KALOOBAN NG
DIYOS ANG NASUSUNOD SA TUNAY NA RELIHIYON
Ang Simulaing Dapat Isaalang-alang Sa Paglilingkod Sa
Diyos
Bienvenido C.
Santiago
SA DAMI ng mga nakatatag na relihiyon sa kasalukuyan, may
mga taong naguguluhan at nalilito at hindi malaman kung alin sa mga ito ang
paniniwalaan. Kung tatanungin ang mga
kaanib ng mga relihiyong ito, lalo na kung ang makakausap ay iyong deboto o
sarado, ay tiyak na sasabihing ang relihiyon nila ang totoo at tunay. Ngunit hindi maaaring pare-parehong tunay ang
lahat ng relihiyon sapagkat magkakaiba at magkakasalungat ang aral na
itinataguyod ng bawat isa. Imposibleng
maging parehong totoo ang magkasalungat na paniniwala. Kaya nakalilito sa iba ang bagay na ito.
“Para walang pagtatalo,” ang sabi ng iba, “mabuti pang
huwag nang pag-usapan kung alin ang tunay na relihiyon.” Huwag na rin daw hanapin kung sino ang
nagtataglay ng wastong aral dahil kani-kaniyang paniniwala iyan, dagdag pa
nila. Sa palagay nila hindi ang mahalaga
ay kung anong pangkatin ang kinaaaniban ng tao o kung ano ang mga aral na
taglay nila kundi kung ang mga utos at alituntunin ng kinaaaniban nilang
relihiyon ay kanilang isinasagawa.
Tutal, lahat naman daw ng relihiyon ay may magandang layunin. May nagsasabi pa, “Hindi bale kung ano ang
relihiyon mo, okey ka basta’t naniniwala ka sa Diyos.”
At basta hindi gumagawa ng masama sa kapuwa o lumalabag
sa batas ng alinmang relihiyon ay hindi raw dapat tutulan. Ang dapat daw tingnan ay kung ibinubuhay ng
tao ang kaniyang relihiyon. Tungkol sa
mga aral at mga gawain ng kinabibilangang relihiyon, hindi raw ang mahalaga ay
kung saan nanggaling ang mga ito; ang mahalaga raw ay ipinatutungkol iyon sa
Diyos at ginagamit sa paglilingkod sa Kaniya.
Humigit-kumulang ay ganito ang karaniwang pananaw ng maraming tao
tungkol sa relihiyon.
Madaling natatanggap ng tao ang ganitong paniniwala at sa
biglang tingin pa nga ay parang isang matalinong pagkaunawa. Bakit daw pagtatalunan ang paniniwalang
pangrelihiyon gayong ito ay isang pribadong bagay? At ang tanong nila: Hindi ba mas mabuting patakaran ang
pagpaparaanan o pagbibigayan sa mga paniniwalang pangrelihiyon upang maiwasan
ang malubhang hidwaan at sigalutan?
Ngunit kung ating lilimiin at lalaliman ang pag-aaral sa isyung ito ay
makikita natin na ang gayong mga karaniwang paniniwala ay hindi wasto at
mapanganib dahil isinasalalay nito ang isang napakahalagang bagay sa isang
pagbabakasakali o kawalang-katiyakan.
Sa kabilng dako, mayroon din namang mga taong ayaw
ipakipagsapalaran ang kaligtasan ng kanilang kaluluwa kaya taus-puso ang
paghanap nila sa katotohanan.
Ipinagtatanong nila kung alin ang tunay na relihiyon. Inaalam nila kung paano ang wastong
paglilingkod sa Diyos na pagdating ng araw ay hindi nila pagsisisihan. Paano makatitiyak ang tao na tinatanggap at
pinahahalagahan ng Diyos ang kaniyang paglilingkod?
Ang problema ay kung paano matitiyak ng tao na ang napili
niyang relihiyon ay yaong totoo at tunay.
