Biyernes, Pebrero 14, 2014

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo (Unang Bahagi)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo 
(Unang Bahagi)


Inilathala sa God's Message (Pasugo) magazine
April 2007

Sa lahat ng panahon, ang Ama lamang ang iisang Diyos. Walang “Cristong Diyos” na itinuturo ni ipinakikilala ang Banal na Kasulatan. 

Paulit-ulit na ipinakilala ng Ama na Siya lamang ang iisang Diyos at wala nang iba.

Si Jesus na ipinanganak ni Maria ay hindi Siyang Diyos o Kataastaasan kundi "Anak ng Kataastaasan".

MARAMI NANG NASULAT tungkol sa buhay, aral, at misyon ng Panginoong Jesucristo. Ngunit, sa artikulong ito ay ating pagtutuunan ng pansin ang Kaniyang likas na kalagayan. Totoo ba na si Cristo ay Diyos, gaya ng nakagisnang paniniwala ng marami ngayon? Ano ang katotohanan tungkol sa likas Niyang kalagayan?

Ang Diyos sa Matandang Tipan
Ang Matandang Tipan ay nagturo na may Diyos na lumalang ng langit at lupa at ng lahat ng mga bagay na naroroon. Siya rin ang Diyos na gumawa ng pakikipagtipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. Siya ang Diyos na nagbigay ng Sampung Utos sa bundok ng Sinai; na naglabas sa Israel sa lupain ng Egipto at pumatnubay sa Kaniyang bayan; at nakipagtalastasan sa mga propeta noong una. Sino Siya? Si Cristo ba ang Diyos na itinuturo ng Matandang Tipan? Ganito ang mababasa sa aklat ng Deuteronomio 32:4, 6:

“Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka’t lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Diyos na tapat at walang kasamaan…

“Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? …”

Ang iisang Diyos na nagpalaya sa Israel mula sa lupain ng Egipto, na Siya ring nagbigay ng Sampung Utos at pumatnubay sa Israel, ay walang iba kundi ang Ama – ayon kay Moises. Maging sa kapanahunan ng mga tinatawag na major prophets tulad ni Isaias ay nananatiling ang Ama ang kinikilalang Diyos:

“Sapagka’t ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinikilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.” (Isa. 63:16)

Sa panahon man ng tinatawag na mga minor prophets tulad ni Malakias, patuloy na ang Ama ang kinikilala nilang iisang tunay na Diyos:

“Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? …” (Mal. 2:10, Magandang Balita Biblia)

Kung gayon, sa lahat ng panahon sa Matandang Tipan, ang Ama lamang ang iisang Diyos na nakipagtalastasan sa mga propeta ng bayang Israel. Walang “Cristong Diyos” na itinuturo ni ipinakilala ang Matandang Tipan.

Nagpakilala ang Diyos na Siya ang Ama
Ang Ama lamang ang iisang Diyos na nakilala ng mga propeta na ito’y ayon sa pagpapakilala mismo ng Diyos sa Kaniyang sarili:

“Ako’y nagpahayag, at ako’y nagligtas, at ako’y nagpakilala, at walang ibang dios sa gitna ninyo: kaya’t kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.” (Isa. 43:12)

“Ako’y magiging kaniyang ama, at siya’y magiging aking anak: kung siya’y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao.” (II Sam. 7:14)

Maliwanag na ang Diyos ay nagpakilala sa Matandang Tipan na Siya ang Ama. Maliwanag din na ang Ama lamang at wala nang iba pa ang iisang tunay na Diyos na kinilala ng mga propeta at ng bansang Israel. Isang katotohanan at tinatanggap ng halos lahat, na ang mga propeta at ang mga Israelita sa panahon ng Matandang Tipan ay nagtaguyod ng monoteismo, ang paniniwala na iisa lamang ang tunay na Diyos.

Iisa lamang ang Diyos na kinilala at pinaglingkuran ng mga propeta sapagkat ito mismo ang itinuro ng Diyos sa kanila. Paulit-ulit na ipinakilala ng Ama na Siya lamang ang iisang Diyos at wala nang iba:

“Ako’y nagpahayag, at ako’y nagligtas, at ako’y nagpakilala, at walang ibang dios sa gitna ninyo: kaya’t kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.” (Isa. 43:12)

“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka’t ako’y Dios, at walang iba liban sa akin; ako’y Dios, at walang gaya ko.” (Isa. 46:9)

“Ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba; Palalakasin kita, Bagamat ako’y di mo pa kilala. Ginawa ko ito Upang ako ay makilala ng buong daigdig, Na makilala nila na ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.” (Isa. 45:5-6, MB)

“Israel, ikaw ang saksi ko, Hinirang kita upang maging lingkod ko, Upang makilala mo ako at manalig ka sa akin, Walang ibang diyos na una sa akin, Ni mayroon pa mang iba na darating.” (Isa. 43:10, Ibid.)

