Biyernes, Pebrero 14, 2014

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo Ang Kaniyang Pagkapanginoon (Ikalimang Bahagi)

Published in God's Message (Pasugo) 
Aug 2007


“At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.” – Corinto 15:28, Magandang Balita Biblia

Maliwanag sa mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay Panginoon ngunit hindi Siya ang Diyos. Ang tinutukoy nilang Diyos ay ang Ama ng Panginoong Jesucristo.

SA MARAMING PAGKAKATAON ay tinatawag na Panginoon si Cristo sa Bagong Tipan. Ito ay ginagamit na batayan ng iba sa kanilang paniniwalang Diyos si Cristo. Subalit, ang pagkapanginoon nga ba ni Cristo ay katunayang Siya ay Diyos? Hindi. Hindi ito nangangahulugang si Cristo ang Diyos. Iba ang Panginoong Diyos sa Panginoong Jesucristo. Ito ang pinatutunayan sa atin ng Biblia:

“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.” (Gawa 2:36)

Pansinin na sa pagtuturo ni Apostol Pedro ang Cristong Panginoon ay hindi ang Diyos. Alam ni Apostol Pedro na ang tinatawag na Diyos ay iba sa tinatawag na Cristo. Ang Diyos ang gumawa na si Cristo ay maging Panginoon.
Maging sa mga sulat ni Apostol Pablo ay makikita natin ang pagkakaiba ng Panginoong Diyos sa Cristong Panginoon. Tunghayan natin ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya’y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa. At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.” (Filip. 2:9-11)

Ang Diyos ang nagpadakila at nagbigay kay Cristo ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan. Kung iniutos man na ang lahat ng tuhod ay dapat lumuhod kay Cristo, hindi ito nangangahulugang si Cristo ay Diyos, kundi, ito’y sa ikaluluwalhati ng Diyos na nagpadakila at nagbigay kay Cristo ng pangalang lalo sa lahat.

Makikita rin natin sa ibang mga sulat ni Apostol Pablo ang pagkakaiba ng Panginoong Diyos sa Panginoong Jesucristo:

“Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: ‘Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos’. (Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.) At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.” (I Cor. 15:27-28, Magandang Balita Biblia)

Maliwanag sa tinuran ni Apostol Pablo na si Jesus ay Panginoon sapagkat ang lahat ng mga bagay ay lubusang pinasuko ng Diyos sa ilalim ng Kaniyang kapangyarihan. Subalit, si Cristo ay hindi Diyos, sapagkat bagaman ang lahat ay ipinailalim sa kapangyarihan ni Cristo, gayunman, si Cristo ay paiilalim naman sa kapangyarihan ng Diyos, kung kaya’t ang Diyos ang lubusang maghahari sa kalahat-lahatan.

Mababakas din natin sa mga manunulat ng Bagong Tipan na kung tinawag man nila na “Panginoon” ang Cristo, hindi ito nangangahulugang si Cristo ang Diyos. Malaki ang pagkakaiba ng pagtawag nila ng “Panginoon” kay Cristo sa pagtawag nila ng Panginoon sa tunay na Diyos o sa Amang nasa langit sapagkat alam nilang magkaiba ang Diyos at si Cristo. Ganito ang pnatutunayan ng mga sumusunod na talata:

“Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo.” (Roma 15:6)

“Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo. Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan.” (II Cor. 1:2-3)

“Nagpapasalamat kami sa Dios, na Ama ng ating Panginong Jesucristo, na kayo’y laging idinadalangin.” (Col. 1:3)

“Ngayo’y patnugutan nawa ng atin ding Dios at Ama, at ng ating Panginoong Jesus, ang aming paglalakbay sa inyo.” (I Tes. 3:11)

“Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya.” (II Tes. 2:16)

“Si Santiago, na alipin ng Dios at ng Panginoong Jesucristo, ay bumabati sa labingdalawang angkan na nasa Pangangalat.” (Sant. 1:1)

“Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay.” (I Ped. 1:3)

Maliwanag sa mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay Panginoon ngunit hindi Siya ang Diyos. Ang tinutukoy nilang Diyos ay ang Ama ng Panginoong Jesucristo.


Kung kanino tumutukoy ang ‘Panginoong Diyos’
Sa Bagong Tipan, kapag binabanggit ang pariralang “Panginoong Diyos,” ito ay hindi tumutukoy kay Cristo. Nagpapatunay lamang ito na ang Panginoong Diyos ay iba sa Panginoong Jesucristo:

“Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo’y sasalitain niya.” (Gawa 3:22)

Sa talatang ito ay ikinapit ang titulong “Panginoon” sa Diyos ngunit ang Diyos na tinutukoy ay hindi si Cristo. Sa halip, si Cristo ang propetang tinutukoy na ititindig ng Panginoon.
Maging sa sinulat ni Lucas ay makikita ang pagkakaiba ng Panginoong Jesucristo sa Panginoong Diyos:

“Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama.” (Lucas 1:32)

Dito ay ginamit ang titulong “Panginoon” at ikinapit sa talatang ito ay hindi si Cristo. Si Cristo ang Anak ng Kataastaasan at sa Kaniya ibibigay ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David. Iba ang Panginoong Diyos na nagbigay kaysa sa Panginoong Jesus na binigyan.

Nalalaman din ni Lucas na ang Cristo na Anak ng Kataastaasan ay tatawaging “Panginoon” (Lucas 2:11), ngunit sa kabila nito, hindi niya ipinagkamali na si Cristo ang Diyos. Alam ni Lucas na iba ang Panginoong Diyos sa Cristong Panginoon.

