Linggo, Mayo 31, 2015

IPAHAYAG ANG MABUTING BALITA SA MALAKING KONGREGASYON

ANG MUNDONG ITO ang nagtutulak sa tao na sundin ang kaniyang likas na hilig at ibuhos ang kaniyang lakas, kakayahan, at panahon upang bigyang-kasiyahan ang sarili.  Ang ibinunga nito ay ang laganap na paniniwala na maraming bagay ang makapagbibigay ng higit na kaligayahan sa tao, at maghahatid sa kaniya sa isang mainam at matagumpay na buhay.

     Ang pagkakaroon ng maraming ari-arian ay naging isang marubdob na hangarin ng marami sukdulang sila ay mangutang o gumugol nang higit sa kinikita para lamang magtamo ng mga ito, na hindi na inalintana ang maaaring ibunga nito sa kanilang katayuang pinansiyal.  Sa isang “swipe” lamang ng “credit cards” ay kaagad mapapasaiyo ang mga pinakabagong electronic gadgets, mamahaling alahas, designer clothes, o kaya ay isang exotic holiday package.  Nagbibigay ito ng dagling kasiyahan sa tao.

     Subalit ang suliranin, kailangan ng tao na gumugol ng maraming oras sa paghahanap-buhay para matustusan ang lahat ng luho niya sa buhay.  Ang pagbili ng sari-saring mga kagamitan para makita ng sanlibutan ay tila naging isang “necessity” sa paningin ng marami, bagama’t kalimitan ay nangangahulugan ito ng paggugol nang higit sa kakayahan ng tao.  Kaya naman, dahil na rin sa paghikayat ng iba’t ibang sangay ng media na ang tao’y mamili nang mamili, napalitan na ng materyalismo ang relihiyon at ang espirituwalidad sa puso at isipan ng napakaraming tao.

     Ito ay hindi mabuti ni nakalulugod o katanggap-tanggap sa Diyos na Siyang may ibig na ang lahat ng tao ay maligtas, gaya ng ipinaliwanag ni Apostol Pablo, na:  “Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan” (I Tim. 2:3-4, Magandang Balita Biblia).  Kaya, kung ang Diyos man ay nagpapahinuhod sa tao—na binibigyan ng iba ng maling pakahulugan na kabagalan o pagpapabaya ng Diyos sa pagtupad ng Kaniyang mga pangako—ito ay sa layunin Niyang bigyan ng pagkakataon ang makasalanan na magsisi at magbalik-loob sa Kaniya (II Ped. 3:9, Ibid.).

     Ang katotohanang dapat malaman ng tao ay ipinahayag mismo ng Tagapagligtas nang Kaniyang sabihin, na:  Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.  Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6, Ibid.).

     Ipinakilala ni Jesus ang Kaniyang sarili bilang tanging daan patungo sa Ama;  ito ang katotohanang itinuturo ng Biblia, tanggapin man ito ng tao o  hindi.  Maaaring ang populasyon ng daigdig ay umaabot na sa ilang bilyon, subalit mayroon lamang isang paraan upang ang tao ay mapasa kay Cristo—alalaong baga’y sa pamamagitan ng pagiging sangkap o kaanib ng Kaniyang katawan (Rom. 12:4-5) bagama’t mayroong magkakaibang gawain sa nasabing katawan ni Cristo na siya ngang Iglesia (Col. 1:18), na ang pangalan ay Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation).

     Ang pagiging kaanib sa iisang tunay na Iglesia, ang Iglesia ni Cristo, kung gayon, ay napakahalaga upang ang tao ay maging karapatdapat muli sa harapan ng Diyos.  Sa labas ng nasabing Iglesia, “ang Diyos ang hahatol sa kanila” (I Cor. 5:12-13, MB).  Isang malaking kamalian at kamangmangan na ipilit na ang Iglesia ng Panginoon ay hindi na kailangan sa pagtatamo ng kaligtasan, gaya ng iginigiit ng iba.  Sapagkat bakit pa itatayo ni Jesus ang tinawag Niyang “aking iglesia” (Mat. 16:18) kung wala naman pala itong kinalaman sa pagtatamo ng kaligtasan?  Bukod dito, bakit pa “idinaragdag ng Panginoon sa Iglesia araw-araw yaong mga ililigtas” (Gawa 2:47, isinalin mula sa New King James Version) kung hindi naman pala ito mahalaga?

