Lunes, Setyembre 24, 2012

ANG TUNAY NA KAHARIAN NG PANGINOONG HESUKRISTO: ANG TUNAY NA KAHARIAN NG ANAK


PANGANGARAL NG EBANGHELYO
NG KAHARIAN SA LAHAT NG BANSA


Pangulong Tudling
Pasugo/June 1997
Pahina 13



Sa isang mahalagang pagtatagpo ng Panginoong Jesucristo at ng Kaniyang mga alagad na naganap sa Bundok ng mga Olibo na nakatala sa ebanghelyo ayon kay Mateo ay inihayag ng Panginoon sa mga apostol ang mga tanda ng panahon at ng wakas ng daigdig.  Kabilang sa mga tanda na Kaniyang ipinahayag na siyang magbabadya ng Kaniyang ikalawang pagparito at ng wakas ng mundo ay ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian sa lahat ng bansa.  Sinabi ng panginon:

     “At ipangangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa buong sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng bansa.  Kung magkagayon, darating na ang wakas.” (Mat. 24:14, New Pilipino Version)

Ang ebanghelyo ng kaharian na siyang mensahe ukol sa kaligtasan ay ipangangaral ng tunay na Iglesia sa buong mundo bago dumating ang araw ng kawakasan.  Malinaw na itinuturo ng Biblia na ang mga maliligtas sa pamamagitan ng Pagtubos ay inilipat sa Kaharian ng Anak.  Ayon kay Apostol Pablo:

     “Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at dinala sa kaharian ng kanyang Anak na minamahal.  Sa pamamagitan niya, tayo’y tinubos at pinatawad sa ating mga kasalanan.”  (Col. 1:13-14, Ibid.)

     Ang apostol ding ito ang nagpatotoo na ang Iglesia ni Cristo ang siyang tinubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesus (cf. Gawa 20:28, Lamsa).  Kaya, ang ebanghelyo ng kaharian o ang mensahe ukol sa kaligtasan ay ipangangaral ng Iglesia ni Cristo sa buong daigdig bago dumating ang dakilang araw ng pagparito ni Cristo.

     Sa kasalukuyan, saksi tayo sa pagpupunyagi ng Iglesia ni Cristo na ang gawaing ito ay maipalaganap sa iba’t ibang panig ng daigdig.  Mula nang pasimulan nito ang kaniyang misyon sa Malayong Kanluran noong 1968, bilang katuparan ng mga hula sa Banal na Kasulatan, ang Iglesia ay nagsikap nang maipangaral ang dalisay na ebanghelyo sa maraming bansa at lahi.  Ang malawakang pamamahayag ng mga salita ng Diyos ay patuloy nitong isinasagawa sa buong mundo.  Ang mga kapatid na nangibang-bayan ay nagsisikap sa bawat pagkakataon upang maibahagi ang tunay na pananampalataya sa mga taong kabilang sa iba’t ibang kultura.  Ang bunga ng kanilang mga pagsusumikap ay malinaw na makikita sa patuloy na pagdami at paglago ng mga lokal ng Iglesia ni Cristo sa buong daigdig.

     Kung ang kasalukuyang bilis ng gawaing pagpapalaganap ng Iglesia ni Cristo ay gagamiting batayan, ang misyon ng Iglesia na “maipangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa buong sanlibutan” ay malapit nang matupad—at pagkatapos nito ay ang katapusan ng daigdig.

     Tunay nga, maraming dakilang kaganapan ang kamakailan lamang ay natupad sa kasaysayan ng Iglesia.  Noong Hulyo 22, 1994, ang Iglesia ni Cristo ay matagumpay na nakapagtatag ng lokal sa Roma, ang sentro ng Katolisismo, bilang sagisag ng paglaya ng tunay na Iglesia ni Cristo mula sa halos dalawampung siglo ng pagkatalikod sa pananampalataya.  Nakarating na rin ang banal na gawain sa Latin America sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos ng mga sambahayang Latino, pangunahin na ang mga Mehikano.  Habang nagpapatuloy ang mga kaganapang ito, ang Iglesia, bilang katuparan ng isa pang hula ng Biblia, ay nakabalik na sa dati nitong tahanansa Jerusalem—noong Marso 31, 1996 (cf. Isa 43:5, Magandang Balita Biblia; Isa. 52:7-8, Living Bilble).

     Sa taong ito, isa na namang hula ang nagkaroon ng katuparan.  Sa pamamagitan ng pagkakatatag ng lokal ng Iglesia sa Atenas noong Mayo 10, 1997, ang misyon ni Apostol Pablo na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Hentil ay maipagpapatuloy na sa mga wakas ng lupa (cf. Isa. 49:6; Gawa 13:46-47).  Hindi maglalaon at ang lahat ng kultura, bansa, at lahi ay makababatid sa Iglesia ni Cristo at bunga nito ay marami ang makatatanggap sa tunay na pananampalataya at makapagsasagawa ng tunay na pagsamba sa Dakilang Lumikha bago dumating ang wakas ng panahon.

     Mayroon pang mga bansa na hindi pa nararating ng Iglesia.  Subalit, sa tulong at patnubay ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya sa pakikipagtalastasan at mass media, ang mensahe ukol sa kaligtasan sa banding huli ay makararating din sa lahat ng sulok ng daigdig.  Samantalang nagaganap ang mga tanda ukol sa Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na ito ay buong pagsisikap naman nitong ipangangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan.  Ito ay isa sa mga tanda ng kaniyang kaligtasang mabilis na dumarating.  Ang Panginoon ay nagbigay ng ganitong katiyakan:

     “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” (Lu. 21:28, MB) (Isinalin mula sa Ingles)*****

________________________________________________________________



‘AKO’Y GAGAWA, AT SINONG PIPIGIL?’


Pangulong Tudling
GOD’S MESSAGE – May 2012
Pahina 33-34



Ang paksa ukol sa kung paano maliligtas ang tao sa Araw ng Paghuhukom ay ang pinakamahalagang katanungang kinakaharap ng sangkatauhan sa bawat henerasyon, at lalo na ngayong ang mundo ay papalapit na sa kaniyang kawakasan.  Isa itong tanong na dapat ihanap ng tao ng tamang kasagutan; kung hindi ay tuluyan na siyang maliligaw, malalayo sa Diyos, at magdurusa sa dagat-dagatang apoy at asupre magpakailan-kailan man.

     Tunay ngang napakahalagang paksa ang nauukol sa kaligtasan.  Kaya naman, hindi lamang kamangmangan—manapa’y kahangalan—ang nakikita sa maraming tao sa kasalukuyan na inuubos ang buong panahon sa pagtatamo ng kayamanan, o sa pagbibigay-daan sa mga pita ng laman, samantalang ipinagwawalang-bahala ang ukol sa kaligtasan.  Walang sinumang tao na matino ang pag-iisip na pipiliin ang ilang taon—at kahit sabihin pang ilang dekada—ng pamumuhay sa karangyaan sa mundong ito, na ang kapalit naman ay walang hanggang pagdurusa at kahapisan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.  Gayunpaman, tila ganoon ang hinahangad ng marami kung ang pagbabatayan ay ang kanilang kondukta at paraan ng pamumuhay.

     Ang mga makamundong kalayawan ay buong sigasig na hinahangad ng marami, kapalit ang walang hanggang kapahamakan.  Hindi na nakapagtataka, kung gayon, kung bakit ang buhay ng tao ay batbat ng mga kahirapan, karamdaman, karahasan at madalas ay nagwawakas sa walang saysay na kamatayan, na dapat gumising sa tao mula sa kaniyang pagkakahimbing, at maunawa niyang wala sa kaniya ang pinakamahalaga, na dili iba’t ang Panginoong Diyos.  Ang taong walang Diyos ay nagpaplano sa kaniyang sarili, sinusunod ang kaniyang sariling payo, at nabubuhay ayon sa kaniyang sariling mga  tuntunin.

     Maraming tao ang isinasantabi muna ang kaligtasan dahil sila daw ay bata pa at marami pang mga maliligayang araw na nakaabang sa kanila.  Ang kabataan ay dagling kumukupas sa mga kalayawan at walang taros na pagsasaya; ang panggitnang yugto naman ng buhay ay nagugugol sa mga intindihin sa mundong ito at sa pang-araw-araw na pamumuhay; at ang katandaan ay biglang darating—kung ito man ay darating pa—saka nila matutuklasang ang kanilang puso ay tumigas na, ang mga nakasanayan ay naging pamalagian na, at ang budhi ay lubos nang nadumhan, kaya nawalan na ng puwang ang Diyos o ang Kaniyang mga kautusan.

