Ipinapakita ang mga post na may etiketa na TUNAY NA RELIHIYON. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na TUNAY NA RELIHIYON. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Pebrero 7, 2015

ANG PAGTATATAG NI CRISTO NG IGLESIA NI CRISTO SA PILIPINAS

ANG PAGTATATAG NI CRISTO NG IGLESIA NI CRISTO SA PILIPINAS

Ang pinakamalaking suliranin ngayon ay kung alin ang tunay na Iglesiang kay Cristo.  Sa panahon ni Cristo noong unang siglo ay hindi ito suliranin, sapagkat noon ay walang ibang Iglesia kundi ang Iglesiang itinatag ni Cristo at kinaaaniban ng mga Apostol.  Subalit sa panahon natin ay totoong napakaraming Iglesia at ang bawat isa’y nagsasabing sila ang tunay na kay Cristo.  Dahil dito’y naguguluhan ang mga tao.  Hindi nila matiyak kung alin sa dinami-rami ng mga Iglesia ngayon ang tunay na Iglesia ng ating Panginoong Jesucristo.

Makikilala kaya natin sa panahong ito ang tunay na Iglesiang itinatag ni Cristo?  Opo, makikilala natin.  Papaano?  Si Cristo rin ang magpapakilala sa atin kung alin ang tunay Niyang Iglesia sa pamamagitan ng mga aral na Kanyang itinuro na nakasulat sa Banal na Kasulatan.

ALIN ANG TUNAY NA
IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO?
Sa Mat. 16:18, ay ganito ang sinabi ni Cristo:

“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Ang sabi ni Cristo:  “Itatayo ko ang aking Iglesia.”  Ito ang tunay na Iglesia.  Alin?  Ang itinatag ni Cristo!  Kailanma’t hindi si Cristo ang nagtatag, hindi ito tunay na Iglesia kundi huwad na Iglesia.  Ano ang tawag ni Cristo sa Iglesia na Kanyang itinayo?  Ang tawag ni Cristo’y “Aking Iglesia.”  Ano naman ang itinawag ng mga Apostol sa Iglesiang itinayo ni Cristo na tinawag ni Cristong “Aking Iglesia?”  IGLESIA NI CRISTO ayon kay Apostol Pablo (Roma 16:16).  Bakit Iglesia ni Cristo ang itinawag ni Pablo sa Iglesiang itinayo ni Cristo?  Sapagkat sinabi ni Cristo:  “Aking Iglesia”—kaya matuwid ang pagkatawag ni Pablo:  “IGLESIA NI CRISTO.”  Samakatuwid, ang tunay na Iglesiang itinatag ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo.

Pinatutunayan ba ng mga paring Katoliko at ng mga pastor Protestante na Iglesia ni Cristo nga ang itinatag ni Cristo?  Unahin muna  natin ang patotoo ng paring Katoliko.  Sa aklat na sinulat ng paring Katolikong si Francis B. Cassilly, na pinamagatang Religion:  Doctrine and Practice, pahina 442, 443, ay ganito ang sinasabi:

“Did Jesus Christ establish a Church?

“Yes, from all history, both secular and profane, as well as from the Bible considered as a human document, we learn that Jesus Christ established a Church, which from the earliest times has been called after him the Christian Church or the Church of Christ.”

Sa wikang Pilipino:

“Si Jesucrito ba’y nagtatag ng Iglesia?

“Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, maging pansalibutan at di-ukol sa kabanalan, laluna sa mula sa Biblia na kinikilalang makataong kasulatan, nalaman natin na si Jesucristo’y nagtatag ng Iglesia, na mula pa sa kaunaunahang panahon ay tinawag ng sunod sa Kanya ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo.”

Maliwanag ang patotoong ito ni Pari Cassilly.  Si Cristo ay nagtatag ng Iglesia at ang pangalang itinawag ay Iglesia ni CristoAno pa ang patotoo ng paring ito tungkol sa Iglesiang itinatag ni Cristo?  Sa pahina 444 ng aklat ding ito ni Pari Cassilly, ay ganito pa ang sinasabi:

“This Church, founded and organized by Christ and preached by the Apostles, is the Church of Christ …  It is the only true Church, and the one which God orders all men to join.”

Sa wikang Pilipino:

“Ang Iglesiang ito, itinayo at binalangkas ni Cristo at ipinangaral ng mga Apostol, ay ang Iglesia ni Cristo …  Ito lamang ang tunay na Iglesia, at siyang ipinag-utos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.”

Pinatutunayan pa rin dito ng paring si Cassilly na ang Iglesiang itinatag ni Cristo at ipinangaral ng mga Apostol ay ang Iglesia ni Cristo.  Ito lamang daw ang tunay na Iglesia at siyang ipinag-utos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.  Narito naman ang patotoo ng mga pastor Protestante.  Sa isang munting aklat na sinulat ni A. G. Hobbs na pinamagatang The Right Church, pahina 5, ay ganito ang nasusulat:

“The Church of Christ is the only Church that Jesus built.”

Sa wikang Pilipino:

“Ang Iglesia ni Cristo ay siya lamang tanging Iglesia na tinayo ni Jesus.”

Sa isa pang munting aklat ng isang pastor Protestante na si Don H. Morris na pinamagatang What Is The Church Of Christ?, pahina 1, ay ganito ang nasusulat:

“The Church of Christ, therefore, is the Church of the New Teatament.”

Sa wikang Pilipino:

“Ang Iglesia ni Cristo, kung gayon, ang Iglesia ng Bagong Tipan.”

Nagkakaisa ang mga katoliko at protestante sa pagsasabing ang tunay na Iglesiang itinatag ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo.  Bakit?  Talaga namang walang mababasa sa Biblia na maiiba pa roon.

PAPAANO ITINATAG NI
CRISTO ANG KANYANG IGLESIA?
Sa Mat. 16:18, ay ganito ang ating mababasa:

“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Papaano?  Itinayo Niya sa ibabaw ng bato.  Sino ang bato na pinagtayuan?  Sa Gawa 4:10, 11, ay ganito ang sinabi ni Apostol Pedro:

“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.

“Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok.

Sino ang bato?  Ayon kay Apostol Pedro, si Cristo ang bato.  Samakatuwid, kay Cristo nakatayo ang Iglesia ni Cristo.  Kung gayon, upang maging Iglesia ni Cristo ang tao, kailangang siya’y matayo kay Cristo.  Papaano matatayo ang tao kay Cristo?  Sa Mat. 7:24-25, ay ganito ang sinasabi:

“Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:  At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.

Paano matatayo ang tao kay Cristo?  Sa pamamagitan ng pakikinig at pagtupad sa mga salita ni Cristo.   Sinabi ni Cristo na ang bawat dumirinig ng Kanyang mga salita at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino na itinayo ang kanyang bahay sa ibabaw ng bato.  Alam na nating ang bato ay si Cristo.  Alin naman itong bahay?  Iglesia ang bahay, ayon sa I Tim. 3:15.  Kung gayon, upang matayo sa bato o kay Cristo—upang maging Iglesia ni Cristo,—kailangang makinig ng mga salita ni Cristo at ganapin ito.  Kanino makikinig?  Sa lahat ba ng nagsisipangaral?  Sa Roma 10:14-15, ay ganito ang sinasabi:

“Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?

“At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo. …”

Kanino dapat makinig ng mga salita ni Cristo?  Sa mga tagapangaral na sinugo.  Mga sinugo lamang ng Diyos ang may karapatang mangaral.  Kailanma’t may sugong tagapangaral at may pakikinig at pagtupad ng mga salita ni Cristo, ay may pagtatatag ng Iglesia ni CristoNgayong nasa langit na si Cristo, papaano ang paraan ng pagtatatag ng Iglesia ni Cristo?  Sa Luc. 10:16, ay sinabi ni Cristo:

“Ang nakikinig sa inyo (sa mga sinugo), ay sa akin nakikinig. …”

Ang paraan ni Jesus sa pagtatatag ng Iglesia ni Cristo kung wala na Siya sa lupa ay makinig sa mga sugo Niya.  Ang nakikinig sa mga sugo ay kay Cristo rin nakikinig.  Talaga bang may sasampalataya sa pakikinig sa mga sinugo?  Ganito ang patotoo ni Jesus:

“Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita.(Juan 17:18, 20).

