Martes, Mayo 17, 2016

ANG PAGKAKAIBA NG KAPANGYARIHAN NG DIYOS SA KAPANGYARIHAN NI CRISTO

ANG PAGKAKAIBA
NG KAPANGYARIHAN NG DIYOS
SA KAPANGYARIHAN NI CRISTO

NI DANIEL J. LAPID SR.


ANG PANGINOONG Jesucristo ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihan na dahil dito’y nakagawa Siya ng mga kamangha-manghang gawa.  Subalit, may pagkakaiba ang kapangyarihang taglay Niya sa kapangyarihang nasa Diyos.  Mahalagang maunawaan ang kaibahan ng kapangyarihan ng Diyos sa kapangyarihan ni Cristo sapagkat may mga nag-aakalang si Cristo ay Diyos dahil sa taglay Niyang kapangyarihan.  Mapanganib ang magtaglay ng maling pagkakilala o maling pananampalatayang gaya nito sapagkat ito ay ikapapahamak.

ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS
Paano malalaman ng tao na mayroon ngang tunay na Diyos at ano ang katangian Niya ayon kay Apostol Pablo?  Sa kaniyang sulat sa mga Cristiano sa Roma ay ganito ang sinabi niya:

“Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.

“Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan. (Roma 1:19-20)

     Ayon kay Apostol Pablo, taglay ng tunay na Diyos ang walang hanggang kapangyarihan dahil sa Siya ay makapangyarihan sa lahat (Gen. 17:1).  Ito ay nahahayag sa pamamagitan ng mga bagay na Kaniyang ginawa.  Halimbawa nito ay ang mga bagay na nasa sangkalangitan—ang araw, buwan, at mga bituin—at ang mga bagay sa lupa—mga halaman, hayop, bundok, karagatan, at marami pang iba.  Sa Deuteronomio 3:24 ay ipinakilala ni Moises ang walang hanggang kapangyarihan ng tunay na Diyos:

     “Oh Panginoong Dios, iyong minulang ipinakilala sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong mga makapangyarihang kilos?

     Pinatunayan ni Moises na walang ibang Diyos sa langit at sa lupa na makagagawa ng katulad ng ginawa ng Diyos.  Walang sinuman na makatutulad o makapapantay sa mga bagay na ginawa Niya.

     Sa paglalang ng Diyos ng lahat ng bagay, mayroon ba Siyang katulong o kasangguni?  Sa Isaias 40:13-14 ay ganito ang nasusulat:

     “Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya?

     “Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa?

     Nang lalangin ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay wala Siyang katulong o kasangguni; walang nagturo ni nagpayo man sa Kaniya.  Siya lamang mag-isa ang lumalang ng lahat ng bagay.  Ito ang mismong pinatunayan ng Makapangyarihang Diyos:

     “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng iyong Manunubos, at niyang naganyo sa iyo mula sa bahay-bata, Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay; na naglaladlad, na magisa ng langit; na naglalatag ng lupa.” (Isa. 44:24)

     Ang Diyos lamang ang lumikha ng lahat ng bagay; Siya lamang mag-isa at wala Siyang katulong sapagkat maliban sa Kaniya ay walang sinumang makagagawa ng lahat ng Kaniyang ginawa.  Wala ring maitutulad o maiwawangis sa Kaniya:

     "Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?" (Isa. 40:18)

     Hindi mapapantayan ninuman ang Panginoong Diyos sa kapangyarihan, katangian, kalakasan, at karunungan.  Kahit ang mga bagay na Kaniyang ginawa ay hindi maaaring tularan o pantayan ng kahit na sino.


ANG KAPANGYARIHAN NI CRISTO
Ang Panginoong Jesucristo ay taong nagtataglay ng napakalaking kapangyarihan.  Sa Lukas 4:36 ay sinasabi:

     “At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa't isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka't siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila.

    Dahil sa kapangyarihan at kapamahalaan ng Panginoong Jesucristo ay nakagawa Siya ng maraming kamangha-manghang bagay.  Halimbawa, kapag Kaniyang pinagwikaan ang masasamang espiritu ay lumalabas ang mga ito mula sa mga taong kanilang inaalihan.  Bukod dito, nakapagpadilat si Jesus ng bulag, nakapagpalakad ng pilay, nakapagpagaling ng ketongin, nakapagpabangon ng patay, at marami pang iba:

     “Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad,

     “At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

     “At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita:

     “Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. (Mat. 11:2-5)

     Ang mga himalang ito na nagawa ng Panginoong Jesucristo ay tunay na kamangha-mangha.  Ngunit ang mga ito kaya ay nagawa Niya dahil sa Kaniyang sariling kapangyarihan?  Ganito ang sagot ng Biblia:

     “Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios.(Gawa 10:38)

     Kung nagawa man ng Panginoong Jesucristo ang mga himala, ito’y hindi dahil sa Kaniyang sariling kapangyarihan kundi dahil pinahiran Siya ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan.  Ang kapangyarihang taglay Niya ay ipinagkaloob sa Kaniya ng Diyos.  Kinasangkapan Siya ng Diyos upang gumawa ng makapangyarihang mga gawa.  Subalit, iba ang Diyos na gumagawa ng makapangyarihang gawa at ang Panginoong Jesucristo na Kaniyang kinasangkapan.  Kaya, hindi dahil sa nakagawa ng mga himala ang Panginoong Jesus ay masasabi nang Siya ay Diyos.  Siya ay pinagkalooban lamang ng Diyos ng kapangyarihan.

