Sa Pilipinas Itinakda
Ang Paglitaw Ng Tunay Na Iglesia
Paano nagkaroon ng Iglesia Ni Cristo
sa Pilipinas? Sa Juan 10:16, ay
ganito ang sabi ni Cristo:
“At mayroon pa akong ibang
mga tupa, na hindi sa kulungang ito:
sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking
tinig; at sila’y magiging isang kawan.”
Ang sabi ni Cristo, mayroon pa Siyang ibang mga tupa na wala
pa sa kulungan noong Siya’y narito pa sa lupa.
Ang mga ito ay dadalhin Niya at kanilang diringgin ang Kanyang tinig, at
sila’y gagawin Niyang isang kawan at magkakaron ng isang pastor. Ano itong kawan? Sa Gawa 20:28, tinitiyak na ang kawan ay ang
Iglesia ng Panginoon. Ang Panginoon ay
si Cristo ( Gawa 2:36). Samakatuwid, ang
kawan ay ang Iglesia Ni Cristo. Kung
gayon, gagawin ni Cristong Iglesia Ni Cristo itong Kanyang ibang mga tupa na
noong narito pa Siya sa lupa ay wala pa sa kulungan. Sinu-sino naman itong
mga tupa ni Cristo na nasa kulungan na noon at sinu-sino naman itong wala pa sa
kulungan? Sa Gawa 2:39, ay ganito
ang sinasabi:
“Sapagkat sa inyo ang
pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan
man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”
Ang tanong natin ay
kung sinu-sino ang mga tupa ni Jesus na
nasa kulungan na at ang mga wala pa sa kulungan. Ang isinagot sa atin ng talata’y ang tatlong
pulutong ng mga taong tatanggap ng Espiritu Santo . Ang una’y “sa inyo”, ang ikalawa’y sa “inyong
mga anak” at ikatlo’y sa “lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin
ng Diyos”. Ang dalawang naunang pulutong
ay natawag na, kaya ang mga ito’y nasa kulungan na noon; ngunit itong huli o
ikatlong pulutong ay hindi pa natatawag noon kundi tatawagin pa lamang sila,
kaya wala pa sila sa kulungan noong si Cristo’y narito pa sa lupa. Sinu-sino ba itong
natawag na o nasa kulungan na noong si Cristo’y narito pa sa lupa at sa panahon
ng mga Apostol? Sa Roma 9:24, ay
ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:
“Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil.”
Ang mga natawag na ay ang mga Judio at ang mga Gentil. Ito ang mga tupa ni Cristo na nasa kulungan
na noon. Sino naman itong mga tupa ni
Cristo na wala pa sa kulungan noon? Ito
ang mga nasa malayo , na noon ay hindi pa tinatawag kundi tatawagin pa lamang,
kaya wala pa sila sa kulungan. Alin itong malayo na kinaroroonan ng mga tupa ni Cristo na
wala pa sa kulungan o hindi pa natatawag noong si Cristo ay narito pa sa lupa? Sa Isaiah 43:6, ay ganito ang nasusulat:
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan,
Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak
na babae na mula sa mga wakas ng lupa.”
Kinikilala rin ng Diyos na Kanyang mga anak itong mga tupa
ni Cristo na nasa malayo na noong panahon Niya rito sa lupa ay wala pa sa
kulungan. Ngunit
aling malayo? Sa Isaiah 43:5 ay
ganito ang sinasabi:
“Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; aking
dadalhin ang iyong lahi mula sa
silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.”
Aling malayo?
Malayong Silangan! Ang sabi ng
iba, wala raw mababasang Malayong Silangan sa Bibliya. May mababasa raw na salitang malayo na ito’y
nasa talatang 6, at may mababasa raw na salitang silangan na ito nama’y nasa
talatang 5, ngunit iyong salitang malayong silangan na magkasama o magkakabit
ay wala raw mababasa. Hindi totoo ito
sapagkat sa Bibliyang Ingles ng Isaiah 43:5 na salin ni James Moffatt ay ganito
ang nasusulat:
“From the far east will I bring your offspring …”
Sa wikang Pilipino:
“Mula sa malayong silangan ay aking dadalhin ang iyong lahi…”
Hindi ba maliwanag na Malayong Silangan ang nabasa
natin? Maliwanag! Bakit sa Bibliyang Tagalog ay wala iyong
Malayong Silangan? Kung wala man, walang
ibang dapat sisihin kundi ang mga nagsalin ng Bibliyang Tagalog.