     Subalit dapat ba itong mangyari?  Ang kasagutan sa tanong ukol sa kaligtasan ay nakapaloob sa mga salita ng Diyos na dapat tanggapin at sampalatayanan ng bawat kaluluwa.  Itinuro mismo ng Panginoong Jesucristo, na:  “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos:  manalig kayo sa sinugo niya” (Juan 6:29, Magandang Balita Biblia).

     Manalig o sumampalataya sa sinugo Niya, alalaong baga’y, sa sugo ng Diyos.  Sa bawat yugto ng kasaysayan ng tao, ang Diyos ay nagpadala ng sugo, gaya ni Moises, ng mga propeta—Samuel, Daniel, Ezekiel, Jeremias—at ang pinakadakila sa lahat:  ang Panginoong Jesucristo mismo.  “Sa pamamagitan ng mga sugo, paulit-ulit silang pinadalhan ng salita ng PANGINOON … sapagkat nahahabag siya sa kanyang bayan…” (II Cron. 36:15, New Pilipino Version).  Ang nakakalungkot:  “Ngunit hinamak nila ang mga sugo ng Dios, itinakwil ang kanyang mga salita at pinagtawanan ang kanyang mga propeta hanggang sa ang poot ng PANGINOON ay mag-alab laban sa mga tao, at wala nang maaaring maging lunas”  (II Cron. 36:16, Ibid.).

     Ang sangkatauhan ay may nakahihiya at nakalulungkot na kasaysayan, gaya ng itinuturo ng Biblia, sa hindi pagtanggap at pagsunod sa mga sugo ng Diyos sa bawat panahon.  Subalit hindi maaaring baliwalain ng tao ang mga sugo ng Diyos sapagkat “sa kanila dapat sumangguni ang mga tao” tungkol sa mga kalooban ng Panginoon (Mal. 2:7, MB).  Ang makahulugang sagot ni Apostol Pablo  sa mga taong iba ang hinahanap na pakinggan ay maliwanag:  “At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo?”  (Rom. 10:15, NPV).

     Ang pagiging sugo ng ating Panginoong Jesucristo, ng Kaniyang mga apostol, o ng mga propetang nauna sa kanila, ay hindi na pagtatalunan pa.  Subalit, paano kaya sa ating panahon?  Ipinahayag mismo ng Diyos ukol sa Kaniyang sugo sa mga huling araw na ito, na:  “Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali’t saling lahi mula ng una?  Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga” (Isa. 41:4).

     Yayamang di na pag-aalinlanganan na ang Diyos ay kasama ng Kaniyang mga sugo sa mga nakalipas na panahon, nangako Siya na Siya rin ang kasama ng huli, na lubos na sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang pangakong ito ay natupad kay Kapatid na Felix Y. Manalo.  Bagama’t siya ay binalewala sa pagsisimula ng kaniyang ministeryo, ang panukala ng Diyos ukol sa kaniya ay ipinahayag ng nasabi ring propeta:  “Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyan, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;  Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isa. 41:9-10).

     Ang nasabing salita ng hula ay nagsasaysay hindi lamang ng kahalalan ng Sugo sa mga huling araw, kundi maging ng pangakong tulong, lakas, at pag-alalay ng Diyos sa pamamagitan ng kanang kamay ng Kaniyang katuwiran.  Kinasangkapan siya ng Diyos upang ang mga tao sa mga huling araw na ito ay magkaroon ng pagkakataong makipagkasundo sa Kaniya at magtamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.  Sa tuwi-tuwina ay magiliw nating gunitain ang walang humpay na pagsusumakit ng Sugo upang maiangat ang buhay-espirituwal ng bawat kaanib ng Iglesia at ang kaniyang buong pusong pagtatalaga sa tungkuling itiniwala sa kaniya ng Diyos, hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.

     Bawat kaanib sa Iglesia ni Cristo ay dapat magpagal nang buong sikap upang ganap na pakinabangan ang biyayang kaligtasan na bunga ng pagtuturo ng Sugo.  Magagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinayo ni Apostol Pablo, na isinugo naman noon sa mga Hentil, na:  “Ngayon mga kapatid, ipinaaalala ko sa inyo ang ebanghelyong ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap at pinanatilihan hanggang ngayon.  Sa pamamagitan nito’y ligtas kayo kung matatag kayong nananatili sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lang kung sumampalataya kayo ng walang kabuluhan” (I Cor. 15:1-2, NVP).

     Ang paglalarawan sa Iglesia Ni Cristo batay sa paningin ng mga di-kaanib at maging ng mga manunulat-kasaysayan ay makahihikayat sa mga nagmamasid na tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangakong pagtulong at pagpapalakas sa Kaniyang Sugo sa mga huling araw at sa gawaing kaniyang sinimulan.  Tungkol sa Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang namayapa nang si Kapatid na Felix Manalo, sinabi ni Prof. Robert R. Reed, sa isang nailathalang pag-aaral sa Journal of the Humanities and Social Sciences of Southeast Asia and Oceana (2001), na:  “Hindi kalabisang sabihin na ang kaniyang pananaw, pagtuturo, at pamamaraan sa pangangasiwa ay patuloy na naging walang-kupas na batayan upang maging gabay sa doktrina ng masugid niyang mga tagasunod at para rin sa pangmahabang-panahong mga planong para sa ikauunlad ng Iglesia na binuo ng mga lider ng INC” (p. 565, isinalin mula sa Ingles).  Ang pahayag na ito ay kasang-ayon ng isang naunang pahayag:  “Hangang-hanga sa  mga tagumpay ng INC (Iglesia ni Cristo), nagpahayag ng komentaryo si Senador Neptali Gonzales, isang haligi ng Protestante, ‘Ang tagumpay ng gawaing ito na kinasihan ng Diyos na pinasimulan (ni Kapatid na Manalo) noong 1914, ay maliwanag na kitang-kita sa kahanga-hangang paglaki ng Iglesia dito at sa ibayong dagat.  Ang malalaking kapilya nito na nangingibabaw sa ating mga tanawin ay walang kapantay sa kanilang karingalan’” (Isabelo T. Crisostomo, ‘From One-Man Mission to Global Church,’ Philippine Graphic, July 29, 1994, p. 16, isinalin mula sa Ingles).

     Tungkol sa tagumpay ng Iglesia sa larangan ng pagpapalaganap at sa paglago ng bilang ng kaniyang mga kaanib, ganito ang pansin ng isang tagamasid:  “Lubhang maliit ang kabatiran sa Iglesia ni Cristo, isang makapangyarihan at mabilis na lumalaganap na iglesia…

     “Sa maraming mga taon na ngayon, ang mga teologo at mga kritiko ay nagtangkang may pagpupumilit na mabuksan ‘ang sekreto’ na nagbunsod sa Iglesia ni Cristo sa gayong pambihirang paglaki.  Bakit ang mga tao ay naaakit dito?  Bakit ito lumalaki ng napakabilis?  Ang mga katedral at mga kapilya nito ay naging mga kahanga-hangang palatandaan sa lahat ng mga lalawigan, siyudad at mga bayan.  At maging sa ibayong dagat, ang Iglesia (ni Cristo) ay may matibay na nakatatag na mga kongregasyon sa may 65 mga bansa sa buong mundo.

     “Ang lahat ng ito naabot sa maikling panahon lamang, 78 taon mula nang ang Iglesia (ni Cristo) ay lumitaw sa Pilipinas noong 1914” (Robert C. Villanueva, ‘The Untold Story of the Iglesia ni Cristo’, Philippine Panorama May 31, 1992, pp.4, 6, isinalin mula sa Ingles).

     Sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang kilusang pagpapalaganap, ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na ito, ay may mga kongregasyon, extension at group worship service sa 99 na mga bansa at teritoryo sa buong mundo, sa labas ng Pilipinas.