Pinatutunayan ni Jesus na may magsisisampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang mga sinugo.  Ang mga ito man ay kinikilala ni Cristo na Kanya—Iglesia ni Cristo.  Kahit wala na Siya sa lupa, makinig lamang sa Kanyang mga sinugo’y sa Kanya rin nakikinig.  Itong mga nakinig na ito at tumupad ay natatayo kay Cristo—nagiging Iglesia ni Cristo.  Kung gayon, upang maging tunay na Iglesia ni Cristo, kailangang si Cristo ang nagtayo, sa kanya ang itinayo at nakinig sa Kanya.  Ganito ba ang pagkakatatag ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas?

PAPAANO BA NAGKAROON NG
IGLESIA NI CRISTO SA PILIPINAS?
Sa Juan 10:16, ay ganito ang sabi ni Cristo:

“At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.

Ang sabi ni Cristo, mayroon pa Siyang ibang mga tupa na wala pa sa kulungan noong Siya’y narito pa sa lupa.  Ang mga ito ay dadalhin Niya at kanilang diringgin ang Kanyang tinig, at sila’y gagawin Niyang isang kawan at magkakaroon ng isang pastor.  Ano itong kawan?  Sa Gawa 20:28, tinitiyak na ang kawan ay ang Iglesia ng Panginoon.  Ang Panginoon ay si Cristo (Gawa 2:36).  Samakatuwid, ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo.  Kung gayon, gagawin ni Cristong Iglesia ni Cristo itong Kanyang ibang mga tupa na noong Siya’y narito pa sa lupa ay wala pa sa kulungan.  Sinu-sino naman itong mga tupa ni Cristo na nasa kulungan na noon at sinu-sino naman itong wala pa sa kulungan?  Sa Gawa 2:39, ay ganito ang sinasabi:

“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.

Ang tanong natin ay kung sinu-sino ang mga tupa ni Jesus na nasa kulungan na at ang mga wala pa sa kulungan.  Ang isinagot sa atin ng talata ay tatlong pulutong ng mga taong tatanggap ng Espiritu Santo.  Ang una’y “sa inyo;” ikalawa’y “sa inyong mga anak;” at ikatlo’y “sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Diyos.”  Ang dalawang naunang pulutong ay natawag na, kaya ang mga ito’y nasa kulungan na noon;  ngunit itong huli o ang ikatlong pulutong ay hindi pa natatawag noon kundi tatawagin pa lamang sila, kaya wala pa sila sa kulungan noong si Cristo’y narito pa sa lupa.  Sinu-sino ba itong mga natawag na o nasa kulungan na noong si Cristo ay narito pa sa lupa at nang panahon ng mga Apostol?  Sa Roma 9:24, ay ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:

“Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?

Ang mga natawag na nang panahon ni Cristo at ng mga Apostol dito sa lupa ay ang mga Judio at ang mga Gentil.  Ito ang mga tupa ni Cristo na nasa kulungan na noon.  Sino naman itong mga tupa ni Cristo na wala pa sa kulungan noon?  Ito ang mga nasa malayo, na noon ay hindi pa sila tinatawag kundi tatawagin pa lamang, kaya wala pa sila sa kulungan.  Alin itong malayo na kinaroroonan ng mga tupa ni Cristo na wala pa sa kulungan o hindi pa natatawag noong si Cristo ay narito pa sa lupa?  Sa Isa. 43:6, ay ganito ang nasusulat:

“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.

Kinikilala rin ng Diyos na Kanyang mga anak itong mga tupa ni Cristo na nasa malayo, na noong panahon Niya rito sa lupa ay mga wala pa sa kulungan.  Ngunit aling malayo?  Sa Isa. 43:5, ay ganito ang nasusulat:

“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.

Aling malayo?  Malayong Silangan!  Ang sabi ng iba, wala raw kaming mababasang Malayong Silangan sa Biblia.  May mababasa raw na salitang malayo na ito’y nasa talatang 6, at may mababasa raw na salitang silangan na ito nama’y nasa talatang 5, ngunit iyong salitang malayong silangan na magkasama o magkakabit ay wala raw mababasa.  Kung may mabasa kaming Malayong Silangan na sa Ingles ay Far East, aaminin kaya ng mga tumutuligsa sa amin na sila’y nagkamali at naninirang-puri lamang?  Ipababasa namin sa inyo sa Biblia ang salitang Malayong Silangan at nang kayo’y maniwala.  Sa Isa. 43:5, ng Bibliang Ingles na salin ni James Moffatt, ay ganito ang nasusulat:

“From the far east will I bring your offspring ….”

Sa wikang Pilipino:

“Mula sa malayong silangan ay Aking dadalhin ang iyong lahi ….”

Hindi ba maliwanag na Malayong Silangan ang nabasa ninyo?  Maliwanag!  Marahil ay maitatanong ninyo:  Bakit sa Bibliang Tagalog ay wala iyong malayong silangan?  Kung wala man ay hindi kami ang dapat sisihin kundi ang mga nagsalin sa Tagalog ng Biblia—ang mga Protestante at maging ang mga Katoliko.

Alin naman ang Malayong Silangan?  Sa World History nina Boak, Slosson at Anderson, pahina 445, ay ganito ang sinasabi:

“The Philippines were Spain’s share of the first colonizing movement in the Far East.”

Sa wikang Pilipino:

“Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusan sa pananakop sa Malayong Silangan.”

Maliwanag na pinatutunayan ng kasaysayan na ang Malayong Silangan ay ang Pilipinas.  Lahing Pilipino, kung gayon, itong mga tupa ni Cristo na wala pa sa kulungan noong Siya ay narito pa sa lupa.  Ngunit ano ang sabi Niya?  Ang mga ito’y dadalhin Niya at diringgin ang Kanyang tinig at sila’y gagawin Niyang isang kawan o Iglesia.  Ang dapat pansinin dito’y si Cristo ang gagawang kawan o Iglesia sa mga tupang ito na wala pa sa kulungan noon.  Siya ang magtatayo nito, ito’y mga tupa Niya at makikinig sa Kanyang tinig—kaya ito’y matatayo sa Kanya o magiging Iglesia ni Cristo.

Iglesia ni Cristo nga kaya itong mga kinikilala ng Diyos na Kanyang mga anak na lalake at babae na lilitaw rito sa Pilipinas?  Ano ba ang pangalang itatawag dito sa mga tupa ni Cristo at kinikilala ng Diyos na Kanyang mga anak na lalake at babae?

PAPAANO PINATUNAYAN NG HULA NG DIYOS
NA IGLESIA NI CRISTO ANG LILITAW SA PILIPINAS?
Sa Isa. 43:5-7, ay ganito ang nasusulat:

“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;

“Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.

Ano ang pangalang itatawag ayon sa hula rito sa mga anak na lalake at babae na mula sa malayong silangan o Pilipinas?  Ang sabi ng Diyos, sila’y tatawagin sa Kanyang pangalan.  Aling pangalan ng Diyos?  Iyon bang pangalang pansarili ng Diyos?  Hindi!  Aling pangalan?  Yaong pangalan na Kanyang nilikha o ginawa para sa Kanyang kaluwalhatian.  Alin ba ang pangalang ginawa ng Diyos sa Kanyang ikaluluwalhati?  Sa Gawa 2:36, ay ganito ang sinasabi:

“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.

Alin ang pangalang ginawa ng Diyos?  Ang pangalang Cristo.  Ito nga ba’y sa ikaluluwalhati ng Diyos?  Opo, gaya ng pinatutunayan sa Filip. 2:9-11.  Papaano ba kung itawag ang pangalang Cristo sa mga kinikilala Niyang mga tupa Niya?  Iglesia ni Cristo kung ito’y itawag, ayon sa Roma 16:16.  Ano ang kahalagahan ng pangalang ito?  Wala bang kabuluhan ang pangalang ito?  Dapat ba itong palitan o baguhin?  Sa Gawa 4:10, 12, ay ganito ang nasusulat:

“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.

