Martes, Mayo 17, 2016

SI CRISTO BA ANG TUNAY NA DIYOS?

SI CRISTO BA ANG TUNAY NA DIYOS?
Ni Teofilo C. Ramos Sr.


ANG NAKARARAMI SA mga pangkatin ng relihiyon o iglesia na nagsasabing sila’y Cristiano ay naniniwala na si Cristo ay tunay na Diyos.  Ang mga relihiyong ito ay gumagamit ng mga talata sa Biblia na diumano’y nagpapatunay na si Cristo ay Diyos.  Upang malaman natin kung tama ang paniniwala nilang ito tungkol sa likas na kalagayan ng Panginoong Jesucristo ay dapat nating suriin ang mga talata sa Banal na Kasulatan na kanilang pinagbabatayan.

      Ang isa sa mga talata ng Biblia na kanilang pinagbabatayan ay ang COLOSAS 2:9 ng saling New Pilipino Version na ganito ang sinasabi:

     “Pagkat na kay Cristo ang buong kalikasan ng Dios nang siya’y magkatawang-tao.”

     Binabanggit sa talatang ito na ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo nang Siya’y magkatawang-tao.  Mula rito, nabuo ang paniniwala na si Cristo ay Diyos.  Ngunit pag-aralan natin, ano ba ang likas na kalagayan ng Diyos?  Sa Juan 4:24 ay ganito ang patotoo ni Cristo:

     “Ang Dios ay ESPIRITU at ang sasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at sa katotohanan.” (Ibid.)

     Ang Diyos ay espiritu sa Kaniyang likas na kalagayan.  Ganito rin ba si Jesus?  Noong narito pa Siya sa lupa, ano ang pagpapakilala Niya tungkol sa Kaniyang sarili?  Sa Juan 8:40 ay ganito ang Kaniyang sabi:

     “Ngunit pinagsisikapan ninyong patayin ako na isang TAONG nagnagsabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Dios.  Ito’y hindi ginawa ni Abraham.” (Ibid.)

     Malinaw ang pagpapakilala ni Cristo na Siya’y isang taong nagsasabi ng katotohanan.  Wala Siyang sinabi na Siya’y Diyos na totoo at taong totoo.  Bagkus, sinabi niyang Siya ay tao.

     Noong si Cristo’y mabuhay na mag-uli at napakita sa mga alagad ay inakala ng huli na ang kanilang nakita ay isang espiritu.  Subalit ang maling akala nilang ito ay itinuwid ng Panginoong Jesucristo mismo:

     “Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

     “At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

     “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.  (Lu. 24:37-39)

     Kung si Cristo’y tunay na Diyos at espiritu sa kalagayan, sana ay hindi Niya sinansala ang pag-aakala ng mga alagad.  Yaon n asana ang pagkakataon upang sabihin Niyang Siya nga ay espiritu o Diyos.  Ngunit sa halip ay sinaway Niya ang mga alagad sapagkat mali ang kanilang akala.  Ipinakita Niya ang Kaniyang mga kamay at mga paa at sinabing ang isang espiritu ay walang laman at mga buto katulad ng nasa Kaniya.  Hindi tinanggap ni Cristo na Siya’y espiritu, kundi Siya ay may laman at mga buto—hindi Siya Diyos.

     Maging si Apostol Pablo, na tinawag ni Cristo nang Siya’y nasa langit na, ay nagturo na si Cristo ay tao:

     “Sapagkat iisa ang Dios at iisa ang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5, NPV)

     Tiniyak ni Apostol Pablo ang likas na kalagayan ni Cristo:  Siya ay taong Tagapamagitan sa iisang Diyos at sa mga tao.

ANG NAGKATAWANG-TAO
     Binabanggit sa Colosas 2:9 ng New Pilipino Version na si Cristo diumano ay nagkatawang-tao.  Tungkol dito, dapat nating sangguniin ang aral ng Biblia.  Alin o sino ba ang nagkatawang-tao?  

Sa Juan 1:1 at 14 ay ganito ang nakasulat:

     “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay sumasa-Dios, at ang Salita ay Dios.