Hindi rin dapat isipin, kung gayon, na ang iisang Diyos ng Matandang Tipan ay binubuo ng tatlong Persona, na ang isa sa mga Persona diumano ay si Jesus. Ang Matandang Tipan ay hindi nagtuturo tungkol sa Banal na Trinidad na malaganap ngayong pinaniniwalaan:

“Ang doktrina ng Banal na Trinidad ay hindi itinuturo sa Matandang Tipan.” (New Catholic Encyclopedia, vol. 14, p. 306)1

Maging ang isang paring Jesuita na nagsuri sa doktrina ng Trinidad ay nagpahayag ng ganito:

“Nagkakasundo ang mga dalubhasa sa kasalukuyang panahon na wala pang tiyak na kaalaman tungkol sa Banal na Trinidad na makikita sa mga sinusulat sa Lumang Tipan.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 71)2

Si Cristo sa Matandang Tipan
Wala kahit isang talata sa Matandang Tipan na nagsasabing si Cristo ay Diyos. Manapa ay pinatutunayan ng Matandang Tipan na noon ay ni hindi pa umiiral o eksistido ang Cristo. Ano ba ang matutunghayan natin sa Matandang Tipan tungkol kay Cristo? Ang muli’t muling pangako ng Diyos tungkol sa pagdating ng Cristo:

“At aking pagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako’y magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo.” (Gen. 17:7)

Pansinin na si Cristo ay hindi pa umiiral sa panahon ni Abraham dahil ipinangako pa lamang ng Diyos na magkakaroon ng Cristo na magiging binhi ni Abraham (Gal. 3:16).

Ang ipinangakong propeta
Ang ipinangako ng Diyos kay Moises ang paglitaw ng isang propeta:

“Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.” (Deut. 18:18)

Pansinin natin na ang lilitaw ay hindi Diyos kundi isang propeta. Siya ang ipinangako ng Diyos kay Moises. Samakatuwid, maging sa panahon ni Moises ay wala pang Cristong umiiral kundi pangako pa lamang ang pagdating Niya na Siyang propetang hinuhulaan. Pinatutunayan ito maging ng mga manunulat ng Bagong Tipan.

Ang pagpapatunay ng Bagong Tipan
Pinatutunayan ni Apostol Pablo na si Cristo ay ipinangako nang una:

“Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman.” (Roma 1:2-3)

Ayon naman kay Apostol Pedro, nasa isip na ng Diyos si Jesus bago pa lalangin ang daigdig:

Nasa isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang daigdig, nguni’t ipinakilala Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:20, salin ni Juan Trinidad)

Pinatutunayan din ng ebanghelistang si Lucas na ang Mesias o ang Panginoong Jesus ay ipinangako ng Diyos:

“Na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon.” (Lucas 2:26, MB)

Wala sa isipan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay Diyos. Ayon sa kanilang mga isinulat, si Jesus ang hinihintay ng mga Judio na darating na Mesias. Siya ang propetang lilitaw na tulad ni Moises. Siya ang magiging binhi ni Abraham. At si Cristo nga ang naging katuparan ng mga ipinangakong ito ng Diyos sa Matandang Tipan.

Wala rin sa isipan ng mga unang Cristiano na si Cristo ay umiral o eksistido na sa panahon ng Matandang Tipan. Ang teologong si George Eldon Ladd ay nagbigay ng kaniyang patotoo ukol dito:

“Binabasa natin ang mga Ebanghelyo at ang aklat ng mga Gawa sa liwanag ng ating pagkaunawa sa pre-eksistensiya at sa pagkakatawang-tao ng Diyos Anak. Subalit, ang mga unang Cristiano ay walang anumang gayong konsepto sa kanilang mga isipan…” (The Young Church, p. 48)3

Ang Pag-iral ng Mesias
Kailan nagkaroon ng katuparan ang ipinangakong Mesias? Ganito ang sinasabi ng Biblia:

“Datapuwa’t nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” (Gal. 4:4)

Nagkaroon ng Cristo “nang dumating ang kapanahunan.” Samakatuwid ay may panahon na hindi pa eksistido ang Cristo. Kailan ang panahon na ang Cristo ay hindi pa eksistido o hindi pa umiiral? Nang Siya ay nananatiling pangako pa lamang at hindi pa naipanganganak. Kaya, nang maipanganak na, saka pa lamang nagkaroon o naging eksistido ang Cristo.

Diyos ba ang pagkakilala ng mga manunulat ng Bagong Tipan kay Jesucristo na katuparan ng mga pangako ng Diyos? Ayon sa tala ng ebanghelistang si Mateo, tao ang dinala sa sinapupunan o ipinagbubuntis ni Maria:

“Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya’y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” (Mat. 1:18)

Pinatunayan din ng anghel na tao nga ang likas na kalagayan ni Jesus na dinadala (ipanagbubuntis) ni Maria:

“Datapuwa’t samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.” (Mat. 1:20)

Taliwas sa paniniwala ng marami, si Jesus na ipinanganak ni Maria ay hindi Siyang Diyos o Kataastaasan kundi “Anak ng Kataastaasan”:

At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS. Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama.” (Lucas 1:31-32)

Kung papaanong ang iisang Diyos ay tinatawag na Ama sa panahon ng Matandang Tipan, ang Diyos ay Ama rin ni Cristo, sapagkat Siya (si Cristo) ay tatawaging Anak ng Kataastaasan. Ganito ang pagtuturo tungkol kay Cristo ng mga manunulat ng Bagong Tipan.

May Karugtong

------
MGA REFERENCIA

1 “The doctrine of the Holy Trinity is not taught in the O[ld] T[estament].” (New Catholic Encyclopedia, vol. 14. Nihil Obstat: John P. Whalen, M.A., S. T. D., Censor Deputatos. Imprimatur: Patrick A. O’Boyle, D.D., Archbishop of Washington, Illinois, USA. Jack Heraty and Associates, Inc. 1967.)

2 Sevilla, Pedro, S.J. Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano. Quezon City, Philippines: Loyola School of Theology – Ateneo de Manila University, 1988.

3 “We read the Gospels and the book of Acts in the light of our understanding of the pre-existence and the incarnaction of God the Son. However, the early Christians had no such concepts in their minds …” (Ladd, George E. The Young Church. London: Lutterworth Press; New York & Nashville: Abingdon Press, 1964.) 
______________________________________________________