Ang salitang Griyego na kyrios (κυριος)
Ang paggamit ng salitang “Panginoon” na katumbas ng salitang Griyego na kyrios o kurios para kay Jesus ay ipinalagay ng iba na katunayan ng diumano’y paniniwalang Cristiano na Diyos si Cristo:

“Alam natin na ang griegong Kyrios ay salitang ginamit ng Septuahinta upang isalin ang hebreong Yahweh at Adonai. Bago ginamit para kay Jesus ang Kyrios (Phil. 2:9), matagal na itong ginamit para sa Diyos ng Lumang Tipan. … Hindi maitatatwa na sa paggamit ng griyegong Kyrios para kay Jesus (Phil. 2:9) na siyang salin ng Septuahinta para sa Yahweh (Adonai) ay tinatanggap na ng mga kristiyano ang pagiging Diyos ni Jesus.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, pp. 22-24)

Ang salitang Griyego na Kyrios ay siyang matatagpuan sa Septuaginta bilang kapalit ng Tetragrammaton – pangalang ng Diyos na binubuo ng apat na letrang Hebreo. Sa takot ng mga Judio na mabigkas ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan (blasphemy) ang pangalan ng Diyos ay pinalitan nila ng terminong “Panginoon” katumbas ng Kyrios sa wikang Griyego na ito nga ang terminong ginamit sa saling Septuaginta.

Subalit dapat maunawaan na bagaman ang salitang Griyego na Kyrios ay ginamit upang tumukoy sa Diyos, hindi nangangahulugang Diyos ang lahat ng pinagkapitan ng salitang ito. Sa katunayan, ang salitang Griyego na Kyrios ay hindi lamang sa Diyos at kay Cristo ginamit. Ang sinalugguhitang salita sa mga sumusunod na talata ay ang itinumbas sa salitang kyrios o kurios sa Bibliang Griyego:

Si Pilato ay tinawag na kurios
“Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala naming na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli.” (Mat. 27:63)

Ang may-ari ng asno ay tinawag na kurios
“At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno?” (Lucas 19:33)

Si Felipe ay tinawag na kurios
“Ang mga ito nga’y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.” (Juan 12:21)

Ang anghel ay tinawag na kurios
“Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio. At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.” (Gawa 10:3-4)

Si Pablo at si Silas ay tinawag na kurios
“At siya’y humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at, nanginginig sa takot, ay nagpatirapa sa harapan ni Pablo at ni Silas, At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Gawa 16:29-30)

Ang haring Agripa ay tinawag na kurios
“Tungkol sa kaniya’y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat.” (Gawa 25:26)

Ang mga sumusunod na talata na hinango sa Matandang Tipan ay mula sa Septuaginta:

Si Abraham ay tinawag na kurios ni Sara
“At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako’y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko?” (Gen. 18:12)

Si Esau ay tinawag na kurios
“At inutusan niya sila, na sinasabi, Ganito ninyo sabihin sa aking panginoong kay Esau. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, Dumoon ako kay Laban at ako’y natira roon hanggang ngayon.” (Gen. 32:4)

Si Faraon ay tinawag na kurios
“At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpog nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon.” (Gen. 47:25)

Si Jose ay tinawag na kurios
“Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto.” (Gen. 45:8-9)

“Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, At pinuno sa lahat niyang pagaari.” (Awit 105:21)

Maliwanag na ang titulong “Panginoon” na ibinigay kay Cristo ay hindi katunayan na Siya ang tunay na Diyos.

(May Karugtong)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo (Ikaapat na Bahagi)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo
 (Ikaapat na Bahagi)

Published in God's Message (Pasugo) 
July 2007


“Hindi tinawag na Diyos si Jesus sa mga Ebanghelyong Sinoptiko. Kahit sa Ebanghelyo ni Juan, hindi tiyakang sinabi ni Jesus mismo na siya ay Diyos.”Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 32

"Tinawag ni Cristo ang Diyos na Kaniyang Ama - katumbas ng Siya ang Anak ng Diyos at hindi Siya ang Diyos."

KUNG ATING SUSURIIN ang Bagong Tipan, mauunawaan natin sa mga sinulat ng mga apostol at mga ebanghelista na hindi si Cristo ang Diyos na kanilang kinilala at ipinakilala. Ipinakilala nila si Cristo bilang “Anak ng Diyos.” Noon pa mang ibalita ng anghel kay Maria na siya ay maglilihi ay ipinagpauna na, na ang kaniyang magiging anak ay tatawaging Anak ng Diyos:

“At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.” (Lucas 1:35)


Si Cristo ang Anak ng Diyos
Maging sa Ebanghelyong sinulat ni Mateo ay mababasang maliwanag na nang bautismuhan si Cristo ay narining ang tinig ng Ama na nagsasabing, “Ito ang sinisinta kong Anak”:

“At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” (Mat. 3:17)

Ipinakilala rin si Jesus ng ebanghelistang si Marcos bilang Anak ng Diyos. Sa pagpapasimula ng kaniyang Ebanghelyo ay ganito ang sinasabi.
“Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios.” (Mar. 1:1)
Sa Ebanghelyo ayon kay Apostol Juan, si Cristo ay ipinakilala rin bilang Anak ng Diyos:
“At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.” (Juan 1:34)

Maliwanag, kung gayon, na sa mga Ebanghelyo Sinoptiko at maging sa Ebanghelyo ayon kay Apostol Juan, si Cristo ay ipinakikilalang Anak ng Diyos – hindi si Cristo ang Diyos. Ang isang paring Jesuita na si Pedro Sevilla ay sumulat ukol sa bagay na ito:

“Hindi tinawag na Diyos si Jesus sa mga Ebanghelyong Sinoptiko. Kahit sa Ebanghelyo ni Juan, hindi tiyakang sinabi ni Jesus mismo na siya ay Diyos.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 32)1

Ang patotoo ng mga apostol
Nang tanungin ni Jesus ang Kaniyang mga alagad kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa Kaniya, sinabi ni Apostol Pedro na, “Ikaw ang Anak ng Diyos na buhay.” Hindi sinabi ni Apostol Pedro na si Cristo ang Diyos na buhay:

“Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao? At kanilang sinabi, Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, si Elias, at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta. Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay. At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 16:13-17)

Sinang-ayunan ni Jesus ang pagpapahayag ni Apostol Pedro ng kaniyang pananampalataya, at Kaniyang sinabi rito: “Hindi ito ipinahayag sa iyo ng laman at dugo kundi ng aking Ama na nasa langit.”

