Miyerkules, Mayo 13, 2015

NAGWAWALANG-BAHALA SA KALIGTASAN ANG TUMATANGGING UMANIB SA IGLESIA NI CRISTO

NAGWAWALANG-BAHALA SA KALIGTASAN
ANG TUMATANGGING UMANIB SA
IGLESIA NI CRISTO


HAYAG NA HAYAG sa maraming tao ang ginagawang pagpapalaganap ng Iglesia Ni Cristo mula pa nang ito’y muling lumitaw sa bansang Pilipinas, hanggang sa makabalik ito sa Jerusalem na kaniyang unang kinatatagan.  Patuloy ang paglaganap nito sa buong mundo—ito ay nakarating na sa 100 mga bansa at teritoryo at hindi mapipigilan ang patuloy na pagdami ng mga taong umaanib dito.  Kasabay nito ay ang pagpapatayo ng mga naglalakihan at magagandang gusaling sambahan sa iba’t ibang panig ng mundo at ang pagtatalaga sa daan-daang mga ministro upang matugunan ang lumalaking pangangailangan nito.

     Puspusan ang ginagawa ng Pamamahala ng Iglesia na maipalaganap ang mga aral ng Diyos sa lahat ng tao, sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang ang mga tao ay makaasa ng kaligtasan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.  Kaya naman ang mga kaanib nito ay kaisa ng Pamamahala sa walang sawang pag-aanyaya sa mga tao sa pamamahayag ng mga salita ng Diyos.  Namamahagi rin ng babasahing Pasugo, mga polyeto, at ipinag-aanyaya ng mga kaanib ang pagsubaybay sa mga programa ng Iglesia sa radio at telebisyon, lalo  na ang  pagdalo sa mga isinasagawang pagsamba nito.

     Subalit, sa kabila nito, ang iba ay tumatanggi o umiiwas na pumasok sa Iglesia Ni Cristo.  Dapat na maunawaan ng lahat na habang ang tao ay wala sa Iglesia Ni Cristo, sa anumang kadahilanan, ay naipagwawalang-bahala niya ang kaniyang kaligtasan.


KAILANGAN NG LAHAT NG TAO ANG KALIGTASAN
Bakit kailangan ng lahat ng tao ang kaligtasan?  Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:  “Pagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Roma 3:23, New Pilipino Version).

     Ang lahat ng tao ay nangangailangan ng kaligtasan, sapagkat ang lahat ay nagkasala, maliban sa ating Panginoong Jesucristo (I Ped. 2:21-22).

     Ano ang ibinunga nang magkasala ang lahat ng tao?  Sa Roma 3:19 ay mababasa na: 

     “Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios.”

     “Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23)

     Kamatayan ang itinakda ng Diyos na kabayaran ng kasalanan.  Subalit hindi nangangahulugang bayad na ang tao kapag siya ay namatay o nalagutan ng hininga, sapagkat mayroon pang ikalawang kamatayan.  Ito ay ang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy na siyang ganap o kahustuhang kabayaran ng kasalanan: 

     “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:14).

     Ano ang magiging kalagayan ng tao kapag siya ay nahatulan ng ikalawang kamatayan?  Sa pagtuturo ni Apostol Juan ay mababasa ang ganito: 

     “Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero:  At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.” (Apoc. 14:10-11).

     Kahabag-habag ang maibubulid sa dagat-dagatang apoy.  Pahihirapan siya doon araw at gabi at doo’y walang kapahingahan magpakailan-kailanman.  Kaya kung sinisikap ng tao na maligtas sa iba’t ibang kapahamakan, kalamidad, kahirapan, at iba pa, sa ibabaw ng lahat, ang pangunahing dapat hanapan ng lunas ng tao ay kung papaano siya maliligtas sa walang hanggang kaparusahan.

ANG MALILIGTAS
Paano maliligtas ang tao sa kabila ng katotohanang siya’y nasa ilalim ng hatol ng Diyos dahil sa kaniyang kasalanan?  Sa Roma 3:23-24, ay sinasabi ang ganito:  “Pagkat lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.  Gayunman, sila’y pinawalang-sala ng Dios sa pamamagitan ng kanyang biyaya, at sa pagtubos na isinagawa ni Cristo Jesus” (NPV).

     Pinatutunayan sa mga talatang ito na mayroong pinawalang-sala sa kasalanan dahil sa pagtubos na isinagawa ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo.  Sila rin ang tinutukoy ni Apostol Pablo na:  “Ngayon nga’y wala nang hatol sa mga  na kay Cristo Jesus” (Roma 8:1, Ibid.).

