Ang Iglesia Pagkamatay Ng Mga Apostol
Itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang ating Panginoong Hesukristo ay nagtayo ng Kaniyang Iglesia noong unang siglo sa Jerusalem. Ang pangalang itinawag dito ng mga Aposto ay IGLESIA NI CRISTO (Roma 16:16), sapagka't sinabi Niya: " .. . itatayo ko ang aking Iglesia ... " (Mat 16:18). Ang kahulugan ng salitang IGLESIA NI CRISTO ay KATAWAN NI CRISTO, sapagka't ang Iglesia ay katawan ni Cristo at si Cristo ang ulo (Col. 1:18). Ang tanong ay: "SAAN NAROON NGAYON ANG IGLESIA NA ITINAYO NI CRISTO NOONG UNANG SIGLO SA JERUSALEM?" Kung si Cristo ay nagtayo ng Iglesia noong unang siglo sa Jerusalem at ito'y tinawag ng Iglesia Ni Cristo, saan narito ito ngayon? Bakit hindi natin ito kinagisnan? Ano ang nangyari sa Iglesiang itinayo ng ating Panginoong Hesukristo?
Ganito ang pahayag ng ating Panginoong Hesukristo tungkol sa Iglesiang itinayo Niya:
"At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami."
(Mateo 24:11)
Ano ang mangyayari sa Iglesiang itinayo ni Cristo ayon sa kaniyang hula? Marami sa Kaniyang mga alagad ay ililigaw. Sino ang magliligaw? Ang magsisibangong maraming bulaang propeta. Sino itong mga bulaang propeta na siyang hinulaan ni Cristo na magliligaw sa kaniyang Iglesia? Makikilala ba natin ito? May tanda bang ibinigay si Cristo na siyang ikakikilala sa mga bulaang propeta? Ganito pa ang sabi Niya:
"Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila."
(Mateo 7:15)
Paano natin makikilala itong mga bulaang propeta na ibinabala ni Jesus na dapat pag-ingatan o pangilagan? Makikilala natin sila sa damit na kanilang isusuot. Anong damit itong isusuot nitong mga bulaang propeta? Sila'y lalapit na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila. May damit ba ang ang hayop na tupa? Wala! Bakit sinabi ni Jesus na ang mga bulaang propeta ay nakadamit tupa? Sino ba ang tupang may damit? Ganito ang sinasabi ng Bibliya:
"Nang kinabukasan ay
nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang
Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!"
(Juan 1:29)
Sinasabi sa talatang ito na si Jesus ay Cordero ng Diyos. Ang salitang Cordero ay wikang Kastila na ang ibig sabihin sa wikang Tagalog ay tupa. Samakatuwid, si Jesus ang tupa na nagdaramit. Ang damit ng tupang si Jesus ang tutularan ng mga bulaang propeta. Paano maitatalikod o maililigaw nitong mga bulaang propeta itong mga alagad ni Jesus? Ganito naman ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling
panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa
mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,"
(I Timoteo 4:1)
May magtuturo ng aral ng mga demonyo at ito ang pakikinggan ng mga alagad ng ating Panginoong Jesucristo, kaya sila'y matatalikod sa pananampalataya. Ano ang dalawa sa aral ng demonyo na binanggit ni Apostol Pablo sa pagkakataong iyon? ganito pa ang sabi niya;
"Na ipinagbabawal ang
pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng
Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at
nangakakaalam ng katotohanan." (I Timoteo 4:3)
Ang dalawa sa mga aral ng demonyo ay ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga lamangkati. Ano ang tandang ikakikilala sa mga nadaya ng mga bulaang propeta? Sa Apoc. 13:16, ay ganito ang sinasabi:
" At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga
dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa
kanilang kanang kamay, o sa noo;"
Ano ba ang babala ng Diyos sa lahat ng tumanggap ng tanda sa kanang kamay at sa noo? Sa Apoc. 14:9-11, ay ganito naman ang sinasabi:
"At ang ibang anghel, ang
pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung
ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap
ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay,"
"Ay iinom din
naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa
inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa
harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero:
"
" At ang usok
ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang
kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa
kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.
"
Ano naman ang gagawin doon sa mga Iglesia Ni Cristo na hindi susunod sa aral ng demonyo? Lahat ba'y maliligaw? Ganito ang pahayag ng Bibliya:
"Aking talastas na pagalis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan;"
(Gawa 20:29)
Hinulaan ni Apostol Pablo na pagkaalis niya, na ang tinutukoy ay ang kanyang pagkamatay (Gawa 20:25, 37-38; II Tim. 4:16), papasok sa Iglesia ang mga ganid na lobo na hindi mangagpapatawad sa Kaniyang kawan o Iglesia (Gawa 20:28).
Sino itong mga ganid na lobo? Sila rin ang mga bulaang propeta na nakadamit tupa datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila (Mat. 7:15). Ang tupang hayop ay walang damit. Si Jesus ang tupang nagdaramit. Ang damit na katulat ng damit ni Cristo ang isusuot ng mga bulaang propeta. Hindi nila patatawarin ang kawan o iglesia na ang ibig sabihi'y magpapapatay sila.*****
_____________________________________________
Hinango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia
Ni Cristo, Copyright by Church Of Christ (Iglesia Ni
Cristo), 1964, pahina 43-58.
_____________________________________________
Note: Para po sa katuparan ng mga pahayag na ito ng Banal na Kasulatan at sa patotoo ng mga kasaysayang panrelihiyon, maaari po kayong magtungo sa pinakamalapit na kapilya o gusaling sambahan ng Iglesia ni Cristo sa inyong lugar dito sa Pilipinas o maging sa ibang bansa at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.
_____________________________________________[SA PILIPINAS ITINAKDA ANG PAGLITAW NG TUNAY NA IGLESIA]
[ANG LAYON NI CRISTO SA PAGTATAYO NG IGLESIA NIYA]
____________________________________________________________________