Mapapansin na tinawag ni Cristo ang Diyos na Kaniyang Ama – katumbas ng Siya ang Anak ng Diyos at hindi Siya ang Diyos. Sa aklat na The History of God ni Karen Armstrong, isang dating madre sa simbahang Katoliko, ay mababasa ang pagsang-ayon niya sa katotohanang ito:

“Hindi sinabi ni Pedro na si Jesus na taga-Nazaret ay Diyos. Siya ay tao, na pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya nang siya ay nasa gitna ninyo’.” (p. 107)2

Maging sa mga sulat ni Apostol Pablo ay malimit niyang banggitin na si Cristo ay Anak ng Diyos ngunit hindi niya ginamit ang titulong Diyos para kay Cristo. Katunayan, pagkatapos na matanggap ni Pablo ang bautismo, ang unang ipinahayag niya sa mga sinagoga ay si Jesus ang “Anak ng Diyos”:

“At pagdaka’y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios.” (Gawa 9:20)

Ang pananampalataya ni Apostol Pablo na si Cristo ay Anak ng Diyos ay makikita sa kaniyang mga sulat:

“Na ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga’y si Jesucristo na Panginoon natin.” (Roma 1:4)

“Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.” (I Cor. 1:9)

“Sapagka’t ang Anak ng Dios, si Jesucristo na ipinangaral naming sa inyo,…” (II Cor. 1:19)

“Ako’y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito’y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.” (Gal. 2:20)

“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.” (Efe. 4:13)

Natunghayan natin sa mga sulat ni Apostol Pablo mismo kung ano ang kaniyang pananampalataya tungkol kay Cristo. Kinilala ni Apostol Pablo sa kaniyang mga sulat na si Cristo ay Anak ng Diyos. Hindi niya kailanman isinulat na si Cristo ang Diyos. Si Raymond Brown, isang paring Katoliko, ay nagpahayag sa kaniyang aklat:

“Kailanman’y hindi tinatawag na Diyos si Jesus sa mga Ebanghelyong Sinoptiko, at ang isang talatang gaya ng Mar. 10:18 ay waring nag-aalis ng posibilidad na ginamit ni Jesus para sa kaniyang sarili ang gayong katawagan. Maging ang ikaapat na Ebanghelyo [Juan] ay hindi inilalarawan si Jesus na tiyakang nagsasabing siya ay Diyos. Ang mga sermon na ayon sa Mga Gawa ay sinalita sa pagsisimula ng misyong Cristiano ay hindi binabanggit si Jesus bilang Diyos. Kaya, walang dahilan upang isiping si Jesus ay tinawag na Diyos sa mga unang yugto ng tradisyon ng Bagong Tipan. Ang negatibong konklusyong ito ay pinatitibayan ng katotohanang hindi ginamit ni Pablo [para kay Cristo] ang katawagan [na Diyos] sa alinmang epistola na nasulat bago ang taong 58.” (Jesus: God and Man, p. 30)3

Ang teologong Katoliko na is Hans Kűng ay nagpahayag din ng ganito:

“Ngunit sa kabilang dako si Jesus ay bahagyang-bahagya na tuwirang tinawag na ‘Diyos’ at kailanman ay hindi siya tinawag ni Pablo na gayon.” (On Being a Christian, p. 440)4
Kung susuriin din maging ang mga sulat ni Apostol Juan, makikitang hindi niya ginamit ang titulong Diyos para kay Cristo. Ipinakilala rin ni Juan sa kaniyang mga sulat na si Cristo ay ang Anak ng Diyos:
“Nguni’t ang mga ito’y nangasulat, upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios, at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” (Juan 20:31)

“At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo’y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. …” (I Juan 5:20)

Maliwanag sag ma pahayag ni Juan sa kaniyang Ebanghelyo at sulat na si Cristo ay Anak ng Diyos. Hindi niya ikinapit ang titulong Diyos kay Cristo.

Patotoo ng iba pang tauhan sa Biblia
Pinatotohanan din ni Juan Bautista na si Cristo ay Anak ng Diyos:

“At aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.” (Juan 1:34)

Ganito rin ang patotoo ng apostol na si Natanael – si Cristo ay Anak ng Diyos:

“Sumagot si Natanael sa kaniya. Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel.” (Juan 1:49)

Maging si Marta na kapatid ni Lazaro ay nagpahayag na si Cristo ay Anak ng Diyos:

“Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.” (Juan 11:27)

Sa mga talatang mababasa ang “Anak ng Diyos” na tumutukoy kay Cristo ay malinaw na pinatutunayan na hindi si Cristo ang Diyos. Ang salitang “Diyos” sa pariralang “Anak ng Diyos” ay tumutukoy sa Ama at hindi kay Cristo. Maging ang paring Jesuita na si Pedro Sevilla ay ganito rin ang pahayag:

“a) Tinatawag si Cristo na ‘Anak ng Diyos’. Sa parirala o titulong ito, ang tinutukoy ng salitang ‘Diyos’ ay ang Ama.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, pp. 55-56)

Ipinakilala rin ni Cristo na Siya ang Anak ng Diyos
“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.” (Juan 5:25)

“Nabalitaan ni Jesus na siya’y pinalayas nila; at pagkasumpong sa kaniya, ay sinabi niya, Sumasampalataya ka baga sa Anak ng Dios? Sumagot siya at sinabi. At sino baga siya, Panginoon, upang ako’y sumampalataya sa kaniya? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Siya’y nakito mo na, at siya nga na nakikipagsalitaan sa iyo.” (Juan 9:35-37)

Maliwanag ang pagpapakilala ni Cristo sa Kaniyang sarili na Siya ang Anak ng Diyos. Hindi Niya ipinakilala na Siya ang Diyos. Ang paring Katoliko na si Pedro Sevilla ay nagsasabi sa kaniyang aklat:

“Kahit sa Ebanghelyo ni Juan, hindi tiyakang sinabi ni Jesus mismo na siya ang Diyos.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 32)

Maging si John A. T. Robinson, isang obispong Anglicano, ay ganito ang sinabi:

