Ang Likas na Kalagayan ni Cristo
(Ikaapat na Bahagi)
Published in God's Message (Pasugo)
July 2007
“Hindi tinawag na Diyos si Jesus sa mga Ebanghelyong Sinoptiko. Kahit sa Ebanghelyo ni Juan, hindi tiyakang sinabi ni Jesus mismo na siya ay Diyos.” –Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 32
"Tinawag ni Cristo ang Diyos na Kaniyang Ama - katumbas ng Siya ang Anak ng Diyos at hindi Siya ang Diyos."
KUNG ATING SUSURIIN ang Bagong Tipan, mauunawaan natin sa mga sinulat ng mga apostol at mga ebanghelista na hindi si Cristo ang Diyos na kanilang kinilala at ipinakilala. Ipinakilala nila si Cristo bilang “Anak ng Diyos.” Noon pa mang ibalita ng anghel kay Maria na siya ay maglilihi ay ipinagpauna na, na ang kaniyang magiging anak ay tatawaging Anak ng Diyos:
“At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.” (Lucas 1:35)
Si Cristo ang Anak ng Diyos
Maging sa Ebanghelyong sinulat ni Mateo ay mababasang maliwanag na nang bautismuhan si Cristo ay narining ang tinig ng Ama na nagsasabing, “Ito ang sinisinta kong Anak”:
“At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” (Mat. 3:17)
Ipinakilala rin si Jesus ng ebanghelistang si Marcos bilang Anak ng Diyos. Sa pagpapasimula ng kaniyang Ebanghelyo ay ganito ang sinasabi.
“Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios.” (Mar. 1:1)
Sa Ebanghelyo ayon kay Apostol Juan, si Cristo ay ipinakilala rin bilang Anak ng Diyos:
“At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.” (Juan 1:34)
Maliwanag, kung gayon, na sa mga Ebanghelyo Sinoptiko at maging sa Ebanghelyo ayon kay Apostol Juan, si Cristo ay ipinakikilalang Anak ng Diyos – hindi si Cristo ang Diyos. Ang isang paring Jesuita na si Pedro Sevilla ay sumulat ukol sa bagay na ito:
“Hindi tinawag na Diyos si Jesus sa mga Ebanghelyong Sinoptiko. Kahit sa Ebanghelyo ni Juan, hindi tiyakang sinabi ni Jesus mismo na siya ay Diyos.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 32)1
Ang patotoo ng mga apostol
Nang tanungin ni Jesus ang Kaniyang mga alagad kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa Kaniya, sinabi ni Apostol Pedro na, “Ikaw ang Anak ng Diyos na buhay.” Hindi sinabi ni Apostol Pedro na si Cristo ang Diyos na buhay:
“Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao? At kanilang sinabi, Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, si Elias, at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta. Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay. At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 16:13-17)
Sinang-ayunan ni Jesus ang pagpapahayag ni Apostol Pedro ng kaniyang pananampalataya, at Kaniyang sinabi rito: “Hindi ito ipinahayag sa iyo ng laman at dugo kundi ng aking Ama na nasa langit.”
