MULI SIYANG
MAGBABALIK
IKAW BA’Y NANGANGAMBA dahil sa lumulubhang suliraning
pangkabuhayan at kahirapan? Ikaw ba’y
nababalisa dahil sa sunod-sunod na mga karahasan, sakuna, at kalamidad na
naganap at patuloy na dumarating? Ikaw
ba’y nalulungkot dahil sa mga problemang pampamilya?
Hindi tayo
dapat mawalan ng pag-asa dahil sa ganitong mga alalahanin. Sa halip, sundin natin ang ipinapayo ng
Panginoong Jesus na hindi tayo dapat na mabalisa:
"Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin?
“Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang
pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan
na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
“Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian,
at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang
idaragdag sa inyo.” (Mat.
6:31-33)
Bukod dito,
sinabi rin ng Panginoong Jesucristo na, “babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko”
(Juan 14:1-3, Magandang Balita Biblia).
Hindi man agad
malunasan ang mga kasalukuyang suliranin ay hindi tayo dapat panghinaan ng loob
dahil may pangako ang Panginoong Jesus.
Ito ang dapat umaliw sa atin at dapat na lagi nating magunita habang
lumulubha ang kahirapan at kaligaligan sa mundo. Tandaan natin na muli Siyang magbabalik upang
tayo ay ipagsama sa Kaniyang kaharian.
ANG PINANGAKUAN
Upang isama
tayo ni Cristo sa Kaniyang kaharian at pagkalooban ng buhay na walang hanggan,
dapat tayong manindigan sa paggawa ng mabuti:
“Huwag ninyong ipanggilalas ito, dumarating ang oras na
ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig sa kanyang tinig. At sila’y babangon at lalabas sa
libingan. Ang lahat ng gumawa ng mabuti
ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan, at ang lahat ng gumawa na masama
ay sumpa.” (Juan 5:28-29, New
Pilipino Version)
Ang mabuting
gawa na tinutukoy ay ang pagtupad sa mga kautusan ng Diyos:
“Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.”
(Roma 7:12)
Ang mga
kautusang tinutukoy ay ang katotohanan o salita ng Dios:
“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.”
(Juan 17:17)
Ang
katotohanan o mga salita ng Diyos ang nais na malaman o maunawaan ng tao upang
upang maligtas (I Tim. 2:3-4). Kaugnay
ng kaligtasan, isang dakilang katotohanan ang itinuturo ng Biblia—ang kaugnayan
kay Cristo ng Iglesia. Ang katawan Niya
o ang Kaniyang Iglesia ang Kaniyang ililigtas:
“Isang
dakilang katotohanan ang inihahayag nito—ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang
tinutukoy ko.
“Mga lalaki,
ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito.” (Efe. 5:32, 25, MB)
Kaya, marapat
sa tao na pumasok sa kawan na siyang Iglesia
ni Cristo:
“I am the door;
anyone who comes into the fold through me will be safe.” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan
ko ay magiging ligtas.] (Jn. 10:9, Revised English Bible)
Ang katawan na
dapat pasukan ng tao upang maligtas ay ang Iglesia
ni Cristo (Acts 20:28, Lamsa
Translation)
Ang pag-anib
sa Iglesia ay isa sa mga gawang mabuti.
Kung ito’y hindi gawin ng tao, siya ay nagkakasala (Sant. 4:17). Ang ganap na kabayaran ng kasalanan ay ang
ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Roma 6:23; Apoc. 20:14). Sa kabilang dako, ang mga sumusunod sa utos
ng Diyos ay nakatitiyak ng kaligtasan—sila ang may matibay na pag-asa sa
gantimpalang ipinangako ng Panginoong Jesucristo sa Kaniyang pagbabalik.
KUNG GAANO NA TAYO KALAPIT
Hindi na
magtatagal ang pagbabalik ng Panginoong Jesus kaya hindi na dapat ipagpaliban
ang pag-anib sa tunay na Iglesia.
Itinuturo na ng Biblia ang mga palatandaan na malapit na ang muling
pagparito ni Cristo:
“Nang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim
siyang tinanong ng mga alagad, ‘Kailan po mangyayari ang sinasabi ninyo? Ano po ang mga palatandaan ng inyong
pagparito, at ng katapusan ng panahon?’
“Makaririnig kayo ng alingawngaw at mga
balita tungkol sa digmaan ngunit huwag kayong mababalisa. Kailangang mangayari ito ngunit hindi pa ito
ang wakas. Magkakaroon ng digmaan ang
mga bansa laban sa kapwa bansa at kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng kagutom at lindol sa iba’t
ibang dako. Ang lahat ng ito’y simula pa
lamang ng kahirapan.” (Mat. 24:3, 6-8, NPV)
Ang mga
kagutom, kahirapan, at maging ang mga naganap na digmaan ay nagpapagunita sa
atin na malapit na ang wakas ng daigdig o ang ikalawang pagparito ng ating
Panginoong Jesucristo. Kasama rin sa mga
tanda na malapit na ang pagbabalik ni Cristo ay ang kasalatan sa mga bansa:
“At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga
bituin; at sa lupa'y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na
matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong; Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at
dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan:
sapagka't mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit. At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na
pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang
kaluwalhatian.”
(Lu. 21:25-27)
Sa Araw ng
Paghuhukom, lalo pang ibayong kasawian ang sasapitin ng mga hindi sumunod sa
mga utos ng Diyos.
Dahil dito,
ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo
ay dapat manindigan sa paglilingkod at sa pagsamba sa Diyos. Habang pahirap nang pahirap ang mundo ay lalo
nilang dapat gunitain ang ipinangakong pagbabalik ng Panginoon. Ang kasalukuyang mga kaganapan ay nagbabadyang malapit na ang
araw ng kanilang kaligtasan. Ito ang
pag-asang kanilang tinatanaw. *
Sinulat ni:
Kapatid na REMUEL V. CASIPIT
Kinopya mula sa:
PASUGO GOD’S MESSAGE
SEPTEMBER 2002
PAGES 14-15
Emphasis:
Admin.