Biyernes, Pebrero 14, 2014

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo Ang Kaniyang Pagkapanginoon (Ikalimang Bahagi)

Published in God's Message (Pasugo) 
Aug 2007


“At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.” – Corinto 15:28, Magandang Balita Biblia

Maliwanag sa mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay Panginoon ngunit hindi Siya ang Diyos. Ang tinutukoy nilang Diyos ay ang Ama ng Panginoong Jesucristo.

SA MARAMING PAGKAKATAON ay tinatawag na Panginoon si Cristo sa Bagong Tipan. Ito ay ginagamit na batayan ng iba sa kanilang paniniwalang Diyos si Cristo. Subalit, ang pagkapanginoon nga ba ni Cristo ay katunayang Siya ay Diyos? Hindi. Hindi ito nangangahulugang si Cristo ang Diyos. Iba ang Panginoong Diyos sa Panginoong Jesucristo. Ito ang pinatutunayan sa atin ng Biblia:

“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.” (Gawa 2:36)

Pansinin na sa pagtuturo ni Apostol Pedro ang Cristong Panginoon ay hindi ang Diyos. Alam ni Apostol Pedro na ang tinatawag na Diyos ay iba sa tinatawag na Cristo. Ang Diyos ang gumawa na si Cristo ay maging Panginoon.
Maging sa mga sulat ni Apostol Pablo ay makikita natin ang pagkakaiba ng Panginoong Diyos sa Cristong Panginoon. Tunghayan natin ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya’y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa. At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.” (Filip. 2:9-11)

Ang Diyos ang nagpadakila at nagbigay kay Cristo ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan. Kung iniutos man na ang lahat ng tuhod ay dapat lumuhod kay Cristo, hindi ito nangangahulugang si Cristo ay Diyos, kundi, ito’y sa ikaluluwalhati ng Diyos na nagpadakila at nagbigay kay Cristo ng pangalang lalo sa lahat.

Makikita rin natin sa ibang mga sulat ni Apostol Pablo ang pagkakaiba ng Panginoong Diyos sa Panginoong Jesucristo:

“Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: ‘Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos’. (Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.) At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.” (I Cor. 15:27-28, Magandang Balita Biblia)

Maliwanag sa tinuran ni Apostol Pablo na si Jesus ay Panginoon sapagkat ang lahat ng mga bagay ay lubusang pinasuko ng Diyos sa ilalim ng Kaniyang kapangyarihan. Subalit, si Cristo ay hindi Diyos, sapagkat bagaman ang lahat ay ipinailalim sa kapangyarihan ni Cristo, gayunman, si Cristo ay paiilalim naman sa kapangyarihan ng Diyos, kung kaya’t ang Diyos ang lubusang maghahari sa kalahat-lahatan.

Mababakas din natin sa mga manunulat ng Bagong Tipan na kung tinawag man nila na “Panginoon” ang Cristo, hindi ito nangangahulugang si Cristo ang Diyos. Malaki ang pagkakaiba ng pagtawag nila ng “Panginoon” kay Cristo sa pagtawag nila ng Panginoon sa tunay na Diyos o sa Amang nasa langit sapagkat alam nilang magkaiba ang Diyos at si Cristo. Ganito ang pnatutunayan ng mga sumusunod na talata:

“Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo.” (Roma 15:6)

“Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan.” (II Cor. 1:2-3)

“Nagpapasalamat kami sa Dios, na Ama ng ating Panginong Jesucristo, na kayo’y laging idinadalangin.” (Col. 1:3)

“Ngayo’y patnugutan nawa ng atin ding Dios at Ama, at ng ating Panginoong Jesus, ang aming paglalakbay sa inyo.” (I Tes. 3:11)

“Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya.” (II Tes. 2:16)

“Si Santiago, na alipin ng Dios at ng Panginoong Jesucristo, ay bumabati sa labingdalawang angkan na nasa Pangangalat.” (Sant. 1:1)

“Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay.” (I Ped. 1:3)

Maliwanag sa mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay Panginoon ngunit hindi Siya ang Diyos. Ang tinutukoy nilang Diyos ay ang Ama ng Panginoong Jesucristo.


