Lunes, Setyembre 24, 2012

BAKIT BUMUBOTO ANG IGLESIA NI CRISTO "AS ONE"?


KUNG BAKIT BUMOBOTO ANG MGA
IGLESIA NI CRISTO PAGDATING NG
HALALAN SA MGA PINUNONG BAYAN


Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Iglesia Ni Cristo
Kabanatang XXX
Pahina 254-257



Sa pagboto ng mga Iglesia ni Cristo kung dumarating ang halalan ay may nagagalak at mayroon din namang nagagalit.  Hindi ang mahalaga sa amin ay katuwaan kami o kaya nama’y ang kami ay kagalitan ng mga tao.  Wala kaming layon na makipagkagalit kaninuman, kundi kung maaari, ay nais naming magkaroon ng kapayapaan sa lahat ng tao.  Nguni’t kung may nagagalit sa amin sa ginagawa naming pagboto ay magpapatuloy rin kami, sapagka’t mayroon kaming utos ng Diyos na sinusunod.  Kung sa pagsunod naming sa utos ng Diyos ay may nagagalit, nakahanda kaming magtiis ng kagalitan.  Kung sakali namang may ikatutuwa, nais naming makaakay sana ito sa kanila na makilala nila ang Diyos na aming tinatalima at matutuhan din nilang sundin.

     Ang pagboto’y isang karapatan na ibinibigay ng batas ng ating Pamahalaan sa lahat ng mamamayang Pilipino na nasa takdang gulang na marunong bumasa at sumulat.  Ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo’y sumusunod sa batas na ito sapagka’t sila’y mamamayang Pilipino.

     Ipinag-uutos ba ng Diyos na ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo’y sumunod sa mga batas ng Pamahalaan dito sa lupa?  Sa I Ped. 2:13-14, ganito ang pahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Apostol Pedro:

     “Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan;

     “O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.

     Utos ng Diyos sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na pasakop sa bawa’t palatuntunan ng tao o sa batas ng Pamahalaan.  Ano ba ang nagagawa sa harap ng Diyos ng mga taong lumalabag sa batas ng Pamahalaan?  Bakit ba nagkaroon ng mga may kapangyarihan?  Sa Roma 13:1-2, ganito ang mababasa:

     “Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.

     “Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

     Ito’y sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo, kaya sila’y sumusunod sa batas at napasasakop sa may kapangyarihan.  Ang pagsalansang sa batas at sa may kapangyarihan ay ibinibilang na kasalanan sa Diyos, sapagka’t ang kapangyarihan ay mula sa Diyos.  Ang may kapangyarihan ay kilabot sa gumagawa ng masama, sapagka’t sila’y tagapaghiganti sa manggagawa ng masama, nguni’t nagbibigay kapurihan sa gumagawa ng mabuti. (Roma 13:3)

     Maging ang ating Panginoong Jesucristo’y nagturo ukol sa pagpapasakop sa Pamahalaan at higit sa lahat ay sa Diyos.  Ganito ang Kanyang sabi sa Mat. 22:21:

     “Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios.

     Sino ang Cesar na tinutukoy ni Cristo?  Yaon ang Pamahalaan.  Kung gayon ay dapat ibigay sa Pamahalaan ang para sa pamahalaan.  Utos ni Cristo na ibigay sa Diyos ang sa Diyos.  Papaano natin maaaring ibigay kay Cesar o sa gobyerno ang para sa gobyerno?  Batas nga rito sa ating bansa na ihalal ang mga pinuno na mamamahala sa bayan.  Ito’y nasa Saligang Batas ng bansa.  Dapat tuparin ito ng bawa’t mamamayang nasa karapatan.  Dapat isagawa ito ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo hindi lamang dahil sa gobyerno, kundi dahil sa ito’y utos ni Cristong Panginoon.

     Papaano naman ang pagbibigay sa Diyos ng ukol sa Diyos?  May bahagi ba ang Diyos sa gagawing pagboto ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo?  Papaano dapat isagawa ang pagpili sa iboboto? Sa Col. 3:17, ganito ang turo ni Apostol Pablo:

     “At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya.

      Kailangang anumang sasalitain o gagawin ng mga Iglesia ni Cristo ay gawin sa pangalan ng Panginoong Jesus.  Iyang pagboto’y dapat gawin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.  Tinutupad din ng mga Iglesia ni Cristo ang turo ni Apostol Pablo na anuman ang kanilang ginagawa, gawin ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos (I Cor. 10:31).  Ayon kay Cristo ang pagluwalhati sa Diyos ay ganito:

     “Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin. (Juan 17:4).

     Kung gayon, kapag ginaganap ang ipinagagawa ng Diyos, ito’y nakaluluwalhati sa Kanya.