     Ang malalaking institusyon, ang mga paring Katoliko, pastor Protestante, at mga tagapangaral ng iba’t-ibang relihiyon at pananampalataya ay nagtangkang pigilin ang paglaganap at pagtatagumpay ng Iglesia ni Cristo, subalit pawang nangabigo.  Ito ay sa dahilang tapat ang Diyos sa Kaniyang pangako, na nagsabing “Ako’y gagawa, at sinong pipigil?” (Isa. 43:13). *****



-       RICHARD J. RODAS

Editor-in-Chief



______________________________________________
Basahin din:
[The Fulfillment of Bible Prophecies]
[The Church Of Christ Today In Bible Prophecies]
[Identifying The True Religion Or The True Church]



Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]
______________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
___________________________________________________________________________

BAKIT BUMUBOTO ANG IGLESIA NI CRISTO "AS ONE"?


KUNG BAKIT BUMOBOTO ANG MGA
IGLESIA NI CRISTO PAGDATING NG
HALALAN SA MGA PINUNONG BAYAN


Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Iglesia Ni Cristo
Kabanatang XXX
Pahina 254-257



Sa pagboto ng mga Iglesia ni Cristo kung dumarating ang halalan ay may nagagalak at mayroon din namang nagagalit.  Hindi ang mahalaga sa amin ay katuwaan kami o kaya nama’y ang kami ay kagalitan ng mga tao.  Wala kaming layon na makipagkagalit kaninuman, kundi kung maaari, ay nais naming magkaroon ng kapayapaan sa lahat ng tao.  Nguni’t kung may nagagalit sa amin sa ginagawa naming pagboto ay magpapatuloy rin kami, sapagka’t mayroon kaming utos ng Diyos na sinusunod.  Kung sa pagsunod naming sa utos ng Diyos ay may nagagalit, nakahanda kaming magtiis ng kagalitan.  Kung sakali namang may ikatutuwa, nais naming makaakay sana ito sa kanila na makilala nila ang Diyos na aming tinatalima at matutuhan din nilang sundin.

     Ang pagboto’y isang karapatan na ibinibigay ng batas ng ating Pamahalaan sa lahat ng mamamayang Pilipino na nasa takdang gulang na marunong bumasa at sumulat.  Ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo’y sumusunod sa batas na ito sapagka’t sila’y mamamayang Pilipino.

     Ipinag-uutos ba ng Diyos na ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo’y sumunod sa mga batas ng Pamahalaan dito sa lupa?  Sa I Ped. 2:13-14, ganito ang pahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Apostol Pedro:

     “Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan;

     “O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.

     Utos ng Diyos sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na pasakop sa bawa’t palatuntunan ng tao o sa batas ng Pamahalaan.  Ano ba ang nagagawa sa harap ng Diyos ng mga taong lumalabag sa batas ng Pamahalaan?  Bakit ba nagkaroon ng mga may kapangyarihan?  Sa Roma 13:1-2, ganito ang mababasa:

     “Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.

     “Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.

     Ito’y sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo, kaya sila’y sumusunod sa batas at napasasakop sa may kapangyarihan.  Ang pagsalansang sa batas at sa may kapangyarihan ay ibinibilang na kasalanan sa Diyos, sapagka’t ang kapangyarihan ay mula sa Diyos.  Ang may kapangyarihan ay kilabot sa gumagawa ng masama, sapagka’t sila’y tagapaghiganti sa manggagawa ng masama, nguni’t nagbibigay kapurihan sa gumagawa ng mabuti. (Roma 13:3)

     Maging ang ating Panginoong Jesucristo’y nagturo ukol sa pagpapasakop sa Pamahalaan at higit sa lahat ay sa Diyos.  Ganito ang Kanyang sabi sa Mat. 22:21:

     “Sinabi nila sa kaniya, Kay Cesar. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Dios ang sa Dios.

     Sino ang Cesar na tinutukoy ni Cristo?  Yaon ang Pamahalaan.  Kung gayon ay dapat ibigay sa Pamahalaan ang para sa pamahalaan.  Utos ni Cristo na ibigay sa Diyos ang sa Diyos.  Papaano natin maaaring ibigay kay Cesar o sa gobyerno ang para sa gobyerno?  Batas nga rito sa ating bansa na ihalal ang mga pinuno na mamamahala sa bayan.  Ito’y nasa Saligang Batas ng bansa.  Dapat tuparin ito ng bawa’t mamamayang nasa karapatan.  Dapat isagawa ito ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo hindi lamang dahil sa gobyerno, kundi dahil sa ito’y utos ni Cristong Panginoon.

     Papaano naman ang pagbibigay sa Diyos ng ukol sa Diyos?  May bahagi ba ang Diyos sa gagawing pagboto ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo?  Papaano dapat isagawa ang pagpili sa iboboto? Sa Col. 3:17, ganito ang turo ni Apostol Pablo:

     “At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya.

      Kailangang anumang sasalitain o gagawin ng mga Iglesia ni Cristo ay gawin sa pangalan ng Panginoong Jesus.  Iyang pagboto’y dapat gawin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.  Tinutupad din ng mga Iglesia ni Cristo ang turo ni Apostol Pablo na anuman ang kanilang ginagawa, gawin ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos (I Cor. 10:31).  Ayon kay Cristo ang pagluwalhati sa Diyos ay ganito:

     “Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin. (Juan 17:4).

     Kung gayon, kapag ginaganap ang ipinagagawa ng Diyos, ito’y nakaluluwalhati sa Kanya.

     Ano ang isa sa mga utos ng Diyos na dapat ganapin ng mga Iglesia ni Cristo sa ikaluluwalhati ng Ama na nasa langit?  Sa I Cor. 1:10, ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

     “Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

     Ang utos na ito ng Diyos sa pamamagitan ni Apostol Pablo ang tinutupad ng mga Iglesia ni Cristo sa kanilang lubos na pagkakaisa sa pagboto o paghahalal ng mga pinuno sa bayan upang mamahala.  Bawal ng Diyos sa mga kaanib sa Iglesia na magkaroon ng pagkakabaha-bahagi o pagkakapangkat-pangkat.  Kaya kung ang Iglesia ni Cristo ay may kani-kanyang kandidato, ito’y laban sa aral ng Diyos na dapat lamang mangalubos sa isang pag-iisip at sa isa lamang paghatol.  Kung magkakaiba ang hatol ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa dapat mamahala sa bayan, gumagawa sila ng kasalanan sa Diyos, sapagka’t ang tinatawag na kasalanan ay ang pagsalansang sa kautusan.  (I Juan 3:4).  Kaya naman ang pinagkakaisahan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ihalal upang manungkulan sa bayan ay yaong mga tao na magpapatupad ng mga batas nang pantay sa lahat ng mga mamamayan na hindi sinusuri ang kanyang relihiyon o ang kanyang katayuan sa buhay.  Kapag malayang naisasagawa ng mga Iglesia ni Cristo ang kanilang paglilingkod sa Diyos sa pangangasiwa ng mga pinunong inihalal, ito’y sa kaluwalhatian ng Diyos.  Hindi ang pansariling kapakanan ang batayan ng mga Iglesia ni Cristo sa pagboto.

     Ang pagkakaisa ng mga taong tunay na kay Cristo’y idinadalangin Niya sa Ama.  Ganito ang dalangin ni Jesus sa Ama:

     “At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin.

     “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.

     “At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa;

     “Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo. (Juan 17:11, 21-23)

     Ito ang panalangin ni Cristo sa Ama, ukol sa mga taong ibinigay ng Diyos sa Kanya o sa mga Iglesia ni Cristo.  Hiningi Niya sa Ama na sila’y gawing lubos na iisa, gaya Nila na iisa.  Kailangang ang mga tunay na kay Cristo’y lubos na iisa, sapagka’t yaon ang nagpapatunay na si Cristo’y sinugo ng Ama at sila’y iniibig ng Ama.  Kaya, masama ang hindi pagkakaisa ng mga Iglesia ni Cristo.  Kapag hindi sila magkakaisa, para na nilang pinatunayan na si Cristo at ang Ama’y hindi nagkakaisa.  Ang kailangan ng mga Iglesia ni Cristo’y makipagkaisa sa Ama at kay Cristo.  Papaano tayo makikipagkaisa sa Ama at kay Cristo?  Sa I Juan 1:3, ganito ang turo:

     “Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.