“Kailanma’y hindi personal na inaangkin ni Jesus na siya ang Diyos: gayunman lagi niyang inaangkin na dinadala niya ang Diyos nang lubusan.” (Honest to God, p. 73)5

Ang pagiging Anak ng Diyos ang lalong nagpapatunay na hindi si Cristo ang Diyos. Iisa lamang ang tunay na Diyos, ang Ama. Si Cristo ay Anak (hindi Siya ang Ama) ng iisang tunay na Diyos. Ito ay pinatunayan maging ng paring Jesuita na is Juan Trinidad. Ganito ang mababasa sa footnote ng Marcos 1:1 sa isinalin sa Bagong Tipan ng Biblia:

“Anak ng Diyos: paminsan-minsan, ay ginagamit ng mga Judio ang pananalitang ito upang ilarawan ang isang may tanging kaugnayan sa Diyos. Dahil dito, noong si Jesus ay tawaging Anak ng Diyos sa mga Ebanghelyo Sinoptiko, iyo’y hindi dapat mangahulugan ng Kanyang pagka-Diyos.” (p. 103)

Ang paring Katoliko na is Richard P. Mcbrien ay nagbigay din ng ganitong patotoo:

“Sa kabilang dako, ang katawagang Anak ng Diyos ay naghahayag ng pagiging malapit sa isa’t isa ni Jesus at ng Diyos, at hindi ng kaniyang pagiging Diyos, tulad ng maaaring iniisip ng marami.” (Catholicism, p. 408)6

(May Karugtong)


Mga Reperensiya:
1 Sevilla, Pedro, S.J. Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiano. Quezon City, Philippines: Loyola School of Theology-Ateneo de Manila University, 1988.
2”Peter did not claim that Jesus of Nazareth was God. He ‘was a man, commended to you by God by the miracles and portents and signs that God worked through him when he was among you’.” (Armstrong, Karen. A History of God. Great Britain: Mandarin Paperbacks, 1993.)
3”Jesus is never called God in the Synoptic Gospels, and a passage like Mk. 10:18 would seem to preclude the possibility that Jesus used the title himself. Even the fourth Gospel never portrays Jesus as saying specifically that he is God. The sermons which Acts attributes to the beginning of the Christian mission do not speak of Jesus as God. Thus, there is no reason to think that Jesus was called God in the earliest layers of New Testament tradition. This negative conclusion is substantiated by the fact that Paul does not use the title in any epistle written before 58.” (Brown, Raymond E., S. J. Jesus: God and Man. Milwaukee: The Bruce Publishing Company, n.d.)
4”But on the other hand Jesus is scarcely ever directly called ‘God’ and never by Paul himself.” (Kűng Hans. On Being a Christian. New York: Doubleday Image Book, 1976.)
5”Jesus never claims to be God, personally: yet he always claims to bring God, completely.” (Robinson, John A.T. Honest to God. London: SCM Press Ltd., 1963.)
6”The Son of God title, on the other hand, expressed the closeness between Jesus and God, but not necessarily his divinity, as many might think.” (McBrien, Richard. Catholicism. Third Edition. Great Britain: Geoffrey Chapman, 1994.)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo (Ikatlong Bahagi)

Published in God's Message (Pasugo) 
June 2007

Iisa lamang ang tunay na Diyos na kinilala ng mga manunulat ng Bagong Tipan - ang Ama. Hindi nila itinuro na si Cristo ang tunay na Diyos.

SA NAKARAAN AY ipinakitang maliwanag sa pamamagitan ng mga katotohanang nakasulat sa Biblia na ang mga likas na katangian ni Cristo ay naghahayag na hindi Siya ang tunay na Diyos. Sa pagpapatuloy ng ating pagtalakay, ipakikita sa atin na maging sa mga sulat ng mga apostol ay makikitang hindi Diyos ang pagkakilala nila kay Cristo sapagkat batid nila na hindi si Cristo ang iisang tunay na Diyos at Siya (si Cristo) ay hindi kapantay ng Diyos.

Si Cristo ay mababa kaysa sa Diyos
1. Kinilala ni Cristo na sa ganang Kaniyang sarili lamang ay wala Siyang magagawa
"Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin." (Juan 5:30)
Maliwanag na si Cristo ay hindi ang tunay na Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Hindi Siya omnipotente sapagkat inamin Niyang wala Siyang magagawa sa ganang Kaniyang sarili lamang.

2. Hindi alam ni Cristo ang araw at oras ng paghuhukom
"Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang." (Mat. 24:36)
Maliwanag na iba si Cristo sa tunay na Diyos na nakaaalam ng lahat o omnisiyente. Hindi nalalaman ni Cristo ang araw at oras ng paghuhukom.

3. Hindi si Cristo ang nagpapasiya kundi ang Ama
"Totoong iinuman ninyo ang Aking saro', sinabi ni Jesus. 'Subalit hindi Ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa mga trono sa magkabilang tabi ko. Para lamang iyan sa mga pinaghandaan ng Aking Ama'." (Mat. 20:23, Salita ng Buhay)
Nang hilingin ng ina nina Santiago at Juan na paupuin sila sa Kaniyang kaharian sa kaliwa at sa kanan ni Jesus, malinaw ang isinasagot ng Panginoon, "hindi Ako ang magpapasya kundi ang Aking Ama."

4. Ang Anak ay paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos
"At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon lubusang maghahari ang Diyos sa kalaht-lahatan." (I cor. 15:28, Magandang Balita Biblia)

5. Ang Diyos ay mas mataas kay Cristo
"But I want you to understand that Christ is supreme over every man, the husband is supreme over his wife, and God is supreme over Christ." [Datapuwa't ibig kong inyong maunawaan na si Cristo ay mas mataas sa sinumang lalake, at ang lalake ay mas mataas sa kaniyang asawa, at ang Diyos ay mas mataas kay Cristo.] (I Cor. 11:3, Today's English Version)

6. Kinilala ni Cristo na hindi Sila magkapantay ng Diyos
"Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin." (Juan 14:28)

Maliwanag sa mga talatang ating sinipi na si Cristo ay hindi ang Diyos; si Cristo ay iba kaysa sa Diyos; at si Cristo ay hindi kapantay ng Diyos. Para sa mga manunulat ng Bagong Tipan, si Cristo ay mababa kaysa sa Diyos.