     Ano ang isa sa mga utos ng Diyos na dapat ganapin ng mga Iglesia ni Cristo sa ikaluluwalhati ng Ama na nasa langit?  Sa I Cor. 1:10, ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

     “Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

     Ang utos na ito ng Diyos sa pamamagitan ni Apostol Pablo ang tinutupad ng mga Iglesia ni Cristo sa kanilang lubos na pagkakaisa sa pagboto o paghahalal ng mga pinuno sa bayan upang mamahala.  Bawal ng Diyos sa mga kaanib sa Iglesia na magkaroon ng pagkakabaha-bahagi o pagkakapangkat-pangkat.  Kaya kung ang Iglesia ni Cristo ay may kani-kanyang kandidato, ito’y laban sa aral ng Diyos na dapat lamang mangalubos sa isang pag-iisip at sa isa lamang paghatol.  Kung magkakaiba ang hatol ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa dapat mamahala sa bayan, gumagawa sila ng kasalanan sa Diyos, sapagka’t ang tinatawag na kasalanan ay ang pagsalansang sa kautusan.  (I Juan 3:4).  Kaya naman ang pinagkakaisahan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ihalal upang manungkulan sa bayan ay yaong mga tao na magpapatupad ng mga batas nang pantay sa lahat ng mga mamamayan na hindi sinusuri ang kanyang relihiyon o ang kanyang katayuan sa buhay.  Kapag malayang naisasagawa ng mga Iglesia ni Cristo ang kanilang paglilingkod sa Diyos sa pangangasiwa ng mga pinunong inihalal, ito’y sa kaluwalhatian ng Diyos.  Hindi ang pansariling kapakanan ang batayan ng mga Iglesia ni Cristo sa pagboto.

     Ang pagkakaisa ng mga taong tunay na kay Cristo’y idinadalangin Niya sa Ama.  Ganito ang dalangin ni Jesus sa Ama:

     “At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin.

     “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.

     “At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa;

     “Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo. (Juan 17:11, 21-23)

     Ito ang panalangin ni Cristo sa Ama, ukol sa mga taong ibinigay ng Diyos sa Kanya o sa mga Iglesia ni Cristo.  Hiningi Niya sa Ama na sila’y gawing lubos na iisa, gaya Nila na iisa.  Kailangang ang mga tunay na kay Cristo’y lubos na iisa, sapagka’t yaon ang nagpapatunay na si Cristo’y sinugo ng Ama at sila’y iniibig ng Ama.  Kaya, masama ang hindi pagkakaisa ng mga Iglesia ni Cristo.  Kapag hindi sila magkakaisa, para na nilang pinatunayan na si Cristo at ang Ama’y hindi nagkakaisa.  Ang kailangan ng mga Iglesia ni Cristo’y makipagkaisa sa Ama at kay Cristo.  Papaano tayo makikipagkaisa sa Ama at kay Cristo?  Sa I Juan 1:3, ganito ang turo:

     “Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.

      Ang nagsalita rito’y si Apostol Juan at ang sinulatan ay ang Iglesia ni Cristo.  Ang turo ni Apostol Juan sa Iglesia upang sila’y magkaroon ng pakikisama sa Ama at kay Cristo, ang kailangan ay makipagkaisa o makisama sa kanila sa aral na kanilang ibinabalita o ipinangangaral.  Kailanma’t ang mga tao’y susunod sa mga aral ng Diyos na itinuturo ng taong Sinugo ng Diyos, sila’y nakikipagkaisa noon sa Diyos at kay Cristo.  Ang pangangasiwa sa aral at ang mga salita ng Diyos ay tanging sa mga Sinugo sa pangalan ni Cristo ipinagkatiwala (II Cor. 5:18-20).  Sa kanila ipinagkatiwala ang salita ng pakikipagkasundo sa Diyos.  Kaya ang pakikisama sa mga Sinugo ng Diyos, ito ang pakikipagkaisa sa Diyos at kay Cristo.

     Sa huling araw na ito’y sinasamapalatayanan ng mga Iglesia ni Cristo na si Kapatid na Manalo ang Sinugo ng Diyos sa bisa ng mga hula na nasa Isa. 43:5, 6,7; 41:9-16;  46:11; Apoc. 7:;2-3.  Dahil dito, nagiging matagumpay ang pagkakaisa ng mga Iglesia ni Cristo sa Pilipinas, sapagka’t ito ang tanging Iglesia sa kasalukuyang panahon na may Sugo ng Diyos, na katiwala ng mga salita Niya.  At kung namatay man ang sugong namamahala sa Iglesia, ang pamamahala ay patuloy, sa pamamagitan ng kasalukuyang tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia.  Ang pagkakaisa ng mga Iglesia ni Cristo sa Pilipinas ay nagbubunga ng kaluwalhatian ng Diyos, kaya ito’y titindigan ng Iglesia ni Cristo hanggang sa wakas.*****
__________________________________________________

Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]

 INDEX
_____________________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________