      Ang nagsalita rito’y si Apostol Juan at ang sinulatan ay ang Iglesia ni Cristo.  Ang turo ni Apostol Juan sa Iglesia upang sila’y magkaroon ng pakikisama sa Ama at kay Cristo, ang kailangan ay makipagkaisa o makisama sa kanila sa aral na kanilang ibinabalita o ipinangangaral.  Kailanma’t ang mga tao’y susunod sa mga aral ng Diyos na itinuturo ng taong Sinugo ng Diyos, sila’y nakikipagkaisa noon sa Diyos at kay Cristo.  Ang pangangasiwa sa aral at ang mga salita ng Diyos ay tanging sa mga Sinugo sa pangalan ni Cristo ipinagkatiwala (II Cor. 5:18-20).  Sa kanila ipinagkatiwala ang salita ng pakikipagkasundo sa Diyos.  Kaya ang pakikisama sa mga Sinugo ng Diyos, ito ang pakikipagkaisa sa Diyos at kay Cristo.

     Sa huling araw na ito’y sinasamapalatayanan ng mga Iglesia ni Cristo na si Kapatid na Manalo ang Sinugo ng Diyos sa bisa ng mga hula na nasa Isa. 43:5, 6,7; 41:9-16;  46:11; Apoc. 7:;2-3.  Dahil dito, nagiging matagumpay ang pagkakaisa ng mga Iglesia ni Cristo sa Pilipinas, sapagka’t ito ang tanging Iglesia sa kasalukuyang panahon na may Sugo ng Diyos, na katiwala ng mga salita Niya.  At kung namatay man ang sugong namamahala sa Iglesia, ang pamamahala ay patuloy, sa pamamagitan ng kasalukuyang tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia.  Ang pagkakaisa ng mga Iglesia ni Cristo sa Pilipinas ay nagbubunga ng kaluwalhatian ng Diyos, kaya ito’y titindigan ng Iglesia ni Cristo hanggang sa wakas.*****
__________________________________________________

Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]

 INDEX
_____________________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________

ANG PAGPAPLANO NG PAMILYANG IGLESIA NI CRISTO


ANG PAGPAPLANO NG
PAMILYANG IGLESIA NI CRISTO


Ni BIENVENIDO C. SANTIAGO



Ang bawat sambahayang Iglesia ni Cristo ay dapat mabuhay nang banal at marangal, lumakad nang ayon sa katuwiran, magtalaga sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos, at laging gumayak sa pagtanggap ng pangakong kaligtasan.  Sa gayo’y matatamo nito ang pagkalinga ng Diyos upang ito’y  maging  maligaya, payapa, matatag, at higit sa lahat, ang bawat kaanib nito ay maligtas pagdating ng araw ng Paghuhukom.

     Malaki ang magagawa ng mga magulang upang makarating sa gayong uri ang kanilang sambahayan.  Tumatanggap sila ng mga aral at payo ng Diyos sa tuwing sila ay sumasamba na siyang dapat nilang tuparin at ipatupad sa kanilang sambahayan.

     Ang ama at ang ina ng sambahayan ay dapat magkaisa sa kanilang layunin sa pagtatatag ng sambahayan at sa pagpapalaki at pangangasiwa sa kanilang mga anak.  Dapat silang maging mga responsableng magulang na ang pananaw ay nakatuon, hindi lamang sa kasalukuyan, kundi sa hinaharap, at ang hinaharap ay hindi ang makasariling kasiyahan kundi ang kapakanan ng kanilang mga anak, pati na ang kinabukasan ng mga ito.  Ang gayong mga responsableng magulang ay naghahanda para sa kinabukasan ng kanilang sambahayan.  Sila ay nagpaplano ng pamilya.

Ang Pagpaplano Ng Pamilya
     Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pagpapasiya ng mga magulang mismo na limitahan ang bilang ng kanilang magiging anak batay sa kakayahan nilang pangkabuhayan at sa kalagayan ng kanilang kalusugan at kung gaano ang magiging agwat ng pagsilang ng mga anak.

     Bilang mga responsableng magulang, pananagutan nila sa Diyos na kandilihin o kalingain ang kanilang sambahayan gaya ng nasusulat sa I Timoteo 5:8:

     “Sinumang hindi kumakalinga sa kaniyang mga kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa hindi mananampalataya.” (New Pilipino Version)

     Ang pagkalinga sa pamilya ay isa sa mga pananagutan ng mga magulang na mananampalataya.  Tungkulin ng mga magulang na bigyan ng pagkain, damit, at tirahan ang kanilang mga anak.  Dapat din nilang tiyaking napapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga anak, nabibigyan sila ng edukasyon, at naihahanda ang kanilang kinabukasan.

     Kaya, kung inaakala nila, batay sa kanilang kakayahang pangkabuhayan, na dapat nilang limitahan ang ang bilang ng kanilang mga anak o kaya’y lakihan ang pagitan ng mga panganganak upang matupad nila ang pagkalingang karapatdapat sa kanilang pamilya, ay nasa kanilang pagpapasiya na ito.

     Ipinahihintulot sa mga mag-asawang Iglesia ni Cristo ang paggamit ng artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya maliban sa aborsiyon o sa anumang pamamaraan na kasasangkutan ng pagkitil sa buhay kung mayroon na nito sa sinapupunan ng ina.

     Pinapayuhan sila na sumangguni sa mga doktor o sa mga family planning centers upang kanilang alamin kung aling pamamaraan ang pinakaangkop at pinakaligtas para sa kanila.

Kung Bakit Kailangan Ngayon
Ang Pagpaplano Ng Pamilya
     Sa isang bansang umuunlad pa lamang tulad ng ating bansa, ang napakalaking populasyon ay may malaking kinalaman sa kahirapan at mga suliraning pangkabuhayan.  Gayundin naman sa isang pamilya na maliit lamang ang kinikita, ang pagkakaroon ng maraming anak ay may tuwirang kaugnayan sa kahirapang kanilang dinaranas.  Halimbawa, kung mag-asawa lamang sila at ang kinikita nila sa isang buwan ay P2,000, samakatuwid ang pinakamalaking mailalaan para sa mga pangangailangan sa buhay ng bawat isa sa kanila ay P1000.  Kapag nagkaanak sila ng isa, maaari na lamang itong bahaginin sa P666.66.  Kung maging dalawa ang anak nila ay bababa ito sa P500 bawat isa.  Kung maging tatlo ay magiging P400 na lang at paliit pa ito nang paliit habang nadaragdagan ang bilang ng kanilang mga anak.

     Ang tinitingnan ng Pangangasiwa ng Iglesia ni Cristo ay hindi lamang ang kapakanang espirituwal ng mga kaanib kundi maging ang kapakanan ng kanilang pamumuhay dito sa mundo.  Nais naming matulungan sila na makapamuhay nang maginhawa at marangal dito sa lupa, na nagtatamasa ng kalayaan at ng mga karapatang pantao, at higit sa lahat ay makapaglingkod sa Diyos at sa kapuwa-tao.

Hindi Labag Sa Aral Ng Bibliya
Ang Pagsupil Sa Pagdami Ng Anak
     Hindi nalalabag ang utos ng Diyos na magpalaanakin at kalatan ang lupa kapag sinupil ang pagdami ng anak.  Kung iniutos man noon sa mga unang tao sila’y magpalaanakin, ay naroon din ang utos na supilin kapag kailangan o dapat na.  Ganito ang nakasulat sa Genesis 1:28:

     “At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin;…”

     Ang katumbas ng salitang supilin sa Ingles ay subdue na ang kahulugan namang ibinigay ng diksyunaryo ay to bring under control.  Kaya ang pagsupil o pag-control sa populasyon ay hindi labag sa aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia.

Kung Bakit Ipinagbabawal Ang Aborsiyon
     Ang aborsiyon ay pagpatay at ito’y mahigpit na ipinagbabawal ng Diyos, kaya ito ay isang kasalanan.  Sa Gen 9:6 ay sinasabi ang ganito:

     “Sinumang pumatay ng kanyang kapwa ay buhay ang bayad sa kanyang ginawa, Sapagkat ang tao’y nilalang, nilikha Ayon sa larawan ng Diyos na dakila.” (Magandang Balita Biblia)

     Kaya kapag may buhay nang nasa sinapupunan ng isang ina, iyon  ay hindi na maaaring ipaalis sapagkat ang katumbas noon ay pagpatay.  Ang pagpatay ay isang kasalanan at isang krimen.

