ANG TANGING MAY
KARAPATANG
GUMAMIT SA
MAHALAGANG
PANGALAN NI
CRISTO
NAKATATAWAG na mabuti ng pansin ng mga mapunahin ang
pagdami ng mga relihiyon. Iba’t iba ang
aral ng mga ito at naglalaban-laban.
Ngunit iisa ang kanilang pinatutunayan:
si Cristo. Ang lahat ay
nagsasabing sila’y kay Cristo at gumagamit sila ng pangalan ni Cristo sa
kanilang paglilingkod sa Diyos. Subalit
may karapatan kaya ang lahat na gumamit ng pangalan ni Cristo? May itinuturo kaya ang Biblia na tanging may
karapatang gumamit sa mahalagang pangalan ni Cristo? Ito ang liliwanagin natin sa kabanatang ito.
ANG DAKILANG KAHALAGAHAN NG
PANGALAN NI CRISTO
Ano ang dakilang kahalagahan ng
pangalan ng ating Panginoong Jesucristo?
Sa Gawa 4:10, 12, ay ganito ang sinasabi:
“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.
“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.”
Ano ang
dakilang kahalagahan ng pangalan ni Cristo?
Ito ang pangalang ibinigay ng Diyos sa mga tao sa ikaliligtas. Sa kanino mang iba’y walang kaligtasan,
sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na
sukat nating ikaligtas, maliban sa pangalan ni Cristo. Kaya hindi kami sang-ayon sa pangalang
Katoliko, sa pangalang Metodista, Presbiteriana, Baptista, Adventista, at iba
pa. Walang kaligtasan sa mga pangalang
iyan. Hindi kami ang may sabi kundi ang
Biblia.
Bakit sa pangalan lamang ni Cristo matatamo ng tao ang
kaligtasan? Sa Juan 3:18, ay
ganito ang sinasabi:
“Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.”
Ang sabi
rito’y hindi na hinahatulan ang sumasampalataya sa pangalan ni Cristo. Kaya
may kaligtasan. Ang hindi
sumasampalataya sa pangalan ni Cristo ay hinatulan na, kaya hindi maliligtas. Papaano iyong kasalanan ng mga sumampalataya
sa pangalan ni Cristo? Sa I Juan 2:12,
sinasabing ipinatawad na ang kanilang mga kasalanan dahil sa Kanyang pangalan;
at sapagkat sila’y pinatawad na, kaya wala na silang hatol—sila’y may
kaligtasan. Tangi
sa kapatawaran at kaligtasan, ano pa ang tatamuhin ng tao sa pagsampalataya sa
pangalan ni Cristo? Ang sabi ni
Apostol Juan: “Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios.” (I Juan
5:13). Napakahalaga, kung gayon, ng
pangalan ni Cristo. Nasa pangalang ito
ang kaligtasan, kapatawaran at buhay na walang hanggan. At dahil sa kahalagahan ng pangalan ni
Cristo, ipinag-utos ng Diyos na sampalatayanan ang pangalang ito (I Juan 3:23). Datapuwat ang sabi ng iba, ang mahalaga raw
ay tanggapin si Cristo kahit hindi ka Iglesia ni Cristo o kaya’y kahit na hindi
sampalatayanan ang pangalan ni Cristo.
Totoo kaya ito? Papaano ba ang mararapat na pagtanggap kay Cristo? Sa Juan 1:12, ay ganito ang sinasabi:
“Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.”
Papaano
ang nararapat na pagtanggap kay Cristo?
Dapat tanggapin si Cristo sa
pagsampalataya sa Kanyang pangalan.
Kung gayo’y mali ang sinasabi ng iba na tinanggap na nila si Cristo
kahit na sila hindi sumasampalataya sa pangalan ni Cristo o kahit na sila hindi
Iglesia ni Cristo. Kapag tinanggap mo si
Cristo, kailangang sampalatayanan mo ang Kanyang pangalan, samakatuwid baga’y
dapat kang tawagin sa pangalan
Niya—dapat kang tawaging Iglesia ni Cristo.