“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.

Napakahalaga ng pangalan ni Cristo o ng pangalang Iglesia ni Cristo!  Sa kaninumang iba’y walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat ikaligtas, maliban sa pangalan ni Cristo.  Kaya hindi kami sang-ayon sa pangalang Katoliko, Metodista, Presbiteriana, Baptista, Aglipayano.  Walang kaligtasan sa mga pangalang iyan.  Hindi kami ang maysabi kundi ang Banal na Kasulatan!  Sa pangalang Iglesia ni Cristo lamang may kaligtasan.  Kaya ano ang ipinag-utos ni Cristo sa lahat ng ibig maligtas sa hatol ng Diyos?  Sa Juan 10:9, ay sinabi ni Jesus:

“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas ….”

Ano ang dapat gawin upang maligtas?  Dapat pumasok kay Cristo.  Papasok na ano?  Papasok na sangkap ng Kanyang katawan (I Cor. 12:27), na ito ang Iglesia (Col. 1:18)—Iglesia ni Cristo (Roma 16:16).  Samakatuwid, upang maligtas sa hatol ng Diyos, kailangang maging Iglesia ni Cristo.  Ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914 ay siyang tunay na Iglesiang kay Cristo sa kasalukuyan.  Si Cristo ang nagtayo nito at kinikilala ni Cristo na Kanyang mga tupa, na noong Siya’y narito pa sa lupa ay wala pa sa kulungan, ngunit sinabi ni Cristong gagawin Niyang isang kawan o Iglesia—Iglesia ni Cristo.

Hango mula sa aklat na ISANG PAGBUBUNYAG SA IGLESIA NI CRISTO/1964/PAHINA 139-147

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE





SI CRISTO ANG NAGTAYO NG IGLESIA NI CRISTO SA PILIPINAS

SI CRISTO ANG NAGTAYO NG IGLESIA NI CRISTO SA PILIPINAS


HINDI kapani-paniwala ang paksang ito para sa mga kumakaaway sa Iglesia ni Cristo na lumitaw saPilipinas noong 1914.  Sa ganang kanila ay si Kapatid na Felix Manalo ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas.  Dahil sa maling paniniwalang ito, patudyo nilang tinatawag ang Iglesia ni Cristo ng Iglesia ni Manalo.  Patawarin nawa sila ng Diyos sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang sinasabi!

Ayon sa mga nakaraang kabanata ang Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo sa Jerusalem ay natalikod.  Iniligaw ng mga bulaang propeta o ng mga paring katoliko.  Ang mga unang alagad ni Cristo’y pinasunod nila sa kanilang hulihan o tinuruan nila ng mga aral ng demonio, at ang mga hindi sumunod o sumalansang ay kanilang pinagpapatay.  Kaya walang natirang tupa si Cristo noong unang siglo.  Nalipol na lahat.  Datapuwa’t wala na kayang ibang mga tupa si Jesus?  Bakit sinasabi naming si Cristo ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas?

ANG KATUNAYAN NA SI CRISTO ANG
NAGTAYO NG IGLESIA NI CRISTO SA PILIPINAS

Ano ang katunayang si Cristo ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas?

Sa Juan 10:16, ay ganito ang sinasabi ng ating Panginoong Jesucristo:

“At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.

Tiniyak ni Cristo na Siya’y mayroon pang ibang mga tupa na wala sa kulungan noong panahong Siya’y narito pa sa lupa.  Ano ba itong mga tupa na sinasabi ni Jesus?  Ito ba ay mga tupang hayop?  Sa Ezek. 34:31, ay sinasabi ang ganito:

“At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako'y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

Samakatuwid, mga tao ang mga tupa ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo.  Ayon kay Cristo, mayroon pa Siyang ibang mga tupa o mga tao na wala pa sa kulungan noong panahong Siya’y narito pa sa lupa.  Ano ang gagawin Niya sa mga tupang ito?  Gagawin Niyang isang kawan, ayon din sa talatang sinipi natin sa itaas nito (Juan 10:16).  Ano ang kahulugan ng kawan?  Sa Gawa 20:28, ay ganito ang sinasabi:

“Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.

Sinasabi ritong ang kawan ay ang Iglesia ng Panginoon.  Sino ang Panginoon na tinutukoy?  Si Cristo na ginawa ng Diyos na Panginoon (Gawa 2:36).  Kung gayon, Iglesia ni Cristo ang kawan.  Sinabi ni Jesus na gagawin Niyang isang kawan o Iglesia yaong mga tupa Niya o mga tao na wala pa sa kulungan noong panahong narito pa Siya sa lupa.  Tandaan nating mabuti:  Hindi si Kapatid na Felix Manalo kundi si Cristo ang gagawang kawan o Iglesia ni Cristo sa mga kinikilala Niyang mga Tupa Niya na noon ay wala pa sa kulungan.  Ang dapat nating malaman ngayo’y bakit itong mga kinikilala ni Jesus na mga tupa Niya ay wala pa sa kulungan noong panahong Siya’y narito pa sa lupa.  Saan naroon ang mga tupang ito ni Jesus?  Sa Gawa 2:39, ay ganito ang nasusulat:

“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.

Sa talatang ito’y ipinakikilala sa atin ang tatlong pulutong ng mga tao na pinangakuang tatanggap ng pangakong Espiritu Santo.  Ang sabi ni Apostol Pedro na siyang nagsasalita sa pagkakataong ito ay, “sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”  Sinu-sino itong kausap ni Apostol Pedro na pinagsabihan niyang “sa inyo ang pangako,” at sinu-sino naman ang “mga anak” nito; at sinu-sino itong mga “nasa malayo” na tatawagin ng Diyos?  Sa ikauunawa natin niyan ay basahin natin ang mga nasa unahang talata, mula sa talatang 36 hanggang 39:

“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.

“Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?

“At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.

Sinu-sino itong tinutukoy ni Apostol Pedro ng salitang “sa inyo?”  Ito ang angkan ni Israel o ang mga Judio na nagsisi at nagpabautismo sa pangalan ni Cristo.  Ito ang mga tupa ni Jesus na nasa kulungan na noong panahong yaon.  Sinu-sino naman itong “mga anak?”  Ito ba’y mga anak sa laman ng mga Judio?  Sa I Cor. 4:15, ay ganito ang sinasabi:

“Sapagka't bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka't kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio.

Si Apostol Pablo ang nagsasalita sa talatang ito at ang kausap niya’y ang mga Gentil.  Si Pablo’y lahing Judio.  Sinabi niya sa mga Gentil na sila’y “ipinanganak niya sa pamamagitan ng ebanghelyo.”  Kung gayon, ang mga anak na kasama rin sa tatanggap ng pangakong Espiritu Santo ay ang mga Gentil.  Nasa kulungan na rin ang mga ito noong panahong yaon.  Sinu-sino naman itong “mga nasa malayo” na kasama rin sa pangako?  Ito ang mga tupa ni Jesus na wala pa sa kulungan noong panahong si Cristo’y narito pa sa lupa at ang mga Apostol, at kaya sila’y wala pa sa kulungan noon ay sapagkat sila’y hindi pa tinatawag noon kundi tatawagin pa lamang.  Saan sila naroon?  Nasa malayo!  Alin itong malayong tinutukoy?  Sa Isa. 43:5-6, ay ganito ang pahayag ng hula:

“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.

Aling malayo ang kinaroroonan ng mga tupa ni Jesus na hindi pa tinatawag noong panahong narito pa Siya sa lupa kaya sila’y wala pa noon sa kulungan?  Ito ang malayong silangan.  Ayon sa mga kumakaaway sa Iglesia ni Cristo, wala raw mababasang “Malayong Silangan” sa Biblia.  Mayroon daw mababasang “silangan” na ito ay nasa talatang 5, at “malayo” na nasa talatang 6; subalit iyong magkasamang salitang “Malayong Silangan” ay hindi raw mababasa sa Biblia.  Hindi nga kaya mababasa sa Biblia ang salitang Malayong Silangan?  Kung mabasa namin, tatanggapin kaya ng mga umuusig sa Iglesia ni Cristo na sila’y nagkamali at sila’y walang malay sa Biblia?  Patutunayan naming mababasa sa Biblia ang salitang Far East o Malayong Silangan.  Sa Bibliang Ingles na salin ni James Moffatt ay ganito ang maliwanag na nakasulat:

“From the far east will I bring your offspring …”

Sa Wikang Pilipino:

“Mula sa malayong silangan ay aking dadalhin ang iyong lahi …”

Hindi ba maliwanag na nabasa ninyo ang salitang Malayong Silangan?  Maliwanag!