HINDI LAMANG SI CRISTO
Hindi lamang ang Panginoong Jesucristo ang pinagkalooban ng Diyos ng kapangyarihan.  Maging ang mga apostol at mga alagad ay pinagkalooban ng Diyos ng kapangyarihan upang makagawa ng mga kababalaghan o makapangyarihang gawa, gaya ni Apostol Pablo:

     “At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa'y walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma'y hindi nakalakad.

     “Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling,

     “Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. At siya'y lumukso at lumakad. (Gawa 14:8-10)

     “At sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao: at nangaroon silang lahat na nangagkakaisa sa portiko ni Salomon.

     “At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo:

     “Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu. (Gawa 5:12; 19:11-12)
     Pinagkalooban ng Diyos si Apostol Pablo ng kapangyarihan upang makapagpalakad ng pilay, makapagpagaling ng mga maysakit, at makapagpalayas ng masasamang espiritu mula sa mga inaalihan nito.
     Ganito rin ang nasumpungan sa alagad na si Esteban:
     “At si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.(Gawa 6:8)
     Kung sasabihin na ang Panginoong Jesucristo ay Diyos dahil sa mga kababalaghang Kaniyang ginawa, mapipilitang tanggapin na ang  mga lingkod ng Diyos na nakagawa rin ng mga himala gaya nina Moises, ang mga apostol, at si Esteban ay mga diyos din.  Ang ganitong konklusyon ay maling-mali at salungat sa pagtuturo ng Biblia na iisa lamang ang Diyos, ang Ama (Mal. 2:10)
     Bagaman ang mga unang lingkod ng Diyos, mga apostol, at mga alagad ay nakagawa ng makapangyarihang gawa, hindi nila ito nagawa sa ganang kanilang sarili.  Bagkus, ang Diyos na Siyang nagbigay ng kapangyarihan kay Cristo ang pinapatunayan nilang Siyang tuwirang may gawa ng mga ito:
     “At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo'y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya?

     “Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya'y pawalan.(Gawa 3:12-13)

SI CRISTO BA AY DIYOS?
     Maling isipin na si Cristo ay Diyos dahil sa Siya ay nagtataglay ng kapangyarihan.  Ipinakilala mismo ni Jesus na Siya ay tao sa kalagayan:

     “Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.(Juan 8:40)

     Bagaman nagtataglay ng kapangyarihan, nagpakilala ang Panginoong Jesucristo bilang tao at hindi Diyos.

     Hindi kailanman naging Diyos ang tao (Ezek. 28:2) at hindi rin naging tao ang Diyos (Ose. 11:9).  Kung idaragdag pa rito ang pahayag ni Cristo na sinipi sa itaas ay lalong napatutunayang hindi Siya Diyos.  Sinabi Niyang ang katotohanang Kaniyang isinaysay ay narinig Niya sa Diyos.  Dapat mapansin na magkaiba ang nakarinig kaysa kinaringgan.

     Ipinagtapat din ng Panginoong Jesucristo na wala Siyang magagawa sa ganang Kaniyang sarili:

    Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. (Juan 5:30)

     Ang Panginoong Jesucristo ay hindi makapangyarihan sa lahat na tulad ng Ama.  Sa ganang Kaniyang sarili ay wala Siyang magagawa, samantalang ang Ama ay hindi nangangailangan ng sinumang katulong upang Kaniyang gawin ang anumang bagay na Kaniyang naisin.

     Bukod dito, pinatunayan ni Jesus ang higit na katangian ng Panginoong Diyos kaysa Kaniya:

     “Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin. (Juan 14:28)

     Sinabi ni Cristo na ang Ama ay lalong dakila sa Kaniya.  Kung ang Panginoong Jesucristo ay Diyos sa kalagayan, lumilitaw na dalawa ang Diyos—isang dakila at isang mas lalong dakila.  Ito ay labag sa aral ng Panginoong Jesucristo na iisa lamang ang tunay na Diyos—ang Ama lamang (Juan 17:1, 3)

     Pinatunayan ni Apostol Pablo ang kaibahan ng kapangyarihan ni Cristo sa kapangyarihan ng Diyos nang sabihin Niya ang ganito:

     “Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya.

     “At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.(I Cor. 15:27-28)

     Pasusukuin ng Diyos ang lahat ng bagay kay Cristo na Kaniyang Anak.  Pagkatapos ay si Cristo naman ang pasusukuin sa Diyos upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.  Dito ay malinaw na iba ang Panginoong Jesucristo sa tunay na Diyos.  Pinatutunayan din ni Apostol Pablo na hindi si Cristo ang makapangyarihan sa lahat na siyang katangian ng tunay na Diyos.

     Dapat makilala ang tunay na Diyos—ang Ama na nasa langit na Siyang lumalang ng lahat ng bagay.  Dapat ding makilala si Cristo, Anak ng Diyos na binigyan ng katangiang higit sa karaniwang tao.  Ang tunay na Diyos ang Manlalalang samantalang si Cristo ay nilalang, subalit binigyan ng Diyos ng kapangyarihan upang makagawa ng mga himala at makapangyarihang gawa.  Subalit, nananatiling tao sa kalagayan ang Panginoong Jesus; hindi Siya Diyos. *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE | AUGUST 1999 | VOLUME 51 | NUMBER 8 | PAGES 14-16