Ang Pamamaraan Ng Pagpaplano Ng Pamilya
Na Hindi Ipinahihintulot
     Ang natural family planning (NFP) na kung minsa’y tinatawag ding rhythm method ay hindi ginagamit ng mga Iglesia ni Cristo.  Hindi lamang sapagkat ito ay napatunayang hindi mabisa at nagiging sanhi ng magulong buhay may-asawa sa mahabang panahon ng pagpipigil, kundi sapagkat ito ay lumalabag sa utos ng Biblia sa mag-asawa.  Ang utos sa mag-asawa ay ganito:

     “…hindi magagawa ng isang asawang babae ang anumang kanyang naisin sa kanyang katawan—ang kanyang asawang lalake ang may kapangyarihan, at sa gayon ding paraan, hindi magagawa ng isang asawang lalake, ang anumang kanyang naisin sa kanyang katawan—ang kanyang asawang babae ang may kapangyarihan.

     “Huwag ninyong ipagkait ang pakikipagtalik sa isa’t-isa,maliban lamang kung ito’y inyong pinagkasunduan nang ilang panahon, upang maitalaga ang inyong sarili sa pananalangin.  At kayo’y magsamang muli.  Huwag ninyong payagan na tuksuhin kayo ni Satanas sa pamamagitan ng pagpipigil.”  (I Cor. 7:4-5, Mofatt, salin mula sa Ingles)

     Ang utos na ito ay nalalabag ng rhythm method o natural family planning sapagkat ang pamamaraang iyon ay kinapapalooban ng pagpipigil ng mag-asawa sa pagtatalik sa mga panahong maaaring magbunga ng pagdadalang-tao.

Ang Mga Artipisyal Na Paraan
Ng Kontrasepsiyon
     Ipinahihintulot sa mga kaanib ng Iglesia ang paggamit ng mga contraceptives subalit ito ay dapat nilang isangguni sa mga manggagamot na may kabatiran sa bagay na ito upang matiyak kung alin sa mga contraceptives ang hindi makasasama sa kanilang kalusugan at kung alin sa mga ito ang magagamit nila nang hindi magbubunga ng aborsiyon.  Hindi ipinahihintulot ang paggamit ng mga pamamaraang kung tawagin ay abortifacient na ang ibig sabihin ay nakaa-abort.

     Ang mga artipisyal na paraan ng kontrasepsiyon na maaaring pag-aralang gamitin upang matiyak na hindi nakaa-abort at hindi lumalabag sa tuntuning ibinigay ng Diyos sa mag-asawa ay ang:

-       Oral Contraceptives (Pills)
-       Intra-Uterine Device (IUD)
-       Condom
-       Implants
-       Injectables
-       Tubal Ligation
-       Vasectomy

     Kailangang alamin ng mag-asawa kung alin sa mga pamamaraang ito ang aakma sa kanila at hindi makalilikha ng malulubhang side effects sa kanilang katawan.  Kaya, mahigpit na itinatagubilin na sumangguni muna sa manggagamot bago gamitin ang alinman sa pamamaraan ito.

Ang Pamilyang May Pagpapala Ng Diyos
     Ang pamilyang Iglesia ni Cristo na mapayapa, maligaya matatag, at may takot sa Diyos ay nakalulugod sa Panginoon at malapit sa Kaniyang mga pagpapala.  Sapagkat sinasabi ng kasulatan:

     “Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.  Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo. (Awit 128:1-2)

     Napakagandang kapaligiran ang ganitong tahanan para sa paglaki ng mga anak sapagkat magiging magaan ang pag-akay sa kanila sa isang matuwid at banal na pamumuhay.  Ang ganitong tahanan ay isang matibay na kanlungan, isang silungan sa matitinding suliranin at kaligaligan sa buhay na ito.*****

Pasugo God’s Message, September 1994, Pages 8-9, 13.
__________________________________________________
Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]
_____________________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________

SUGO NG DIYOS: KAILANGAN NGA BANG TALAGA?


ANG KARAPATAN NA
DAPAT SAMAHAN NG MGA TAO
 SA PAGLILINGKOD SA DIYOS


Isang Pagbubunyag Sa
Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Church of Church
(Iglesia Ni Cristo)
Kabanata XXI
Pahina 176-187



Naliwanagan natin na ang Diyos ay may tinawag na mga unang Sugo.  Sa huling Araw na ito ay mayroon ding tinawag ang Diyos na [Huling Sugo].  Ang Huling Sugong ito ay tinawag ng Diyos mula sa Malayong Silangan  o sa Pilipinas noong 1914.  Si Kapatid na Felix Manalo ang katuparan nito ayon sa kaganapan ng hula.  Mahalaga ang Sugo, kaya ang Diyos ay nagsusugo sa lahat ng panahon.  Nguni’t hindi nalalaman ng marami ang kahalagahan ng mga Sugo sa paglilingkod sa Diyos.

     Ano ang karapatan at kaugnayan ng mga Sugo sa paglilingkod sa Diyos?  Maaari bang tanggapin at maging dapat sa Diyos ang alinmang paglilingkod na gagawin ng tao na hiwalay sa karapatan ng Sugo?  Totoo bang hindi na kailangan ang pakikisama sa mga Sugo sa ikapagiging dapat sa Diyos?  Sa ikaliliwanag ng katotohanan nito ay nararapat na talakayin natin ang paksang ito:  “ANG KARAPATAN NA DAPAT SAMAHAN NG MGA TAO SA PAGLILINGKOD SA DIYOS.”

Aling Karapatan Sa Diyos Ang Dapat
Pakisamahan Ng Mga Tao Na
Naglilingkod Sa Kanya?
     Sa I Juan 1:3, ay sinasabi ang ganito:

     Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.

     Ang nagsasalita sa talatang ito’y si Apostol Juan.  Ano ang karapatan ni Apostol Juan?  Siya’y isa sa mga Sugo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.  Ayon sa kanya, aling karapatan sa Diyos ang dapat pakisamahan ng mga tao na naglilingkod sa Diyos?  Sinabi niyang ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat munang MAKISAMA SA “AMIN.”  Sino ang tinutukoy niya ng salitang “amin?”  Ang mga Sugo na sa kanila’y kabilang si Juan.  Samakatuwid, ang sinumang naglilingkod sa Diyos ay dapat MAKISAMA sa karapatan ng mga Sugo upang sila naman ay magkaroon ng pakikisama sa Diyos at kay Cristo.  Bakit ang pakikisama sa mga Sugo ay nauugnay sa pakikisama sa Ama at sa Anak?  Sapagka’t ang mga Sugo ay may pakikisama sa Ama at sa Anak.  Paano magagawa ang pakikisama sa karapatan ng mga Sugo ng Diyos.  Dapat nilang tuparin yaong nakita at narinig ng mga Sugo na kanilang ibinabalita o ipinangangaral.  Ang mga ayaw makisama sa karapatan ng mga Sugo ay walang kaugnayan ang kanilang paglilingkod sa Diyos at kay Cristo.  Ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa Kanyang mga Sugo at hindi mabuting iwasan ang pakikisama sa kanilang karapatan?  SA II Cor. 5:18-20, ay tinitiyak ang ganito:

     “Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo;

     “Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo.

     “Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.

     Ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa Kanyang mga Sugo kaya hindi mabuting iwasan ang pakikisama sa kanilang karapatan?  Sa kanila ipinagkatiwala ng Diyos ang ministeryo sa pagkakasundo o ang karapatan sa pangangasiwa ng pakikipagkasundo ng tao sa Diyos.  Sa kanila rin ipinagkatiwala ang salita ng pagkakasundo o ang Ebanghelyo.  Sa mga Sugo sa pangalan nino ipinagkatiwala ang mga karapatang ito?  Sa mga Sugo sa pangalan ni Cristo.  Hindi sugo sa pangalang Katoliko, sa pangalang Protestante at iba’t iba pa.  Mga Sugo sa pangalan ni Cristo o mga Sugo sa Iglesia ni Cristo.  Si Cristo at ang mga Apostol ang mga Sugo na dapat pakisamahan nang panahong iyon upang maging dapat sa Diyos.  Sa dako ng mga Gentil ay si Apostol Pablo naman ang Sugong dapat pakisamahan ng mga naglilingkod sa Diyos nang panahong yaon.  Sino naman ang Sugong dapat pakisamahan sa huling araw na ito?  Ang Sugo ng Diyos sa Huling Araw, si Kapatid na Felix Manalo.  Sa pamamagitan nga ba ng pangangaral ng mga Sugong ito nagkaroon ng Iglesia ni Cristo?  Opo.