Bakit sa Bibliang Tagalog ay wala ito?  Hindi na kami ang may kasalanan nito kundi ang mga nagsalin sa Tagalog ng Biblia mula sa Ingles—mga Katoliko at Protestante.

Alin ang bansang nasa Malayong Silangan?  Sa World History nina Boak, Slosson at Anderson, pahina 445, ay ganito ang nasusulat:

“The Philippines were Spain’s share of the first colonizing movement in the Far East;”

Sa Wikang Pilipino:

“Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusan sa pananakop sa Malayong Silangan;”

Kung gayon, taga Pilipinas (mga Pilipino) ang mga tupa ni Jesus na wala pa sa kulungan noong panahong narito pa si Cristo sa lupa.  Ano ang sinabi ni Jesus na Kanyang gagawin sa mga tupa Niyang ito?  Gagawin Niyang isang kawan o itatayo Niyang isang Iglesia.  Si Cristo ang magtatayo at hindi si Kapatid na Manalo.  Ito ang dapat malaman ng mga kumakaaway sa Iglesia ni Cristo.  Ngunit kaya hindi ito matanggap ng mga umuusig sa Iglesia ni Cristo ay sa dahilang si Kapatid na Manalo ang nakitang nangaral ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas.  Hindi nila nakita si Cristo at hindi naman naparito sa Pilipinas si Cristo upang ipangaral ang Iglesia ni Cristo.  Ni ang mga Apostol ay hindi rin nakarating sa Pilipinas.  Papaano nga naman mangyayari ang sinasabi naming si Cristo ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas? Kung gayon, ang dapat nating liwanagin ay kung papaano nagkakaroon ng mga taong nagiging kaanib sa Iglesia ni Cristo.  Ito ang malabo sa mga tao kaya ito ang ating pag-aaralan.

PAPAANO NAGKAKAROON NG MGA TAONG
NAGIGING KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO?
Sa I Cor. 1:9, ay ganito ang sinasabi:

“Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.

Maliwanag dito na ang Diyos ang tumatawag ng mga taong ipakikisama Niya sa Kanyang Anak na si Jesucristo.  Bakit naman kailangan pang tawagin ng Diyos ang mga taong ipakikisama Niya sa Kanyang Anak na si Cristo o ang mga taong nagiging Iglesia ni Cristo?  Sa Juan 6:44, ay ganito ang sabi ni Jesus:

“Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.

Bakit kailangan pang tawagin ng Diyos ang mga nagiging Iglesia ni Cristo?  Sapagkat ayon kay Cristo, walang taong makalalapit sa Kanya maliban nang dalhin sa Kanya ng Ama.  Papaano naman dinadala ng Ama ang mga tao kay Cristo?  Tinatawag upang ipakisama sa Kanyang Anak na si Jesucristo, gaya ng naliwanagan na natin sa unahan nito.  Papaano naman ang paraan ng pagtawag ng Diyos sa mga taong ipinakikisama Niya kay Cristo?  Sa II Tes. 2:14, ay ganito ang sinasabi sa atin:

“Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.

Samakatuwid, ang paraan ng Diyos sa pagtawag sa mga taong nagiging Iglesia ni Cristo ay sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo.  Ngunit sino ang mangangaral ng Ebanghelyo?  Ang Diyos ba mismo ang haharap sa tao upang mangaral ng Ebanghelyo?  Sa II Cor. 6:1, ay ganito ang sinasabi:

At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.

Ang Diyos ay may kalakip na gumagawa.  Ang mga ito ang kinakasangkapan ng Diyos sa pangangaral ng Ebanghelyo upang matawag ang mga taong magiging Iglesia ni CristoSinu-sino itong mga kalakip ng Diyos na gumagawa?  Sa II Cor. 5:18-20, ay ganito ang sinasabi:

“Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo;

“Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo.

Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.

Sinu-sino ang mga kalakip ng Diyos na gumagawa na siyang inutusang mangaral ng Ebanghelyo upang matawag ang mga taong magiging Iglesia ni Cristo?  Ang mga sugo sa pangalan ni Cristo—hindi mga sugo sa pangalang Katoliko o sa pangalang Protestante, kundi mga sugo sa pangalan ni Cristo o Iglesia ni Cristo.  Bakit ang mga sugo sa pangalan ni Cristo ang ginagamit ng Diyos sa pagtawag sa mga taong magiging Iglesia ni Cristo?  Sapagkat sa kanila ibinigay ang ministerio o pangangasiwa sa pagkakasundo, at sa kanila rin ipinagkatiwala ang salita ng pagkakasundo na ito ang Ebanghelyo.  Kaya kapag nangangaral ng Ebanghelyo ang mga sugo sa pangalan ni Cristo, ang Diyos ay tumatawag ng mga taong ipakikisama Niya sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

SINO ANG MAGDADALA KAY CRISTO NITONG MGA
TUPA NI JESUS NA NASA PILIPINAS?

Sa Isa. 43:5-6, ay ganito ang sinasabi:

“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.

Sinabi ng Diyos na Siya ang magdadala sa lahi ng Kanyang sugo na mula sa malayong silangan o Pilipinas.  Kanino dadalhin ng Diyos?  Dadalhin kay Cristo.  Bakit naman kailangan pang dalhin kay Cristo?  Sapagkat sinabi ni Cristo na walang taong makalalapit sa Kanya maliban nang dalhin sa Kanya ng Ama (Juan 6:44).  Alam na natin kung papaano dinadala ng Diyos ang mga tao kay Cristo.  Tinatawag ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng ng Ebanghelyo ng mga gumagawang kalakip ng Diyos, na ito ang sugo sa pangalan ni Cristo.

Papaano dinala ng Diyos kay Cristo ang mga tupa ni Jesus na nasa Pilipinas?  Mayroon din bang kinasangkapan ang Diyos na kalakip Niyang gumagawa upang matawag at madala kay Cristo ang mga tupa nito na nasa Pilipinas?  Mayroon!  Gaya ng sinasabi sa talatang ating kasisipi pa lamang:  “Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo:  aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan.”  “Ako’y sumasaiyo,” ang sabi ng Diyos sa Kanyang sugo.  Samakatuwid, kalakip ng Diyos sa paggawa itong Kanyang sugo.  Hindi nag-iisa ang sugong ito.  Ang Diyos ay sumasakanya.  Kasama niya ang Diyos.  Ang sugong ito ang kalakip ng Diyos na gumagawa at siyang nangangaral ng Ebanghelyo upang madala ng Diyos kay Cristo ang mga tupa ni Jesus na nasa Pilipinas.  Samakatuwid, wala pa kay Cristo itong mga kinikilala na ni Jesus na Kanyang mga tupa at kinikilala rin ng Diyos na Kanyang mga anak na lalake at babae.  Saan at kanino sila naroroon?  Sila’y nakukulong at pinipigil ng Timugan at Hilagaan.  Ang kumakatawan sa Timugan ay ang Iglesia Katolika, sapagkat ito ay mula sa Roma na nasa Timugan ng Europa.  Ang kumakatawan naman sa Hilagaan ay ang Protestantismo, sapagkat ito’y mula sa Hilagaang Amerika.  Kung gayon, ang mga kinikilala ng Diyos na Kanyang mga anak at kinikilala ni Jesus na Kanyang mga tupa ay nasa Katoliko at Protestante.  Sila’y kukunin ng Diyos doon at dadalhin kay Cristo o gagawin Niyang Iglesia ni Cristo, sa pamamagitan ng pagtawag sa mga ito sa pagkasangkapan Niya sa Kanyang sugong magmumula sa Pilipinas.