Ito ang marapat na pagtanggap kay Cristo.
LAHAT BA NG GUMAGAMIT NG PANGALAN NI
CRISTO’Y MAGTATAMO NG BIYAYANG ITO?
Sa unaha’y
naliwanagan natin ang dakilang kahalagahan ng pangalan ng ating Panginoong
Jesucristo. Maraming biyaya ang matatamo
sa pangalang ito. Ngunit lahat ba ng gumagamit ng pangalan ni Cristo’y
magtatamo ng biyaya? Sa Mat.
24:5, ay ganito ang sinasabi:
“Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.”
Lahat ba ng
gumagamit ng pangalan ni Cristo’y magtatamo ng biyayang kaligtasan, kapatawaran
at buhay na walang hanggan? Hindi lahat. Bakit hindi lahat? Sapagkat ayon sa ating Panginoong Jesucristo,
marami ang paririto sa Kanyang pangalan at ililigaw ang marami. Kung gayon, ipandaraya ang pangalan ni
Cristo. Narito ang malaking panganib
ngayon. Kakasangkapanin ang pangalan ni Cristo
sa pagdaraya. Si Cristo rin ang kanilang
patutunayan, ngunit ililigaw nila ang marami.
Sino itong ibinabala ni Cristo na paririto na
Siya ang patutunayan, ngunit ang layon ay dayain at iligaw ang mga tao? Sa Mat. 24:11, ay ganito ang sinasabi:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”
Bulaang
propeta ang hinulaan ni Jesus na paririto at Siya rin ang patutunayan, ngunit
ililigaw ang marami. Samakatuwid ay
hindi sugo ng Diyos—hindi ministrong halal ng Diyos—kundi mga bulaang
ministro. Pinatutunayan
din ba ng mga Apostol na may mga taong ipangangaral si Cristo na hindi maganda
ang layon? Sa Filip. 1:15, ay
ganito ang sinasabi: “Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban.” Samakatuwid, hindi lahat ng gumagamit sa
pangalan ni Cristo ay may karapatang gumamit sa mahalagang pangalang ito. Hindi
lahat ng nangangaral na ang pinatutunayan ay si Cristo ay dapat
paniwalaan. Kapag ang pangalan ni Cristo
ay ginamit ng mga walang karapatan, ito ay hindi sa ikaliligtas kundi sa
ikapapahamak. May
bisa kaya ang pangalan ni Cristo kung gamitin ng mga walang karapatan? Sa Gawa 19:13-16, ay ganito ang sinasabi:
“Datapuwa't ilan sa mga Judiong pagalagala na nagsisipagpalayas ng masasamang espiritu, ay nagsipangahas na sambitlain ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na nagsisipagsabi, Ipinamamanhik ko sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo.
“At may pitong anak na lalake ang isang Esceva na Judio, isang pangulong saserdote, na nagsisigawa nito.
“At sumagot ang masamang espiritu at sa kanila'y sinabi, Nakikilala ko si Jesus, at nakikilala ko si Pablo; datapuwa't sino-sino kayo?
“At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila'y kaniyang natalo, at nadaig sila, ano pa't nagsitakas sila sa bahay na yaon na mga hubo't hubad at mga sugatan.”
Narito ang
pitong anak na lalake ng isang pangulong saserdote na nagpapalayas ng masamang
espiritu na ang ginamit ay ang pangalan ni Cristo na ipinangangaral ni
Pablo. Nagkabisa ba ang paggamit nila sa
pangalan ni Cristo? Hindi! Hindi sila kinilala ng masamang espiritu,
kundi nilundag sila at sila’y nadaig at nagsitakas ng walang damit at
sugatan. At
sakali mang napalayas nila ang masamang espiritu, kikilalanin naman kaya ni
Cristo ang ginawa nilang ito kung sila’y walang karapatang gumamit ng Kanyang
pangalan? Sa Mat. 7:22-23, ay
ganito ang sinasabi:
“Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?
