Martes, Hunyo 19, 2012

Dapat Siyasatin Ng Tao Ang Kaniyang Relihiyon



Dapat Siyasatin Ng Tao Ang Kaniyang Relihiyon



Ni Teofilo A. Ramos Jr.

HANGGANG NGAYON ay maraming naniniwala na ang lahat ng relihiyon ay pawang sa Diyos.  Dahil dito, naging karaniwang ugali na ng mga tao ang hindi pagsusuri o pagsisiyasat sa relihiyong kanilang kinaaaniban.  Naniniwala sila na tama at totoo ang alinmang relihiyong kanilang kinabibilangan.

     Mayroon namang mga tumututol kapag itinuturo ng Iglesia ni Cristo na dapat siyasatin ng tao ang relihiyong kaniyang kinaaaniban.  Ayon sa kanila, pare-pareho lamang daw ang mga relihiyon—sapat na diumano ang sila’y kumilala sa Diyos.  Tama ba ang isipang ito?  Ganito ang nilalaman ng isang bahagi ng sulat ni Apostol Pablo:

     “Alam ninyo ang buhay ko noong nasa relihiyon pa ako ng mga Judio—kung paanong labis kong pinag-usig ang mga Cristiano.  Sinikap kong lipulin silang lahat.

     “Sa mga kasinggulang ko ay wala nang mas deboto pa sa akin sa aming relihiyon.  Sinikap kong sundin nang ganap ang  lahat ng matatandang kaugalian at alituntunin ng aking relihiyon.” (Gal. 1:13-14, Salita ng Buhay)

     Si Apostol Pablo ay dating masugid na mang-uusig sa mga Cristiano.  Siya ay tinatawag noon sa pangalang Saulo at kaanib sa relihiyong Judaismo.

     Hindi karaniwang kaanib sa Judaismo si Pablo; siya ay isang deboto at nagsikap na sunding ganap ang lahat ng matatandang kaugalian at alituntunin ng kaniyang relihiyon.  Ngunit iniwan niya ang Judaismo nang siya ay tawagin ng Panginoong Jesucristo sa tunay na paglilingkod:

      Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka't ako'y inari niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kaniya(I Tim. 1:12)

     Ayon mismo kay Apostol Pablo ay inilagay siya sa paglilingkod.  Bakit kailangan pa siyang ilagay sa paglilingkod kung ginagawa naman niya ito sa relihiyong Judaismo na kaniyang kinaaaniban?  Saan siya inilagay ng Diyos kasama ng iba pa upang maisagawa ang tunay na paglilingkod?  Ganito ang itinuro niya:

    At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika. (I Cor. 12:28)

     Bagaman nagsikap siyang maglingkod, hindi tinanggap ng Diyos ang paglilingkod ni Apostol Pablo nang siya ay kaanib pa sa relihiyong Judaismo.  Kinailangang siya’y ilagay o dalhin ng Diyos sa paglilingkod sa loob ng Iglesiang itinatag ng Panginoong Jesucristo (I Tim. 1:12).  Kaya siya inilagay sa Iglesia ay dahil dito lamang niya maaaring isagawa ang paglilingkod na tatanggapin ng Diyos.

Ang pinagtuunan ng pansin
     Kaya nalilihis at nagkakamali ang marami sa pagpili ng relihiyon ay sapagkat sa iba nakatuon ang kanilang pansin.  Ano lamang ang pinagtuunan nila ng pansin?  Ito ang sagot ni Apostol Pablo:

     “Sapagkat saksi akong sila'y nagsisikap na maging kalugud-lugod sa Diyos. Mali nga lamang ang kanilang naging batayan.  Dahil hindi nila kinilala ang katuwirang mula sa Diyos, at nagsisikap silang gumamit ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila sumunod sa pamamaraang itinakda ng Diyos.” (Roma 10:2-3, Magandang Balita Biblia)

     Maraming tao ang nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, ngunit ang ginagawa nila’y ayon lamang sa kanilang sariling akala.  Hindi nila pinag-uukulan ng pansin kung tama o mali ang kanilang batayan sa paglilingkod sa Diyos.  Hindi na ang nais ng Diyos ang kanilang ginagawa kundi ang sarili nilang gusto at pamamaraan, sa halip na ang pamamaraan ng Diyos.  Kaya, paano magiging tunay ang kanilang relihiyon samantalang mali at hindi tunay na aral ng Diyos ang kanilang sinusunod?  Ganito ang sinasabi ng Diyos sa mga ganitong uri ng tao:

     “Sasabihin naman ni Yahweh,
Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod. (Isa. 29:13, Magandang Balita Biblia)

     Gaano man kasigasig at katiyaga ang mga tao sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng  mga ito kung ang pagsamba nila ay batay lamang sa tuntuning gawa ng tao.  Dahil dito, marapat magsiyasat ang mga tao.  Baka naging palagay na ang kanilang kalooban na wasto at tinatanggap ng Diyos ang ginagawa nilang paglilingkod dahil buong tiyaga nila itong ginagawa.  Ngunit ang hindi nila namamalayan ay hindi naman wastong aral ang kanilang sinusunod.

