Martes, Hunyo 19, 2012

Panahong Mapanganib Ang Mga Huling Araw



Panahong Mapanganib Ang Mga Huling Araw



Ni Emiliano P. Magtuto Sr.


Sa panahong ito ay lalong tumitindi ang kasamaan.  Iba’t ibang nakagigimbal na krimen ang nangyayari araw-araw.  Nakapanghihilakbot na pagkitil ng buhay at pagpinsala sa mga ari-arian ng mga tao ang nagaganap sa maraming dako.  Hindi mapigil na labanan, kaguluhan, at higantihan ang laging laman ng mga balita sa telebisyon, radio, at mga pahayagan.  Ang lahat ng nangyayaring ito ay nagbabadya na dumating na ang “panahong mapanganib” na ipinagpauna ng Biblia sa pamamagitan ni Apostol Pablo:

     “Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.  Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,  Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti, Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; (II Tim. 3:1-4)

     Totoong nakasisindak ang mga pangyayari sa panahong ito at marami ang nangangamba ukol sa kapahamakang maaaring dumating sa kanila.  Wala silang kapanatagan kahit sa loob ng kanilang tahanan dahil sa mga panganib na nagbabanta saanmang dako at sa anumang pagkakataon.

Ang pag-ibig ay lalamig
     Bukod sa panganib sa buhay at mga ari-arian na dulot ng paglaganap ng karahasan sa mga huling araw na ito, mayroon pang isang matinding panganib na ibinabala ang ating Panginong Jesucristo:

     At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.  (Mat. 24:12)

     Ang isa pang panganib na dulot ng paglubha ng kasamaan ay ang panlalamig ng pag-ibig ng tao sa Panginoong Diyos.  Ganito nga ang nangyayari sa marami.  Hindi na nila pinahahalagahan ang paglilingkod sa Diyos.  Nawalan na sila ng interes na sundin ang Kaniyang mga utos.  Sa halip nahihilig na lamang ang marami sa kalayawan at sa paggawa ng iba’t-ibang uri ng kasalanan.  Katunayan, mapapansin natin na paparami nang paparami ang nalululong sa pagsusugal, paglalasing sa alak at paggamit ng droga, pakikiapid, paglabag sa batas, at iba pang mga bisyo.

Ang lalong malaking panganib
     Bago pa man Niya ibinabala ang tungkol sa panlalamig ng pag-ibig ng marami sa Diyos, ipinagpauna na ng Panginoong Jesucristo kung sino ang may kinalaman sa pangyayaring ito:

     At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.  (Mat. 24:11)

     Ang mga bulaang propeta o ang mga huwad na tagapangaral ang magliligaw sa marami.  Sila ang magtutulak sa marami upang tahakin ang mga likong landas na papalayo sa Panginoong Diyos.  Kaya,  dapat mag-ingat ang tao sa mga bulaang tagapangaral na babangon sa panahong ito.
     Paano inililigaw at itinatalikod sa Panginoong Diyos ng mga bulaang tagapangaral ang mga tao?  Ayon kay Apostol Pedro:

     “Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.  (II Ped. 3:16)

     Biblia rin ang ginagamit at binabasa ng mga bulaang tagapangaral sa kanilang pagtuturo, kaya nila nahihikayat ang mga tao na makinig sa kanila.  Subali’t isinisinsay o iminamali naman nila ang ebanghelyo at binabago ang tunay na kahulugan nito.  Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng iba’t-ibang pangkatin ng pananampalataya sa kasalukuyan, na bagaman pawang naniniwala sa Biblia ay nagkakasalungatan naman ang mga aral na itinataguyod.

Hindi mga sinugo
     Ang Panginoong Diyos ay laban sa lahat ng bulaang propeta o mga huwad na tagapangaral.  Ito ang Kaniyang ipinahayag:

   Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.  (Jer. 23:32, Magandang Balita Biblia)

     Bagaman hindi sinugo ng Diyos, ang mga bulaang propeta ay nangangahas na magsipangaral.  Subalit, dahil hindi sila mga sinugo at hindi pinagkatiwalaan ng Diyos ng Kaniyang mga salita, ang kanilang isinasalaysay at itinuturo ay pawang kasinungalingan sa layuning dayain at iligaw ang tao.
  Tinukoy ng Diyos ang mga kasinungalingan ng mga huwad na tagapangaral kaya sila ay nakapandaraya ng mga tao:

   ""Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe.  Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh.  (Jer. 23:30-31, Ibid)