Kung kanino tumutukoy ang ‘Panginoong Diyos’
Sa Bagong Tipan, kapag binabanggit ang pariralang “Panginoong Diyos,” ito ay hindi tumutukoy kay Cristo. Nagpapatunay lamang ito na ang Panginoong Diyos ay iba sa Panginoong Jesucristo:

“Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo’y sasalitain niya.” (Gawa 3:22)

Sa talatang ito ay ikinapit ang titulong “Panginoon” sa Diyos ngunit ang Diyos na tinutukoy ay hindi si Cristo. Sa halip, si Cristo ang propetang tinutukoy na ititindig ng Panginoon.
Maging sa sinulat ni Lucas ay makikita ang pagkakaiba ng Panginoong Jesucristo sa Panginoong Diyos:

“Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama.” (Lucas 1:32)

Dito ay ginamit ang titulong “Panginoon” at ikinapit sa talatang ito ay hindi si Cristo. Si Cristo ang Anak ng Kataastaasan at sa Kaniya ibibigay ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David. Iba ang Panginoong Diyos na nagbigay kaysa sa Panginoong Jesus na binigyan.

Nalalaman din ni Lucas na ang Cristo na Anak ng Kataastaasan ay tatawaging “Panginoon” (Lucas 2:11), ngunit sa kabila nito, hindi niya ipinagkamali na si Cristo ang Diyos. Alam ni Lucas na iba ang Panginoong Diyos sa Cristong Panginoon.

Ang salitang Griyego na kyrios (κυριος)
Ang paggamit ng salitang “Panginoon” na katumbas ng salitang Griyego na kyrios o kurios para kay Jesus ay ipinalagay ng iba na katunayan ng diumano’y paniniwalang Cristiano na Diyos si Cristo:

“Alam natin na ang griegong Kyrios ay salitang ginamit ng Septuahinta upang isalin ang hebreong Yahweh at Adonai. Bago ginamit para kay Jesus ang Kyrios (Phil. 2:9), matagal na itong ginamit para sa Diyos ng Lumang Tipan. … Hindi maitatatwa na sa paggamit ng griyegong Kyrios para kay Jesus (Phil. 2:9) na siyang salin ng Septuahinta para sa Yahweh (Adonai) ay tinatanggap na ng mga kristiyano ang pagiging Diyos ni Jesus.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, pp. 22-24)

Ang salitang Griyego na Kyrios ay siyang matatagpuan sa Septuaginta bilang kapalit ng Tetragrammaton – pangalang ng Diyos na binubuo ng apat na letrang Hebreo. Sa takot ng mga Judio na mabigkas ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan (blasphemy) ang pangalan ng Diyos ay pinalitan nila ng terminong “Panginoon” katumbas ng Kyrios sa wikang Griyego na ito nga ang terminong ginamit sa saling Septuaginta.

Subalit dapat maunawaan na bagaman ang salitang Griyego na Kyrios ay ginamit upang tumukoy sa Diyos, hindi nangangahulugang Diyos ang lahat ng pinagkapitan ng salitang ito. Sa katunayan, ang salitang Griyego na Kyrios ay hindi lamang sa Diyos at kay Cristo ginamit. Ang sinalugguhitang salita sa mga sumusunod na talata ay ang itinumbas sa salitang kyrios o kurios sa Bibliang Griyego:

Si Pilato ay tinawag na kurios
“Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala naming na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli.” (Mat. 27:63)

Ang may-ari ng asno ay tinawag na kurios
“At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno?” (Lucas 19:33)

Si Felipe ay tinawag na kurios
“Ang mga ito nga’y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.” (Juan 12:21)

Ang anghel ay tinawag na kurios
“Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio. At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.” (Gawa 10:3-4)

Si Pablo at si Silas ay tinawag na kurios
“At siya’y humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at, nanginginig sa takot, ay nagpatirapa sa harapan ni Pablo at ni Silas, At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Gawa 16:29-30)

Ang haring Agripa ay tinawag na kurios
“Tungkol sa kaniya’y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat.” (Gawa 25:26)

Ang mga sumusunod na talata na hinango sa Matandang Tipan ay mula sa Septuaginta:

Si Abraham ay tinawag na kurios ni Sara
“At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako’y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko?” (Gen. 18:12)

Si Esau ay tinawag na kurios
“At inutusan niya sila, na sinasabi, Ganito ninyo sabihin sa aking panginoong kay Esau. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, Dumoon ako kay Laban at ako’y natira roon hanggang ngayon.” (Gen. 32:4)

Si Faraon ay tinawag na kurios
“At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpog nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon.” (Gen. 47:25)

Si Jose ay tinawag na kurios
“Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto.” (Gen. 45:8-9)

“Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, At pinuno sa lahat niyang pagaari.” (Awit 105:21)

Maliwanag na ang titulong “Panginoon” na ibinigay kay Cristo ay hindi katunayan na Siya ang tunay na Diyos.

(May Karugtong)