Ang Diyos sa Bagong Tipan
Sino kung gayon ang kinilalang tunay na Diyos ng mga manunulat ng Bagong Tipan?
1. Ang Ama lamang ang iisang Diyos
"Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya." (I cor. 8:6)
Iisa lamang ang tunay na Diyos na kinilala ng mga manunulat ng Bagong Tipan - ang Ama. Hindi nila itinuro na si Cristo ang tunay na Diyos. Ang Diyos ng mga unang Cristiano ay Siya ring Diyos sa Matandang Tipan. Ang Diyos na kanilang sinasamba ay Siya ring Diyos na lumalang ng langit at lupa. Siya rin ang Diyos na nakipagtipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. Siya rin ang Diyos na nagbigay ng Sampung Utos at pumatnubay sa Israel. Siya rin ang Diyos na kinilala ng mga propeta at ng bansang Israel na kanilang Ama. Ang Diyos na sinamba ng mga unang Cristiano ay Siya ring Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo. Ang katotohanang ito ang itinuro ni Cristo sa Kaniyang mga alagad:
"Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios." (Juan 20:17)

2. Ang Diyos ay tinawag ni Cristo na Kaniyang Ama
"Nang panahong yaon ay sumagot si Jesus at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol." (Mat. 11:25)

"At lumakad siya sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo." (Mat. 26:39)

"Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata a langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak." (Juan 17:1)

"At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga." (Lucas 23:46)

3. Sa Ama ni Cristo ikinakapit ang salitang "Diyos"
Ang salitang "Diyos" ay hindi ikinapit kay Cristo ng mga manunulat ng Bagong Tipan, kundi sa Ama ng ating Panginoong Jesucristo:
"Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo." (Roma 15:6)

"Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan at Dios ng buong kaaliwan." (II Cor. 1:3)

"Ang Dios at Ama ng Panginoong Jesus, na mapalad magpakailan pa man, ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling." (II Cor. 11:31)

"Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyaong nagpala sa atin ng bawa't papapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo." (Efe. 1:3)

"Nagpapasalamat kami sa Dios, na Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y laging idinadalangin." (Col. 1:3)

"Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buhay na pagasa sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo sa mga patay. (I Ped. 1:3)

Pansinin natin na hindi si Cristo ang tinatawag na Diyos. Bukod dito, ang Diyos na tinatawag ni Cristo na Kaniyang Ama ay Siya ring Diyos na tinatawag ding Ama ng mga unang Cristiano:

"Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo." (I Cor. 1:3)

"Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo." (II Cor. 1:2)

"Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na Ama, at sa ating Panginoong Jesucristo. Na siyang nagbigay sa kaniyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y mailigtas dito sa kasalukuyang masamang sanglibutan, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama." (Gal. 1:3-4)

"Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo." (Efe. 1:2)

"Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat." (Efe. 4:6)

"Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo." (Filip. 1:2)

"Ngayon nawa'y suma ating Dios at Ama ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa." (Filip. 4:20)

"Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo, na nangasa sa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama." (Col 1:2)

"Na aming inaalaalang walang patid sa harapan ng ating Dios at Ama, ang inyong gawa sa pananampalataya at papapagal sa pag-ibig at pagtitiis sa pagaasa sa ating Panginoong Jesucristo." (I Tes. 1:3)

"Ngayo'y patnugutan nawa ng atin ding Dios at Ama, at ng ating Panginoong Jesus, ang aming paglalakbay sa inyo." (I Tes. 3:11)

"Upang patibayin niya ang inyong mga puso, na walang maipipintas sa kabanalan sa harapan ng ating Dios at Ama, sa paparito ng ating Panginoong Jesus na kasama ang kaniyang lahat na mga banal." (I Tes. 3: 13)

"Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya." (II Tes. 2:16)

"Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo." (Filem. 1:3)

"... Hindi ba lalong nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu upang mabuhay tayo?" (Heb. 12:9, MB)

"Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kanilang sarili sa sanglibutan." (Sant. 1:27)


Iba si Cristo sa Diyos
Maliwanag sa mga talatang ating sinipi na ang Diyos na tintawag ni Cristo na Kaniyang Ama ay Siya ring Diyos at Ama ng mga unang Cristiano. Tiyak din na ang katawagang Diyos ay hindi ikinapit kay Cristo sa mga talatang ito. Ito ay inilaan at ikinapit sa Ama ni Cristo at ng mga unang Cristiano. Maging ang paring Jesuita na si Pedro Sevilla ay nagpahayag ng ganito:

"Kapag binibigkas ng Bagong Tipan ang pangalan ng Diyos, ang tinutukoy ay yaong tinatawag ni Jesus na 'Ama'. Ang pag-unawa na ang Diyos ay Ama ay narating ng mga kristiyano sa pagkaalam na siya ay Ama ni Jesus, at samakatuwid ay Ama rin nila; hindi siya ang Ama ng lahat ng tao, at pagkatapos ay Ama na rin ni Jesus. Ang pagbubunyag ng pagiging Ama ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa paraan at hugis ng pagbubunyag na ibinigay ni Jesus." (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 33)

(May karugtong)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo (Ikalawang Bahagi)

Published in God's Message (Pasugo) magazine,
May 2007


Sa maraming pagkakataon ay pinatunayan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay tao – may damdamin at may pisikal na katawan ng isang tao.

Alam na alam ng mga alagad na si Cristo ay muling binuhay ng Diyos. Iba ang bumuhay sa binuhay.

SA UNANG BAHAGI ng artikulong ito ay pinatunayan na sa panahon ng Matandang Tipan ay naniniwala ang mga lingcod ng Diyos na iisa lamang ang tunay na Diyos, walang iba kundi ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay. Wala silang tinatawag na “Diyos Anak” at wala rin silang pagtuturo tungkol sa tinatawag ngayon na doktrina ng Trinidad. Sa panahon ng Matandang Tipan ay ipinangako ang pagparito ng Cristo at ito ay nagkaroon ng katuparan sa panahon ng Bagong Tipan. Pinatunayan sa atin na sa panahon ng Matandang Tipan ay wala pang Cristo na umiiral kundi ang pangako pa lamang na magkakaroon ng Cristo. Ngayon ay tatalakayin ang mga naranasan ni Cristo nang Siya ay umiral na sa panahon ng Bagong Tipan.