     Sa pangangaral ni Cristo at ng mga Apostol ay nagkaroon ng Iglesia ni Cristo sa Jerusalem.  Sa pangangaral ni Apostol Pablo ay nagkaroon ng Iglesia ni Cristo sa dako ng mga Gentil; at sa pangangaral naman ni Kapatid na Felix Manalo ay nagkaroon ng Iglesia ni Cristo sa Huling Araw na ito sa Pilipinas.  Dahil dito, dapat bang iwasan ng sinuman ang pagtanggap sa mga Sugo ng Diyos?  Hindi.  Sino ba ang natatanggap ng mga tao kung tinatanggap nila ang mga Sugo ng Diyos?  Sa Juan 13:20, ay tinitiyak ang ganito:

     “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

     Ang tumatanggap sa mga Sugo ng Diyos ay tinatanggap si Cristo at ang Diyos na nagsugo sa Kanya.  Sino naman ang naitatakuwil ng mga nagtatakuwil sa mga Sugo ng Diyos?  Sa Luc. 10:16, ay tinitiyak ang ganito:

     “Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.

     Ang nagtatakuwil sa mga Sugo ng Diyos ay naitatakuwil naman nila si Cristo at ang Diyos na nagsugo kay Cristo.

     Bakit ang tumatanggap sa mga Sugo ay si Cristo at ang Diyos ang kanilang tinatanggap at ang nagtatakuwil naman sa kanila ay naitatakuwil ang Diyos at si Cristo?

Sino Ba Ang Gumawa Ng Karapatan
Sa Pagkasugo Ng Diyos?
     Sa Juan 6:29, ay ganito ang ipinakikilala:

     “Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.

     Sino ang gumawa ng karapatan sa pagka-sugo ng Diyos?  Ang Diyos ang gumawa ng karapatan sa pagka-sugo ng Diyos.  Kaya ang pagtanggap sa mga Sugo ay pagtanggap sa Diyos at kay Cristo at ang pagtatakuwil sa kanila ay pagtatakuwil sa Diyos at kay Cristo.  Ano ang dapat gawin sa mga Sugo ng Diyos?  Sila’y dapat sampalatayanan.  Hindi dapat labanan ang mga Sugo ng Diyos. Kanino tuwirang lumalaban ang mga lumalaban sa mga Sugo ng Diyos at ano ang masamang ibubunga sa mga maghihimagsik laban sa kanila?  Sa Blg. 16:1-3, 11, ay ganito ang nasusulat:

     “Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao:

     “At sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog:

     “At sila'y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa't isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?

     “Kaya't ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga't siya'y inyong inupasala?

     Si Moises na Sugo ng Diyos sa bayang Israel at ang kanyang kapatid na si Aaron ay nilabanan ni Core at ng dalawang daan at limampung mga lalaking bantog sa kapisanan ng Israel.  Sila’y nagpupulong laban kay Moises at kay Aaron.  Ano ang sinabi ni Moises kay Core at sa kanyang mga kasama?  “Kaya’t ikaw at ang iyong boong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon:  at si Aaron, ano nga’t siya’y inyong inupasala?

     Tiniyak ni Moises kay Core at sa mga kasama nito na ang kanilang ginagawang paglaban sa kanya at pag-upasala kay Aaron ay tuwirang paglaban nila sa Panginoon.  Kaya ang paglaban sa Sugo ng Diyos ay paglaban sa Diyos.  Dahil dito, ano ang masamang ibinunga kay Core at sa mga kasama nito ng kanilang paghihimagsik kay Moises na Sugo ng Diyos.

     “At sinabi ni Moises, Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka't hindi kinatha ng aking sariling pagiisip.

     “Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila'y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

     “Nguni't kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't ibuka ng lupa ang kaniyang bibig, at sila'y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa kanila, at sila'y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.

     “At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka:

     “At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pag-aari.

     “Na anopa't sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila'y pinagtikuman ng lupa, at sila'y nalipol sa gitna ng kapisanan.

     “At ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka't kanilang sinabi, Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.

     “At apoy ang lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog ng kamangyan. (Talatang 28-35)

          Ano ang masamang ibinunga kay Core at sa kanyang mga kasama nang maghimagsik laban kay Moises na Sugo ng Diyos?  Si Core at ang kanyang mga kasama ay pinarusahan ng Diyos.  Bumuka ang lupa at nilamon ng buhay si Core at ang kanyang boong sambahayan at ang lahat ng kanilang mga pag-aari.  Ang apoy ay lumabas mula sa Panginoon at nilamon naman ang dalawang daan at limampung lalake na kasama ni Core.

     Masama rin ba ang magsalitaan o magbulung-bulungan laban sa Sugo ng Diyos?  Masama rin.  Si Miriam at si Aaron ay nagsalitaan at nagbulungbulungan laban kay Moises dahil sa pagkapag-asawa nito sa isang babaeng Cusita.  Narinig ng Panginoon ang kanilang pagsasalitaan at nagalit Siya sa kanila.  Dahil dito, si Miriam ay nagkaketong.  Ipinagtapat ni Aaron kay Moises na nagawa nila iyon at sila’y nagkasala dahil sa kanilang kamangmangan.  Humibik si Moises sa Diyos na pagalingin si Miriam.  Si Miriam ay kinulong ng pitong araw sa labas ng kampamento at ang bayan ay hindi naglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob (Blg. 12:1-2, 9-10, 11-16).

     Samakatuwid, hindi mabuting maghimagsik at magbulung-bulungan laban sa Sugo ng Diyos.  Bakit?  Sapagka’t ito’y tuwirang paglaban at pag-upasala sa Diyos na nagbigay at gumawa ng karapatan sa kanilang pagiging Sugo.

Maaari Bang Matamo Ang Karapatang
Maging Sugo ng Diyos Sa Sariling
Magagawa Ng Tao?
     Sa Heb. 5:4, ay ganito ang sinasabi:

     “At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron.

     Maaari bang matamo ang karapatang maging Sugo ng Diyos sa sariling magagawa ng tao?  Hindi.  Bakit?  Sapagka’t ang maging Sugo ng Diyos ay hindi tinatanggap ng sinuman sa kanyang sarili.  Paano ito tinatanggap?  Tinatanggap nila ang pagiging Sugo sa pamamagitan ng pagtawag ng Diyos sa kanila, gaya ni Aaron.  Si Aaron ay naging dakilang saserdote ng bayang Israel hindi sa kanyang sariling kagustuhan, kundi siya’y tinawag ng Diyos.  Paano naman tinatawag ng Diyos ang Kanyang Sugo na katulad ni Moises?  Sa Exo. 3:7-9, 10, ay ganito ang ipinakikilala:

     “At sinabi ng Panginoon, Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan na nasa Egipto, at aking dininig ang kanilang daing dahil sa mga tagapagpaatag sa kanila; sapagka't talastas ko ang kanilang kapanglawan.

     “At ako'y bumaba upang iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio at upang sila'y isampa sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing yaon, sa isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot sa dako ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo at ng Jebuseo.

     “At ngayon narito, ang daing ng mga anak ni Israel ay umabot sa akin; saka aking nakita ang kapighatian na ipinipighati sa kanila ng mga Egipcio.

     “Halika nga ngayon, at ikaw ay aking susuguin kay Faraon, upang iyong ilabas sa Egipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.

     Paano tinawag ng Diyos si Moises upang maging Sugo kay Faraon na ilabas ang mga anak ni Israel sa pagkaalipin sa Ehipto?  Si Moises ay tinawag ng Diyos ng MUKHAAN.  Mismong ang Diyos ang kausap at tumawag kay moises na nagsabi:  “Halika nga ngayon at ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang Aking bayan na mga anak ni Israel.”  Si Moises lamang ba ang Sugo na tinawag ng Diyos ng mukhaan?  Sa Juan 20:21-22, ay ganito ang ipinakikilala:

     “Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.

     “At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.

     Si Moises lamang ba ang tinawag ng Diyos na maging Sugo sa pamamagitan ng mukhaang tawag?  Hindi lamang si Moises, kundi ang mga Apostol man ng ating Panginoong Jesucristo ay tinawag ng Diyos ng mukhaan sa pamamagitan ni Cristo.  Sinabi sa kanila ni Cristo, kung paano ang pagkasugo sa Kanya ng Ama ay gayon di naman sinusugo sila ni Cristo.  Tangi ba sa pagtawag ng mukhaan ay mayroon pang ibang paraan ang Diyos sa paghahalal sa Kanyang mga Sugo?  Mayroon pang ibang paraan ng pagtawag ng Diyos sa Kanyang mga Sugo, gaya ng paghahalal Niya kay Juan Bautista, kay Jesus, kay Pablo at sa Sugo sa Huling Araw o kay Kapatid na Felix Manalo.