Sa ano itinulad ang uri ng gawain nitong sugong mula sa Malayong Silangan o Pilipinas?  Sa Isa. 46:11, ay ganito ang sinasabi:

Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

Itinulad sa ibong mandaragit ang uri ng gawain ng sugo ng Diyos na gagamitin Niya sa pagdadala kay Cristo ng mga tupa ni Jesus sa Pilipinas.  Ang ibong mandaragit na tinutukoy rito’y hindi tunay na ibon sa kalagayan, kundi ito’y tao na gumagawa ng mga payo ng Diyos.  Saan mula ang ibon?  Sa Silanganan.  Saan naman mula ang tao na ito rin ang ibon?  Sa malayo.  Samakatuwid, ang taong sinugo ng Diyos na itinulad sa ibong mandaragit ay mula sa Malayong Silangan o Pilipinas.  Sino ang sugong ito?  Ito ang sugo ng Diyos sa huling araw, na ito’y walang iba kundi si Kapatid na Felix Manalo.  Siya ang kinasangkapan ng Diyos upang mangaral ng Ebanghelyo at nang madala kay Cristo ang mga tupa ni Jesus na nasa Pilipinas.  Kaya’t ang tunay na nagtayo ng Iglesia ni Cristo rito sa Pilipinas ay hindi si Kapatid na Felix Manalo, kundi ang Diyos at si Cristo.

ANO ANG PANGALANG ITATAWAG SA MGA TUPA NI
JESUS NA LILITAW SA PILIPINAS NA ISANG IGLESIA?
Sa Isa. 43:7, ay ganito ang pahayag ng hula:

“Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.

Ayon sa pahayag ng hula, ang mga tupa ni Jesus na lilitaw sa Pilipinas na isang Iglesia ay tatawagin sa pangalang nilikha o ginawa ng Diyos.  Alin ang pangalang nilikha o ginawa ng Diyos?  Ang pangalang Cristo, ito ang pangalang ginawa ng Diyos (Gawa 2:36).  Papaano kung itawag ang pangalang Cristo sa mga tupa ni Cristo?  Iglesia ni Cristo kung itawag (Roma 16:16).  Kung gayon, ang pangalang Iglesia ni Cristo na itinawag sa mga tupa ni Jesus na lilitaw sa Pilipinas, ay hindi kinatha ni Kapatid na Manalo.  Ang Diyos ang gumawa ng pangalang ito, kaya ito’y mahalagang pangalan.  Ano ang kahalagahan ng pangalang Cristo o Iglesia ni Cristo?  Sa Gawa 4:10, 12, ay ganito ang sinasabi:

“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.

“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.

Dito’y tinitiyak sa atin ang kahalagahan ng pangalang Cristo na siyang itinawag sa iglesiang lilitaw sa Pilipinas ayon sa itinakda ng hula.  Nasa pangalang ito ang kaligtasan.  Sa ibang pangalan ay walang kaligtasan.  Sa pangalang Katoliko, Protestante, Aglipay, at iba pa, ay walang kaligtasan.  Ang ibinigay ng Diyos na pangalang ikaliligtas ng mga tao sa silong ng langit ay ang pangalang Cristo.  Kaya’t sa pangalang ito dapat tawagin ang taong nagnanais magtamo ng kaligtasan.  Bakit maliligtas ang taong sasampalataya sa pangalan ni Cristo, at bakit hindi maliligtas ang hindi sasampalataya sa pangalang ito?  Sa Juan 3:18, ay ganito ang sinasabi:

“Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.

Bakit maliligtas ang sumasampalataya sa pangalan ni Cristo?  Sapagkat ang sumasampalataya sa pangalan ni Cristo ay hindi hinahatulan.  Bakit naman hindi maliligtas ang hindi sumasampalataya?  Sapagkat hinatulan na ang hindi sumasampalataya sa pangalan ni Cristo.  Bakit naman hindi na hinahatulan ang sumasampalataya sa pangalan ni Cristo?  Sapagkat ang kanilang mga kasalanan ay ipinatawad na dahil sa pangalan ni Cristo (I Juan 2:12).  Ang hindi sumampalataya sa pangalan ni Cristo ay hindi magtatamo ng kapatawaran, kaya sila’y hinatulan na.

KAILAN ITINAKDA NG HULA ANG PAGLITAW SA
PILIPINAS NG IGLESIA NI CRISTO NA MGA TUPA NI JESUS?
     Ayon sa hulang sinipi na natin sa unahan nito (Isa. 43:5-6), ang panahong itinakda ng Diyos sa paglitaw ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas ay sa mga wakas ng lupa.  Kailan itong mga wakas ng lupa?  Upang matiyak natin ito, kailangan nating pag-aralan ang pagkakahati ng panahon ni Cristo.  Sa ilang hati nababahagi ang panahon ni Cristo?  Sa Apoc. 5:1, ay ganito ang sinasabi:

“At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak.

Mapapansin natin sa pagbasa ng talatang ito na tila malayo ang sagot sa ating tanong.  Ang itinatanong natin ay kung ilang bahagi nahahati ang pahanon ni Cristo, ang isinagot sa ati’y isang aklat na may pitong tatak.  Tunay na aklat kaya itong natatatakan ng pitong tatak?  Sa Isa. 29:11, ay ganito naman ang nakasulat:

At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't natatatakan.

Samakatuwid, hindi tunay na aklat sa kalagayan itong aklat na natatatakan ng pitong tatak kundi ito’y pangitain.  Ang panahon ba ni Cristo’y ipinakita nga sa pangitain?  Sa Apoc. 1:10, 17-19, ay ganito ang sinasabi:

“Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak.

“At nang siya'y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at ang huli,

“At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.

“Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating.

Ipinakita ba sa pangitain ang panahon ni Cristo?  Ipinakita kay Apostol Juan upang maisulat niya ang mga pangyayaring magaganap sa boong panahon ni Cristo.  Sa ilang bahagi nahahati ang buong panahon ni Cristo?  Nahahati sa pitong tatak o pitong buko ng panahon.  Alin sa pitong bukong ito ng panahon o pitong tatak ang tinatawag na mga wakas ng lupa?  Sa dulo ng ikaanim na tatak at sa simula ng ikapitong tatak.  Ito ang tinatawag na mga wakas ng lupa.  Bakit ang sabi’y mga wakas?  Sapagkat ang dulo ng ikaanim na tatak ay isang wakas at ang simula ng ikapito’y wakas din, sapagkat ito ang wakas na hati ng panahon ni Cristo, at sa dulo ng ikapitong tatak ay wakas naman ng sanlibutan, kaya kung tawagin ang dulo ng ikaanim at simula ng ikapitong tatak ay mga wakas ng lupa.  Anong petsa ito sa ating kalendaryo?  Upang ito’y matiyak natin, alamin muna natin ang pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na tatak.  Ano ba ang pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na tatak?  Sa Apoc. 6:12, ay ganito ang sinasabi:

“At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak …”

Sinasabi ritong binuksan ang ikaanim na tatak.  Ano ang pangyayaring naganap sa dulo nito?  Sa talatang 15, ay ganito ang sinasabi:

“At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok.

Ano ang pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na tatak?  Nagsipagtago sa yungib ang lahat ng uri ng mga tao mula sa hari hanggang sa mga alipin.  Ano ang dahilan ng pagtatago sa yungib ng mga tao?  Sa Jer. 4:13, 19, ay ganito ang sinasabi:

“Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.

“Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.

