Si Cristo ba
ay tunay na Diyos
ayon sa
Filipos 2:6-8?
Ni
DICK G. SEBLARIO
May
mga tagapangaral na nagsasabing ang Iglesia
ni Cristo ay hindi Cristiano dahil sa pagtuturo nito na ang Panginoong
Jesucristo ay hindi Diyos bagkus ay tao sa kalikasan. Ang mga naniniwalang Diyos si Jesus ay
gumagamit ng mga talata ng Biblia upang mapaniwala ang marami na yaon ang
katotohanan. Sa kabilang dako, ang
paninindigan ng Iglesia ni Cristo ay
ganito: Walang talata ng Biblia na wasto
ang pagkakasalin na nagtuturo na si Cristo ang tunay na Diyos. Kung mayroon man silang talatang
pinagbabatayan, dalawa lamang ang kauuwiang uri ng mga ito—mga talata na mali ang kanilang pagkaunawa, at mga talatang mali
ang pagkakasalin. Ang nauna ang
karaniwang dahilan kung bakit may nagtuturo na si Jesus ay Diyos.
Ayon sa mga naniniwalang si Cristo ay
Diyos ang Filipos 2:6-8 daw ay nagpapatunay na si Jesus ay Diyos . Sinasabi rito na si Jesus ay “nasa anyong
Diyos.” At sapagkat si Jesus ay “nasa
anyong Diyos,” Siya raw ay Diyos.
Ating suriin, dahil
ba sa sinabi sa Filipos 2:6-8 na si Cristo ay “nasa anyong Diyos” ay
nangangahulugan nang Siya nga ay Diyos?
Narito ang nilalaman ng Filipos 2:6-8:
“Na siya, bagama't nasa
anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang
pagkapantay niya sa Dios,
“Kundi
bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao:
“At
palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili,
na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.”
Si Apostol Pablo mismo ang sumulat na si
Cristo ay “nasa anyong Diyos” kaya hayaan nating siya rin ang magpaliwanag
nito. Bakit niya
sinabi na si Cristo ay “nasa anyong Diyos”?
Sinabi ni Apostol Pablo na si Cristo ay
“nasa anyong Diyos” sapagkat Siya ay larawan ng Diyos:
“…upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng
evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios.” (II Cor. 4:4)
Ngunit paano naging
larawan ng Diyos ang ating Panginoong Jesucristo? Larawan ba Siya ng Diyos sa kalikasan? Hindi, sapagkat ang Diyos ay espiritu samantalang si
Cristo ay may laman at buto (cf. Lu. 24:39).
Si Cristo ay larawan ng Diyos sa
kaabanalan. Narito ang katunayan:
“Sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at
kayo'y maging mga banal; sapagka’t ako’y banal…” (Lev. 11:44)
Kung paanong ang Diyos ay banal, ganoon
din si Cristo.
“Sapagka't nararapat sa atin ang gayong dakilang saserdoteng banal, walang sala, walang dungis…”
(Heb. 7:26)
Ang dahilan nito ay sapagkat si Cristo ay
pinabanal ng Diyos:
“Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan…” (Juan 10:36)
Ang Diyos at si Cristo ay kapuwa banal. Kung gayon, sa kabanalan “larawan ng Diyos”
si Cristo, kaya sinabi ni Apostol Pablo na si Cristo ay “nasa anyong Diyos.”
Ano ang katunayan na ang kahulugan ng
sinabing ang Panginoong Jesucristo ay “nasa anyong Dios” ay larawan Siya ng
Diyos: Doon
din sa Filipos 2:6 ng King James Version ay ganito ang isinasaad:
“Who, being in the form of God, though it not
robbery to be equal with God.”
Ang katumbas ng ekspresyong “nasa anyong
Dios” sa Ingles ay in the form of God.
Sa Griego ay ***** na kasing-kahulugan ng
salitang ***** . Ganito ang paliwanag ng
mga nagsipagsuri ng Filipos 2:6:
“… it has long been recognized that *****
(form) and ***** (image) are near synonyms and that in Hebrew thought the
visible ‘form of God’ is his glory.” […malaon
nang kinikilala na ang ***** (anyo) at ang ***** (larawan) ay magkasingkahulugan
at sa kaisipang Hebreo ang nakikitang ‘anyo ng Diyos’ ay ang kaniyang
kaluwalhatian.] (Christology In
The Making, p. 115)
Hindi kataka-taka na ipahayag ni Apostol Pablo na si Cristo ang larawan ng Diyos na hindi nakikita:
“Na siya ang larawan ng Dios na di
nakikita, ang panganay ng lahat ng
mga nilalang.” (Col. 1:15)
Sa ating Panginoong Jesucristo nahayag ang
kaluwalhatian, kapangyarihan, at ang kabanalan ng Diyos. Dapat ding mapansin na si Jesus ay nilalang
at hindi Siya ang Manlalalang. Siya ang
panganay ng lahat ng mga nilalang.