Alin ang paniniwalaan niya sa napakaraming relihiyon na iba’t iba ang
turo at iba’t iba ang ginagamit na pamantayan at sukatan sa pagtiyak kung alin
ang totoo? Sabi ng iba: Alin ba ang pinakauna sa mga relihiyon? Ang tanong naman ng iba: Alin ang may pinakamaraming miyembro? Ang iba naman: Alin ang may pinakamaraming tradisyon at may
pinakamarangyang mga rituwal? Alin ang
may pinakadetalyadong teolohiya, atbp?
Ang Prinsipyong Nakapaloob
Pag-aralan natin ang pangunahing simulaing nakapaloob sa
isyung ito. Ano
ba ang prinsipyong dapat isaalang-alang kailan pa man at ang pinag-uusapan ay
paglilingkod sa Diyos? Sa
Deuteronomio 12:8 at 4 ay ganito ang nakasulat:
“Hindi ninyo gagawin ang ginagawa natin dito ngayon,
anumang magustuhan ng isa’t isa,
“huwag ninyong sasambahin ang PANGINOON ninyong Diyos sa
paraan ng kanilang pagsamba.” (New
Pilipino Version)
Ito ang tagubilin sa mga Israelita, ang bayan ng Diyos
noong una. Hindi sila pinahihintulutan
na sa paglilingkod nila sa Diyos ay gawin nila ang anumang magustuhan
nila. Hindi rin sila pinahihintulutan na
sa pagsamba nila sa Diyos ay gamitin nila ang paraan ng pagsamba ng mga taga
ibang lupain o ibang bansa: “Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon
ninyong Diyos sa paraan ng kanilang pagsamba.” Samakatuwid, hindi tinatanggap ng Diyos ang
lahat ng pagsambang iniuukol sa Kaniya.
Noong unang panahon, hindi itinuturing na tunay ang pagsamba ng mga
taong hindi Israelita, sapagkat ang pinagkalooban lamang noon ng tunay na
pagsamba ay ang mga Israelita. Ganito
ang patotoo ni Apostol Pablo:
“Sila’y mga Israelita at
itinuring ng Diyos na mga anak niya … Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa
kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako.”
(Roma 9:4, Magandang Balita Biblia)
Pinabubulaanan ng katotohanang ito ang karaniwang
paniniwala, na lahat ng pagsamba ay tinatanggap ng Diyos. Ayon sa Biblia ay may tunay na pagsamba (kaya
mayroon ding hindi tunay) at ang pagsasagawa ng tunay na pagsamba ay karapatang
ibinigay sa mga nasa loob ng bayan ng Diyos, sa tunay na relihiyon. Doon ay hindi ang sariling kagustuhan ng tao
ang nasusunod. Kaya nga sila’y binigyan
ng Kautusan. At ang mahigpit na
tagubilin sa kanila ay, “Sundin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo; huwag kayong magdaragdag o magbabawas man”
(Deut. 12:32, NPV).
Ito ang prinsipyo na dapat matupad sa paglilingkod sa
Diyos: Ang Diyos ang dapat masunod sapagkat Siya ang paglilingkuran.
Itinuro ba ni Cristo na ang
prinsipyong ito ang dapat sundin ng isang naglilingkod? Sa Juan 12:26 ay ganito ang Kaniyang pahayag:
“Sinumang naglilingkod sa akin ay kailangang sumunod sa
akin; at kung saan ako naroon, nandoon din ang aking lingkod …” (Ibid.)
Ang naglilingkod ay kailangang sumunod sa
pinaglilingkuran niya. Makatwiran at
madaling maunawaan ang prinsipyong ito.
May mga tao na dahil sa mataas na kalagayan o dahil sa kayamanan at
kapangyarihang taglay ay pinaglilingkuran ng kaniyang kapuwa tao. Hindi siya ang sumusunod sa naglilingkod sa
kaniya, sa halip, ang naglilingkod ang sumusunod sa kaniya. At kung dumating ang panahon na ayaw nang
sumunod ng naglilingkod sa kaniya ito’y kaniyang inaalisan ng karapatang
maglingkod. Ito rin ang simulaing
itinuro ni Cristo: “Sinumang naglilingkod sa akin ay kailangang sumunod sa akin.”