Bakit nagtago sa mga yungib ang mga hari, prinsipe, mga pangulong kapitan, mga mayayaman, mga makapangyarihan, mga alipin at mga laya sa dulo ng ikaanim na tatak?  Sapagkat may naganap na digmaan nang panahong yaon. E, ano kung may digmaan, bakit nagsipagtago ang mga tao?  Ang digmaang ito’y ginamitan ng mga makabagong kasangkapang pandigma, gaya ng mga karo na parang ipu-ipo (mga tangke) at mga kabayong matulin pa sa mga agila (mga tangke) at mga kabayong matulin pa sa mga agila (mga eroplano)—tinatawag itong ‘aerial cavalry’ o kabayuhang panghimpapawid (World History, pahina 478).  Kapag sumasalakay ang mga eroplano’y may hudyat na tumutunog—ito ang tunog ng mga sirena—na nagbabala sa mga tao na may pagsalakay mula sa himpapawid.  Kapag narinig ito ng mga tao’y kumakaba ang kanilang mga dibdib, at sila’y nagsisipagtago sa mga yungib na sa makabagong tawag ay ‘air raid shelter.’  Anong uring digmaan itong magaganap sa dulo ng ikaanim na tatak ayon sa hula ng Diyos?  Ito’y digmaan ng lahat ng mga bansa sa boong sanlibutan (Isa. 34:1-2),  samakatuwid ay Digmaang Pandaigdig.  Kailan ito naganap ayon sa ating kalendaryo?  Noong 1914.  Ang panahong ito ang tinatawag ng Biblia na mga wakas ng lupa.  Sa panahong ito itinakda ng hula ang paglitaw sa Pilipinas ng Iglesia ni Cristo na mga tupa ni Jesus.  Natupad ba ang hula?  Natupad!  Ang Iglesia ni Cristo ay napatala sa Pamahalaan noong Hulyo 27, 1914.  Sino ang tunay na nagtayo ng Iglesia ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914?  Hindi si Kapatid na Manalo kundi ang Diyos at si Cristo. *

Hango mula sa aklat na ISANG PAGBUBUNYAG SA IGLESIA NI CRISTO/1964/KABANATANG XVI/PAHINA 128-138











Linggo, Pebrero 1, 2015

KALOOBAN NG DIYOS ANG NASUSUNOD SA TUNAY NA RELIHIYON

KALOOBAN NG DIYOS ANG NASUSUNOD SA TUNAY NA RELIHIYON
Ang Simulaing Dapat Isaalang-alang Sa Paglilingkod Sa Diyos

Bienvenido C. Santiago

SA DAMI ng mga nakatatag na relihiyon sa kasalukuyan, may mga taong naguguluhan at nalilito at hindi malaman kung alin sa mga ito ang paniniwalaan.  Kung tatanungin ang mga kaanib ng mga relihiyong ito, lalo na kung ang makakausap ay iyong deboto o sarado, ay tiyak na sasabihing ang relihiyon nila ang totoo at tunay.  Ngunit hindi maaaring pare-parehong tunay ang lahat ng relihiyon sapagkat magkakaiba at magkakasalungat ang aral na itinataguyod ng bawat isa.  Imposibleng maging parehong totoo ang magkasalungat na paniniwala.  Kaya nakalilito sa iba ang bagay na ito.

“Para walang pagtatalo,” ang sabi ng iba, “mabuti pang huwag nang pag-usapan kung alin ang tunay na relihiyon.”  Huwag na rin daw hanapin kung sino ang nagtataglay ng wastong aral dahil kani-kaniyang paniniwala iyan, dagdag pa nila.  Sa palagay nila hindi ang mahalaga ay kung anong pangkatin ang kinaaaniban ng tao o kung ano ang mga aral na taglay nila kundi kung ang mga utos at alituntunin ng kinaaaniban nilang relihiyon ay kanilang isinasagawa.  Tutal, lahat naman daw ng relihiyon ay may magandang layunin.  May nagsasabi pa, “Hindi bale kung ano ang relihiyon mo, okey ka basta’t naniniwala ka sa Diyos.”

At basta hindi gumagawa ng masama sa kapuwa o lumalabag sa batas ng alinmang relihiyon ay hindi raw dapat tutulan.  Ang dapat daw tingnan ay kung ibinubuhay ng tao ang kaniyang relihiyon.  Tungkol sa mga aral at mga gawain ng kinabibilangang relihiyon, hindi raw ang mahalaga ay kung saan nanggaling ang mga ito; ang mahalaga raw ay ipinatutungkol iyon sa Diyos at ginagamit sa paglilingkod sa Kaniya.  Humigit-kumulang ay ganito ang karaniwang pananaw ng maraming tao tungkol sa relihiyon.

Madaling natatanggap ng tao ang ganitong paniniwala at sa biglang tingin pa nga ay parang isang matalinong pagkaunawa.  Bakit daw pagtatalunan ang paniniwalang pangrelihiyon gayong ito ay isang pribadong bagay?  At ang tanong nila:  Hindi ba mas mabuting patakaran ang pagpaparaanan o pagbibigayan sa mga paniniwalang pangrelihiyon upang maiwasan ang malubhang hidwaan at sigalutan?  Ngunit kung ating lilimiin at lalaliman ang pag-aaral sa isyung ito ay makikita natin na ang gayong mga karaniwang paniniwala ay hindi wasto at mapanganib dahil isinasalalay nito ang isang napakahalagang bagay sa isang pagbabakasakali o kawalang-katiyakan.

Sa kabilng dako, mayroon din namang mga taong ayaw ipakipagsapalaran ang kaligtasan ng kanilang kaluluwa kaya taus-puso ang paghanap nila sa katotohanan.  Ipinagtatanong nila kung alin ang tunay na relihiyon.  Inaalam nila kung paano ang wastong paglilingkod sa Diyos na pagdating ng araw ay hindi nila pagsisisihan.  Paano makatitiyak ang tao na tinatanggap at pinahahalagahan ng Diyos ang kaniyang paglilingkod?

Ang problema ay kung paano matitiyak ng tao na ang napili niyang relihiyon ay yaong totoo at tunay.  Alin ang paniniwalaan niya sa napakaraming relihiyon na iba’t iba ang turo at iba’t iba ang ginagamit na pamantayan at sukatan sa pagtiyak kung alin ang totoo?  Sabi ng iba:  Alin ba ang pinakauna sa mga relihiyon?  Ang tanong naman ng iba:  Alin ang may pinakamaraming miyembro?  Ang iba naman:  Alin ang may pinakamaraming tradisyon at may pinakamarangyang mga rituwal?  Alin ang may pinakadetalyadong teolohiya, atbp?

Ang Prinsipyong Nakapaloob
Pag-aralan natin ang pangunahing simulaing nakapaloob sa isyung ito.  Ano ba ang prinsipyong dapat isaalang-alang kailan pa man at ang pinag-uusapan ay paglilingkod sa Diyos?  Sa Deuteronomio 12:8 at 4 ay ganito ang nakasulat:

“Hindi ninyo gagawin ang ginagawa natin dito ngayon, anumang magustuhan ng isa’t isa,

“huwag ninyong sasambahin ang PANGINOON ninyong Diyos sa paraan ng kanilang pagsamba.” (New Pilipino Version)

Ito ang tagubilin sa mga Israelita, ang bayan ng Diyos noong una.  Hindi sila pinahihintulutan na sa paglilingkod nila sa Diyos ay gawin nila ang anumang magustuhan nila.  Hindi rin sila pinahihintulutan na sa pagsamba nila sa Diyos ay gamitin nila ang paraan ng pagsamba ng mga taga ibang lupain o ibang bansa:  “Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon ninyong Diyos sa paraan ng kanilang pagsamba.”  Samakatuwid, hindi tinatanggap ng Diyos ang lahat ng pagsambang iniuukol sa Kaniya.  Noong unang panahon, hindi itinuturing na tunay ang pagsamba ng mga taong hindi Israelita, sapagkat ang pinagkalooban lamang noon ng tunay na pagsamba ay ang mga Israelita.  Ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:

“Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya … Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako.” (Roma 9:4, Magandang Balita Biblia)

Pinabubulaanan ng katotohanang ito ang karaniwang paniniwala, na lahat ng pagsamba ay tinatanggap ng Diyos.  Ayon sa Biblia ay may tunay na pagsamba (kaya mayroon ding hindi tunay) at ang pagsasagawa ng tunay na pagsamba ay karapatang ibinigay sa mga nasa loob ng bayan ng Diyos, sa tunay na relihiyon.  Doon ay hindi ang sariling kagustuhan ng tao ang nasusunod.  Kaya nga sila’y binigyan ng Kautusan.  At ang mahigpit na tagubilin sa kanila ay, “Sundin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo;  huwag kayong magdaragdag o magbabawas man” (Deut. 12:32, NPV).