Alin naman itong malayong Silangan? Sa World History nina Boak, Slosson, at Anderson , pahina 445, ay
ganito ang sinasabi:
Sa Tagalog na:
“Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusan sa pananakop
sa Malayong Silangan.”
Maliwanag na pinatutunayan ng kasaysayan na ang Malayong
Silangan ay ang Pilipinas. Ang Kanyang
mga anak na lalaki at babae ay Kanya ring dadalhin at diringgin ang Kanyang
tinig at sila’y gagawin Niyang isang kawan o Iglesia.
Paano pinatunayan ng hula ng Diyos
na Iglesia Ni Cristo ang lilitaw sa Pilipinas? Sa Isaiah 43:5-7, ay ganito ang nasusulat:
“Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa
silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong
pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang
aking mga anak na babae na mula sa mga wakas ng lupa;
“Bawat tinatawag
sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay aking kaluwalhatian, yaong aking
inanyuan, oo, yaong aking ginawa.”
Ano ang itatawag ng Diyos sa Kanyang mga anak na lalaki at
babae na mula sa Pilipinas ayon sa hula?
Sila’y tatawagin sa Kanyang pangalan.
Aling pangalan? Yaong pangalan na
Kanyang nilikha o ginawa para sa Kanyang kaluwalhatian. Alin ba ang pangalang ginawa ng Diyos para sa
Kanyang kaluwalhatian? Sa Gawa
2:36, ay ganito ang sinasabi:
“Pakatalastasin nga ng boong angkan ni Israel , na ginawa ng Dios na Panginoon itong si Jesus na inyong ipinako sa
krus.”
Alin ang pangalang ginawa ng Diyos? Ang pangalang Cristo. Ito nga ba’y sa ikaluluwalhati ng Diyos? Oo, gaya
ng pinatutunayan sa Filipos 2:9-11.
Papaano ba kung itawag ang pangalang Cristo sa mga kinikilala Niyang mga
tupa Niya? Iglesia Ni Cristo kung ito’y itawag sa Roma 16:16. Ano ang kahalagahan
ng pangalang ito? Ito ba’y walang
kabuluhan? Dapat ba itong baguhin o
palitan? Sa Gawa 4:10-12, ay
ganito ang nasusulat:
“Talastasin ninyong lahat, at ng boong bayan ng Israel, na sa pangalan
ni Jesucristong taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na
maguli sa mga patay, dahil sa kanya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap
na walang sakit.
“At sa kanino
mang iba ay walang kaligtasan; sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng
langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.”
Napakahalaga ng pangalan ni Cristo o ng pangalang Iglesia ni
Cristo. Sa kanino mang iba’y walang
kaligtasan.
Kailan itinakda ng hula ang paglitaw sa Pilipinas ng Iglesia
Ni Cristo? Ayon sa hulang ating sinipi
na sa unahan nito (Isaiah 43:5-6), ang panahong itinakda ng Diyos sa paglitaw
ng Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas ay sa mga wakas ng lupa. Kailan itong mga
wakas ng lupa? Upang matiyak
natin ito, kailangan nating pag-aralan ang pagkakahati ng panahon ni
Cristo. Sa ilang
hati nababahagi ang panahon ni Cristo?
Sa Apocalipsis 5:1, ay ganito ang sinasabi:
“At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at
sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong
tatak.”
Mapapansin natin sa pagbasa ng talatang ito na tila malayo
ang sagot sa ating tanong. Ang
itinatanong natin ay kung sa ilang bahagi nahahati ang panahon ni Cristo, ang
isinagot sa ati’y isang aklat na may pitong tatak. Tunay na aklat kaya
itong natatakan ng pitong tatak?
Sa Isaiah 29:11, ay ganito naman ang nakasulat:
“At sa lahat ng pangitain ay
naging sa inyo’y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng
mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi,
Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo:
at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka’t natatatakan.”
Samakatuwid, hindi tunay na aklat sa kalagayan itong aklat
na natatatakan ng pitong tatak kundi ito’y pangitain. Ang panahon ba ni
Cristo’y ipinakita sa mga pangitain?
Sa Apocalipsis 1:10, 17-19, ay ganito ang sinasabi:
“Ako’y
nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang
dakilang tinig na tulad sa isang pakakak.
“At nang siya’y aking makita ay nasubasob akong wari’y patay sa kaniyang
paanan. At ipinatong niya sa akin ang
kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako’y ang una at ang
huli”
“At ang nabubuhay; at ako’y namatay, at narito, ako’y nabubuhay
magpakailan man, at nasa aking kamay ang mga susi ng kamatayan at ng hades.
“Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at
ang mga bagay na mangyayari sa darating.”
Ipinakita ba sa pangitain ang panahon ni Cristo? Ipinakita kay Apostol Juan upang maisulat
niya ang mga pangyayaring magaganap sa buong panahon ni Cristo. Sa ilang bahagi ba nahahati ang buong panahon
ni Cristo? Nahahati ito sa pitong tatak
o pitong buko ng panahon. Saan sa pitong
bukong ito ng panahon o pitong tatak ang tinatawag na mga wakas ng lupa? Sa
dulo ng ikaanim ng tatak at sa simula ng ikapitong tatak. Ito ang tinatawag na mga wakas ng lupa. Bakit ang sabi’y mga wakas ng lupa? Sapagkat ang dulo ng ikaanim na tatak ay
isang wakas at ang simula ng ikapito’y wakas din, sapagkat ito ang wakas ng
hati ng panahon ni Cristo, at sa dulo ng ikapitong tatak ay wakas naman ng
sanlibutan, kaya kung tawagin ang dulo ng ikaanim, at simula ng ikapitong tatak
ay mga wakas ng lupa. Anong petsa ito sa
ating kalendaryo? Upang ito’y
matiyak natin, alamin muna natin ang pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na
tatak. Sa Apocalipsis 6:12, ay ganito
ang sinasabi:
“At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak …”
Sinasabi ritong binuksan ang ikaanim na tatak. Ano ang pangyayaring
naganap sa dulo nito? Sa talatang
15, ay ganito ang sinasabi:
“At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong
kapitan, at ang mayayaman, at ang bawa’t alipin at ang bawa’t laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga
bato sa bundok.”
Ano ang pangyayari? Nagsipagtago sa mga yungib at mga bato sa mga
bundok ang lahat ng uri ng mga tao. Ano ang dahilan ng kanilang pagtatago? Sa Jeremias 4:23,
19, ay ganito ang sinasabi:
“Narito, siya’y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay
magiging parang ipo-ipo: ang kaniyang
mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila.
Sa aba natin! Sapagkat tayo’y
nangapahamak.
“Ang hirap ko, ang hirap ko!
Ako’y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakaba-kaba, hindi ako
matahimik; sapagkat iyong narinig O!
kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang
hudyat ng pakikidigma.”
Bakit nagtago? Sapagkat may naganap na digmaan nang panahong
yaon. Bakit nagsipagtago ang mga
tao? Ang digmaang ito’y ginamitan ng mga makabagong kagamitang pandigma, gaya ng mga karo na parang
ipuipo (mga tangke) at mga kabayong matulin pa sa mga agila (mga
eroplano)—tinatawag itong ‘aerial
cavalry’ o kabayuhang panghimpapawid (World History, p. 478).
Kapag sumasasalay ang mga eroplano’y may hudyat na tumutunog. Ito ang tunog ng mga sirena na nagbababala sa
mga tao na may pagsalakay sa himpapawid. Kapag narinig ito ng mga tao’y kumakaba ang
kanilang mga dibdib, at sila’y nagsisipagtago sa mga yungib na sa makabagong
tawag ay ‘air raid shelter’. Anong uring digmaan itong magaganap sa dulo
ng ikaanim na tatak ayon sa hula? Ito’y
digmaan ng lahat ng mga bansa sa buong sanlibutan (Isaiah 34:1-2), samakatuwid
ay Digmaang Pandaigdig. Kailan ito
naganap ayon sa ating kalendaryo? Noong
1914. Ang panahong ito ang tinatawag ng
Biblia na mga wakas ng lupa. Sa panahong
ito itinakda ng hula ang paglitaw sa Pilipinas ng Iglesia Ni Cristo na mga tupa
ni Jesus na wala pa sa kulungan noong narito pa Siya sa lupa. Natupad ba ang hula? Natupad!
Ang Iglesia Ni Cristo ay napatala
sa pamahalaan noong Hulyo 27, 1914 kasabay ng pagsiklab ng Unang Digmaang
Pandaigdig. Sino ang nagtayo ng
tunay na Iglesia Ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914?
Ang Diyos at si Cristo sa bisa ng hula.
Natupad ito sa pamamagitan ng pagsusugo kay kapatid na Felix Manalo sa
mga huling araw na ito.*****
Hango mula sa aklat na Isang
Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo,
Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo, pahina 128-147.
_________________________________________________
_________________________________________________
_________________________________________________
Basahin din:
_____________________________________________________________
Bisitahin:
_____________________________________________