Mapapansin na tinawag ni Cristo ang Diyos na Kaniyang Ama – katumbas ng Siya ang Anak ng Diyos at hindi Siya ang Diyos. Sa aklat na The History of God ni Karen Armstrong, isang dating madre sa simbahang Katoliko, ay mababasa ang pagsang-ayon niya sa katotohanang ito:
“Hindi sinabi ni Pedro na si Jesus na taga-Nazaret ay Diyos. Siya ay tao, na pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya nang siya ay nasa gitna ninyo’.” (p. 107)2
Maging sa mga sulat ni Apostol Pablo ay malimit niyang banggitin na si Cristo ay Anak ng Diyos ngunit hindi niya ginamit ang titulong Diyos para kay Cristo. Katunayan, pagkatapos na matanggap ni Pablo ang bautismo, ang unang ipinahayag niya sa mga sinagoga ay si Jesus ang “Anak ng Diyos”:
“At pagdaka’y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios.” (Gawa 9:20)
Ang pananampalataya ni Apostol Pablo na si Cristo ay Anak ng Diyos ay makikita sa kaniyang mga sulat:
“Na ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga’y si Jesucristo na Panginoon natin.” (Roma 1:4)
“Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.” (I Cor. 1:9)
“Sapagka’t ang Anak ng Dios, si Jesucristo na ipinangaral naming sa inyo,…” (II Cor. 1:19)
“Ako’y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito’y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.” (Gal. 2:20)
“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.” (Efe. 4:13)
Natunghayan natin sa mga sulat ni Apostol Pablo mismo kung ano ang kaniyang pananampalataya tungkol kay Cristo. Kinilala ni Apostol Pablo sa kaniyang mga sulat na si Cristo ay Anak ng Diyos. Hindi niya kailanman isinulat na si Cristo ang Diyos. Si Raymond Brown, isang paring Katoliko, ay nagpahayag sa kaniyang aklat:
“Kailanman’y hindi tinatawag na Diyos si Jesus sa mga Ebanghelyong Sinoptiko, at ang isang talatang gaya ng Mar. 10:18 ay waring nag-aalis ng posibilidad na ginamit ni Jesus para sa kaniyang sarili ang gayong katawagan. Maging ang ikaapat na Ebanghelyo [Juan] ay hindi inilalarawan si Jesus na tiyakang nagsasabing siya ay Diyos. Ang mga sermon na ayon sa Mga Gawa ay sinalita sa pagsisimula ng misyong Cristiano ay hindi binabanggit si Jesus bilang Diyos. Kaya, walang dahilan upang isiping si Jesus ay tinawag na Diyos sa mga unang yugto ng tradisyon ng Bagong Tipan. Ang negatibong konklusyong ito ay pinatitibayan ng katotohanang hindi ginamit ni Pablo [para kay Cristo] ang katawagan [na Diyos] sa alinmang epistola na nasulat bago ang taong 58.” (Jesus: God and Man, p. 30)3
Ang teologong Katoliko na is Hans Kűng ay nagpahayag din ng ganito:
“Ngunit sa kabilang dako si Jesus ay bahagyang-bahagya na tuwirang tinawag na ‘Diyos’ at kailanman ay hindi siya tinawag ni Pablo na gayon.” (On Being a Christian, p. 440)4
Kung susuriin din maging ang mga sulat ni Apostol Juan, makikitang hindi niya ginamit ang titulong Diyos para kay Cristo. Ipinakilala rin ni Juan sa kaniyang mga sulat na si Cristo ay ang Anak ng Diyos:
“Nguni’t ang mga ito’y nangasulat, upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios, at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” (Juan 20:31)
“At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo’y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. …” (I Juan 5:20)
Maliwanag sag ma pahayag ni Juan sa kaniyang Ebanghelyo at sulat na si Cristo ay Anak ng Diyos. Hindi niya ikinapit ang titulong Diyos kay Cristo.
Patotoo ng iba pang tauhan sa Biblia
Pinatotohanan din ni Juan Bautista na si Cristo ay Anak ng Diyos:
“At aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.” (Juan 1:34)
Ganito rin ang patotoo ng apostol na si Natanael – si Cristo ay Anak ng Diyos:
“Sumagot si Natanael sa kaniya. Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel.” (Juan 1:49)
Maging si Marta na kapatid ni Lazaro ay nagpahayag na si Cristo ay Anak ng Diyos:
“Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.” (Juan 11:27)
