Martes, Hunyo 12, 2012

Nalalaman Ba Ninyo?


NALALAMAN BA NINYO?

Ni Benjamin Santiago, Sr.



NA SI PEDRO AY HINDI NAGING PAPA KAILANMAN SA IGLESIA KATOLIKA AT LALONG HINDI NAGING PAPA SA IGLESIANG
 ITINAYO NI CRISTO SA JERUSALEM?

KAYA MALAKAS ang loob ng mga pare na sabihing ang Iglesia Katolika ang tunay na iglesiang itinayo ni Cristo sa Jerusalem noong unang siglo, ay sa dahilang paniwalang-paniwala sila at pinapaniwala rin nila ang marami na si Pedrong apostol ni Cristo ang kanilang unang papa.  Kung mapapatunayan nga naman nila na si Pedro nga ang unang papa, lalabas na sila’y may kaugnayan kay Cristo at sa mga Apostol.  Ito nga ba ang kanilang itinuturo?  Sa Commentary on the Official Catechism of the Philippines pahina 134, ay ganito ang nasusulat:

      “Where Peter is, there is the Church.  Jesus appointed St. Peter as head of  His Church… The successor of St. Peter  is the bishop of Rome, and is usually called the Pope.”

 Sa Pilipino:
      “Kung saan naroon si Pedro, naroon ang Iglesia.  Hinirang ni Jesus si Pedro na ulo ng Kaniyang Iglesia… Ang kahalili ni San Pedro ay ang Obispo ng Roma, at karaniwang tinatawag na Papa.”

     Ginawa ba ni Jesus na Papa si Apostol Pedro?  Sa aklat ng mga “Caballeros de Colon,” (aklat Katoliko) na pinamagatang Why Millions Call Him Holy Father, pahina 1, ay sinasabi ang ganito:

     “Christ Never Called Peter Pope.”

Sa Pilipino:
     Hindi Kailanman Tinawag Ni Cristo Si Pedro Na Papa.”

     Bakit kailanma’y hindi maaring tawagin at lalong hindi maaring gawin ni Cristo na Papa si Pedro?  Ano ba ang kahulugan ng salitang Papa?  Sa aklat ng pareng si Juan Trinidad na pinamagatang   Ang Iglesia ni Kristo at iba’t ibang Sektang Protestante, pahina 26, ay ganito ang nasusulat:

     “At ang Santo Papa (Ama) ay ang pinakamataas na ama ng ating kaluluwa dito sa lupa, dahil sa siya ang kahalili n gating Panginoon.” 

     Ama ang kahulugan ng salitang Papa.  Ito raw ang pinakamataas na ama ng kaluluwa dito sa lupa.  Sang-ayon ba ito sa aral ni Cristo?  Sa Mat. 23:9, ay sinabi ni Cristo:

    At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit.

     Nasasaklaw kaya ng pagbabawal na ito ang ating ama na asawa ng ating ina o ang ating ama sa laman?  Hindi, sapagka’t sinabi rin Niya:

     Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina:…” (Mat. 15:4)

     Kung gayo’y anong uring ama ang ipinagbabawal ni Cristo na itawag sa kaninomang tao sa lupa?  Ang katulad ng pagiging Ama ng ating Ama sa langit, na ito ang Diyos.  Anong uring Ama ang Diyos?  Ang Diyos ay Ama ng kaluluwa (Ezek. 18:4).  Sa makatuwid, nagkakasala ang mga papa sa pagpapatawag nila ng “Banal na Ama”, sa kanilang sarili sapagka’t iisa lamang ang Ama ng kaluluwa, ang Diyos.  Kaya ito ang dahilan kung bakit hindi maaaring gawin ni Cristo na Papa si Pedro, sapagka’t ito’y labag sa aral na Kaniyang itinuro.

     Bakit naman sa talaan ng mga papa ng Iglesia Katolika ay nangunguna si Pedro?  Inilagay nga nilang una si Pedro sa talaan ng mga naging papa sa Iglesia Katolika, subali’t ang mga nagtala ay may alinlangan, kaya sa dulo ng pangalan ni Pedro ay naglagay sila ng tandang pananong (?-question mark). (Catholic Encyclopedia, vol. 12, p. 272).  Ang sagot nila ukol dito ay hindi raw ang pagiging papa ni Pedro ang pinag-aalinlanganan kundi ang petsa.  Ito’y pangangatwiran lamang!  Ang totoo’y hindi hindi lamang ang pagiging papa ni Pedro ang pinag-aalinlanganan kundi ang sa marami pa, gaya ng mababasa sa Catholic Dictionary, pahina 389:

     “The number of popes since St. Peter is not certain; there are 262 commonly enumerated…Some of these are uncertain, and dozen are definitely unknown.” 