Ito ang prinsipyo na dapat matupad sa paglilingkod sa Diyos:  Ang Diyos ang dapat masunod sapagkat Siya ang paglilingkuran. 

Itinuro ba ni Cristo na ang prinsipyong ito ang dapat sundin ng isang naglilingkod?  Sa Juan 12:26 ay ganito ang Kaniyang pahayag:

“Sinumang naglilingkod sa akin ay kailangang sumunod sa akin; at kung saan ako naroon, nandoon din ang aking lingkod …” (Ibid.)

Ang naglilingkod ay kailangang sumunod sa pinaglilingkuran niya.  Makatwiran at madaling maunawaan ang prinsipyong ito.  May mga tao na dahil sa mataas na kalagayan o dahil sa kayamanan at kapangyarihang taglay ay pinaglilingkuran ng kaniyang kapuwa tao.  Hindi siya ang sumusunod sa naglilingkod sa kaniya, sa halip, ang naglilingkod ang sumusunod sa kaniya.  At kung dumating ang panahon na ayaw nang sumunod ng naglilingkod sa kaniya ito’y kaniyang inaalisan ng karapatang maglingkod.  Ito rin ang simulaing itinuro ni Cristo:  “Sinumang naglilingkod sa akin ay kailangang sumunod sa akin.”

Iginalang ba at tinupad ni Cristo ang simulaing ito na itinuro Niya?  Si Cristo ang unang gumalang dito ayon sa pahayag Niya sa Juan 5:30:

“Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang.  Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ng kalooban ng nagsugo sa akin.” (MB)

Si Cristo na ‘yan!  Napakadakila ng mga katangiang kaloob sa Kaniya ng Diyos.  Ngunit hindi nangahas si Jesus na ang gamitin Niya sa paglilingkod sa Diyos ay ang Kaniyang sariling kalooban.  Ang sinunod Niya ay ang kalooban ng nagsugo sa Kaniya.  Sadyang ito ang nararapat:  Ang naglilingkod ay dapat sumunod sa kaniyang pinaglilingkuran.

May kinalaman ba sa pagpasok sa kaharian ng langit ang pagsunod sa simulaing ito?  Ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo ay:

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.” (Mat. 7:21, Ibid.)

Napakahalaga, kung gayon, ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Ang kalooban Niya ang dapat masunod ng naglilingkod sa Kaniya upang makatiyak ng pagpasok sa kaharian ng langit.

Kung mauunawaan at gagamitin ng tao ang prinsipyong ito sa paglilingkod sa Diyos, hindi siya maguguluhan o mahihirapan sa paghanap ng tunay na relihiyon.  Ang relihiyon na ang sinusunod ay pawang mga utos ng Diyos, at pinagkalooban ng karapatan sa pamamagitan ng paghirang, ang siyang tunay na relihiyon na dapat aniban ng tao.

Sapat Na Ba kapag Maganda Ang Layunin?
Subalit ang iminamatuwid ng iba ay:  “Hindi ba sapat ang magandang layunin—ang makalugod sa Diyos—upang ang paglilingkod ng tao ay pahalagahan ng Diyos?  Bakit dapat pang tiyaking wasto ang paraan ng paglilingkod?  May paniniwala ang iba:  “The end justifies the means.”  Nabibigyang-katuwiran daw ng layunin ang pamamaraang ginamit.

Hindi dapat gamitin ang ganitong patakaran sa paglilingkod sa Diyos.  Sapagkat ito mismo ang pinuna ng mga apostol sa ibang mga tao na naglilingkod din sa Diyos at nagsisikap na makalugod sa Kaniya.

“Mapatutunayan kong sila’y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan.  Sapagkat hindi nila nakilala ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.” (Roma 10:2-3, Ibid.)

Malinaw na natatawaran ang magandang layunin na makalugod sa Diyos kung mali ang batayan.  Alin ang maling batayan?  Kapag ang tao ay nagtayo ng sariling pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.  Kaya, ang dapat gamitin sa paglilingkod sa Diyos ay ang pamamaraan ng Diyos.  Kaloooban Niya ang dapat sundin ng taong maglilingkod upang masalig ito sa simulain na itinuturo ng Biblia.

Hindi kaya tanggapin na rin ang pagsamba ng isang tao, kahit ang batayan ay aral na gawa lamang ng tao, kung iniuukol naman niya ito sa Diyos?  May pasiya na ang Diyos tungkol dito at iyon ay mababasa natin sa Mateo 15:9:

“Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

Ito’y nagpapatunay na hindi lahat ng pagsamba ay tinatanggap ng Diyos kahit na ang lahat ng ito ay pawang ipinatutungkol sa Kaniya.  Ang pagsambang salig sa utos ng tao ay walang kabuluhan sa harap ng Diyos, kahit na ang gayong pagsamba ay kinapapalooban pa ng mariringal na rituwal at mararangyang seremonyang daan-daang taon nang isinasagawa ng tao.  Sapagkat sa paglilingkod ng tao sa Diyos, ang gusto ng Diyos ang dapat na matupad at hindi ang gusto ng tao.

Maaaring itanong naman ng iba:  “Kung lakipan ng pagpapakasakit, pagpapahirap sa katawan ..?”  May sagot na rin diyan ang Biblia:

“(Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?

“Ang mga bagay na iya’y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni’t walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.” (Col. 2:22-23)

Samakatuwid, ang alinmang relihiyon o alinmang paglilingkod na ginagawa ng tao para sa Diyos ay hindi tatanggapin ng Diyos at mawawalan ng kabuluhan kung ang ginagamit na paraan ay paraang gawa lamang ng tao at kung ang mga aral na tinutupad at pinagbabatayan sa paglilingkod ay aral at utos na gawa lamang ng tao.  Sayang ang gayong mga paglilingkod.  Kaya dapat suriin ng tao ang mga aral na tinutupad niya sa relihiyong kaniyang kinabibilangan.  Saan nanggaling ang mga ito?  Baka nilikha lamang ito ng mga konsilyo ng tao, o kaya ay kung sinu-sinong teologo o mga mangangaral.  Kung hindi aral ng Diyos ang saligan ng pagsamba ay walang kabuluhan ang gayong pagsamba.

Nagpapakilalang Cristiano Ngunit Sinungaling
Subalit maaaring isipin ng iba na hindi naman siguro ganyan ang karamihan sa mga taong nagrerelihiyon ngayon.  Hindi ba sa panahon natin ay waring napakarelihiyoso ng tao?  Sa katunayan ay napakaraming nakatatag na relihiyon ngayon.  Ngunit ano ang ibinabala ng mga apostol na magiging ugali ng mga tao pagdating ng panahon?  Ganito ang paunang pahayag ni Apostol Pablo:

“Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig.  Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig.” (II Tim. 4:3, MB)

Pansinin natin ang sinabi ni Apostol Pablo na darating ang panahon na hindi na pakikinggan ng tao ang wastong aral.  Sa panahon natin ngayon ay maraming nagsasabi na hindi na raw dapat pag-usapan kung alin ang wastong aral.  Kani-kaniyang paniniwala raw iyan na wari’y ibig palitawin na walang wasto at walang maling aral sapagkat lahat naman daw ay ginagawa para sa Diyos.  Iyan ang ibinabala ng mga apostol.  Ipinagpauna rin nila na ang mga guro na pakikinggan ng mga tao ay yaong magtuturo ng mga bagay lamang na gusto nilang marinig.  Nangyayari rin iyan sa panahong ito.  Ayaw ng tao na pakinggan ang mga nangangaral na ang itinuturo ay ang mga aral ng Diyos sapagkat inaakala nila na mahirap tuparin ang mga ito at sasagasaan ang kanilang mga bisyo at masasamang gawain.