     Samantala, ang iba naman ay nahuhulog sa layuning magtamo ng material na pakinabang kapag naglilingkod sa Diyos:

   
"At dumating sa iyo na wari ang bayan ay dumarating, at sila'y nagsisiupo sa harap mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinidinig ang iyong mga salita, nguni't hindi nila ginagawa; sapagka't sila'y nangagsasalita ng malaking pagibig ng kanilang bibig, nguni't ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang." (Ezek. 33:31)

     May mga tagapangaral ngayon na ang binibigyang-diin ay ang ukol sa material na biyayang diumano’y ibibigay ng Diyos kung susundin nila ang mga utos ng Diyos na itinuturo nila.  Iniaalok nila sa mga tao na sila ay ilalapit sa Diyos para magkaroon ng trabaho, makapag-abroad, yumaman at sumagana, at iba pang materyal na pangarap ng mga tao.  Ito ang nakapang-aakit sa  mga taong nasa kagipitan at matinding pangangailangan kaya agad-agad silang sumusunod sa mga tusong tagapangaral.  Mangyari pa, ang hinahangad ng mga tao ay ang pakinabang na katumbas ng kanilang gagawing paglilingkod.  Ang ganitong relihiyon ay walang bisa at dapat layuan:

     “Naturingang may relihiyon subalit wala namang bisa iyon sa kanilang buhay.  Layuan mo ang ganyang mga tao.” (II Tim. 3:5, SNB)

Ang daang patungo sa kaligtasan
     Napakahalaga at kailangang matiyak natin na ang relihiyong ating kinaaaniban ay tunay na sa Diyos.  Dapat din nating matiyak na ito ang tamang daang patungo sa Diyos at sa kaligtasan.
     Ang daang patungo kaligtasan ay itinuro ng Panginoong Jesucristo:

     “Heaven can be entered only through the narrow gate!  The highway to hell is broad,  and its gate is wide enough for all the multitudes who choose its easy way.  But the Gateway, to Life is small, and the road is narrow, and only a few ever find it.” [Ang langit ay mapapasok lamang sa pamamagitan ng makipot na pintuan!  Ang daan patungo sa impiyerno ay malapad, at ang kaniyang pintuan ay sadyang maluwang para sa karamihan na ang pinili ay ang magaang na pagdaan dito.  Subalit ang Pintuang Daan patungo sa Buhay ay maliit, at ang daraanan ay makipot, at ilan lamang ang nakasusumpong nito.] (Mt. 7:13-14, Living Bible)

     Hindi kataka-taka na maraming tao ang mapapahamak at iilan lamang ang maliligtas.  Ito’y sapagkat ang pipiliin ng marami ay ang pintuang maluwang, yaong magaang na pasukan.  Madaling pumasok sa maluwang na pintuan, ngunit ito ay patungo sa kapahamakan o impiyerno.  Samantala, ang pintuang-daan patungo sa buhay ay maliit at makipot, kaya ilan lamang ang nakasusumpong nito.

Ang makipot na pintuan
     Sino ang pintuang makipot na kailangang pasukan ng tao?  Ganito ang itinuturo ng Panginoong Jesucristo:

     “I am the door; anyone co comes into the fold through me will be safe.” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.] (Jn. 10:9, Revised English Bible)

     Ayon mismo sa Panginoong Jesucristo, Siya ang pintuang daraanan upang makapasok sa loob ng kawan.  Ang sinumang papasok ditto sa pamamagitan Niya ay maliligtas.

     Alin ang kawan na kinaroroonan ng mga pumasok sa Panginoong Jesucristo at siyang kinapapalooban ng mga maliligtas?  Ayon sa Bibliya,  ang kawan na ililigtas ng Panginoong Jesucristo ay ang Iglesia ni Cristo.  Ito ang binili o tinubos Niya ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28, Lamsa Tanslation).

     Kaya, napakalaking pagkakamali ng mga tao na akalain at paniwalaan na maaaring maligtas ang sinuman kailanma’t siya’y nagsisikap na maglingkod sa Diyos, saanmang relihiyon siya umanib, o kahit pa wala siyang kinaaanibang relihiyon.  Hindi mapanghahawakan na naglilingkod ang mga tao sa Diyos kung ang kanilang batayan ay ang mga aral at utos ng tao.  Kailangang mapabilang ang tao sa tunay na Iglesia ni Cristo na itinatag at ililigtas ng Panginoong Jesucristo.

     Ibig ba ninyong maligtas?  Ang isa sa mga pangunahin at mahahalagang hakbang ay ang pagsusuri sa inyong kinaaanibang relihiyon at ang pag-anib hindi sa alinmang relihiyon, kundi sa tunay na Iglesia Ni Cristo.*****



Pasugo God’s Message/February 2002/Pages 16-18
---------------------------------------------------------------------

[Study IGLESIA NI CRISTO]
_________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
_________________________________________________________________________