Iginalang ba at tinupad ni Cristo
ang simulaing ito na itinuro Niya?
Si Cristo ang unang gumalang dito ayon sa pahayag Niya sa Juan 5:30:
“Wala akong ginagawa sa
sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa
sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ng kalooban ng
nagsugo sa akin.” (MB)
Si Cristo na ‘yan!
Napakadakila ng mga katangiang kaloob sa Kaniya ng Diyos. Ngunit hindi nangahas si Jesus na ang gamitin
Niya sa paglilingkod sa Diyos ay ang Kaniyang sariling kalooban. Ang sinunod Niya ay ang kalooban ng nagsugo
sa Kaniya. Sadyang ito ang
nararapat: Ang naglilingkod ay dapat sumunod sa kaniyang pinaglilingkuran.
May kinalaman ba sa pagpasok sa
kaharian ng langit ang pagsunod sa simulaing ito? Ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo ay:
“Hindi lahat ng tumatawag sa
akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban
ng aking Amang nasa langit.” (Mat. 7:21, Ibid.)
Napakahalaga, kung gayon, ng pagsunod sa kalooban ng
Diyos. Ang kalooban Niya ang dapat
masunod ng naglilingkod sa Kaniya upang makatiyak ng pagpasok sa kaharian ng
langit.
Kung mauunawaan at gagamitin ng tao ang prinsipyong ito
sa paglilingkod sa Diyos, hindi siya maguguluhan o mahihirapan sa paghanap ng
tunay na relihiyon. Ang relihiyon na ang
sinusunod ay pawang mga utos ng Diyos, at pinagkalooban ng karapatan sa
pamamagitan ng paghirang, ang siyang tunay na relihiyon na dapat aniban ng tao.
Sapat Na Ba kapag Maganda Ang Layunin?
Subalit ang iminamatuwid ng iba ay: “Hindi ba sapat ang magandang layunin—ang
makalugod sa Diyos—upang ang paglilingkod ng tao ay pahalagahan ng Diyos? Bakit dapat pang tiyaking wasto ang paraan ng
paglilingkod? May paniniwala ang iba: “The end justifies the means.” Nabibigyang-katuwiran daw ng layunin ang
pamamaraang ginamit.
Hindi dapat
gamitin ang ganitong patakaran sa paglilingkod sa Diyos. Sapagkat ito mismo ang pinuna ng mga apostol
sa ibang mga tao na naglilingkod din sa Diyos at nagsisikap na makalugod sa
Kaniya.
“Mapatutunayan kong sila’y
nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan. Sapagkat hindi nila nakilala ang
pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili
nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.” (Roma
10:2-3, Ibid.)
Malinaw na natatawaran ang magandang layunin na makalugod
sa Diyos kung mali ang batayan. Alin ang
maling batayan? Kapag ang tao ay nagtayo
ng sariling pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos. Kaya, ang dapat gamitin sa paglilingkod sa
Diyos ay ang pamamaraan ng Diyos.
Kaloooban Niya ang dapat sundin ng taong maglilingkod upang masalig ito
sa simulain na itinuturo ng Biblia.
Hindi kaya tanggapin na rin ang
pagsamba ng isang tao, kahit ang batayan ay aral na gawa lamang ng tao, kung
iniuukol naman niya ito sa Diyos?
May pasiya na ang Diyos tungkol dito at iyon ay mababasa natin sa Mateo
15:9:
“Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”
Ito’y nagpapatunay na hindi lahat ng pagsamba ay
tinatanggap ng Diyos kahit na ang lahat ng ito ay pawang ipinatutungkol sa
Kaniya. Ang pagsambang salig sa utos ng
tao ay walang kabuluhan sa harap ng Diyos, kahit na ang gayong pagsamba ay
kinapapalooban pa ng mariringal na rituwal at mararangyang seremonyang
daan-daang taon nang isinasagawa ng tao.