Paano Inihalal Ng Diyos Sa Pagka-sugo
Si Juan Bautista, Si Jesus, Si Pablo
At Ang Sugo Sa Huling Araw?
     Ano ang patotoo ni Juan Bautista sa kanyang pagkasugo?  Sa Juan 1:19-23, ay sinasabi ang ganito:

     “At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga?

     “At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo.

     “At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi.

     “Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?

     “Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.

     Ano ang patotoo ni Juan Bautista tungkol sa kanyang pagka-sugo ng tanungin siya ng mga saserdote at mga Levita?  Sinabi niya na hindi siya si Cristo at hindi rin siya si Elias.  Sinabi niya na siya ang tinig na humihiyaw sa ilang na  HINUHULAAN  ng propeta Isaias.  Samakatuwid, ang paraan ng pagtawag ng Diyos kay Juan Bautista sa pagiging Sugo ay HINDI MUKHAAN, kundi sa pamamagitan ng HULA.  Totoo nga bang may hula si Isaias na katulad ng binanggit ni Juan na bilang patotoo sa kanyang pagka-sugo?  Mayroon, sa Isa. 40:3, ay ganito ang ipinakikilala:  “Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.”  Nang maipakita ni Juan Bautista ang patotoong ito ay hindi na kumibo ang mga nagtatanong sa kanya at tinanggap nila na siya nga ang tinutukoy ng hula.

     Ang ating Panginoong Jesucristo ba’y tinawag din ng Diyos sa pamamagitan ng hula?  Opo.  Ano ang hula sa pagkasugo ni Jesus?  Sa Deut. 18:18-19, ay ganito ang sinasabi:

     “Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.

     “At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya.

     Paano natin natiyak na ang ating Panginoong Jesucristo nga ang tinutukoy ng hulang ito?  Sa pamamagitan ng pagpapakilala ni Apostol Pedro.  Bakit naman naipakilala ni Apostol Pedro ang hulang ito?  Ito’y hindi buhat sa kanyang sariling pagpapaliwanag kundi sa udyok ng Espiritu Santo (II Ped. 1:20-21).  Sa Gaw. 3:22-23, 20, ay tiniyak niya ang ganito:

     Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya.

     “At mangyayari, na ang bawa't kaluluwa na hindi makinig sa propetang yaon, ay pupuksaing lubos mula sa gitna ng bayan.

      “At upang kaniyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus:

     Sa pamamagitan din ba ng hula inihalal ng Diyos si Pablo sa pagka-sugo?  Opo.  Sa Isa. 49:6, ay ganito ang banggit ng hula:

     “Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.

     Sino naman ang nagpakilala na si Pablo nga ang Sugong ito na ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil?  Ayon sa katuparan ng hula, si Apostol Pablo rin sa kanyang sarili ang nagpakilala na siya ang Sugong tinutukoy ng hula.  Sa Gaw. 13:47, ay tiniyak niya ang ganito:

     “ Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.

     Ang sugo ba ng Diyos sa Huling Araw na ito ay tinawag din ng Diyos sa pamamagitan ng hula?  Opo.  Sa Isa. 41:4, 9-10; 46:11; 43:5, ay ganito ang nasusulat:

     “Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,

      “Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;

     “Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.

     “ Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

     “ Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.

      Paano natin matitiyak na ang tinutukoy ng hulang ito ay ang Sugo ng Diyos sa Huling Araw o si Kapatid na Felix Manalo?  Kung paanong si Apostol Pablo ang nagpakilala ng hulang tumutukoy sa kanya, gayon din naman si Kapatid na Felix Manalo ang nagpakilala ng mga hulang tumutukoy sa kanya na siya ang Sugo sa Huling Araw.  Sapagka’t siya ang Sugong tinutukoy ng hula.  Paano niya ipinakilala ang hulang ito sa kanyang pagka-sugo?  Itinuro niya ang hulang ito at ipinangaral sa lahat ng dako at mababasa sa pagkakasulat sa magasing PASUGO.  Bakit sa PASUGO mababasa at hindi sa Biblia?  Sapagka’t ang pagpapakilala ng Sugo sa Huling Araw na ito ay hindi maaaring maisulat sa Biblia, sapagka’t ang Biblia ay naisulat na.  Kaya sa pamamagitan ng PASUGO na naghahayag ng katotohanan ng Diyos matutunghayan ang kanyang pagpapakilala.

     Ang tiyak at maliwanag na pagpapakilala ng Sugo ng Diyos sa huling Araw na ito tungkol sa hulang tumutukoy sa kanya at hindi magawang labuin at pasinungalingan ng maraming kumakalaban sa Iglesia ni Cristo.  Dahil dito, sinasabi nilang sila’y maniniwala kung mababasa sa hula ang pangalan ni Kapatid na Felix Manalo.  Kung ang bagay na ito ang kanilang hinahanap, sila na rin ang naglalantad sa kanilang sarili na sila’y hindi nakauunawa ng tuntunin ng Diyos sa paghahalal sa Kanyang mga Sugo sa pamamagitan ng hula.  Bakit?  Sapagka’t hindi binabanggit ang pangalan ng mga inihahalal na Sugo ng Diyos sa pamamagitan ng hula.  Binanggit ba ang pangalan ni Juan Bautista sa Hula na tumutukoy sa kanya?  Hindi!  Ano ang binabanggit sa hula?  Ang kanyang gawain o tungkuling isasagawa.  Ano ang gawain ni Juan Bautista ayon sa hula?  Siya’y maghahanda ng daan ng Panginoon o ng ating Panginoong Jesucristo (Isa. 40:3-4).  Si Juan Bautista ba ang nagsagawa ng gawaing ito?  Opo.  Kung gayon, tiyak na siya ang katuparan ng hula.

     Binanggit ba ang pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa hula ukol sa Kanya?  Hindi rin po.  Ano ang binanggit ng hula?  Ang Kanyang tungkulin at ang dako na Kanyang pagmumulan?  Saan dako Siya magmumulaItitindig sa gitna ng mga kapatid o sa Israel.  Ano ang Kanyang gawain?  Gaya ni Moises.  (Deut. 18:18-19).  Ano ba si Moises?  Sugo ng Diyos upang magligtas ng bayan ng Diyos sa pagkaalipin sa Ehipto (Exo. 3:10).  Gayon din naman, si Cristo ay Sugo ng Diyos upang magligtas ng bayan ng Diyos o ng Iglesia ni Cristo sa pagkaalipin sa kasalanan.  Ito ba ang ginawa ni Cristo?  Opo.  Natupad ba ito sa kanya?  Natupad.  Kung gayon, si Cristo nga ang tinutukoy ng hula ayon sa katuparan nito.

     Binanggit ba ang pangalan ni Apostol Pablo sa hula ukol sa kanya?  Hindi rin po!  Ano ang binanggit sa hula?  Ang kanyang gagawin.  Ano ang kanyang gawain?  Siya’y ibinibigay na ilaw sa mga Gentil sa ikaliligtas (Isa. 49:6).  Natupad ba ito sa kanya?  Natupad.  Siya ang nangaral ng Ebanghelyo sa mga Gentil, kaya siya ay naging apostol sa mga Gentil (Gal. 2:8).  Dahil dito, hindi man binanggit ang pangalan ni Pablo sa hula ay natiyak natin na siya nga ang Sugo sa mga Gentil sapagka’t siya ang kinatuparan nito.  Kung ang pangalan ni Juan bautista, ni Jesus, at ni Apostol Pablo ay hindi binanggit sa hula, hindi dapat hanapin ng mga kumakalaban sa Iglesia ni Cristo ang pangalan ni Kapatid na Felix Manalo na mabanggit sa hula sa kanyang pagka-sugo.  Bakit hindi binabanggit ang pangalan ng Sugo ng Diyos na inihahalal sa pamamagitan ng hula?  Sapagka’t ang pangalan ay madaling parisan at sa katotohanan ay maraming mga tao ang nagkakaparis ng mga pangalan.  Kung magkaroon ng tatlumpung tao na pawang Felix Manalo ang pangalan ay lalong babangon ang malaking pag-aalinlangan kung sino sa kanila ang tunay na Sugo.  Kaya ang sinumang tumutunghay ng hula ng Diyos ay dapat sumunod sa Kanyang tuntunin.  Ano ba ang tuntunin ng Diyos sa pagsusugo sa pamamagitan ng hula?  Hindi binabanggit sa hula ang pangalan ng Kanyang sinusugo.  Ano ang mahalagang binabanggit sa hula ukol sa Sugo sa Huling Araw na ito?  Ang panahon ng pagtawag ng Diyos sa Huling Sugong ito.  Ang dakong pagmumulan niya.  Ang uri ng kanyang gawaing tutungkulin.  Ang mga pangako ng Diyos sa Sugong ito sa pagtupad ng kanyang tungkulin.

