

     “Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

     Dito’y may binabanggit na ibong mandaragit na tatawagin ng Diyos mula sa silangan.  Tunay na ibon ba ito sa kalagayan?  Nililiwanag din sa talata na hindi ito ibon sa kalagayan kundi tao na gumagawa ng payo ng Diyos mula sa malayong lupain.  Kung gayon, ang ibon na mula sa silangan ay siya ring tao na mula sa malayong lupain.  Kaya’t ang taong sinugo ng Diyos na itinulad sa ibong mandaragit ay magmumula sa malayong silangan.  Alin ang malayong silangan ayon sa patotoo ng kasaysayan?  Sa World History nina Boak, Slosson at Anderson, pahina 445, ay ganito ang sinasabi:

     “The Philippines were Spain’s share of the first colonizing movement in the Far East…”

     Sa Pilipino:

     “Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusan sa pananakop sa Malayong Silangan…”

     Alin ang Malayong Silangan?  Ang Pilipinas.  Kung gayon, sa Pilipinas lilitaw ang taong sinugo ng Diyos na mangangaral ng tunay na ebanghelyo ni Cristo.

Ang Panahong Itinakda Ng Diyos Sa Paglitaw
Ng Sugong Magmumula Sa Pilipinas
Kailan ang panahon ng paglitaw ng sugong magmumula sa Pilipinas ayon sa itinakda ng hula?  Sa Apoc. 7:1-2, ay ganito ang sinasabi;

     “At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy.

     “At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat.

     Kailan ang panahon ng pangangaral ng anghel o ng sugong magmumula sa Pilipinas?  Ang sabi sa hulang sinipi natin, pagkatapos nito, may nakitang apat na anghel na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, at kaalinsabay nito ay saka nakitang umaakyat ang anghel o ang sugong magmumula sa Pilipinas.  Alin itong natapos na sinasabi sa Apoc. 7:1?  Sa Apoc. 6:12, 15, ay ganito ang sinasabi:

     “At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng isang magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo;

     “At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok.

     Alin ang natapos?  Ang pagtatago sa yungib ng mga hari, prinsipe, pangulong kapitan, mayayaman, mga makapangyarihan, at ang bawa’t alipin at ang bawa’t laya, na ito’y mangyayari sa dulo o katapusan ng ikaanim na tatak ng panahon ni Cristo.  Bakit nagsipagtago sa yungib ang lahat ng uri ng tao sa katapusan ng ikaanim na tatak?  Ano ang dahilan ng kanilang pagtatago?  Sa Jer. 4:13, 19, ay ganito ang sinasabi:

     “Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.

     “Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.

     Ano ang dahilan ng pagtatago sa yungib ng mga tao mula sa hari hanggang sa mga alipin sa dulo ng ikaanim na tatak?  Dahil sa digmaan!  Eh, ano kung may digmaan?  Hindi ba ang digmaan ay pangkaraniwan na rito sa mundo sa mula’t mula?  Tunay nga, ngunit ang digmaang naganap sa dulo ng ikaanim na tatak ay walang katulad sa mga digmaang nakaraan.  Bakit?  Ang digmaang ito’y ginamitan ng mga makabagong kasangkapan sa digma, gaya ng mga karo na parang ipo-ipo at mga kabayong lumilipad na matulin pa kay sa mga agila.  Alin ang mga karong parang ipo-ipo?  Ito ang ang mga tangkeng pandigma.  Alin naman ang mga kabayong lumilipad na matulin pa sa mga agila?  Ito ang mga eroplano, na kung tawagin ng kasaysayan ay “aerial cavalry” o kabayuhang panghimpapawid (World History, p. 478).  Kapag sumasalakay ang mga eroplano ay may hudyat.  Alin itong hudyat?  Ang tunog ng mga sirena (air raid siren).  Kapag ito’y narinig ng mga tao’y kumakaba ang kanilang mga dibdib at nagsisipagtago sila sa mga yungib (air raid shelter).  Alin ang digmaang unang ginamitan ng mga tangke at eroplano?  Ito ang Digmaang Pandaigdig na nagsimula noong 1914 (World History, p. 478).

     Ayon sa hulang nasa Apoc. 7:1-2, pagkatapos ng pagtatago sa yungib ay may nakitang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, at kaalinsabay nito ang pag-akyat mula sa Malayong Silangan o Pilipinas ng anghel o ng sugong magtatatak o mangangaral ng tunay na ebanghelyo.  Alin itong hanging pinipigil ng apat na anghel?  Ang hangin ay sumasagisag sa digmaan (Jer. 4:11-13, 19).  Sino naman ang apat na anghel na pumipigil sa hangin o digmaan? Ito ba ay mga anghel nasa kalagayang espiritu?  Hindi! Ito ba ay mga anghel na tao sa kalagayan na sinusugo ng Diyos sa pangangaral ng ebanghelyo?  Hindi rin.  Tao rin ang kalagayan ng anghel na ito, nguni’t hindi tagapangaral ng ebanghelyo.  Ano ang kanilang gawain?  Sila ay mga pinuno ng bansa.  Tinatawag din silang anghel o sugo (I Ped. 2:13-14).

     Sinu-sino itong apat na sugo ng bansa na kumatawan sa pagpigil sa Digmaang Pandaigdig na nagsimula noong 1914?  Sila ay sina Lloyd George ng Gran Bretana, Clemenceau ng Pransiya, Orlando ng Italya at Wilson ng Amerika.  Sila ay lalong kilala sa tawag na “The Big Four” (World History, p. 494).  Kaalinsabay ng pagpigil ng ito sa Digmaang Pandaigdig, ay nakita namang umaakyat mula sa Malayong Silangan o Pilipinas ang anghel o sugong mangangaral ng tunay na ebanghelyo.  Nang magsimula ang digmaan ay 1914.  Noon nagsimulang magtanim ng binhi o mangaral ang sugo ng Diyos sa huling araw na si kapatid na Felix Manalo.  Nang matapos ang digmaan ay 1918.  Sa panahong ito’y umaakyat na, ibig sabihi’y unti-unti nang nahahayag ang sugo at pasugo na hinulaang lilitaw sa Pilipinas, na ito’y walang iba kundi ang Iglesia ni Cristo sa pangangasiwa ng sugo ng Diyos na si Kapatid na Felix Manalo.  Kaya maliwanag na natupad kay Kapatid na Felix Manalo ang hulang nasa Apoc. 7:2-3, tungkol sa ibang anghel na may taglay ng tatak ng Diyos na buhay.*****
________________________________________________________________
Basahin din:

Bisitahin:
________________________________________________________________________________________________

Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________