Huwebes, Mayo 28, 2015

HIGIT SA ANO PA MAN

HIGIT SA ANO PA MAN


“UUNAHIN KO PA ba naman iyan?  Sa hirap ng buhay ngayon, na halos wala ka nang makain, iyan pa ba naman ang haharapin ko?”  Ang ganito ay malimit marinig ng mga kapatid sa mga taong inaanyayahan nilang makinig sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo.  Hindi naman kataka-taka ito dahil sa laganap na kahirapang nararanasan sa mundo.  Hindi lamang ang mga naninirahan sa mahihirap na bansa kundi maging ang mga nasa kung tawagin ay mauunlad at mayayamang bansa sa daigdig ay dumaraing.  Nariyan ang Gresya, Espana, Portugal, Italya, ilan lang sa mga bansang kabilang sa European Union na may krisis sa ekonomiya.  Sa maraming bansa sa Asya, tunay na dama ang kahirapan.  Lalo naman sa Aprika.

     Kamakailan naman, ang Estados Unidos na kinikilalang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig ay nagdeklara ng government shutdown.  Bagama’t tumagal ng ilang araw, sapat ang kaba ng dibidb at takot na idinulot nito sa marami, lalo na sa mga nawalan ng trabaho o pinagkakakitaan at sa kani-kanilang pamilya.  Ang totoo, hanggang ngayon ay di pa rin maalis ang agam-agam sa maraming mamamayan sa Amerika.

     Ang kawalang-katiyakan ng buhay sa mundo ay lalo pang pinaiigting ng mga kalamidad gaya ng bagyo, baha, lindol, tsunami, pagguho ng lupa, at iba pang sanhi ng pagkasira ng mga ari-arian, mga taong nasusugatan at namamatay na naging biktima ng digmaan o labanan ng mga nasasandatahang magkalabang-panig.  Totoong pinatitindi ng mga kalamidad—bunga man ng nagngangalit na kalikasan o ng mapamuksang sandatang gawa ng tao ang suliranin ukol sa kabuhayan.


HANAPIN MUNA ANG KANIYANG
KAHARIAN AT KATUWIRAN
“Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33).  Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, dapat munang hanapin ng tao ang KAHARIAN at KATUWIRAN ng Diyos.  Ang Panginoong Jesus na rin mismo ang may sabi.  Paano ang mga pangangailangan sa buhay gaya ng pagkain, pananamit, at tirahan, o ang kung tawagin ay “prime necessities of life”?  Ang mga ito ay PAWANG IDARAGDAG LAMANG ayon na rin sa ating Panginoong Jesus na nagpaalaala pa ng ganito:  “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit?” (Mat. 6:25)


HINDI MAKATUTULONG
ANG PAGKABALISA
Sa mga balisang-balisa ukol sa kanilang ikabubuhay, ganito ang sabi ng Panginoon:  “Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila? At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?  At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man:  Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.” (Mat. 6:26-29).


TALASTAS NG AMA
ANG ATING PANGANGAILANGAN
Hindi masama ang maghanapbuhay.  Subalit hindi rito dapat maubos ang panahon at pagsusumikap ng sinuman.  Ayon sa ating Panginoong Jesucristo:  “Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mat. 6:32).  Sa pangungusap na ito ng ating Panginoon, ayaw Niyang tumulad tayo sa mga Gentil na mga bagay lamang sa buhay na ito ang pinagkakaabalahan.

     Sino ba ang mga Gentil?  Ganito ang pagpapakilala sa kanila ni Apostol Pablo:  “Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman … Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.” (Efe. 2:11-12).  Ang mga Gentil ay ang mga hiwalay kay Cristo.  Sila rin ang mga walang pag-asa.  At wala rin silang Diyos.  Wala silang karapatang tumawag sa Diyos.  Ayaw silang kilalanin ng Diyos.  Kaya hindi kataka-takang maging balisa sila ukol sa ikabubuhay.  Idagdag pang nagbabala si Apostol Pablo ng ganito:  “TANDAAN MO ITO:  MABABATBAT NG KAHIRAPAN ANG MGA HULING ARAW” (II Tim. 3:1, Magandang Balita Biblia).


ANG KATUWIRANG
DAPAT MUNANG HANAPIN
Si Apostol Pablo rin ang may sabi:  “Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.  Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”  (Roma 1:16-17).  Ang EBANGHELYO o MGA SALITA NG DIYOS ang katuwiran—kasama ng kaharian—na dapat munang hanapin ng tao.  At upang pakinabangan ang katuwiran o ang ebanghelyo dapat itong panatilihan ayon pa rin kay Apostol Pablo:  “Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan, Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.” (I Cor. 15:1-2).  Kaya ang mga tumugon sa utos na hanapin muna ang katuwiran o ang ebanghelyo ay walang dahilang mabalisa.


ANG NASA KAHARIAN
AY HINDI DAPAT MABALISA
Ang mga tumugon sa utos na hanapin muna ang katuwiran ay sila rin ang sumunod sa utos na hanapin ang kaharian.  Wala silang dapat ikabalisa.  Bagkus, dapat silang magpasalamat sa Dios gaya ng sinabi ni Apostol Pablo:  “Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:12-14)

Itinuro rin ni Apostol Pablo kung alin ang tinubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo:  “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, isinalin mula sa Lamsa Translation).  Kung gayon, ang IGLESIA NI CRISTO ang tinubos ng dugo ni Cristo kaya’t ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay walang dapat ikabalisa.  Hindi sila dapat mabalisa, sabihin mang nagdaranas din sila ng mga kapighatian at kahirapan sa mundong ito.

     “Uunahin ko pa ba naman iyan?  Sa hirap ng buhay ngayon, na halos wala ka nang makain, iyan pa ba naman ang haharapin ko?”  Ang sagot ng Bibliya ay:  OO!  Ang PAKIKINIG sa mga SALITA NG DIYOS at ang PAG-ANIB sa TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO ay DAPAT UNAHIN ng tao—HIGIT sa anupamang bagay na pinahahalagahan ng tao sa mundo.   *


Sinulat ni:
Kapatid na NICANOR P. TIOSEN

Kinopya mula sa:
PASUGO/GOD’S MESSAGE
NOVEMBER 2013
PAGES 44-46

Emphasis:
Admin.