Sapagkat sa paglilingkod ng tao sa Diyos, ang gusto ng Diyos ang dapat
na matupad at hindi ang gusto ng tao.
Maaaring itanong naman ng iba: “Kung
lakipan ng pagpapakasakit, pagpapahirap sa katawan ..?” May sagot na rin diyan ang Biblia:
“(Ang lahat ng mga bagay na
ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?
“Ang mga bagay na iya’y
katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni’t walang anomang kabuluhan laban
sa ikalalayaw ng laman.” (Col. 2:22-23)
Samakatuwid, ang alinmang relihiyon o alinmang
paglilingkod na ginagawa ng tao para sa Diyos ay hindi tatanggapin ng Diyos at
mawawalan ng kabuluhan kung ang ginagamit na paraan ay paraang gawa lamang ng
tao at kung ang mga aral na tinutupad at pinagbabatayan sa paglilingkod ay aral
at utos na gawa lamang ng tao. Sayang
ang gayong mga paglilingkod. Kaya dapat
suriin ng tao ang mga aral na tinutupad niya sa relihiyong kaniyang
kinabibilangan. Saan nanggaling ang mga
ito? Baka nilikha lamang ito ng mga
konsilyo ng tao, o kaya ay kung sinu-sinong teologo o mga mangangaral. Kung hindi aral ng Diyos ang saligan ng
pagsamba ay walang kabuluhan ang gayong pagsamba.
Nagpapakilalang Cristiano Ngunit Sinungaling
Subalit maaaring isipin ng iba na hindi naman siguro
ganyan ang karamihan sa mga taong nagrerelihiyon ngayon. Hindi ba sa panahon natin ay waring
napakarelihiyoso ng tao? Sa katunayan ay
napakaraming nakatatag na relihiyon ngayon.
Ngunit ano ang ibinabala ng mga apostol na
magiging ugali ng mga tao pagdating ng panahon? Ganito ang paunang pahayag ni Apostol Pablo:
“Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan
ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo
kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig.” (II Tim. 4:3, MB)
Pansinin natin ang sinabi ni Apostol Pablo na darating
ang panahon na hindi na pakikinggan ng tao ang wastong aral. Sa panahon natin ngayon ay maraming nagsasabi
na hindi na raw dapat pag-usapan kung alin ang wastong aral. Kani-kaniyang paniniwala raw iyan na wari’y
ibig palitawin na walang wasto at walang maling aral sapagkat lahat naman daw
ay ginagawa para sa Diyos. Iyan ang
ibinabala ng mga apostol. Ipinagpauna rin
nila na ang mga guro na pakikinggan ng mga tao ay yaong magtuturo ng mga bagay
lamang na gusto nilang marinig.
Nangyayari rin iyan sa panahong ito.
Ayaw ng tao na pakinggan ang mga nangangaral na ang itinuturo ay ang mga
aral ng Diyos sapagkat inaakala nila na mahirap tuparin ang mga ito at
sasagasaan ang kanilang mga bisyo at masasamang gawain.
Ang malaking kabalintunaan nito’y ang marami sa kanila’y
nag-aakala at nagpapakilalang sila’y Cristiano. Lalo na iyong nagsasabing
tinanggap na raw nila si Cristo na kanilang Panginoon at pansariling
Tagapagligtas. Ano
ang sinasabi ni Apostol Juan tungkol sa kanila? Sa I Juan 2:4 ay ganito ang sinasabi:
“Maaaring sabihin ng isang tao, ‘Ako ay isang Cristiano;
Ako ay nasa daang patungo sa langit; Ako ay na kay Cristo’. Ngunit kung hindi naman niya ginagawa ang
iniuutos sa kanya ni Cristo na gawin niya, siya’y isang sinungaling.”