Ang malaking kabalintunaan nito’y ang marami sa kanila’y nag-aakala at nagpapakilalang sila’y Cristiano. Lalo na iyong nagsasabing tinanggap na raw nila si Cristo na kanilang Panginoon at pansariling Tagapagligtas.  Ano ang sinasabi ni Apostol Juan tungkol sa kanila?  Sa I Juan 2:4 ay ganito ang sinasabi:

“Maaaring sabihin ng isang tao, ‘Ako ay isang Cristiano; Ako ay nasa daang patungo sa langit; Ako ay na kay Cristo’.  Ngunit kung hindi naman niya ginagawa ang iniuutos sa kanya ni Cristo na gawin niya, siya’y isang sinungaling.” (salin sa Pilipino mula sa The Living Bible)

Ang isang Cristiano ay tagasunod ni Cristo.  Kaya ang hindi sumusunod kay Cristo ay hindi tunay na Cristiano.  Ang sabi ni Apostol Juan, ang gayon ay sinungaling.  At ang sinungaling, ayon kay Cristo, ay hindi sa Diyos kundi sa diablo (cf. Juan 8:44).

Samakatuwid, hindi totoo na lahat ng relihiyon ay pare-parehong sa Diyos.  Ang sa Diyos ay yaon lamang tunay na relihiyon.  Ang mga sinungaling at hindi totoo ay sa diablo.

Bakit nahulog ang napakaraming tao sa kasinungalingan?  Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

“Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig.  Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig.

“Ibabaling nila sa mga alamat ang kanilang pansin at hindi na nila pakikinggan ang katotohanan.”  (II Tim. 4:3-4, MB)

Masamang tanggihan ng tao ang katotohanan.  Ang ayaw makinig sa katotohanan ay mahuhulog sa paniniwala sa kasinungalingan.

Isa Sa Mga Utos Na Dapat Sundin
May mga tao ba na tumangging sumunod sa mga utos ng Diyos?  Alin ang isa sa mga utos ng Diyos na tahasang tinanggihan ng tao?  Sa Jeremias 6:16 ay ganito ang nakasulat:

“Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan:  ‘Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang dating landas, alamin kung nasaan ang pinakamabuting daan.  Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan’.  Subalit ang sabi nila, ‘Ayaw naming dumaan doon’.” (Ibid.)

Malinaw ang utos ng Diyos:  Hanapin ang mabuting daan at doon lumakad.  Subalit ang sabi naman ng tao ay, “Ayaw naming dumaan doon.”  Ito ay tandisang pagsuway sa utos ng Diyos.  Dahil dito ipinasiya ng Diyos ang ganito:

“Makinig ang buong sanlibutan!  Ang mga taong ito ay mapapahamak at iyon ang nararapat sa kanila, pagkat hindi nila tinalima ang aking kautusan.” (Jer. 6:19, Ibid.)

Ang hindi pagtalima sa kautusan ng Diyos ay ikapapahamak.  Kaya, nagkakamali ang mga taong nagsasabing hindi na raw dapat hanapin kung alin ang tunay na relihiyon o kung sino ang nagtataglay ng wastong aral.  Ang utos ng Diyos ay hanapin ang dating landas, ang pinakamabuting daan.

Alin o sino ang pinakamabuting daan?

Si Cristo mismo ang nagpatotoo na siya ang pintuang dinaraanan ng mga tupa (cf. Juan 10:7).  Siya rin ang may utos na ang tao ay pumasok sa Kaniya.  Ang utos na ito ay may tuwirang kinalaman sa kaligtasan, sapagkat ayon kay Cristo ang pumasok sa Kaniya ay maliligtas (cf. Juan 10:9).  Ang utos na ito ay ayaw talimahin ng maraming tao bagaman maaaring hindi nila ito aminin.  Sino nga namang tao na nakakaalam na si Cristo ay Tagapagligtas ang tatangging sumunod sa Kaniyang utos?  Subalit sa katotohanan ay may mga taong ayaw sumunod sa utos ni Cristo.  Upang makilala natin kung sino ang hindi pa nakapapasok kay Cristo o  hindi pa nakasusunod ay alamin natin kung sino ang nakapasok na.  Saan sila napaloob?  Sa saling Revised English Bible ng Juan 10:9 ay sinasabing sila ay pumasok sa loob ng kawan:  “I am the door; anyone who comes into the fold through me will be safe.”  Ang kawan o “fold” ay ang Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa).

Maliwanag na ang nakasunod sa utos ni Cristo ay yaong nasa loob ng Iglesia ni Cristo; sila ang pumasok kay Cristo.  Sa kabilang dako, ang tumatangging pumasok sa tunay na Iglesia ni Cristo ay ayaw tumalima sa utos ni Cristo.

Kaya, nagkakamali ang mga nag-aakala na hindi mahalaga kung aling relihiyon ang inaaniban ng tao, at nagsasabing ang mahalaga lang daw ay kung ang mga aral at tuntunin ng relihiyong kinaaaniban niya ay sinusunod niya.  Talagang dapat sundin ang lahat ng mga aral at mga tuntunin ng relihiyon kung ang relihiyong iyon ay tunay.  Ang pag-anib sa tunay na Iglesia ay isa sa mga utos ng Diyos.  Salungat sa aral ng Diyos ang karaniwang paniniwala na hindi bale kung ano ang relihiyon mo, basta ang mahalaga ay naniniwala ka sa Diyos.  Dapat maniwala at sumampalataya ang tao sa Diyos subalit hindi sapat na mamutawi lamang ito sa kaniyang labi; dapat niyang ihayag ang paniniwalang ito sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng Diyos.

Sa panahong ito ay malimit tayong makarinig ng mga taong nagsasabing hindi raw kailangan ang pag-anib sa iglesia.  Hindi raw kailangan ang relihiyon.  Sapat na raw ang sumampalataya lamang kay Cristo upang ang tao ay maligtas.

Mahalaga at kailangan ang pananampalataya.  Ngunit, ayon sa Biblia, ‘ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang” (Sant. 2:24, MB).  Nilinaw na mainam ng Panginoong Jesucristo na, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit” (Mat. 7:21, Ibid.).

Kaya, bagaman maganda ang layunin ng mga nagsasabing sapat na ang sumampalataya lamang at hindi na kailangan ang gawa upang ang tao’y maligtas, gayunman ay mali ang kanilang pamamaraan, sapagkat hindi kasang-ayon ng kalooban ng Diyos na nakasulat sa Biblia.  Ang gayon ay hindi tunay na naglilingkod sa Diyos at wala sa tunay na relihiyon sapagkat sa tunay na relihiyon ay ang gusto ng Diyos ang nasusunod.

Sa harap ng mga katotohanang iyan, dapat suriin ng tao ang relihiyon na kaniyang kinabibilangan o, kung wala siyang kinaaanibang pangkatin ng pananampalataya, ang prinsipyong pinanghahawakan niya sa ginagawa niyang paglilingkod sa Diyos.  Itanong niya sa kaniyang sarili:  “Utos ba ng Diyos na nakasulat sa Biblia ang tinutupad ko?  Nakasalig ba sa aral ng Diyos ang aking pananampalataya?  Ang Diyos ba na aking sinasamba ay ang Diyos na ipinakikilala ng Biblia?  Ang katotohanan ba na itinuro ng Tagapagligtas para sa ikaliligtas ng tao ay natanggap at natupad ko na?  Utos ba ng Diyos, at hindi utos na  ginawa lamang ng tao, ang aking isinasagawa sa paglilingkod sa Diyos?”

Hindi dapat magbaka-sakali ang tao sa pagpapasiya tungkol sa bagay na ito, sapagkat kapag inabot siya ng Paghuhukom na nasa maling paraan ng paglilingkod sa Diyos, ang kasawiang sasapitin niya ay hindi na malulunasan kahit ng kapait-paitang pagsisisi.

Dapat matiyak ng tao na ang prinsipyong pinanghahawakan niya sa paglilingkod sa Diyos ay yaong itinuro ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo upang maging katanggap-tanggap at magkaroon ng kabuluhan ang kaniyang mga pagsamba sa Diyos.*

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/SEPTEMBER-OCTOBER 1993/PAGES 18-21, 24/VOL. 45/NO. 5/ISSN 0116-1636