Ang Pagkapantay Ni Cristo
Sa Diyos
Pagtutuunan naman natin ng pagsusuri ang binanggit din ni Apostol Pablo
sa Filipos 2:6-8 na “pagkapantay niya sa Diyos.” Dapat na maunawaan na ang tunay na Diyos ay
ang iisang Ama at iisang Diyos (cf. Mal 2:10, Magandang Balita Biblia). Wala
rin Siyang katulad ni kapantay man:
“Sinabi ni Yahweh, ‘Saan ninyo ako itutulad? Mayroon bang makapapantay sa akin?”
“Dili-dilihin ninyo Ang matagal nang
nakaraan. Inyong kilalaning ako lamang
ang Diyos, At liban sa akin ay wala nang iba.” (Isa. 46:5, 9, Ibid.)
Maaari bang may
kapantay ang nag-iisa? Kung may
kapantay ang Diyos sa pagiging Diyos, lilitaw na hindi na Siya ang iisang Diyos
na Makapangyarihan sa lahat. Sasalungat
na ito sa itinuturo ng Biblia. Bakit sinabing si Jesus ay may “pagkapantay sa Diyos”?
Si Jesus lamang ang tanging tao na kahit
na tinukso sa lahat ng paraan ay hindi pa rin nagkasala o kinasumpungan man ng
daya ang Kaniyang bibig:
“ Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na
hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga
paraan gaya rin
naman natin gayon ma'y walang kasalanan.” (Heb.
4:15)
“Sapagka't
sa ganitong bagay kayo'y tinawag: sapagka't si Cristo man ay nagbata dahil sa
inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga
hakbang niya:
“Na siya'y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng
daya ang kaniyang bibig.” (I Ped. 2:21-22)
Tanging Siya lamang ang nakatugon sa
pagiging banal. Kaya’t sinabi ni Apostol
Pablo sa Filipos 2:6 na si Cristo ay “may pagkapantay sa Diyos.” Dapat mapansin na ang pagkapantay ng
Panginoong Jesucristo sa Diyos ay hindi sa pagiging Diyos. Ang pagkapantay ni
Cristo sa Diyos ay sa kabanalan pa rin. Ang Diyos ay banal (cf. I Ped. 1:15). Si Jesus
ay hindi nagkasala (cf. I Ped.
2:21-22) kaya banal. Siya lamang ang
tanging nakatugon sa panukala ng Diyos (cf.
Efe. 1:4; I Ped. 2:21-22).
Kamalian sa Pagsasalin
Ang isa pa sa mga dahilan kung bakit
inakala ng marami na si Jesus ay Diyos ay dahil sa pagkakasalin ng Filipos
2:6-8 sa Magandang Balita Biblia. Ito ay isang salin ng Biblia sa Filipino na
pinagtulungang gawin ng mga iskolar na Protestante at Katoliko. Paano nila isinalin
ang talatang Filipos 2:6-8?
Isinalin nila ito batay na rin sa kanilang paniniwala na si Jesus ay
Diyos:
“Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na
manatiling kapantay ng Diyos. Bagkus
hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay
na isang alipin. Nang maging tao, siya’y
nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa
krus.” (Filip. 2:6-8, Magandang Balita Biblia, amin ang pagdiriin)
Isinalin nila ang mga talatang ito sa
paraang lilitaw na si Jesus ay Diyos.
Inalis na nila ang salitang “nasa anyo.”
Anong maling turo ang ibinunga ng salin ng Filipos 2:6-8 sa Magandang Balita Biblia? Lumilitaw dito na dalawa ang Diyos: isang Diyos (Jesus) na hindi nagpilit na
manatiling kapantay ng Diyos, at isang Diyos na hindi pinagpilitang
pantayan. Sinasalungat nito ang itinuro
ni Jesus at ni Apostol Pablo na ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos (cf. Juan 17:1, 3; I Cor. 8:6).
Ikalawa, kung si
Cristo rin ang Diyos, paano mauunawaan ang kasunod na talata (tal. 9)? Sa talatang 9 ay nakasulat na si Jesus
ay itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Malinaw na iba ang itinampok at binigyan sa
nagtampok at nagbigay. Kaya iba si
Cristo sa Diyos.
Natitiyak natin na ang sinumang
tagapangaral na gumagamit sa Filipos 2:6-8 bilang batayan sa pagtuturo na si
Jesus ang tunay na Diyos ay nagkakamali ng pagkaunawa.*****
Pasugo God’s Message, February 1994, Pages 14-15.
________________________________________________________________
Basahin din:
Bisitahin:
___________________________________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
________________________________________________________________________
________________________________________________________________________