Published in God's Message (Pasugo) magazine,
May 2007
Sa maraming pagkakataon ay pinatunayan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay tao – may damdamin at may pisikal na katawan ng isang tao.
Alam na alam ng mga alagad na si Cristo ay muling binuhay ng Diyos. Iba ang bumuhay sa binuhay.
SA UNANG BAHAGI ng artikulong ito ay pinatunayan na sa panahon ng Matandang Tipan ay naniniwala ang mga lingcod ng Diyos na iisa lamang ang tunay na Diyos, walang iba kundi ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay. Wala silang tinatawag na “Diyos Anak” at wala rin silang pagtuturo tungkol sa tinatawag ngayon na doktrina ng Trinidad. Sa panahon ng Matandang Tipan ay ipinangako ang pagparito ng Cristo at ito ay nagkaroon ng katuparan sa panahon ng Bagong Tipan. Pinatunayan sa atin na sa panahon ng Matandang Tipan ay wala pang Cristo na umiiral kundi ang pangako pa lamang na magkakaroon ng Cristo. Ngayon ay tatalakayin ang mga naranasan ni Cristo nang Siya ay umiral na sa panahon ng Bagong Tipan.
Si Cristo ay tao
Sa maraming pagkakataon ay pinatunayan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay tao – may damdamin at may pisikal na katawan ng isang tao.
1. Si Cristo ay binalot ng lampin
“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para kanila sa tuluyan.” (Lucas 2:7)
2. Lumaki si Jesus sa karunungan at pangangatawan
“At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.” (Lucas 2:52)
3. Hinalas si Jesus
“At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.” (Lucas 2:21)
4. May laman, mga buto, at dugo si Cristo
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Lucas 24:39)
“Yamang ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.” (Heb. 2:14, Magandang Balita Biblia)
5. Naranasan ni Cristo ang magutom, mauhaw, kumain, at uminom
“At nang siya’y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakes ay nagutom siya.” (Mat. 4:2)
“Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.” (Juan 19:28)
“At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.” (Lucas 24:43)
“Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom…” (Lucas 7:34)
6. Naranasan ni Cristo ang mapagod
“At naroon ang balon ni Jacob. Si Jesus nga, nang napapagod na sa kaniyang paglalakbay, ay naupong gayon sa tabi ng balon. Magiikaanim na nga ang oras.” (Juan 4:6)
7. Pinawisan si Cristo
“At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya na malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.” (Lucas 22:44)
8. Natulog si Jesus
“At narito, bumagon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa’t inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa’t siya’y natutulog.” (Mat. 8:24)
9. Tumangis at lumuha si Jesus
“Tumangis si Jesus.” (Juan 11:35)
“Na siya sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuha doon sa may kapangyarihang makapagligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya’y dininig dahil sa kaniyang banal na takot.” (Heb. 5:7)
10. Nanalangin si Jesus
“At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumamapas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” (Mat. 26:39)
11. Nakaranas ng kamatayan si Cristo
“Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga. …Nguni’t nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya’y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita.” (Juan 19:30, 33)
Ang pagkakaiba ni Cristo sa Diyos
Sa mga pangyayaring naganap kay Cristo na nasaksihan at sinulat ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay maliwanag na, sa kanilang pananaw, hindi si Cristo ang Diyos kundi Siya ay tao.
Binigyang-diin din ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang pagkakaiba ni Cristo sa Diyos. Nasaksihan nila na sa maraming pagkakataon, nang tinutupad ni Cristo ang Kaniyang ministeryo sa lupa, ay paulit-ulit Niyang pinatunayan ang Kaniyang pagkakaiba sa Diyos.
1. Sinabi ni Jesus na Siya ay nagmula at nanggaling sa Diyos
“Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka’t ako’y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka’t hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.” (Juan 8:42)
Maliwanag sa pahayag na ito ng ating Panginoon na Siya ay nagmula at nanggaling sa Diyos sapagkat Siya ay sinugo ng Diyos. Iba ang nagsugo kaysa sinugo. Ang Diyos ang nagsugo at si Cristo naman ang sinugo.
2. Kinilala ni Cristo na Siya ay binigyan ng Diyos ng karapatang humatol
“Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.” (Juan 5:22)
Kung si Cristo man ay humahatol, hindi iyon katunayan na Siya ang Diyos. Ipinagkaloob sa Kaniya ng Diyos ang karapatang humatol. Iba ang nagkaloob sa pinagkalooban. Ang Diyos ang nagkaloob, si Cristo ang pinagkalooban.
3. Kinilala ni Cristo na ang Diyos ang nagbigay sa Kaniya ng kapamahalaan
“Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma’y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma’y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.” (Mat. 11:27)
Sa talatang ito ay maliwanag na kinikilala ni Cristo na ang kapamahalaang taglay Niya ay ibinigay lamang sa Kaniya ng Diyos. Iba ang nagbigay sa binigyan. Hindi si Cristo ang Diyos kundi Siya ang binigyan ng Diyos ng kapamahalaan.
4. Sumasa Kaniya ang Diyos kaya Siya nakagawa ng mga makapangyarihang gawa
“Sa makatuwid baga’y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya’y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng Diablo; sapagka’t sumasa kaniya ang Dios.” (Gawa 10:38)
Batid ng mga manunulat ng Bagong Tipan na kung si Cristo man ay nakagawa ng mga makapangyarihang gawa ay dahil sa ang Diyos ay sumasa Kaniya. Hindi sa dahilang Siya ang Diyos.
5. Sinaksihan ng mga alagad na si Cristo ay binuhay ng Diyos
“Ang Jesus na ito’y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito’y mga saksi kaming lahat.” (Gawa 2:32)
Alam na alam ng mga alagad na si Cristo ay muling binuhay ng Diyos. Iba ang bumuhay sa binuhay.
6. Ipinakilala ni Jesus na Siya ang Cristo at hindi Niya ipinakilala kailanman na Siya ang Diyos
“Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama.” (Juan 8:28)
Sa talatang ito ay maliwanag na ipinakilala ni Jesus na Siya ang Cristo. Hindi lamang ipinakilala Niya na Siya ang Cristo kundi pinatunayan din Niya na hindi Siya ang Diyos nang Kaniyang sabihin na ang Kaniyang sinasalita ay ayon sa itinuro sa Kaniya ng Ama. Iba ang nagturo sa tinuruan. Si Cristo ang tinuruan at ang Diyos ang nagturo sa Kaniya.
7. Tumanggi si Cristo na tawaging mabuti tulad ng pagiging mabuti ng Diyos
“At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay? At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti kundi isa, ang Dios lamang.” (Lucas 18:18-19)
Hindi pumayag si Cristo na Siya ay tawaging “mabuti” tulad ng pagiging mabuti ng Diyos. Nababatid Niya na ang Diyos lamang ang tunay na mabuti at Siya ay pinabanal lamang ng Diyos (Juan 10:36).
8. Ang Ama ang iisang tunay na Diyos ayon kay Cristo
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya Ama, … At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:1, 3)
Maliwanag sa mga talatang ito na hindi si Cristo ang tunay na Diyos. Ang Ama ang ipinakilala mismo ni Cristo na iisang Diyos na tunay.
Batid ng mga manunulat ng Bagong Tipan na iba ang Cristo kaysa sa Diyos. Ang mga malilinaw na pagkakaiba ng Diyos at ni Cristo ay matibay na katunayan na si Jesus ay hindi Diyos. Ang pisikal na katangian at mga naranasan ni Jesus ay nagpapatotoo sa Kaniyang pagiging tao sa likas na kalagayan.
(May karugtong)