Huwebes, Pebrero 5, 2015

ANG ‘ISANG TAONG BAGO’

ANG ‘ISANG TAONG BAGO’

Ang isang taong bago ay binubuo ng ulo at katawan.
Sino kaya ang ulo at alin ang katawan na bumubuo rito?

Sinulat ni GREG F. NONATO

TAGLAY NG IGLESIA sa Bagong Tipan ang pangalang Iglesia ni Cristo.  Nararapat lamang na ito’y tawaging gayon sapagkat ang Iglesia ay itinatag ni Cristo at ito’y sa Kaniya (Mat. 16:18).  Tangi rito, si Cristo at ang Iglesia ay pinag-isa o nilalang na isang taong bago sa paningin ng Diyos.  Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.(Efe. 2:15)

Taliwas sa inaakala ng iba, ang tinutukoy na “dalawa” na nilalang na isang taong bago ay hindi ang mga Judio at Gentil na naging kaanib sa Iglesia noong unang siglo, sapagkat sila ay kapuwa naging mga sangkap lamang ng katawan at hindi ang kabuuan ng isang tao.  Ang isang taong bago na itnutukoy ay binubuo ng ulo at katawan.  Sino kung gayon ang “dalawa” na bumubuo ng isang taong bago bilang ulo at katawan?  Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia.(Col. 1:18)

Si Cristo at ang Iglesia ang dalawa na ginawang isang taong bago.  Si Cristo ang ulo at ang Iglesia ang Kaniyang katawan.  Ang Iglesia (ecclesia sa wikang Griyego) ay nangangahulugang “tinawag.”  Ang mga kaanib nito ay tinawag upang makipag-isa kay Cristo (I Cor. 1:9, Magandang Balita Biblia).  Angkop na angkop na ang Iglesia sa Bagong Tipan ay tawaging Iglesia ni Cristo sapagkat ang mga kaanib nito ay mga sangkap ng katawan ni Cristo:

“Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya. (I Cor. 12:27)

Maging ang mga kabilang sa ibang relihiyon na nagsuri sa Efeso 2:15 ay sumasang-ayon na ang isang taong bago ay tumutukoy kay Cristo at sa Iglesia.  Ganito ang kanilang patotoo:

-           Patotoo ng Katoliko
“… at ang mga anak niyang naligaw ay makababalik lamang sa Ama kung sila ay matipong magkakasama sa iisang katawan, ang Taong bago na ang ulo ay ang ating Manunubos.  Ang hiwagang ito ng Taong bago, sa pinakamataas na kahulugan ng salita, ay ang hiwaga ni Cristo.” (Catholicism, p. 27)

“Tayo ang magiging ‘ang Taong Bago’ na sa katotohanan ay isang Tao—ang iisang Cristo, ulo at mga kaanib.” (The New Man, p. 93)

-          Patotoo ng Protestante
“… Ang taong ito ay hindi nangangahulugang sinumang indibidwal na tao, kundi, ang ‘TAO’ na tinutukoy sa kabanata 2:15, ang ‘TAO’ na binubuo ng Personal na Cristo bilang Ulo, at ang mga kaanib sa Iglesia bilang Kanyang katawan …” (Christian Workers’ Commentary on the Whole Bible, p. 510)

“… Kaya ang taong bago ay kapuwa si Cristo at ang Iglesia …” (The Cost of Discipleship, p. 270

“Ang Iglesia ay tinatawag ding ‘Isang Taong Bago’, Efeso 2:15.  Ang Taong Bago ay binubuo ng mga kaanib at Ulo.” (The Christian Life, p. 40)

“… Ang punto ay ito:  ang paglalarawan ni Pablo sa iglesia bilang isang katawan ay larawan ng isang buong katawan, kasama ang ulo, isang taong bago kay Cristo.  Si Cristo ang ulo ng buong katawan kung paanong ang lalake ang ulo ng kaniyang asawa. (cf. I Cor. 11:3; Efe. 5:23) …” (Biblical Interpretation and the Church, p. 81)

Ano ang kahalagahan ng pagkakalalang kay Cristo at sa Iglesia bilang isang taong bago?  Sa Efeso 2:15 ay sinasabi:  “Sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan.”  Bakit kailangan ang kapayapaan at sino ang nangangailangan ng kapayapaan?  Ganito ang paliwanag ng Biblia:

“Nguni't ang masama ay parang maunos na dagat; sapagka't hindi maaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi. Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.  (Isa. 57:20-21)

Ang mga taong masama ang nangangailangan ng kapayapaan dahil sila’y nakatakdang lipulin sa Araw ng Paghuhukom:

“Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama. (II Ped. 3:7)

Kapayapaan:  kailangan ng lahat
“Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios. (Roma 3:19)

Ang buong sanlibutan ay napasailalim ng hatol ng Diyos sapagkat ang lahat ay naging masama, at “Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa” (Roma 3:12) bunga ng pagkahulog sa kasalanan ng lahat ng tao (Roma 5:12).  Kaya, ang lahat ng tao ay nangangailangan ng “kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo” (Roma 5:1).

Sa pamamagitan ni Cristo lamang
Ang kapayapaan sa Diyos na kailangan ng lahat ng tao ay matatamo lamang sa pamamagitan ni Cristo.  Sa Efeso 2:14 ay sinasabi:

“Sapagka't siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay.