     Ang isa sa malalaking hamon sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo ay ang mabuhay sa kabanalan at pagsunod sa kalooban ng Diyos sa gitna ng sanlibutang nalululong sa konsumerismo o mga bagay na materyal.  Maliwanag ang utos sa kanila ng Diyos:  “Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon.  Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan … Kaya’t ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay.  Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.  Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti.  Huwag kayong mga hangal.  Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon” (Efe. 5:8, 15-17, MB).

     Bilang mga tao ng Diyos na nasa liwanag, marapat lamang na ito ay mahayag sa kanilang pag-uugali.  Dapat silang mamuhay na nakatutugon at karapatdapat sa pagkatawag ng Diyos, hindi gaya ng mga mangmang o hangal, sa pamamagitan ng paggamit sa bawat pagkakataon upang makagawa ng mabuti.  Mabuti sa paningin ng Diyos, gaya ng itinuro ni Apostol Pablo, ang pagtulong sa pamamahagi ng Mabuting Balita ng kaligtasan:  “Dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito’y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan.  Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng Pagbabalik ni Cristo Jesus” (Filip. 1:5-6, Ibid.).

     Ang kasiglahan sa gawaing pagpapalaganap ay hindi lamang pangminsanang aktibidad.  Sa halip, gaya ng maigting na itinuro ng apostol sa mga Cristiano, kailangan nila itong maitaguyod hanggang sa araw ni Cristo Jesus o sa mismong araw ng Kaniyang pagbabalik.  Ang ganap na pagkaunawa sa hangarin ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas sa Araw ng Paghuhukom ay kahayagan ng dakilang pananagutan ng mga tao ng Diyos sa puspusang ipalaganap ang mensahe ukol sa kaligtasan, lalo na ngayong ang Araw ay totoong mabilis na dumarating!

     Ito ay magagawa sa iba’t ibang paraan.  Ang pinakamagaan ay ang pag-aanyaya sa mga kaibigan, kamag-anak, katrabaho o mga kababayan—gaya ng ginawa ng babaeng Samaritana—upang makapakinig sila sa mga aral ng Panginoong Jesucristo (Juan 4:28-30).  Ganito rin ang ginagawa ng mga kaanib sa Iglesia sa pamamagitan ng pag-akit sa kanilang mga mahal sa buhay na dumalo sa mga pagsamba, mga gawaing pagpapalaganap, o maging sa malalaking pamamahayag ng mga salita ng Diyos.  Ginagawa rin ito ng mga ministro at ng mga manggagawa sa pamamagitan ng hindi nila pagpapabaya sa kanilang pananagutan na ipahayag ang mga katotohanan ng Diyos sa mga hayag na dako at maging sa mga tahanan (Gawa 20:20).  Ang iba naman ay tinitipon ang kanilang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan sa kanilang tahanan, gaya ng ginawa ni Cornelio sa panahon ng mga apostol (Gawa 10:24-33), upang mapakinggan nila ang pagtuturo ng mga kautusan ng Diyos.

     Ang isa pang mabisang paraan ng pagmimisyon ay sa pamamagitan ng pagpapadala o pamamahagi ng Pasugo: God’s Message (ang opisyal na lathalain ng Iglesia ni Cristo) maging ang iba pang polyeto o babasahin ng Iglesia sa mga kaibigan at kakilala.  Ang isang makabagong paraan ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na makinig sa mga programang pangrelihiyon ng Iglesia sa radio, telebisyon, at cable.  Maaaring napakalaking gampanin ito, subalit ang mga tao ng Diyos ay nabibigyang-inspirasyon ng nakasulat sa Biblia na kapag ito ay kanilang ginawa, inililigtas nila ang marami sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy (Jud. 1:23).