Sa mga talatang mababasa ang “Anak ng Diyos” na tumutukoy kay Cristo ay malinaw na pinatutunayan na hindi si Cristo ang Diyos. Ang salitang “Diyos” sa pariralang “Anak ng Diyos” ay tumutukoy sa Ama at hindi kay Cristo. Maging ang paring Jesuita na si Pedro Sevilla ay ganito rin ang pahayag:
“a) Tinatawag si Cristo na ‘Anak ng Diyos’. Sa parirala o titulong ito, ang tinutukoy ng salitang ‘Diyos’ ay ang Ama.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, pp. 55-56)
Ipinakilala rin ni Cristo na Siya ang Anak ng Diyos
“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.” (Juan 5:25)
“Nabalitaan ni Jesus na siya’y pinalayas nila; at pagkasumpong sa kaniya, ay sinabi niya, Sumasampalataya ka baga sa Anak ng Dios? Sumagot siya at sinabi. At sino baga siya, Panginoon, upang ako’y sumampalataya sa kaniya? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Siya’y nakito mo na, at siya nga na nakikipagsalitaan sa iyo.” (Juan 9:35-37)
Maliwanag ang pagpapakilala ni Cristo sa Kaniyang sarili na Siya ang Anak ng Diyos. Hindi Niya ipinakilala na Siya ang Diyos. Ang paring Katoliko na si Pedro Sevilla ay nagsasabi sa kaniyang aklat:
“Kahit sa Ebanghelyo ni Juan, hindi tiyakang sinabi ni Jesus mismo na siya ang Diyos.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 32)
Maging si John A. T. Robinson, isang obispong Anglicano, ay ganito ang sinabi:
“Kailanma’y hindi personal na inaangkin ni Jesus na siya ang Diyos: gayunman lagi niyang inaangkin na dinadala niya ang Diyos nang lubusan.” (Honest to God, p. 73)5
Ang pagiging Anak ng Diyos ang lalong nagpapatunay na hindi si Cristo ang Diyos. Iisa lamang ang tunay na Diyos, ang Ama. Si Cristo ay Anak (hindi Siya ang Ama) ng iisang tunay na Diyos. Ito ay pinatunayan maging ng paring Jesuita na is Juan Trinidad. Ganito ang mababasa sa footnote ng Marcos 1:1 sa isinalin sa Bagong Tipan ng Biblia:
“Anak ng Diyos: paminsan-minsan, ay ginagamit ng mga Judio ang pananalitang ito upang ilarawan ang isang may tanging kaugnayan sa Diyos. Dahil dito, noong si Jesus ay tawaging Anak ng Diyos sa mga Ebanghelyo Sinoptiko, iyo’y hindi dapat mangahulugan ng Kanyang pagka-Diyos.” (p. 103)
Ang paring Katoliko na is Richard P. Mcbrien ay nagbigay din ng ganitong patotoo:
“Sa kabilang dako, ang katawagang Anak ng Diyos ay naghahayag ng pagiging malapit sa isa’t isa ni Jesus at ng Diyos, at hindi ng kaniyang pagiging Diyos, tulad ng maaaring iniisip ng marami.” (Catholicism, p. 408)6
(May Karugtong)
Mga Reperensiya:
1 Sevilla, Pedro, S.J. Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiano. Quezon City, Philippines: Loyola School of Theology-Ateneo de Manila University, 1988.
2”Peter did not claim that Jesus of Nazareth was God. He ‘was a man, commended to you by God by the miracles and portents and signs that God worked through him when he was among you’.” (Armstrong, Karen. A History of God. Great Britain: Mandarin Paperbacks, 1993.)
3”Jesus is never called God in the Synoptic Gospels, and a passage like Mk. 10:18 would seem to preclude the possibility that Jesus used the title himself. Even the fourth Gospel never portrays Jesus as saying specifically that he is God. The sermons which Acts attributes to the beginning of the Christian mission do not speak of Jesus as God. Thus, there is no reason to think that Jesus was called God in the earliest layers of New Testament tradition. This negative conclusion is substantiated by the fact that Paul does not use the title in any epistle written before 58.” (Brown, Raymond E., S. J. Jesus: God and Man. Milwaukee: The Bruce Publishing Company, n.d.)
4”But on the other hand Jesus is scarcely ever directly called ‘God’ and never by Paul himself.” (Kűng Hans. On Being a Christian. New York: Doubleday Image Book, 1976.)
5”Jesus never claims to be God, personally: yet he always claims to bring God, completely.” (Robinson, John A.T. Honest to God. London: SCM Press Ltd., 1963.)
6”The Son of God title, on the other hand, expressed the closeness between Jesus and God, but not necessarily his divinity, as many might think.” (McBrien, Richard. Catholicism. Third Edition. Great Britain: Geoffrey Chapman, 1994.)