“At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”
Ito ang
mangyayari sa araw ng paghuhukom. Marami
ang lalapit kay Cristo at ilalahad ang kanilang ginawang paglilingkod na ang
ginamit nila’y ang pangalan ni Cristo.
May nanghula, may nagpalayas ng demonio o ng masamang espiritu, at may
gumawa ng mga makapangyarihang gawa sa Kanyang pangalan. Subalit kikilalanin kaya ni Cristo? Hindi.
Maliwanag ang sinabi ni Jesus na Kanyang ipahahayag sa kanila: Hindi ko kayo nakikilala, magsilayo kayo sa
akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.
Kahabag-habag na mga kaluluwa!
Sawimpalad na paglilingkod! Hindi
nagtamo ng biyaya kundi sumpa. Hindi
kinilala ang kanilang paglilingkod kundi itinakwil at ibinilang pang
katampalasanan ang kanilang mga ginawa.
SINO ANG KINIKILALA NI JESUS NA SIYANG MAY
KARAPATANG GUMAMIT NG KANYANG PANGALAN?
Sa Juan 10:14,
ay ganito ang sinasabi ni Jesus:
“Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako.”
Sino ang
kinikilala ni Cristo na may karapatang gumamit ng Kanyang pangalan? Ang kinikilala Niya na sariling Kanya. Si Cristo ay may sariling Kanya at ito ang
Kanyang kinikilala. Sino itong kinikilala ni Cristo na mga sariling Kanya? Sa Juan 10:3, ay ganito ang mababasa natin:
“Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas.”
Sinu-sino ang
kinikilala ni Cristo? Ito ang Kanyang
sariling mga tupa na tinatawag sa pangalan.
Sino ang mga tupang ito? Ang sabi
ni Jesus: “…Ako ang pintuan ng mga
tupa.” Sinu-sino itong kinikilala ni
Cristo na Kanyang sariling mga tupa na tinatawag sa pangalan? Ito ang mga tupa na ang pintuan nila ay si
Jesus. Ano ang
ginawa ng mga tupang ito, at ito ba’y mga tupang hayop? Sa Juan 10:9, ay ganito ang sabi ni
Jesus: “Ako ang pintuan; ang sinomang taong
pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas…” Ano ang ginawa? Sila ba’y tupang hayop? Pumasok sila sa kanilang pintuan na si Jesus,
at sila’y hindi tupang hayop kundi mga tao.
Pumasok sila kay Jesus na ano Niya? Pumasok sila sa Kanya na sangkap ng Kanyang
katawan, gaya ng sinasabi sa I Cor. 12:27, na ganito:
“Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.”
Alin itong
katawan na dito naging sangkap ang mga tupa ni Jesus na pumasok sa Kanya? “At siya ang ulo ng katawan, samakatuwid
baga’y ng Iglesia…..” (Col. 1:18). Maliwanag dito na ang katawan ay ang Iglesia
na ang ulo ay si Cristo. Ang sabi ni
Jesus, ang Kanyang sariling mga tupa ay tinatawag sa pangalan. Sa kaninong pangalan tinatawag itong mga sariling
tupa ni Cristo? Sa Gawa 15:17, ay ganito
ang sinasabi:
“Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan.”
Sa kaninong
pangalan tatawagin itong sariling mga tupa ni Jesus? Tatawagin sila sa pangalan ng Panginoon. Sino ang Panginoon? Sa Gawa 2:36, ay ganito ang sinasabi: “Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”
Sino ang Panginoon? Si Cristo ang
Panginoon na ginawa ng Diyos. Papaano kung
itawag ang pangalan ni Cristo sa mga tupa ni Cristo? Iglesia
ni Cristo kung ito’y itawag, ayon sa Roma 16:16. Kung gayon, ang Iglesia ni Cristo ang
kinikilala ni Cristo na sariling Kanya, ito ang mga tupa Niya, at ito ang may
karapatang gumamit sa mahalagang pangalan Niya.