Si Cristo ay tao
Sa maraming pagkakataon ay pinatunayan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay tao – may damdamin at may pisikal na katawan ng isang tao.

1. Si Cristo ay binalot ng lampin
“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para kanila sa tuluyan.” (Lucas 2:7)

2. Lumaki si Jesus sa karunungan at pangangatawan
“At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.” (Lucas 2:52)

3. Hinalas si Jesus
“At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.” (Lucas 2:21)

4. May laman, mga buto, at dugo si Cristo
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Lucas 24:39)
“Yamang ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.” (Heb. 2:14, Magandang Balita Biblia)

5. Naranasan ni Cristo ang magutom, mauhaw, kumain, at uminom
“At nang siya’y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakes ay nagutom siya.” (Mat. 4:2)
“Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.” (Juan 19:28)
“At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.” (Lucas 24:43)
“Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom…” (Lucas 7:34)

6. Naranasan ni Cristo ang mapagod
“At naroon ang balon ni Jacob. Si Jesus nga, nang napapagod na sa kaniyang paglalakbay, ay naupong gayon sa tabi ng balon. Magiikaanim na nga ang oras.” (Juan 4:6)

7. Pinawisan si Cristo
“At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya na malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.” (Lucas 22:44)

8. Natulog si Jesus
“At narito, bumagon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa’t inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa’t siya’y natutulog.” (Mat. 8:24)

9. Tumangis at lumuha si Jesus
“Tumangis si Jesus.” (Juan 11:35)
“Na siya sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuha doon sa may kapangyarihang makapagligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya’y dininig dahil sa kaniyang banal na takot.” (Heb. 5:7)

10. Nanalangin si Jesus
“At lumakad siya sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumamapas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” (Mat. 26:39)

11. Nakaranas ng kamatayan si Cristo
“Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga. …Nguni’t nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya’y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita.” (Juan 19:30, 33)


Ang pagkakaiba ni Cristo sa Diyos
Sa mga pangyayaring naganap kay Cristo na nasaksihan at sinulat ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay maliwanag na, sa kanilang pananaw, hindi si Cristo ang Diyos kundi Siya ay tao.
Binigyang-diin din ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang pagkakaiba ni Cristo sa Diyos. Nasaksihan nila na sa maraming pagkakataon, nang tinutupad ni Cristo ang Kaniyang ministeryo sa lupa, ay paulit-ulit Niyang pinatunayan ang Kaniyang pagkakaiba sa Diyos.

1. Sinabi ni Jesus na Siya ay nagmula at nanggaling sa Diyos
“Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka’t ako’y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka’t hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.” (Juan 8:42)
Maliwanag sa pahayag na ito ng ating Panginoon na Siya ay nagmula at nanggaling sa Diyos sapagkat Siya ay sinugo ng Diyos. Iba ang nagsugo kaysa sinugo. Ang Diyos ang nagsugo at si Cristo naman ang sinugo.

2. Kinilala ni Cristo na Siya ay binigyan ng Diyos ng karapatang humatol
“Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.” (Juan 5:22)
Kung si Cristo man ay humahatol, hindi iyon katunayan na Siya ang Diyos. Ipinagkaloob sa Kaniya ng Diyos ang karapatang humatol. Iba ang nagkaloob sa pinagkalooban. Ang Diyos ang nagkaloob, si Cristo ang pinagkalooban.

3. Kinilala ni Cristo na ang Diyos ang nagbigay sa Kaniya ng kapamahalaan
“Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma’y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma’y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.” (Mat. 11:27)
Sa talatang ito ay maliwanag na kinikilala ni Cristo na ang kapamahalaang taglay Niya ay ibinigay lamang sa Kaniya ng Diyos. Iba ang nagbigay sa binigyan. Hindi si Cristo ang Diyos kundi Siya ang binigyan ng Diyos ng kapamahalaan.

4. Sumasa Kaniya ang Diyos kaya Siya nakagawa ng mga makapangyarihang gawa
“Sa makatuwid baga’y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya’y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng Diablo; sapagka’t sumasa kaniya ang Dios.” (Gawa 10:38)
Batid ng mga manunulat ng Bagong Tipan na kung si Cristo man ay nakagawa ng mga makapangyarihang gawa ay dahil sa ang Diyos ay sumasa Kaniya. Hindi sa dahilang Siya ang Diyos.

5. Sinaksihan ng mga alagad na si Cristo ay binuhay ng Diyos
“Ang Jesus na ito’y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito’y mga saksi kaming lahat.” (Gawa 2:32)
Alam na alam ng mga alagad na si Cristo ay muling binuhay ng Diyos. Iba ang bumuhay sa binuhay.

6. Ipinakilala ni Jesus na Siya ang Cristo at hindi Niya ipinakilala kailanman na Siya ang Diyos
“Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama.” (Juan 8:28)
Sa talatang ito ay maliwanag na ipinakilala ni Jesus na Siya ang Cristo. Hindi lamang ipinakilala Niya na Siya ang Cristo kundi pinatunayan din Niya na hindi Siya ang Diyos nang Kaniyang sabihin na ang Kaniyang sinasalita ay ayon sa itinuro sa Kaniya ng Ama. Iba ang nagturo sa tinuruan. Si Cristo ang tinuruan at ang Diyos ang nagturo sa Kaniya.

7. Tumanggi si Cristo na tawaging mabuti tulad ng pagiging mabuti ng Diyos
“At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay? At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti kundi isa, ang Dios lamang.” (Lucas 18:18-19)
Hindi pumayag si Cristo na Siya ay tawaging “mabuti” tulad ng pagiging mabuti ng Diyos. Nababatid Niya na ang Diyos lamang ang tunay na mabuti at Siya ay pinabanal lamang ng Diyos (Juan 10:36).