Sa Pilipino:
     “Ang bilang ng mga papa mula kay San Pedro ay hindi tiyak; may 262 na karaniwang binabanggit…Ang ilan sa mga ito ay hindi tiyak, at may isang dosena ang tiyak na hindi kilala.”

     Bakit nag-alinlangan ang mga nagsisulat ng Catholic Encyclopedia sa pagiging papa ni Pedro?  Kailan ba nagsimula ang tungkuling papa?  Sa “Catholic Encyclopedia,” vol. 12, pahina 270, sinasabing noong ikaapat na siglo o ikaapat na raang taon, ito ay pinasimulang maging katangi-tanging katawagan ng Pontipise Romano.  Kailan naman namatay si Apostol Pedro?  Ayon din sa “Catholic Encyclopedia,” vol. 11, pahina 750, si Pedro ay namatay noong taong 67-68, unang siglo.  Paano magiging papa si Pedro na namatay noong 67, unang isang daang taon, samantalang ang tungkuling papa ay nagsimula noong ikaapat na raang taon?  Mahigit nang tatlong daang taong patay si Pedro nang magkaroon ng tungkuling papa, kaya may katuwiran ang mga nagsisulat ng “Catholic Encyclopedia” na magalinlangan sa pagiging papa ni Pedro.

     Maging ang kasaysayan ay nagsasabing napakalabo at walang katiyakan ang umano’y pagiging papa ni Pedro.  Ganito ang sinasabi ng “World’s Great Events,” vol. 2, pahina 163:

     “Our knowledge of the Papacy in its earliest days is very dim and uncertain.  Peter, the fishermen of Galilee, who as tradition relates, was crucified with his head downward about 66, is claimed by the advocates of the Papal system, but without a shadow of historical proof, as first Bishop of Rome.”

Sa Pilipino:
     “Ang ating kaalaman tungkol sa kapapahan sa mga unang araw nito ay napakalabo at walang katiyakan.  Si Pedro, ang mangingisda ng Galilea, na ayon sa isinasaysay ng sali’t-saling sabi na ipinako sa krus nang patiwarik humigit-kumulang noong ika-66, ay ipinahahayag ng mga tagapagtanggol ng pamahalaan ng Kapapahan, ngunit walang anino ng patunay ng kasaysayan, bilang unang Obispo ng Roma.”

     Maging sa Biblia at maging sa kasaysayan ay napatunayan natin na si Pedro kailanman ay hindi naging papa sa Iglesia Katolika at lalong hindi naging papa sa Iglesiang itinayo ni Cristo sa Jerusalem.  Kaya walang kaugnayan sa karapatan kay Cristo at sa mga apostol ang mga papa at mga pare ng Iglesia Katolika.*****

Pasugo God’s Message, Mayo 1978, pahina 28, 33.


NA HINDI TOTOO NA
SI BIRHEN MARIA’Y
UMAKYAT SA LANGIT
      ISANG MALAGANAP na aral ng Iglesia Katolika na si Birhen Maria ay nabuhay na mag-uli at umakyat daw sa langit.  Pinaniniwalaan ito ng lahat ng mga Katoliko, marunong man o di nakapag-aral, mayaman man o mahirap.  Sa aklat na CompendioHistorico de la Religion, isang aklat katoliko sa saling Tagalog ni D. Antonio Florentino ay ganito ang nakasulat:

     “Sinaputan at dinala sa halamanan nang Getsemani ang catauan ni Maria, at doon inilibing sa isang hucay na sadyang pinagyaman, at talagang inilaan sa mahal na bangcay, at hindi mabilang ang taong sumama sa libing na iyon at inibig naman ng Dios na macaaliw sa lumbay at hapis nilang lahat ang ualang humpay na pagpupuri at pag-aauit nang mga Angeles, at ang bangong humahalimuyac, na bumucal sa baunan, at lubhang nacaligaya.  Pagdating ng icatlong arao, sumilid ang calulua ni Maria sa mahal niyang catauan, at siya ay muling nabuhay, at umaquiat sa Langit, at doon pinatungan nang corona nang Santisima Trinidad, at caya ang puri at bati sa caniya nang tanang lululuhualhati sa Langit, at nating lahat dito sa lupa, ay Anac ng Dios Ama, Ina nang Dios Anac, at Esposa nang Dios Espiritu Santo, [D. Josef Pinton, Compendio Historico de la Religion. (Manila: Univ. of Sto. Tomas, 1932, p. 501.]