     Ipinaunawa pa ni Apostol Pablo na:  “At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya” (Roma 5:9, Magandang Balita Biblia).

     Mahalagang masakop ang tao ng ginawang pagtubos ng ating Panginoong Jesucristo, sapagkat ang gayon ang tiyak na maliligtas sa dagat-dagatang apoy na siyang walang hanggang kaparusahan.


ANG NATUBOS NG DUGO NI CRISTO
Alin ang pinatutunayan ng Banal na Kasulatan na tinubos ng dugo ni Cristo, lahat ba ng tao?  Ganito ang patotoo sa atin:  “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo” (Gawa 20:28, isinalin mula sa Lamsa Translation).

     Tanging ang Iglesia Ni Cristo ang pinatutunayan ng Biblia na nakinabang sa ginawang pagtubos ng Panginoong Jesucristo at naalis na sa ilalim ng hatol ng Panginoong Diyos.  Kapag ang tao ay namalagi sa labas ng Iglesia Ni Cristo, katumbas na namamalagi siya sa ilalim ng hatol ng Diyos.

     Walang magagawa ang sinumang tao sa ganang kaniyang sarili para iligtas ang kaniyang kaluluwa sa walang hanggang kaparusahan, malibang pasakop sa kaparaanan ng Tagapagligtas.  Ganito ang patunay ni Apostol Pablo:  “At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.” (Heb. 9:22).

     Wala nang iba pang kaparaanang magagawa ang tao para siya ay mapatawad sa kaniyang kasalanan at siya’y maligtas.  Ang unang hakbang na dapat niyang isagawa ay sikapin niyang mapaanib sa Iglesia Ni Cristo.  Alalahaning ang lahat ng tao ay nangangailangan ng kaligtasan, at ang tanging paraan para maligtas ay ang pagpasok sa Iglesia Ni Cristo.  Ganito ang ipinagagawa mismo ng Tagapagligtas:  “Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. … Ako ang pintuan, ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan” (Juan 10:7, 9).

     Kaya, kung kinikilala ng tao na si Cristo ang Tagapagligtas na ibinigay ng Diyos, ay susundin niya ang paraan ni Cristo—hindi siya gagawa ng sariling paraan o maniwala sa ibang tagapangaral na nagtuturo ng ibang paraan.  Kapag ang tao’y tumatangging umanib sa Iglesia Ni Cristo ay katumbas na ipingwawalang-bahala niya ang sarili niyang kaligtasan.

     Hindi dapat ipagpaliban ng tao ang pagsunod sa ating Panginoong Jesucristo.  Sinasabi ng mga apostol:  “… ‘Sa panahong ukol kita’y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita’y sinaklolohan.’ Sinasabi ko sa inyo na ngayon ang angkop na panahon.  NGAYON ANG ARAW NG KALIGTASAN” (II Cor. 6:2, NPV)

     Habang buhay, malakas pa, at may kakayahang pumasok ang tao sa Iglesia Ni Cristo, dapat niya itong gawin agad upang matiyak na niya ang kaniyang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.  Kung totoo na mahalaga sa tao ang kaniyang kaligtasan, hindi niya dapat papagmatigasin ang kaniyang ulo at puso sa ipinagagawa ng Panginoong Jesucristo na pumasok o umanib sa Iglesia Ni Cristo.


ANG PAGDADALHAN SA MALILIGTAS
“Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin.  Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo.  At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan” (Juan 14:1-2, MB).

     Ang pangakong ito ng ating Panginoong Jesucristo tungkol sa dakong pagdadalhan sa mga maliligtas ay totoo at maaasahan—sa tahanan ng ating Panginoong Diyos.  Ito ang tinatanaw at inaasahan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo—ang paninirahang pamalagian sa Bayang Banal.

     Napakapalad ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo, sapagkat sila ang magtatamasa ng maluwalhating pamumuhay:  walang hirap, wala nang pagluha, wala nang pagdadalamhati, at hindi na makakaranas pa ng kamatayan sa Bayang Banal na siyang magiging kanilang pamalagiang tahanan.  *


Sinulat ni Kapatid na
RICARDO S. EDROSOLAM
PASUGO GOD’S MESSAGE
MARCH 2012
VOLUME 64
NUMBER 3
PAGES 33-35

*Emphasis, Admin