8. Ang Ama ang iisang tunay na Diyos ayon kay Cristo
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya Ama, … At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:1, 3)

Maliwanag sa mga talatang ito na hindi si Cristo ang tunay na Diyos. Ang Ama ang ipinakilala mismo ni Cristo na iisang Diyos na tunay.

Batid ng mga manunulat ng Bagong Tipan na iba ang Cristo kaysa sa Diyos. Ang mga malilinaw na pagkakaiba ng Diyos at ni Cristo ay matibay na katunayan na si Jesus ay hindi Diyos. Ang pisikal na katangian at mga naranasan ni Jesus ay nagpapatotoo sa Kaniyang pagiging tao sa likas na kalagayan.
(May karugtong)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo (Unang Bahagi)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo 
(Unang Bahagi)


Inilathala sa God's Message (Pasugo) magazine
April 2007

Sa lahat ng panahon, ang Ama lamang ang iisang Diyos. Walang “Cristong Diyos” na itinuturo ni ipinakikilala ang Banal na Kasulatan. 

Paulit-ulit na ipinakilala ng Ama na Siya lamang ang iisang Diyos at wala nang iba.

Si Jesus na ipinanganak ni Maria ay hindi Siyang Diyos o Kataastaasan kundi "Anak ng Kataastaasan".

MARAMI NANG NASULAT tungkol sa buhay, aral, at misyon ng Panginoong Jesucristo. Ngunit, sa artikulong ito ay ating pagtutuunan ng pansin ang Kaniyang likas na kalagayan. Totoo ba na si Cristo ay Diyos, gaya ng nakagisnang paniniwala ng marami ngayon? Ano ang katotohanan tungkol sa likas Niyang kalagayan?

Ang Diyos sa Matandang Tipan
Ang Matandang Tipan ay nagturo na may Diyos na lumalang ng langit at lupa at ng lahat ng mga bagay na naroroon. Siya rin ang Diyos na gumawa ng pakikipagtipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. Siya ang Diyos na nagbigay ng Sampung Utos sa bundok ng Sinai; na naglabas sa Israel sa lupain ng Egipto at pumatnubay sa Kaniyang bayan; at nakipagtalastasan sa mga propeta noong una. Sino Siya? Si Cristo ba ang Diyos na itinuturo ng Matandang Tipan? Ganito ang mababasa sa aklat ng Deuteronomio 32:4, 6:

“Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka’t lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Diyos na tapat at walang kasamaan…

“Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? …”

Ang iisang Diyos na nagpalaya sa Israel mula sa lupain ng Egipto, na Siya ring nagbigay ng Sampung Utos at pumatnubay sa Israel, ay walang iba kundi ang Ama – ayon kay Moises. Maging sa kapanahunan ng mga tinatawag na major prophets tulad ni Isaias ay nananatiling ang Ama ang kinikilalang Diyos:

“Sapagka’t ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinikilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.” (Isa. 63:16)

Sa panahon man ng tinatawag na mga minor prophets tulad ni Malakias, patuloy na ang Ama ang kinikilala nilang iisang tunay na Diyos:

“Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? …” (Mal. 2:10, Magandang Balita Biblia)

Kung gayon, sa lahat ng panahon sa Matandang Tipan, ang Ama lamang ang iisang Diyos na nakipagtalastasan sa mga propeta ng bayang Israel. Walang “Cristong Diyos” na itinuturo ni ipinakilala ang Matandang Tipan.

Nagpakilala ang Diyos na Siya ang Ama
Ang Ama lamang ang iisang Diyos na nakilala ng mga propeta na ito’y ayon sa pagpapakilala mismo ng Diyos sa Kaniyang sarili:

“Ako’y nagpahayag, at ako’y nagligtas, at ako’y nagpakilala, at walang ibang dios sa gitna ninyo: kaya’t kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.” (Isa. 43:12)

“Ako’y magiging kaniyang ama, at siya’y magiging aking anak: kung siya’y gumawa ng kasamaan, aking sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao.” (II Sam. 7:14)

Maliwanag na ang Diyos ay nagpakilala sa Matandang Tipan na Siya ang Ama. Maliwanag din na ang Ama lamang at wala nang iba pa ang iisang tunay na Diyos na kinilala ng mga propeta at ng bansang Israel. Isang katotohanan at tinatanggap ng halos lahat, na ang mga propeta at ang mga Israelita sa panahon ng Matandang Tipan ay nagtaguyod ng monoteismo, ang paniniwala na iisa lamang ang tunay na Diyos.

Iisa lamang ang Diyos na kinilala at pinaglingkuran ng mga propeta sapagkat ito mismo ang itinuro ng Diyos sa kanila. Paulit-ulit na ipinakilala ng Ama na Siya lamang ang iisang Diyos at wala nang iba:

“Ako’y nagpahayag, at ako’y nagligtas, at ako’y nagpakilala, at walang ibang dios sa gitna ninyo: kaya’t kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.” (Isa. 43:12)

“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka’t ako’y Dios, at walang iba liban sa akin; ako’y Dios, at walang gaya ko.” (Isa. 46:9)

“Ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba; Palalakasin kita, Bagamat ako’y di mo pa kilala. Ginawa ko ito Upang ako ay makilala ng buong daigdig, Na makilala nila na ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.” (Isa. 45:5-6, MB)

“Israel, ikaw ang saksi ko, Hinirang kita upang maging lingkod ko, Upang makilala mo ako at manalig ka sa akin, Walang ibang diyos na una sa akin, Ni mayroon pa mang iba na darating.” (Isa. 43:10, Ibid.)