Nasa Biblia ba ang aral na ito ng Iglesia Katolika?  Hayaan nating ang mga tagapagturong Katoliko na rin ang magpaliwanag sa atin.  Sa aklat na What The Church Teaches, ni Monsenyor J.D. Conway, ay ganito ang sinasabi sa pagkakasalin sa Pilipino:

     “Ang pag-akyat sa langit, na ipinaliwanag ni Papa Pio XII noong Nobyembre 1, 1950, ay ang di nalalaunang doktrinang pormal ng Iglesia.  Nguni’t malayong ito ay bago.  Ito ay matatagpuan sa mga unang tradisyon, at siyang unang pista ni Maria sa Iglesia (Katolika) sa ipinagdiriwang mula pa noong ikalimang siglo.  Hindi natin makikitang tuwiran itong binabanggit sa mga Banal na Kasulatan…”  [Msgr. J.D. Conway, What the Church Teaches, (New York:  A Division of Doubleday and Company, Inc. 1962), p. 204]

     Inaamin mismo ng tagapagturong Katoliko na “ hindi natin makikitang tuwiran itong binabanggit sa Banal na Kasulatan.”  Sa isa pang aklat-katoliko na pinamagatang The Book of Mary, ay ganito naman ang nasusulat sa saling Pilipino:

     “Ang higit pang kamanghamangha ay ang kaisipan na ang ilan sa mga dakilang kapistahan ng ating Ina, ay sadyang walang katiyakan ang pinagmulan.  Isang halimbawa ay yaong ika-21 ng Nobyembre, ang Paghahandog ng Ating Ina sa Templo.  Ngayon ang pag-akyat sa langit ng Ating Ina ay isang bagay na wala sa Ebanghelyo, ni hindi ito nababanggit man lamang sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostol na walang sinasabi man lamang tungkol kay Maria pagkatapos ng Pentecostes.”  [Henri Daniel Rops, The Book of Mary (New York:  Hawthorn Books, Inc. 1960), p. 936.]

     Kung gayon, ang sinasabing pagkabuhay na mag-uli ni Maria pag-akyat sa langit ay hindi aral ng Diyos, hindi aral ni Cristo, at hindi aral ng mga apostol.  Walang kinalaman ang Diyos, si Cristo, at ang mga apostol sa aral na ito.  Sino lamang kung gayon ang “nagpaakyat” kay Maria sa langit?  Sa isang lathalang lumabas sa Sunday Times, noong Disyembre 24, 1960, ay ganito ang salin ng nakasulat: 

    “Ipinahahayag ng Papa sa harap ng 500,000 sa Roma ang dogma ukol sa Pag-akyat (ni Maria) sa langit…  Sa isang maliwanag at tumataginting na tinig na hatid ng mga ‘loudspeaker,’ sinabi ni Papa Pio (XII) sa Latin na banal nang naihayag na si Maria ay nagtungo sa langit na katawan at kaluluwa…  Sa harap ng 35 Kardinal at 500 Obispo, binasa ni Papa Pio (XII) noong martes (Oktubre 31, 1950) ang kaniyang tanging panalangin tungkol sa Dogma sa Pag-akyat sa Langit.  Nagkakaisang sinag-ayunan ito ng matataas na kagawad ng Iglesia (Katolika)…”

     Sino lamang ang “nagpaakyat” kay Birhen Maria sa langit?  Si Papa Pio XII lamang.  Ano ang karapatan ni Papa Pio XII na magpaakyat na tao sa langit?  Sino ang nagbigay sa kaniya ng karapatang ito?  Ni siya ay hindi nakakasigurong makaakyat sa langit, makapagpaakyat pa kaya siya ng iba?  Kaya ang aral na si Birhen Maria ay umakyat sa langit ay sinsay sa katotohanan.  Ito’y hindi aral ng Diyos kundi aral lamang ang tao.  At kung ang aral ng tao ang pagbabatayan sa pagsamba sa Diyos, ito’y walang kabuluhan (Mat. 15:9).  Dapat itong itakwil sapagka’t naiiba sa aral ng mga apostol (Gal. 1:8-9).*****

Pasugo God’s Message
Mayo-Hunyo 1983,
Pahina 39.


NA ANG KRUS AY
BIBITAYAN
     PINAPANIWALA TAYO ng mga pare na ang krus ay isang banal na bagay, kagalang-galang at dapat sambahin.  Dahil sa pagpapahalaga sa krus, ito’y isinasabit sa dibdib, hinahalikan, niluluhuran, sinasamba ipinagpipista.  Ang katunaya’y may pista ng krus, lalo na kung buwan ng Mayo.  Ito ang nagiging kasangkapan upang mairaos ang kalayawan ng mga kabataan.  Sinasangkalan ang krus upang maipagparangalan ang mararangya at magagandang kasuotan ng mga naggagandahang sagala, malimit ay may mga artista pa sa pelikula, kaya nagiging isang panoorin tuloy.