     “Nagkatawang-tao ang Salita at tumahan sa gitna natin.  Nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatian ng bugtong na Anak na nagmula sa Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.” (NPV)

     Itinuturo ng Biblia na hindi si Cristo ang nagkatawang-tao kundi ang Salita na “sumasa-Diyos.”

     Sa talatang ating sinipi, tinatawag na Diyos ang Salita NiyaBakit tinatawag na Diyos ang Salita?  Sapagkat “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (cf. Luc. 1:37).  Ang salita ng Diyos ay kauri Niya na makapangyarihan (cf. Gen. 17:1)—ang lahat ng Kaniyang sinasabi ay natutupad.

ANG AMA ANG IISANG DIYOS
     Ayon sa ating Panginoong Jesucristo ay iisa ang tunay na Diyos.  Ito’y mababasa sa Juan 17:1 at 3:

     “Pagkatapos masabi ito ni Jesus, tumingala siya sa langit at nanalangin:  ‘Ama’… At ito ang buhay na walang hanggan, na makilala ka nila na iisang tunay na Dios, at si Jesu-Cristo na sinugo mo.” (NPV)

     Malinaw sa panalangin ni Cristo na ang Ama na nasa langit ang iisang tunay na Diyos.  Si Cristo naman ay sinugo o inutusan ng Diyos.  Ang tunay na iisang Diyos ang Siyang nag-uutos o nagsusugo—hindi Siya ang inuutusan o isinusugo.  Kaya, si Cristo na isinugo ay iba sa Diyos na nagsugo sa Kaniya.

     Sa I Corinto 15:27-28 ay itinuro ni Apostol Pablo ang isa pang kaibahan ng Diyos at ni Cristo:

     “Pakat ‘lahat ng bagay ay napasuko na niya sa ilalim ng kanyang mga paa’.  Sa pagbanggit ng lahat ng bagay, maliwanag ng hindi kasama ang Dios na nagpasuko ng lahat ng bagay kay Cristo.  Kung magawa na ang lahat ng ito, ang Anak naman ang paiilalim sa Ama na nagpasuko ng lahat ng bagay sa Anak upang ang Dios ay maging hari ng lahat.” (Ibid.)

     Malinaw sa talatang ito ng Biblia na ang Ama ang nagpasuko ng lahat ng bagay kay Cristo.  Pagkatapos na mapasuko ang lahat kay Cristo, Siya naman ang paiilalim sa Ama upang ang Ama ang maghari sa lahat.  Sa mga talata ring ito sa saling Magandang Balita Biblia ay ganito ang mababasa:

     “Ganito ang sinasabi ng Kasulatan:  ‘Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos’.  (Ngunit sa salitang ‘lahat ng bagay’, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.)  At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya.  Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.”

     Ang Diyos—ang Ama—ang makapangyarihan sa lahat.  Si Cristo ay paiilalim sa kapangyarihan ng Ama upang ang Diyos ang lubusang maghari sa kalahat-lahatan.  Kaya, malinaw na hindi maaaring Diyos si Cristo.

     Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia na si Cristo ay tao at hindi Diyos.  Batay sa mga katotohanang ito na itinuturo ng Banal na Aklat, natitiyak natin na ang talatang Colosas 2:9 ng New Pilipino Version na pinagbabatayan ng mga nagtuturong si Cristo  ay Diyos ay MALING SALIN.

     Paano natin masusukat kung wasto ang pagkakasalin sa isang talata?  Sa I Corinto 2:13 ay ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:

     “Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.

     Ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia ay magkakawangis.  Ang mga ito ay hindi nagsasalungatan.

     Sa ating pagtalakay, malinaw na magkakawangis ang pagtuturo ng Banal na Kasulatan na tao ang likas na kalagayan ng Panginoong Jesucristo.  Kaya, anumang aral na sumasalungat dito ay mali at hindi dapat paniwalaan ng tao.  *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE | SEPTEMBER 1997 | VOLUME 49  | NUMBER 9 | PAGES 9-10

Emphasis:  Admin.