Hindi rin dapat isipin, kung gayon, na ang iisang Diyos ng Matandang Tipan ay binubuo ng tatlong Persona, na ang isa sa mga Persona diumano ay si Jesus. Ang Matandang Tipan ay hindi nagtuturo tungkol sa Banal na Trinidad na malaganap ngayong pinaniniwalaan:

“Ang doktrina ng Banal na Trinidad ay hindi itinuturo sa Matandang Tipan.” (New Catholic Encyclopedia, vol. 14, p. 306)1

Maging ang isang paring Jesuita na nagsuri sa doktrina ng Trinidad ay nagpahayag ng ganito:

“Nagkakasundo ang mga dalubhasa sa kasalukuyang panahon na wala pang tiyak na kaalaman tungkol sa Banal na Trinidad na makikita sa mga sinusulat sa Lumang Tipan.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 71)2

Si Cristo sa Matandang Tipan
Wala kahit isang talata sa Matandang Tipan na nagsasabing si Cristo ay Diyos. Manapa ay pinatutunayan ng Matandang Tipan na noon ay ni hindi pa umiiral o eksistido ang Cristo. Ano ba ang matutunghayan natin sa Matandang Tipan tungkol kay Cristo? Ang muli’t muling pangako ng Diyos tungkol sa pagdating ng Cristo:

“At aking pagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako’y magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo.” (Gen. 17:7)

Pansinin na si Cristo ay hindi pa umiiral sa panahon ni Abraham dahil ipinangako pa lamang ng Diyos na magkakaroon ng Cristo na magiging binhi ni Abraham (Gal. 3:16).

Ang ipinangakong propeta
Ang ipinangako ng Diyos kay Moises ang paglitaw ng isang propeta:

“Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.” (Deut. 18:18)

Pansinin natin na ang lilitaw ay hindi Diyos kundi isang propeta. Siya ang ipinangako ng Diyos kay Moises. Samakatuwid, maging sa panahon ni Moises ay wala pang Cristong umiiral kundi pangako pa lamang ang pagdating Niya na Siyang propetang hinuhulaan. Pinatutunayan ito maging ng mga manunulat ng Bagong Tipan.

Ang pagpapatunay ng Bagong Tipan
Pinatutunayan ni Apostol Pablo na si Cristo ay ipinangako nang una:

“Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman.” (Roma 1:2-3)

Ayon naman kay Apostol Pedro, nasa isip na ng Diyos si Jesus bago pa lalangin ang daigdig:

Nasa isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang daigdig, nguni’t ipinakilala Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:20, salin ni Juan Trinidad)

Pinatutunayan din ng ebanghelistang si Lucas na ang Mesias o ang Panginoong Jesus ay ipinangako ng Diyos:

“Na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon.” (Lucas 2:26, MB)

Wala sa isipan ng mga manunulat ng Bagong Tipan na si Cristo ay Diyos. Ayon sa kanilang mga isinulat, si Jesus ang hinihintay ng mga Judio na darating na Mesias. Siya ang propetang lilitaw na tulad ni Moises. Siya ang magiging binhi ni Abraham. At si Cristo nga ang naging katuparan ng mga ipinangakong ito ng Diyos sa Matandang Tipan.

Wala rin sa isipan ng mga unang Cristiano na si Cristo ay umiral o eksistido na sa panahon ng Matandang Tipan. Ang teologong si George Eldon Ladd ay nagbigay ng kaniyang patotoo ukol dito:

“Binabasa natin ang mga Ebanghelyo at ang aklat ng mga Gawa sa liwanag ng ating pagkaunawa sa pre-eksistensiya at sa pagkakatawang-tao ng Diyos Anak. Subalit, ang mga unang Cristiano ay walang anumang gayong konsepto sa kanilang mga isipan…” (The Young Church, p. 48)3

Ang Pag-iral ng Mesias
Kailan nagkaroon ng katuparan ang ipinangakong Mesias? Ganito ang sinasabi ng Biblia:

“Datapuwa’t nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” (Gal. 4:4)

Nagkaroon ng Cristo “nang dumating ang kapanahunan.” Samakatuwid ay may panahon na hindi pa eksistido ang Cristo. Kailan ang panahon na ang Cristo ay hindi pa eksistido o hindi pa umiiral? Nang Siya ay nananatiling pangako pa lamang at hindi pa naipanganganak. Kaya, nang maipanganak na, saka pa lamang nagkaroon o naging eksistido ang Cristo.

Diyos ba ang pagkakilala ng mga manunulat ng Bagong Tipan kay Jesucristo na katuparan ng mga pangako ng Diyos? Ayon sa tala ng ebanghelistang si Mateo, tao ang dinala sa sinapupunan o ipinagbubuntis ni Maria:

“Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya’y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” (Mat. 1:18)

Pinatunayan din ng anghel na tao nga ang likas na kalagayan ni Jesus na dinadala (ipanagbubuntis) ni Maria:

“Datapuwa’t samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka’t ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.” (Mat. 1:20)

Taliwas sa paniniwala ng marami, si Jesus na ipinanganak ni Maria ay hindi Siyang Diyos o Kataastaasan kundi “Anak ng Kataastaasan”:

At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS. Siya’y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya’y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama.” (Lucas 1:31-32)

Kung papaanong ang iisang Diyos ay tinatawag na Ama sa panahon ng Matandang Tipan, ang Diyos ay Ama rin ni Cristo, sapagkat Siya (si Cristo) ay tatawaging Anak ng Kataastaasan. Ganito ang pagtuturo tungkol kay Cristo ng mga manunulat ng Bagong Tipan.

May Karugtong

------
MGA REFERENCIA

1 “The doctrine of the Holy Trinity is not taught in the O[ld] T[estament].” (New Catholic Encyclopedia, vol. 14. Nihil Obstat: John P. Whalen, M.A., S. T. D., Censor Deputatos. Imprimatur: Patrick A. O’Boyle, D.D., Archbishop of Washington, Illinois, USA. Jack Heraty and Associates, Inc. 1967.)

2 Sevilla, Pedro, S.J. Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano. Quezon City, Philippines: Loyola School of Theology – Ateneo de Manila University, 1988.

3 “We read the Gospels and the book of Acts in the light of our understanding of the pre-existence and the incarnaction of God the Son. However, the early Christians had no such concepts in their minds …” (Ladd, George E. The Young Church. London: Lutterworth Press; New York & Nashville: Abingdon Press, 1964.) 
______________________________________________________