Lahat ba naman ng tinatawag na Iglesia ni Cristo ay may karapatang
gumamit ng pangalan ni Cristo? Hindi
lahat, kundi iyon lamang kinikilala ni Cristo na mga tupa Niya, at naging
sangkap ng katawan Niya o ng Iglesia.
MAY KARAPATAN BA SA PANGALAN NI CRISTO
ANG IGLESIA NI CRISTO NA LUMITAW SA PILIPINAS?
Sa Juan 10:16,
ay ganito ang sabi ni Jesus:
“At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.”
Sa talatang
ito’y si Cristo ang nagsasalita. Ayon sa
Kanya, mayroon pa Siyang ibang mga tupa na wala pa sa kulungan noong Siya’y
narito pa sa lupa. Ngunit ang mga ito’y
kinikilala Niyang mga tupa Niya. At
sila’y gagawin Niyang isang kawan. Ang
kawan ay ang Iglesia ng Panginoon o ni Cristo (Gawa 20:28; 2:36). Samakatuwid, gagawin Niya o itatayo Niyang Iglesia ni Cristo itong Kanyang ibang
mga tupa na noon ay wala pa sa kulungan.
Saan naroon itong ibang mga tupa ni Jesus? Bakit wala pa sila sa kulungan noong Siya’y
narito pa sa lupa, at sinu-sino naman itong mga tupa ni Jesus na nasa kulungan
na noong panahong iyon? Sa Gawa
2:39, ay ganito ang sinasabi:
“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”
Sa talatang
ito’y sinasabi ang tatlong pulutong ng mga taong may pangako na tatanggap ng
Espiritu Santo. Sinu-sino ang tatlong pulutong na ito? Sa inyo, sa inyong mga anak, at sa lahat ng
nasa malayo na tatawagin ng Diyos. Ang
dalawang nauna ay natawag na, itong huli ay hindi pa tinatawag kundi tatawagin
pa lamang. Sinu-sino
itong mga natawag na noon?
Ganito ang pahayag sa Roma 9:24:
“Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?”
Sinu-sino ang mga tupa ni Jesus na natawag
na noong panahon ni Cristo at ng mga Apostol dito sa lupa? Ang mga Judio at ang mga Gentil. Sinu-sino naman itong mga tupa ni Jesus na
wala pa sa kulungan noon, sapagkat hindi pa sila natatawag noon kundi tatawagin
pa lamang? Ito ang mga nasa malayo. Aling malayo itong
kinaroroonan ng mga tupa ni Jesus na hindi pa natatawag noon kundi tatawagin pa
lamang? Sa Isa. 43:6, ay ganito
ang sinasabi:
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.”
Saan sa malayo itong kinaroroonan ng mga tupa ni Jesus na
wala pa sa kulungan noon, at kinikilala naman ng Diyos na Kanyang mga anak na
lalake at babae? Sa Isa. 43:5, ay
ganito ang sinasabi:
“ Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.”
Samakatuwid,
taga-malayong silangan itong mga tupa ni
Jesus na wala pa sa kulungan noong Siya’y narito pa sa lupa. Ang tutol dito ng mga kumakaaway sa Iglesia ni Cristo ay ganito: Wala raw mababasang Malayong Silangan sa Biblia. May mababasa raw “Malayo” sa talatang 6 at
may mababasang “Silangan” sa talatang 5, subalit iyong salitang magkasama o magkakabit
na Malayong Silangan, ay hindi raw mababasa sa Biblia. Kung may mabasa kami
na Malayong Silangan na sa Ingles ay Far East, tatanggapin kaya
nila na sila’y mangmang? Sa
Bibliang Ingles na salin ni James Moffat, ay ganito ang sinasabi sa Isa. 43:5:
“From the far
east will I bring your offspring…,”
Sa Pilipino:
“Mula sa
malayong silangan ay Aking dadalhin ang iyong lahi….”
Hindi ba
maliwanag na nabasa natin ang far east
na sa Pilipino ay malayong silangan?