Ang “pader” na sinasabing “nasa gitna na nagpapahiwalay” sa Diyos at sa mga tao ay ang kasalanan:

“Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig. (Isa. 59:2)

Bakit si Cristo ang ating kapayapaan?  Ano ang ibig sabihin ng giniba ni Cristo ang pader o ang kasalanan na nagpapahiwalay sa Diyos at sa mga tao?

“At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.  Gayon ma'y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya. (Col. 1:21-22)

Ang tao na naging kaaway at nahiwalay sa Diyos dahil sa kasalanan ay ipinakipagkasundo sa Kaniya sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo.  Sa gayon, nagiba ang pader na nagpapahiwalay sa Diyos at sa mga tao.  Nang dahil sa kamatayan ni Cristo naipakipagkasundo ang tao sa Diyos.

Kaya, ang tinutukoy dito na nagkahiwalay na pinagkasundo sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo ay hindi ang mga Judio at mga Gentil, kundi ang Diyos at ang lahat ng mga taong tinubos ng dugo ni Cristo.  Sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo ay nabayaran ang pagkakasala ng tao sa Diyos kaya napayapa ang alitan ng Diyos at ng tao:

“Nguni't ang Dios, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin, Bagama't tayo'y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo'y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas), (Efe. 2:4-5)

Pinatutunayan sa atin ng mga talatang ito na ang tao, bagaman itinuring nang patay dahil sa kasalanan, ay binuhay na kalakip ni Cristo dahil sa malaking pag-ibig ng Diyos.

Ang katuwiran sa pagliligtas
Bakit upang matamo ng nagkasala ang kapayapaan sa Diyos at maligtas ay dapat munang lumakip siya kay Cristo o malalang silang dalawa na isang taong bago?  Sapagkat kung ang nagkasala ay hindi lalakip kay Cristo, magiging labag sa katarungan at sa batas ng Diyos na si Cristo na walang kasalanan ang mamatay.  Ang batas ng Diyos ay nagtatadhana na kung sino ang nagkasala, siya ang dapat na managot:

“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan. (Deut. 24:16)

Batas ng Diyos na ang nagkasala ang dapat mamatay.  Papaano kung gayon, hindi naging labag sa batas ng Diyos at naging makatarungan ang kamatayan ni Cristo gayong Siya ay hindi nagkasala?  Bagaman si Cristo ay hindi nagkasala, dahil sa paglakip sa Kaniya ng mga nagkasala, Siya ang inaring maysala:

“Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios. (II Cor. 5:21)

Si Cristo na walang kasalanan ang inaring maysala dahil sa ang mga taong lumakip sa Kaniya ay ginawa Niyang Kaniyang katawan at Siya ang lumagay na ulo (Efe. 5:23; Col. 1:18).  Sa kabuuan ay hindi na sila dalawa, kundi, iisa na—isang taong bago.  Dahil dito, naging makatuwiran ang kamatayan ni Cristo sapagkat ang pinanagutan Niya bilang ulo ay ang kasalanan ng Kaniyang katawan na ito ang Iglesia.  Ang paglalang mula sa dalawa na maging isang taong bago ang kaparaanan sa pagliligtas na pinanukala ng Diyos at isinakatuparan ni Cristo.

Ganap na pagkakaisa
Sa pamamagitan ng taong bago matatamo ang kapayapaan.  Ito ang pakikipagkasundo sa Diyos ng mga tao na inihiwalay ng kasalanan upang huwag na silang mahatulan sa Araw ng Paghuhukom.  Ang paglalang ng isang taong bago ay nagpapakilala ng kahalagahan ng Iglesia ni Cristo.  Si Cristo ang ulo at ang Iglesia ang katawan—sila ang dalawa na nilalang na isang taong bago.  Ito ay sinasang-ayunan maging sa Panimula ng aklat ng Efeso sa Biblia na magkasamang isinalin ng mga awtoridad Protestante at Katoliko:

“Sa unang bahagi ng Efeso, tinalakay niya ang pagkakaisa.  Tinalakay rin niya ang paraan ng pagpili ng Diyos Ama sa kanyang bayan, sa pagpapatawad at pagpapalaya sa kanila mula sa kanilang kasalanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristong Anak Niya.  Gayon din, binanggit niya kung paano pinatutunayan ng Espiritu Santo ang dakilang pangako ng Diyos.  Sa ikalawang bahagi, nanawagan siya na sila’y mamuhay sa paraang angkop sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo.

“Gumamit siya ng ilang paghahambing upang ipakita ang pagkakaisa ng mga anak ng Diyos sa pakikipag-isa nila kay Cristo:  ang iglesya ay tulad ng katawan, si Cristo ang ulo. …” (Efeso: Panimula, Magandang Balita Biblia)

Kaya, dapat na maging maingat ang tao sa pagpili ng relihiyon na kaniyang aaniban.  Dapat ay taglay ng relihiyong ito ang pangalang ikaliligtas ng tao; kaya, dapat ay umanib siya sa Iglesia ni Cristo.  Lubhang mahalaga na sa Iglesia ni Cristo mapaanib ang tao sapagkat ito ang katawan ng Panginoong Jesus na siyang nagkamit ng kapayapaan sa Diyos at pinangakuan Niya na maliligtas pagdating ng takdang panahon. *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/MAY 2008/PAHINA 27-29/VOLUME 60/NUMBER 5/ISSN 0116-1636