(salin sa Pilipino mula sa The Living
Bible)
Ang isang Cristiano ay tagasunod ni Cristo. Kaya ang hindi sumusunod kay Cristo ay hindi
tunay na Cristiano. Ang sabi ni Apostol
Juan, ang gayon ay sinungaling. At ang
sinungaling, ayon kay Cristo, ay hindi sa Diyos kundi sa diablo (cf. Juan
8:44).
Samakatuwid, hindi totoo na lahat ng relihiyon ay
pare-parehong sa Diyos. Ang sa Diyos ay
yaon lamang tunay na relihiyon. Ang mga
sinungaling at hindi totoo ay sa diablo.
Bakit nahulog ang napakaraming
tao sa kasinungalingan? Ganito
ang sabi ni Apostol Pablo:
“Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan
ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo
kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig.
“Ibabaling nila sa mga alamat ang kanilang pansin at
hindi na nila pakikinggan ang katotohanan.” (II Tim. 4:3-4, MB)
Masamang tanggihan ng tao ang katotohanan. Ang ayaw makinig sa katotohanan ay mahuhulog
sa paniniwala sa kasinungalingan.
Isa Sa Mga Utos Na Dapat Sundin
May mga tao ba na tumangging sumunod sa mga utos ng
Diyos? Alin ang
isa sa mga utos ng Diyos na tahasang tinanggihan ng tao? Sa Jeremias 6:16 ay ganito ang nakasulat:
“Sinabi ni Yahweh sa kanyang
bayan: ‘Tumayo kayo sa panulukang-daan
at magmasid; hanapin ninyo ang dating landas, alamin kung nasaan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng
kapayapaan’. Subalit ang sabi nila, ‘Ayaw naming dumaan doon’.” (Ibid.)
Malinaw ang utos ng Diyos: Hanapin ang mabuting daan at doon
lumakad. Subalit ang sabi naman ng tao
ay, “Ayaw naming dumaan doon.” Ito ay tandisang pagsuway sa utos ng
Diyos. Dahil dito ipinasiya ng Diyos ang
ganito:
“Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito ay mapapahamak at iyon ang
nararapat sa kanila, pagkat hindi nila tinalima ang aking kautusan.”
(Jer. 6:19, Ibid.)
Ang hindi pagtalima sa kautusan ng Diyos ay
ikapapahamak. Kaya, nagkakamali ang mga
taong nagsasabing hindi na raw dapat hanapin kung alin ang tunay na relihiyon o
kung sino ang nagtataglay ng wastong aral.
Ang utos ng Diyos ay hanapin ang dating landas, ang pinakamabuting daan.
Alin o sino ang pinakamabuting
daan?
Si Cristo mismo
ang nagpatotoo na siya ang pintuang dinaraanan ng mga tupa (cf. Juan
10:7). Siya rin ang may utos na ang
tao ay pumasok sa Kaniya. Ang utos na
ito ay may tuwirang kinalaman sa kaligtasan, sapagkat ayon kay Cristo ang
pumasok sa Kaniya ay maliligtas (cf. Juan 10:9). Ang utos na ito ay ayaw talimahin ng maraming
tao bagaman maaaring hindi nila ito aminin.
Sino nga namang tao na nakakaalam na si Cristo ay Tagapagligtas ang tatangging
sumunod sa Kaniyang utos? Subalit sa
katotohanan ay may mga taong ayaw sumunod sa utos ni Cristo. Upang makilala natin kung sino ang hindi pa
nakapapasok kay Cristo o hindi pa
nakasusunod ay alamin natin kung sino ang nakapasok na. Saan sila napaloob? Sa saling Revised
English Bible ng Juan 10:9 ay sinasabing sila ay pumasok sa loob ng
kawan: “I am the door; anyone who comes into the
fold through me will be safe.”
Ang kawan o “fold” ay ang Iglesia ni
Cristo (Gawa 20:28, Lamsa).
