Sabado, Oktubre 6, 2012

Ang marapat na pag-anib sa Iglesia ni Cristo


Ang marapat na
pag-anib sa Iglesia ni Cristo


Ni DANIEL D. CATANGAY



Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. (Efe. 5:23)  Ang Panginoong Jesucristo ang Tagapagligtas at ang ililigtas Niya ay ang lglesia na Kaniyang katawan.  Ito ang itinuro ni Apostol Pablo.  Ayon pa sa kaniya, ang Diyos ay dapat luwalhatiin dahil sa Kaniyang pangunahing panukala ng kaligtasan para sa Iglesia sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo:

     “Now glory be to God… May he be given glory forever and ever through endless ages because of his master plan of salvation for the church through Jesus Christ.” [Ngayon ay luwalhatiin nawa ang Diyos… Nawa ay mabigyan ng kaluwalhatian magpakailan-kailan man, sa walang katapusang panahon, dahil sa kaniyang pangunahing panukala ng kaligtasan para sa iglesia sa pamamagitan ni Jesucristo.] (Efe. 3:20-21, Living Bible)

     Sa panukala ng Diyos ukol sa kaligtasan ng tao ay kasama ang Iglesia dahil ito ang ililigtas ni Cristo  Dahil dito, dapat pumasok sa kawan ang lahat ng tao—sa Iglesia ni Cristo na tinubos Niya ng Kaniyang dugo:

     “I am the door; anyone who comes into the fold through me will be safe.” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.] (Juan 10:9, Revised English Bible)

     “Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Gawa 20:28, Lamsa Translation)

     Ang nagnanais na maligtas ay dapat umanib sa Iglesia ni Cristo.  Ngunit, ano ang dapat na maging dahilan sa pag-anib sa Iglesia ni Cristo?

Kailangan ang pananampalataya
     Ang pananampalataya ang pangunahing dapat mag-udyok sa sinuman sa pag-anib sa Iglesia ni Cristo sapagkat ang hindi sumasampalataya ay hindi maaaring maging kalugod-lugod sa Diyos (Heb. 11:6).  Kaya, umanib man ang tao sa tunay na Iglesia, kapag ang layunin ng pag-anib niya ay hindi dahil sa pananampalataya ay hindi rin siya maliligtas:

     Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios. (Juan 3:18)

     Ayon mismo sa Tagapagligtas, ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na at ang hatol na ito ay ang walang hanggang parusa sa dagat-dagatang apoy:

     Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.(Apoc. 21:8)

Halimbawa ng maling pagsunod
     Maging sa panahon ng pangangaral ni Cristo noong una ay may mga nagsisunod sa Kaniya nang hindi dahil sa pananampalataya:

     At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito?

     “Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog. (Juan 6:25-26)

     May mga sumunod kay Cristo noon na hindi wasto ang layunin.  May iba silang motibo.  Hinahanap nila ang Panginoon dahil sa sila’y nagsikain ng tinapay at nabusog.  Sumunod sila kay Cristo dahil sa pansariling pakinabang.  Ang maling layuning ito ay itinuwid ni Jesus.  Sinabi Niya sa kanila ang dapat maging dahilan ng kanilang paggawa o pagsunod sa Kaniya:

     Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios.

     “Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?

     “Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo. (Juan 6:27-29)

     Ang dapat maging dahilan ng paggawa ay ang pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan—ang mga salita ng Diyos.  Kaugnay nito, sinabi ni Jesus na dapat sampalatayanan ang sinugo ng Diyos na siyang nagtuturo ng Kaniyang mga salita.  Kaya, mahalaga at kailangan ang pananampalataya.  Paano makikilala ang hindi sumasampalataya?

     “Kaya’t sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay’.” (Juan 6:53, Magandang Balita Biblia)

     Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?

     “Datapuwa't pagkaalam ni Jesus sa kaniyang sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y sinabi, Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo?(Juan 6:60-61)

     Ang hindi sumasampalataya ay matitisurin, gaya ng mga sumusunod kay Jesus dahil sa pagkain na nagbulung-bulungan at nagsabing “Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?”  Dahil sa hindi wasto ang kanilang layunin, natisod sila sa sinabi ni Jesus:

     Dahil dito'y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya. (Juan 6:66)

     Samakatuwid, ang may maling layunin sa pagsunod ay hindi rin makapananatili.  Sila’y matitisod at mahihiwalay tulad ng nangyari sa mga sumunod kay Cristo dahil sa hangad na pakinabang.