Imamatuwid marahil ng iba: Bakit
wala iyan sa Bibliang Tagalog? Hindi na
kami ang may kasalanan nito kundi ang nagsalin ng Bibliang Tagalog mula sa
Ingles—ang mga Protestante at maging ang mga Katoliko.
Alin ba ang bansa sa Malayong Silangan? Sa World
History nina Boak, Slosson at Anderson, pahina 445, ay ganito ang sinasabi:
“The
Philippines were Spain’s share of the first colonizing movement in the Far
East.”
Sa Pilipino:
“Ang Pilipinas
ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusan sa pananakop sa Malayong
Silangan.”
Maliwanag na
pinatutunayan ng kasaysayan na Pilipinas ang Malayong Silangan. Samakatuwid ay mga Pilipino itong kinikilala
ni Jesus na Kanyang ibang mga tupa. Ano ang pangalang itatawag sa mga tupang ito ni Jesus na
lilitaw sa Pilipinas na isang Iglesia?
May karapatan ba sila sa paggamit ng pangalan ni Cristo? Ganito ang pahayag ng hula ng Diyos:
“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;
“Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.” (Isa. 43:5-7)
Ano ang pangalang
itatawag sa mga tupa ni Jesus na taga-Malayong Silangan o Pilipinas na
kinikilala ng Diyos na Kanyang mga anak na lalake at babae? Ang sabi ng Diyos ay tatawagin sa Kanyang
pangalan. Aling pangalan ng Diyos? Iyon bang pangalang pansarili ng Diyos? Hindi!
Aling pangalan? Iyong pangalang
Kanyang nilikha o ginawa sa Kanyang ikaluluwalhati. Alin ang pangalang
ginawa o nilikha ng Diyos sa Kanyang ikaluluwalhati? Sa Gawa 2:36, ay ganito ang sinasabi:
“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”
Cristo
ang pangalang ginawa ng Diyos. Ito bang pangalang ito’y sa ikaluluwalhati nga ng Diyos? Sa Filip. 2:9-11, ay ganito ang sinasabi:
“Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan;
“Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa,
“At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.”
Papaano kung
itawag ang pangalan ni Cristo sa mga tupa ni Cristo? Iglesia
ni Cristo kung ito’y itawag, gaya ng sinasabi sa Roma 16:16. Samakatuwid, ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914 ay hindi
lamang may karapatang gumamit ng pangalan ni Cristo kundi hinulaan ng Diyos na
tatawagin siya sa pangalang Iglesia ni
Cristo. Sa panahong ito’y ang Iglesia ni Cristo lamang ang may
karapatang gumamit ng pangalan ni Cristo.
Ang lahat ng nagsisigamit ngayon ng pangalan ni Cristo (maliban sa Iglesia ni Cristo na lumitaw sa
Pilipinas noong 1914) ay walang
karapatang gumamit sa mahalagang pangalang ito.
Sa araw ng paghuhukom, ang lahat ng kanilang ginawang paglilingkod sa
pangalan ni Cristo, ay hindi kikilalanin kundi itatakwil sila ni Jesus at
sasabihing sila’y mga manggagawa ng katampalasanan.
Ano naman ang kapalaran ng mga tupa ni Jesus? Sa Mat. 25:31-34, ay ganito ang nasusulat:
“ Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian:
“At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing;
“At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing.
“Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.”
Napakapalad ng
mga tupa ni Jesus! Ang kinikilala ni
Jesus na Kanyang mga tupa sa huling araw na ito’y ang Iglesia ni Cristo. Isang
kapalaran ang maging Iglesia ni Cristo. Ito ang magmamana ng kaharian. Ang hindi Iglesia ni Cristo ay itataboy at
itatakwil ni Cristo sa araw ng paghuhukom.
Ang mga Iglesia ni Cristo na
mga tupa ni Jesus ang pagsasabihan Niya ng:
“Magsiparito
kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo
buhat ng itatag ang sanlibutan.”
Hango sa aklat na Isang
Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/1964/Kabanata XVIII/Pahina 148-156