     Kailan ba ang panahon ng pagtawag ng Diyos sa Huling Sugo?  Tatawagin ng Diyos ang Huling Sugo sa “mga wakas ng lupa” (Isa. 41:4, 9).  Ang tiyak na panahon ng “mga wakas ng lupa” ay 1914, at mula sa mga sulok niyaon o sa mga sulok ng lupa.  Alin ang tinatawag na mga sulok ng lupa?  Ang apat na direksiyon ng mundo:  Silanganan, Hilagaan, Timugan at Kanluran.  Ang Huling Sugo ay tinawag mula sa Timugan o sa Iglesia Katolika, sapagka’t siya’y Katoliko sa pasimula.  Ang Iglesia Katolika ay galing sa Roma na nasa TIMOG ng Europa.  Pagkatapos ay nasama siya sa mga Protestante na dumating dito sa Pilipinas mula sa HILAGANG AMERIKA, kaya tinawag siya ng Diyos sa HILAGAAN.  At ang Huling Sugo ay mula sa MALAYONG SILANGAN o sa PILIPINAS, sapagka’t siya’y isang tunay na Pilipino.  Ano ang uri ng kanyang gawain?  Katulad ng ibong mandaragit, sapagka’t daragitin o kukunin niya ang mga anak ng Diyos na nakukulong sa Katoliko at Protestante na narito rin sa Malayong Silangan o Pilipinas (Isa. 46:11; 43:5).  Ano naman ang pangako ng Diyos sa Kanyang Huling Sugo?  Ang Sugong ito’y hindi itatakuwil ng Diyos,  ang Diyos ay sumasakanya, palalakasin, tutulungan at aalalayan ng kanang kamay ng Kanyang katuwiran (Isa. 41:10).

     Natupad ba kay Kapatid na Felix Manalo ang lahat ng binabanggit ng hula?  Natupad!  Basahin ang sinundang [kabanata] nito na may paksang “Ang Sugo ng Diyos Sa Huling Araw Na Ito.”  Kung gayon, hindi man binanggit ang pangalan ni Kapatid na Felix Manalo sa hula ay hindi dapat pagalinlanganan ng sinuman na siya nga ang Huling sugo na tinutukoy ng hula.  Bakit?  Sapagka’t sa kanya natupad ang lahat ng binabanggit ng hula.  Wala nang IBA pang kinatuparan nito kundi si Kapatid na Felix Manalo.

     Samakatuwid, ang mga tao na gumagawa ng paglilingkod sa Diyos ay nararapat makisama sa karapatan ng Huling Sugo sa huling araw ng ito upang maging dapat.  Ang Huling Sugong ito ang Sugo sa pangalan ni Cristo o sa Iglesia ni Cristo, kaya ang sinumang makikisama sa karapatan ng Huling Sugo ay dapat lumagay sa Iglesia ni Cristo.  Ang Iglesia ni Cristo ang sa Diyos, sapagka’t may Sugo na dapat pakisamahan sa ikapagiging dapat ng paglilingkod.

     Nguni’t paano raw ngayong namatay na si Kapatid na Felix Manalo na Huling Sugo ng Diyos?  Marami ang nagpapalagay na tapos na rin ang Iglesia ni Cristo sa Pilipinas sa pagkamatay na ito ng Huling sugo.  Hindi maaaring mawala o matapos ang Iglesia ni Cristo.  Namatay man ang Sugo ay hindi naman natatapos ang organisasyon na siyang Iglesia ni Cristo.  Ito’y magpapatuloy at hahantong hanggang sa araw ng paghuhukom (Apoc. 14:14-15).  Ngunit ngayong wala na si Kapatid na Felix Manalo, sa kaninong karapatan daw naman dapat makisama ang mga Iglesia ni Cristo at gayon din ang mga iba pang naglilingkod sa Diyos?  Sa karapatan ng kapalit na inilagay ng Diyos sa pamamagitan ng Huling Sugo.  Nang mamatay si Moises na Sugo ng Diyos sa bayang Israel ay ipinalit o inihalili si Josue, gayon din naman, may inihanda ang Diyos sa pamamagitan ng pangunguna ng Huling Sugo na kanyang kahalili.  Kailanma’t buo ang organisasyon at namatay ang Lider o Sugo, doon din sa loob ng organisasyong iyon kukuha ng ipapalit sa namatay.  Kaya buhay pa si Moises ay inihanda na si Josue na hahalili sa kanya.  Ang kanyang karangalan at kapangyarihan ay isinalin ni Moises kay Josue upang sundin siya ng buong kapisanan na mga anak ni Israel. (Blg. 27:15-20).  Kaya nang mamatay si Moises ay humalili sa kanya si Josue upang ipagpatuloy ang naiwang gawain ng Sugo ng Diyos na si Moises, na patnubayan ang IsraelKung paano bang sumama ang Diyos kay Moises ay gayon din ang Diyos ay sumama kay Josue?   Walang makatatayong sinomang tao sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: kung paanong ako'y suma kay Moises, ay gayon ako sasa iyo: hindi kita iiwan ni pababayaan kita. (Josue 1:5).  Nangako ba naman ang bayang Israel na kanilang susundin ang pamamahala ni Josue?  Nangako ang bayang Israel na kanilang susundin si Josue katulad ng kanilang pagsunod kay Moises at ang sinumang maghihimagsik laban sa pamamahala ni Josue ay kanilang papatayin (Josue 1:16-18).

     Si Cristo na ating Panginoon ay namatay din.  Dahil ba rito’y nawasak na ang Iglesia ni Cristo?  Hindi.  Nabuhay na mag-uli si Cristo at bago Siya umakyat sa langit ay mayroon Siyang inilagay na kahalili Niya sa pangangasiwa ng Iglesia.  Sino ang inilagay  ng ating Panginoong Jesucristo na mga kahalili Niya?  Ang mga Apostol.  Sinabi sa kanila ni Cristo na sila’y Kanyang sinusugo na katulad ng pagkasugo sa kanya ng Ama (Juan 20:21).  Ang mga Apostol ang nagpatuloy ng pangangaral ng Ebanghelyo sa ikaliligtas ng mga sasampalataya (Mar. 16:15-16).  Hindi naging balakid ang pagkamatay ni Cristo sa pagpapatuloy ng gawain at paglago ng Iglesia ni Cristo.  Gayon din ang Iglesia ni Cristo sa huling araw na ito, noon pang Enero 28, 1953, ay mayroon nang inihanda ang Sugo na magiging kahalili niya kung siya’y mamatay.  Ito ang mangangasiwa sa Iglesia ni Cristo upang ipagpatuloy ang banal na gawain ng Iglesia.  Ito’y si Kapatid na Erano G. Manalo.  Siya ang inihanda ng Diyos sa pamamagitan ng Huling Sugo upang ipagpatuloy ang pamamahala sa Iglesia ni Cristo sa huling araw na ito.  Kaya ang sinumang maglilingkod sa Diyos sa huling araw na ito ay dapat makisama sa karapatan ng nangangasiwa sa Iglesia ni Cristo.

     Ang katotohanang ito ay hindi maaaring labuin ng mga kumakalaban sa Iglesia ni Cristo, gayunman, hindi nila matanggap na ang Iglesia ni Cristo ay sa Diyos, dahil sa isang aral nito na NASASALUNGAT sa lahat ng iba’t ibang iglesia.  Aling aral iyon?  Ang tungkol sa tunay na kalagayan ni Cristo.  Ang Iglesia ni Cristo raw ay hindi sa Diyos kundi Anti-Cristo, dahil sa aral na ito na LABAN sa lahat halos ng relihiyon.  ANO NGA BA ANG TUNAY NA KALAGAYAN NI CRISTO?  Basahin ang susunod na [kabanata].
________________________________________________________________
Basahin din:

Bisitahin:
________________________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________