     Sa kabilang dako, ano naman ang kabutihan ng pag-anib sa Iglesia ni Cristo nang dahil sa pananampalataya?

     Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?

     “Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

     “At kami'y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios. (Juan 6:67-69)

     Ang tagpong ito ay naganap nang tumalikod na ang mga sumunod kay Jesus dahil sa pagkain.  Ang mga sumasampalataya tulad ni Apostol Pedro ay hindi tumalikod kahit pa wari’y ipinagtabuyan sila ng Panginoong Jesucristo.  Hindi sila humiwalay dahil sa sumasampalataya silang na kay Cristo ang salita ng buhay na walang hanggan.  Ganito ang dapat maging paninindigan ng sinumang aanib at kaanib sa Iglesia ni Cristo.

Kahulugan ng pananampalataya
     Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita. (Heb. 11:1)

     Ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay naghihintay sa muling pagparito ni Cristo, sa pagtahan nila sa Bayang Banal, at sa pagtatamo nila ng buhay na walang hanggan.  Sila na sumasampalataya ay panatag na naghihintay at umaasa sa mga pangakong ito.

     Si Abraham ay mabuting halimbawa ng lingkod ng Diyos na sumampalataya at naging panatag sa kaniyang inaasahan (Roma 4:18-21).  Ipinangako ng Diyos sa kaniya na siya’y magiging ama ng maraming bansa noong siya’y matanda na—may 100 taon na.  Baog ang kaniyang asawang si Sara.  Sa kalagayang ito, walang aasa pa na magkakaanak sina Abraham at Sara.  Subalit, dahil ang Diyos ang nangako, hindi nag-alinlangan si Abraham.  Inasahan niya ang pangako.  Lubos siyang nanalig sa kapangyarihan ng Diyos—na walang imposible sa Diyos at lahat ay magagawa Niya.  Kaya, ang pananampalataya niya ay tinawag na pag-asa laban sa pag-asa.  Ang pag-asa ng tao na hindi siya magkakaanak ay nilabanan niya ng pag-asa sa magagawa ng Diyos.  Natupad ang pag-asa ni Abraham.  Si Sara ay nagdalantao at si Isaac ang naging anak.  Naging anak naman ni Isaac sina Esau at Jacob.  Si Jacob ay nagkaroon ng 12 anak na lalake na siyang pinagmulan naman ng 12 lipi ng bayang Israel.

     Ang sumasampalataya, kung gayon, ay hindi nag-aalinlangan sa magagawa ng Diyos.  Nananalig siya sa kapangyarihan at magagawa ng Dakilang Lumikha.

Ang sumasampalataya
     Paano makikilala ang taong sumasampalataya?  Ganito ang sabi ng Biblia:

     Kung tunay na kayo'y mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay, at di makilos sa pagasa sa evangelio na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit; na dito akong si Pablo ay ginawang ministro. (Col. 1:23)

     Ang ebanghelyo ay ang mga salita ng Diyos at siyang kapangyarihan Niya sa ikaliligtas ng tao.  Ang sumasampalataya ay matibay at hindi makikilos sa pag-asa sa ebanghelyo.  Ngunit paano magiging matibay ang sumasampalataya?

     Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:

      At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.(Mat. 7:24-25)

     Upang maging matibay ang tao sa kaniyang pananampalataya ay hindi sapat na pakinggan lamang niya ang mga aral ng Diyos.  Ang mga ito ay kailangan niyang tuparin o sundin.  Ang ganito ay itinulad sa isang taong matalino na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato, sa matibay at matatag na pundasyon.  Bumuhos man ang ulan, bumaha, at umihip ang hangin na ang isinasagisag ay mga pagsubok sa buhay, ay hindi siya babagsak.

     Sa kabilang dako, ang hindi tumupad o sumunod sa aral na napakinggan ay magiging marupok:

     At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:

     “At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak. (Mat. 7:26-27)

     Ang katulad niya’y taong nagtayo ng bahay sa buhanginan, sa isang mahina at marupok na pundasyon.  Kapag dumating ang mga pagsubok, siya’y babagsak, katumbas ng mahihiwalay—hindi rin siya magtatamo ng kaligtasan.  Samakatuwid, pananampalatayang may kalakip na gawa ang dapat taglayin ng tao sa pag-anib sa Iglesia ni Cristo upang makatiyak ng kaligtasan.*****

PASUGO/February 2001, Pages 12-13, 24
____________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!

________________________________________________________________________________-