Ang marapat na
pag-anib sa Iglesia ni Cristo
Ni DANIEL D. CATANGAY
“Sapagka't
ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya
naman ni Cristo na pangulo ng iglesia,
na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23) Ang Panginoong Jesucristo ang Tagapagligtas
at ang ililigtas Niya ay ang lglesia na Kaniyang katawan. Ito ang itinuro ni Apostol Pablo. Ayon pa sa kaniya, ang Diyos ay dapat
luwalhatiin dahil sa Kaniyang pangunahing panukala ng kaligtasan para sa Iglesia
sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo:
“Now glory be to God… May he be given
glory forever and ever through endless ages because of his master plan of salvation for the church through Jesus Christ.” [Ngayon ay luwalhatiin nawa ang Diyos… Nawa ay mabigyan ng
kaluwalhatian magpakailan-kailan man, sa walang katapusang panahon, dahil sa
kaniyang pangunahing panukala ng
kaligtasan para sa iglesia sa pamamagitan ni Jesucristo.] (Efe. 3:20-21, Living
Bible)
Sa
panukala ng Diyos ukol sa kaligtasan ng tao ay kasama ang Iglesia dahil ito ang
ililigtas ni Cristo Dahil dito, dapat
pumasok sa kawan ang lahat ng tao—sa Iglesia
ni Cristo na tinubos Niya ng Kaniyang dugo:
“I am the door; anyone who comes into the fold
through me will be safe.” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko
ay magiging ligtas.] (Juan 10:9, Revised English Bible)
“Take heed therefore to yourselves and to all the flock
over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.”
[Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang
buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo
na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia
ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Gawa 20:28, Lamsa
Translation)
Ang nagnanais na maligtas ay dapat umanib sa Iglesia ni Cristo. Ngunit, ano ang dapat na maging dahilan sa pag-anib sa Iglesia ni Cristo?
Kailangan ang pananampalataya
Ang pananampalataya ang pangunahing dapat mag-udyok sa sinuman sa
pag-anib sa Iglesia ni Cristo
sapagkat ang hindi sumasampalataya ay hindi maaaring maging kalugod-lugod sa
Diyos (Heb. 11:6). Kaya, umanib man ang tao sa tunay na Iglesia,
kapag ang layunin ng pag-anib niya ay hindi dahil sa pananampalataya ay hindi
rin siya maliligtas:
“Ang sumasampalataya
sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang
hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya
sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.” (Juan 3:18)
Ayon mismo sa Tagapagligtas, ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na at
ang hatol na ito ay ang walang hanggang parusa sa dagat-dagatang apoy:
“Nguni't sa
mga duwag, at sa mga hindi
mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa
mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at
sa lahat na mga sinungaling, ang
kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang
ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8)
Halimbawa ng maling pagsunod
Maging sa panahon ng pangangaral ni Cristo noong una ay may mga
nagsisunod sa Kaniya nang hindi dahil sa pananampalataya:
“At nang
siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa
kanila, Rabi, kailan ka dumating dito?
“Sinagot sila ni Jesus at sinabi,
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga
tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain
ng tinapay, at kayo'y nangabusog.” (Juan 6:25-26)
May mga sumunod kay Cristo noon na hindi wasto ang layunin. May iba silang motibo. Hinahanap nila ang Panginoon dahil sa sila’y
nagsikain ng tinapay at nabusog. Sumunod
sila kay Cristo dahil sa pansariling pakinabang. Ang maling layuning ito ay itinuwid ni
Jesus. Sinabi Niya sa kanila ang dapat
maging dahilan ng kanilang paggawa o pagsunod sa Kaniya:
“Magsigawa
kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi
dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo
ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang
Dios.
“Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang
kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?
“Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi,
Ito ang gawa ng Dios, na inyong
sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.” (Juan 6:27-29)
Ang dapat maging dahilan ng paggawa ay ang pagkaing tumatagal sa buhay
na walang hanggan—ang mga salita ng Diyos.
Kaugnay nito, sinabi ni Jesus na dapat sampalatayanan ang sinugo ng
Diyos na siyang nagtuturo ng Kaniyang mga salita. Kaya, mahalaga at kailangan ang pananampalataya. Paano makikilala ang
hindi sumasampalataya?
“Kaya’t sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin
ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo
magkakaroon ng buhay’.” (Juan 6:53, Magandang Balita Biblia)
“Marami nga
sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang
pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?
“Datapuwa't pagkaalam ni Jesus sa kaniyang
sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y
sinabi, Ito baga'y nakapagpapatisod sa
inyo?” (Juan 6:60-61)
Ang hindi sumasampalataya ay matitisurin, gaya ng mga sumusunod kay Jesus dahil sa
pagkain na nagbulung-bulungan at nagsabing “Matigas ang pananalitang ito; sino
ang makaririnig noon?” Dahil sa hindi
wasto ang kanilang layunin, natisod sila sa sinabi ni Jesus:
“Dahil dito'y
marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.” (Juan 6:66)
Samakatuwid, ang may maling layunin sa pagsunod ay hindi rin
makapananatili. Sila’y matitisod at
mahihiwalay tulad ng nangyari sa mga sumunod kay Cristo dahil sa hangad na
pakinabang.