     Subali’t nalalaman kaya ng mga kababayang Katoliko kung ano itong krus na kanilang iginagalang at sinasamba?  Nalalaman kaya nila kung saan ito nagbuhat?  Ang sasagot sa mga katanungang iya’y isang pareng Katoliko, si Fernando Mempin, sa kaniyang sinulat aklat na pinamagatang Ang Pitong Huling Wika Ng Ating Mahal Na Panginon, may Nihil Obstat ni Jesus Arcellana, at may Imprimatur ni Jose N. Jovellanos.  Sa pahina 2 ay ganito ang mababasa:

     “Ano kaya ang krus?  Saan kaya nagbuhat ang krus?  Ang krus ay kinatha ng mga tao upang igawad bilang kaparusahan sa mga kriminal, sa mga suwail at palamara.”

Malinaw ang sagot ng pare.  Ang krus ay isang kasangkapan sa pagpaparusa sa mga kriminal, sa mga suwail at palamara.  Sa ibang salita’y isang bibitayan tulad ng silya elektika na ginagamit sa panahong ito.

     Sinasang-ayunan din ito ng isa pang pareng Katoliko, si Clement H. Crock, sa kaniyang aklat na sinulat na pinamagatang Discourses on the Apostles Creed, may Nihil Obstat ni Arthur J. Scanlan, at may Imprimatur ni Patrick Cardinal Hayes.  Sa pahina 16, ay ganito ang sinasabi kung isasalin sa Pilipino:

     “Bago ang panahon ni Cristo, ang krus ay sagisang ng kahihiyan, kamangmangan at kawalan ng dangal.  Katulad ng gilotina, lubid na pambitay, o ng silya elektrika, ito ang kasangkapan sa pagpaparusa sa mga pinakamasasamang kriminal.”

     Sino ang unang umimbento ng parusahan  bibitayang krus?  Ganito ang sagot ng pareng si Fernando Mempin sa kaniyang aklat na ating sinipi na sa unahan nito:

     “Ang mga taga Penicia ang siyang unang nagimbento ng krus bilang parusa sa mga kriminal.  Sinubok nila ang pumatay ng tao sa pamamagitan ng sibat, sinubok nila ang kumukulang langis, sinubok nila ang paghahagis ng bato, sinubok nila ang pagsakal, ang panununog—NGUNIT—ang lahat ng mga ito ay natuklasang hindi tumpak at kasiyasiya, sapagka’t napakabilis; mabilis mamatay ang kriminal.  Ang nais ng mga taga Penicia ay isang paraan na marahan, mabagal—ngunit masaklap at masakit—kaya’t inimbento nila ang Krus.  Ideal na ideal ang Krus, sapagka’t ang Krus ay isang paraang mabagal, ngunit masakit at kakilakilabot.  Ang karaniwan, ang isang taong ipinako sa Krus ay nabubuhay humigit kumulang nang 2 araw o mahigit pa.  Ang biktima ay pinababayaang humibik at maghingalo samantalang nadadarang siya sa init ng araw, dinanas ang hapdi at sakit, gutom at uhaw, hanggang tuloy masira ang kaniyang mga binti.  Hindi lamang ito; ang napapako sa Krus ay hubo’t hubad.  Ito ay nakapagdaragdag sa kahihiyan ng mga kriminal at siya ay nagiging pagkain ng mga libo-libong hayop na nagbubuhat sa himpapawid, samantalang naghihintay namang damputin ang mga natitira ng mga maliliit na hayop na gumagalaw sa lupa.  Hindi lamang ito.  Ang pagpapako sa Krus ay laging idinadaos sa labas ng pintuan ng bayan at sa isang tanyag na pook upang makita ng lahat ng tao at magsilbing isang babala sa mga may masasamang kalooban.  Kaya nga, nang hiramin ang Krus ng mga Romano upang maging kaparusahan ng kanilang mga kriminal, malaki ang kanilang pagtitiwala sa bisa ng Krus.”.

     Naliwanagan na natin kung ano itong krus at kung sino ang umimbento nito.  Hindi ito banal.  Hindi ito sa Diyos, ni kay Cristo.  Ito ay parusahan. Ito ay bibitayan.  Hiniram lamang ito ng mga Romano, kaya sa krus binitay ang ating Panginoong Jesucristo.  Huwag sabihing kaya nila sinasamba ang krus at isinasabit sa dibdib ay sapagka’t dito pinakuan an gating Panginoon.  Kung ang inyong mahal sa buhay binitay sa silya elektrika, magpapagawa ba kayo ng larawan nito na nakaupo roon ang inyong minamahal at isasabit ninyo sa inyong dibdib, hahalik-halikan at ipagpaparangalan sa iba?  Hindi ninyo ito gagawin kailanman.*****

Pasugo God’s Message
August 1978
Pahina 29, 36.
_______________________________________________________________________________

[Study IGLESIA NI CRISTO]

INDEX 
_________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
_________________________________________________________________________