     Upang kanilang palitawing sila’y pinagpahayagan ng Diyos, ang mga bulaang tagapangaral ay gumagamit ng mga salita ng mga propeta.  Kaya nga hindi tayo dapat magtaka kung may bumangong mga tagapangaral na sumisitas mula sa Biblia at nag-aangking ang kanilang ipinangangaral ay sinabi ng Panginoon.
     Ang isa pang uri ng pandaraya na ginagawa ng mga bulaang tagapangaral ay ang pagsasabi nilang sila raw ay pinagpakitaan ng Diyos ng pangitain o kaya ay ng panaginip.  Sinabi raw sa kanila ng Diyos na sila ay humayo at ipangaral ang Kaniyang mga salita.  Palibhasa ay wala silang makitang talata sa Biblia na nagpapatotoo na sila ay sinugo ng Panginoong Diyos, pinapaniniwala na lamang nila ang mga hindi nakauunawa na nakausap raw nila ang Diyos sa pamamagitan ng pangitain o panaginip.  Subalit, dapat nating tandaan ang sinabi ng Panginoong Diyos na “Ako’y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling pangitain, saka sasabihing iyon ang sabi ni Yahweh.”
      Ano ang ginagawa ng mga bulaang tagapangaral na lalong ikinagagalit ng Panginoong Diyos?  Sa Jeremias 23:21 at 25 ay maliwanag ang nakasulat:

    "Sinabi ni Yahweh, "Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila." 


    "Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! "  (Ibid.) 
     Nagagalit ang Panginoong Diyos sa mga propeta o tagapangaral na bagama’t hindi Niya isinugo ay gumagamit ng Kaniyang pangalan at diumano’y binigyan Niya sila ng pangitain.  Nangangahas silang mangaral gayong di naman sila isinugo ng Diyos.
     Dapat lamang na tayo’y mag-ingat sa pagtanggap sa mga tagapangaral ng relihiyon.  Hindi dahil sa bukambibig nila sa kanilang pangangaral ang pangalan ng Diyos at hindi dahil sa ikinakapit nila ang pangalan ng Diyos sa kanilang organisasyon ay nangangahulugang sila’y tunay nang sa Diyos.
     Ang madaya at mailigaw ukol sa tunay na landas ng paglilingkod sa Panginoong Diyos ang pinakamalaking panganib na maaaring dumating sa atin.  Kung paanong kahit saang panig ng mundo ang buhay ng tao ay nanganganib sa panahong ito dahil sa laganap na karahasan, lalong nanganganib sa panahong ito ang kaluluwa ng mga tao dahil sa dami ng mga bulaang tagapangaral na nagdadala sa tao sa kadiliman at nagtutulak sa kanila sa walang hanggang kapahamakan.
Kung ano ang dapat gawin
     Ang Panginoong Diyos na rin mismo ang nagsabi kung ano ang dapat gawin ng tao upang huwag siyang mailigaw ng bulaang propeta:
     “Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsitayo kayo sa mga daan at magsitingin kayo, at ipagtanong ninyo ang mga dating landas, kung saan nandoon ang mabuting daan; at magsilakad kayo roon, at kayo'y mangakakasumpong ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa…” (Jer. 6:16)
     Ipinahahanap ng Diyos sa tao ang “mabuting daan,” at kapag ito’y kaniyang nasumpungan ay dapat niyang lakaran ang mabuting daan na ang tinutukoy ng Diyos ay walang iba kundi si Jesus:
     Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. (Juan 14:6)
     Samantala, iniutos ni Cristo na ang tao ay pumasok sa kawan sa pamamagitan Niya (Jn. 10:9, Revised English Bible).  Ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo:
     “Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.”  [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
     Kaya, ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ni Cristo ang nakasumpong ng mabuting daan na magdudulot sa kanila ng kapahingahan ng kanilang kaluluwa o kaligtasan.  Sila ay nakatitiyak na hindi sila nadaya o nailigaw ng bulaang mangangaral, sapagkat ang nagawa nila ay ang ipinagagawa ng Panginoon.  Bagaman ang mga huling araw na ito ay panahong mapanganib dahil sa paglubha ng kasamaan, mamamalagi silang panatag at walang pangambang nagpapatuloy sa kanilang masiglang paglilingkod sa Panginoong Diyos.  Ito ay sapagkat alam nilang sila’y nasa katotohanan at makaaasang sila ay maliligtas at magkakamit ng buhay na walang hanggan.*****

Pasugo God’s Message, May 2003, Pahina 12-14
-------------------------------------------------------------
Basahin din:
SUGO NG DIYOS: KAILANGAN NGA BANG TALAGA?
 Isang Paanyaya Para Maging Lingkod Ng Diyos
 Ang Layon Ni Cristo Sa Pagtatayo Ng Iglesia Niya

Visit:
[Study IGLESIA NI CRISTO]

INDEX
_________________________________________________________________________


Bible Study Suggestion: Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
_____________________________________________________