     Yayamang totoong nakalulugod at nakaluluwalhati sa Diyos na maraming kaluluwa ang nagbabalik-loob sa Kaniya sa pamamagitan ng kanilang pagmamalasakit, ang mga maytungkulin at maging mga kaanib na nakikiisa sa pagpapalaganap ng pananampalataya ay nakikinabang na rin sapagkat ang kanilang pangalan ay tiyak na nakatala sa aklat ng buhay (Filip. 4:3).  Hindi maliit na bagay na ang mga tao ng Diyos na maliligtas sa Araw ng Paghuhukom ay yaong ang pangalan ay masusumpungang nakasulat sa aklat (Dan. 12:1).

     Tangi rito, itinuro rin ni Apostol Santiago ang kahalagahan kapag may isang makasalanan na naalis sa likong landas:  “ang sinumang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagligtas ng kaluluwa nito sa kamatayan, at sa gayo’y napawi ang maraming kasalanan” (Sant. 5:20, MB).

     Ang matapat na pagtahak sa daang inilatag ng Diyos para sa Kaniyang mga hinirang sa mga huling araw na ito, ay walang pag-aalinlangang mahirap sa gitna ng maraming tuksong umaagaw sa kanilang panahon at pansin.  Tunay ngang ang mga kaugaliang  Cristiano ay nakikipagtunggaling mainam laban sa naglipanang makamundong pagkahilig at pagnanasa.  Subalit nauunawaan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na sa pamamagitan ng kanilang matapat na paglilingkod sa Diyos at pagbibigay ng prayoridad sa Kaniya sa bawat aspeto ng kanilang buhay, nagagawa nilang matugunan ang pinakalayunin ng pagkakalalang sa kanila.

     Ang kanilang katapatan sa Diyos ay kanilang napatutunayan sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa Kaniyang mga salita at pagsunod sa mga ito, kalakip ang kanilang pagtatalaga na mabigyan Siya ng kasiyahan at maluwalhati ang Kaniyang pangalan.  Lubos silang sumasang-ayon sa pahayag ng pananalig ni Apostol Pablo, na:  “Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus—ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos” (Gawa 20:24, Ibid.).

     Tunay ngang ang materyalismo ay naging bahagi na ng buhay ng maraming tao sa lipunan ngayon, na ang kanilang mga kayamanang panlupa ay nagbibigay sa kanila ng kaisipang mahalaga sila dahil taglay nila ang gayong kalagayan.  Ang pananaw at pagpapahalaga ng lipunan ay nagbago at nauwi mula sa pagiging maka-Diyos tungo sa pagiging makalupa.  Subalit ang mga tao ng Diyos, ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, ay nananatiling abala sa pagtitipon para sa kanilang sarili ng kayamanang panlangit—ang tanging nakatitiyak ng puhunan tungo sa ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan—sa pamamagitan ng masiglang pamamahagi ng kanilang pananampalataya sa lahat ng nais makinig.  Ito ay nilalakipan nila ng pamumuhay bilang Cristiano, gaya na rin ng ipinayo ni Apostol Pablo, na:  “Turuan mo silang gumawa ng mabuti, magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas ang palad at matulungin sa kapwa.  Sa ganitong paraan sila makapag-iimpok para sa hinaharap at magkakamit ng tunay na buhay” (I Tim. 6:18-19, Ibid.).  *


Sinulat ni
Kapatid na RICHARD J. RODAS
PASUGO GOD’S MESSAGE
MARCH 2012
VOLUME 64
NUMBER 3
PAGES 31-32, 35

Note:  Emphasis, Admin.