Maliwanag na ang nakasunod sa utos ni Cristo ay yaong
nasa loob ng Iglesia ni Cristo; sila
ang pumasok kay Cristo. Sa kabilang
dako, ang tumatangging pumasok sa tunay na Iglesia
ni Cristo ay ayaw tumalima sa utos ni Cristo.
Kaya, nagkakamali ang mga nag-aakala na hindi mahalaga
kung aling relihiyon ang inaaniban ng tao, at nagsasabing ang mahalaga lang daw
ay kung ang mga aral at tuntunin ng relihiyong kinaaaniban niya ay sinusunod
niya. Talagang dapat sundin ang lahat ng
mga aral at mga tuntunin ng relihiyon kung ang relihiyong iyon ay tunay. Ang pag-anib sa tunay na Iglesia ay isa sa
mga utos ng Diyos. Salungat sa aral ng
Diyos ang karaniwang paniniwala na hindi bale kung ano ang relihiyon mo, basta
ang mahalaga ay naniniwala ka sa Diyos.
Dapat maniwala at sumampalataya ang tao sa Diyos subalit hindi sapat na
mamutawi lamang ito sa kaniyang labi; dapat niyang ihayag ang paniniwalang ito
sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng Diyos.
Sa panahong ito ay malimit tayong makarinig ng mga taong
nagsasabing hindi raw kailangan ang pag-anib sa iglesia. Hindi raw kailangan ang relihiyon. Sapat na raw ang sumampalataya lamang kay
Cristo upang ang tao ay maligtas.
Mahalaga at kailangan ang pananampalataya. Ngunit, ayon sa Biblia, ‘ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil
sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang”
(Sant. 2:24, MB). Nilinaw na mainam ng Panginoong Jesucristo
na, “Hindi
lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng
langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit”
(Mat. 7:21, Ibid.).
Kaya, bagaman
maganda ang layunin ng mga nagsasabing sapat na ang sumampalataya lamang at
hindi na kailangan ang gawa upang ang tao’y maligtas, gayunman ay mali ang
kanilang pamamaraan, sapagkat hindi kasang-ayon ng kalooban ng Diyos na
nakasulat sa Biblia. Ang gayon ay hindi
tunay na naglilingkod sa Diyos at wala sa tunay na relihiyon sapagkat sa tunay
na relihiyon ay ang gusto ng Diyos ang nasusunod.
Sa harap ng mga katotohanang iyan, dapat suriin ng tao
ang relihiyon na kaniyang kinabibilangan o, kung wala siyang kinaaanibang
pangkatin ng pananampalataya, ang prinsipyong pinanghahawakan niya sa ginagawa
niyang paglilingkod sa Diyos. Itanong
niya sa kaniyang sarili: “Utos ba ng Diyos na nakasulat sa Biblia
ang tinutupad ko? Nakasalig ba sa aral
ng Diyos ang aking pananampalataya? Ang
Diyos ba na aking sinasamba ay ang Diyos na ipinakikilala ng Biblia? Ang katotohanan ba na itinuro ng
Tagapagligtas para sa ikaliligtas ng tao ay natanggap at natupad ko na? Utos ba ng Diyos, at hindi utos na ginawa lamang ng tao, ang aking isinasagawa
sa paglilingkod sa Diyos?”
Hindi dapat magbaka-sakali ang tao sa pagpapasiya tungkol
sa bagay na ito, sapagkat kapag inabot siya ng Paghuhukom na nasa maling paraan
ng paglilingkod sa Diyos, ang kasawiang sasapitin niya ay hindi na malulunasan
kahit ng kapait-paitang pagsisisi.
Dapat matiyak ng tao na ang prinsipyong pinanghahawakan
niya sa paglilingkod sa Diyos ay yaong itinuro ng Diyos at ng ating Panginoong
Jesucristo upang maging katanggap-tanggap at magkaroon ng kabuluhan ang
kaniyang mga pagsamba sa Diyos.*
Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/SEPTEMBER-OCTOBER 1993/PAGES 18-21,
24/VOL. 45/NO. 5/ISSN 0116-1636