Sa kabilang dako, ano naman ang kabutihan ng pag-anib sa Iglesia ni Cristo nang dahil sa
pananampalataya?
“Sinabi nga
ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?
“Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon,
kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may
mga salita ng buhay na walang hanggan.
“At kami'y nagsisisampalataya at
nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios.” (Juan
6:67-69)
Ang tagpong ito ay naganap nang tumalikod na ang mga sumunod kay Jesus
dahil sa pagkain. Ang mga
sumasampalataya tulad ni Apostol Pedro ay hindi tumalikod kahit pa wari’y ipinagtabuyan
sila ng Panginoong Jesucristo. Hindi
sila humiwalay dahil sa sumasampalataya silang na kay Cristo ang salita ng
buhay na walang hanggan. Ganito ang
dapat maging paninindigan ng sinumang aanib at kaanib sa Iglesia ni Cristo.
Kahulugan ng pananampalataya
“Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa
mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” (Heb. 11:1)
Ang mga kaanib sa Iglesia ni
Cristo ay naghihintay sa muling pagparito ni Cristo, sa pagtahan nila sa
Bayang Banal, at sa pagtatamo nila ng buhay na walang hanggan. Sila na sumasampalataya ay panatag na
naghihintay at umaasa sa mga pangakong ito.
Si
Abraham ay mabuting halimbawa ng lingkod ng Diyos na sumampalataya at naging
panatag sa kaniyang inaasahan (Roma 4:18-21). Ipinangako ng Diyos sa kaniya na siya’y
magiging ama ng maraming bansa noong siya’y matanda na—may 100 taon na. Baog ang kaniyang asawang si Sara. Sa kalagayang ito, walang aasa pa na
magkakaanak sina Abraham at Sara.
Subalit, dahil ang Diyos ang nangako, hindi nag-alinlangan si
Abraham. Inasahan niya ang pangako. Lubos siyang nanalig sa kapangyarihan ng
Diyos—na walang imposible sa Diyos at lahat ay magagawa Niya. Kaya, ang pananampalataya niya ay tinawag na
pag-asa laban sa pag-asa. Ang pag-asa ng
tao na hindi siya magkakaanak ay nilabanan niya ng pag-asa sa magagawa ng
Diyos. Natupad ang pag-asa ni
Abraham. Si Sara ay nagdalantao at si
Isaac ang naging anak. Naging anak naman
ni Isaac sina Esau at Jacob. Si Jacob ay
nagkaroon ng 12 anak na lalake na siyang pinagmulan naman ng 12 lipi ng bayang Israel.
Ang sumasampalataya, kung gayon, ay hindi nag-aalinlangan sa magagawa ng
Diyos. Nananalig siya sa kapangyarihan
at magagawa ng Dakilang Lumikha.
Ang sumasampalataya
Paano makikilala ang taong sumasampalataya? Ganito ang sabi ng Biblia:
“Kung tunay na kayo'y
mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay, at di makilos sa pagasa sa evangelio na
inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit; na
dito akong si Pablo ay ginawang ministro.” (Col. 1:23)
Ang ebanghelyo ay ang mga salita ng Diyos at siyang kapangyarihan Niya
sa ikaliligtas ng tao. Ang
sumasampalataya ay matibay at hindi makikilos sa pag-asa sa ebanghelyo. Ngunit paano magiging
matibay ang sumasampalataya?
“Kaya't ang
bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at
ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang
bahay sa ibabaw ng bato:
“ At
lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay
na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.” (Mat. 7:24-25)
Upang maging matibay ang tao sa kaniyang pananampalataya ay hindi sapat
na pakinggan lamang niya ang mga aral ng Diyos.
Ang mga ito ay kailangan niyang tuparin o sundin. Ang ganito ay itinulad sa isang taong
matalino na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato, sa matibay at matatag na
pundasyon. Bumuhos man ang ulan, bumaha,
at umihip ang hangin na ang isinasagisag ay mga pagsubok sa buhay, ay hindi
siya babagsak.
Sa
kabilang dako, ang hindi tumupad o sumunod sa aral na napakinggan ay magiging
marupok:
“At ang
bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na
itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:
“At lumagpak ang ulan, at bumaha, at
humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.” (Mat. 7:26-27)
Ang katulad niya’y taong nagtayo ng bahay sa buhanginan, sa isang mahina
at marupok na pundasyon. Kapag dumating
ang mga pagsubok, siya’y babagsak, katumbas ng mahihiwalay—hindi rin siya
magtatamo ng kaligtasan. Samakatuwid,
pananampalatayang may kalakip na gawa ang dapat taglayin ng tao sa pag-anib sa Iglesia ni Cristo upang makatiyak ng
kaligtasan.*****
PASUGO/February 2001, Pages
12-13, 24
____________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito. Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran. Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
________________________________________________________________________________-