Biyernes, Oktubre 31, 2025

Ang Espiritu Santo: Tunay Na Diyos Nga Ba?

ANG ESPIRITU SANTO: TUNAY NA DIYOS NGA BA? 

Sinulat ni GREG F.NONATO 

...hindi naging maliwanag sa Lumang Tipan ang misteryo ng Santisima Trinidad. May mga pahiwatig, ngunit walang maliwanag na pahayag tungkol dito." (Liwanag at Buhay, p. 46) 

INIAARAL NG MGA TAGAPAGTURO ng Iglesia Katolika na ang Espiritu Santo ay tunay na Diyos at siyang ikatlong persona ng diumano'y Santisima Trinidad. Ayon sa paring Katoliko na si Cirilo R. Almario: 

"Ang pangunahing aral ng Iglesya Katolika tungkol sa Espiritu Santo ay siya'y tunay na Diyos, tulad na ang Ama at ang Anak ay tunay na Diyos." (Liwanag at Buhay p. 46) 

Ang paniniwala ng mga Katoliko tungkol sa Espiritu Santo ay siya ring taglay ng mga Protestante at ng mga pangkating panrelihiyon na nagpapakilalang "evangelicals." Mababasa sa kanilang aklat na: 

"Siya ay tunay ngang isang Persona, na Diyos tulad ng uri ng sa Ama at sa Anak, subalit bukod sa kanilang dalawa." (The Three are One, p. 47) 

ANG KATOTOHANANG SINASABI NG BIBLIA Tunay na Diyos nga ba ang Espiritu Santo gaya ng sinasabi ng maraming nagpapakilalang tagapagturo ng Biblia? Sa Matandang Tipan ay maraming beses na binanggit ang Espiritu Santo ngunit minsan ma'y walang binanggit na "Diyos Espiritu Santo," ni tinawag man lamang ang Espiritu Santo na Diyos. Ito'y pinatunayan din ng paring Katoliko na si Joseph Pohle: 

"3. ANG PANGALANG 'DIYOS KUNG INIUUKOL SA ESPIRITU SANTO-Bagaman sa alinmang bahagi nito'y hindi tinatawag ng Biblia ang ikatlong Persona ng Pinagpalang Trinidad na 'Diyos',..." (The Divine Trinity, p.109) 

Inaamin din ng mga nagsuri ng Biblia na hindi itinuturo rito na ang Espiritu Santo ay isang persona ng Diyos. Ganito ang pahayag ni G. Almario: 

"Sa LUMANG TIPAN, may mahigit na 94 beses na binabanggit ang tungkol sa 'Espiritu ng Diyos', subalit hindi naipahayag sa kanila na ang Espiritung ito ay isa ring persona katulad ng Ama at ng Anak. Sa katunayan, hindi naging maliwanag sa Lumang Tipan ang misteryo ng Santisima Trinidad. May mga pahiwatig, ngunit walang maliwanag na pahayag tungkol dito." (Liwanag at Buhay, p. 46) 

Maliwanag sa paglalahad ng paring si Almario na bagaman naniniwala siya na ang Espiritu Santo ay tunay na Diyos at ito raw ang diumano'y ikatlong persona ng Santisima Trinidad, inaamin niya na walang ganitong ipinahayag sa Matandang Tipan. Ganito rin ang pinatutunayan sa Catholic Encyclopedia: 

"Sapagkat hindi natin matatagpuan saanman sa Matandang Tipan ang kahit na anong malinaw na indikasyon ng Ikatlong Persona." (p. 49) 

"Ang doktrina ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ay walang batayan sa Banal na Kasulatan, sapagkat wala ni isang pagtukoy sa Diyos Anak o Diyos Espiritu Santo sa buong Biblia." (Search For Truth, p. 64) 

ANG ESPIRITU SANTO SA MATANDANG TIPAN Sa Matandang Tipan ay maraming ulit na ipinakilala ng Diyos ang Kaniyang sarili subalit hindi kailanman bilang Diyos na may tatlong persona. Wala Siyang sinabi na ang Anak ay Diyos at ang Espiritu Santo ay Diyos din. Sinabi ng tunay na Diyos, "Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, At liban sa akin ay wala nang iba" (Isa. 46:9, Magandang Balita Biblia); "Ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba..." (Isa. 45:5, Ibid.); "...Upang ako ay makilala ng buong daigdig, Na makilala nila na ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba" (Isa. 45:6, Ibid.). 

Kaya naman ang paniniwala ng mga tao ng Diyos sa panahon ng Matandang Tipan ay ang Ama lamang ang iisang Diyos at wala nang iba. Wala silang paniniwala na ang Espiritu Santo ay Diyos din. Sa katunayan, ganito ang matutunghayan natin sa Matandang Tipan: 

"Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya." (Deut. 32:12) 

"Kaya't ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios; sapagka't walang gaya mo,o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig." (II Sam. 7:22) 

"Iisa lamang ang Diyos, at wala nang iba." Ito ang paniniwala ng bayan ng Diyos sa panahon ng Matandang Tipan, ang matandang Israel. Ang iisang Diyos na kanilang kinilala ay walang iba kundi ang Ama (Deut. 32:6; Isa. 63:16; Mal. 2:10; II Sam, 7:14; Awit 89:26; Isa. 64:8). Sa Matandang Tipan ay walang tinatawag na Diyos Anak at wala ring tinatawag na Diyos Espiritu Santo. 

ANG ESPIRITU SANTO SA BAGONG TIPAN Kung sa Matandang Tipan ay walang itinuturo na ang Espiritu Santo ay tunay na Diyos at ikatlong persona ng tinatawag na Santisima Trinidad, sa Bagong Tipan kaya ay wala ring pagtuturo na ang Espiritu Santo ay tunay na Diyos? Ganito ang natuklasan ng mga nagsuri sa Bagong Tipan tungkol sa Espiritu Santo: 

"Ang doktrina ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ay walang batayan sa Banal na Kasulatan, sapagkat wala ni isang pagtukoy sa Diyos Anak o Diyos Espiritu Santo sa buong Biblia." (Search For Truth, p.64) 

Hindi itinuturo ng Bagong Tipan na ang Espiritu Santo ay tinawag na Diyos. Ito ang natuklasan ng mga nagsuri sa Bagong Tipan. Ito ay sapagkat ang aral na ang Espiritu Santo ay tunay na Diyos at siyang diumano'y ikatlong persona ng Santisima Trinidad ay hindi itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol. Ang mga unang Cristiano tulad din ng mga Israelita noong una ay nanindigan na iisa lamang ang tunay na Diyos at Siya ay walang iba kundi ang Ama. Sinabi ni Apostol Pablo sa mga Cristianong nasa Corinto: 

"Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya;..." (I Cor. 8:6) 

ANG TURO NG PANGINOONG JESUCRISTO UKOL SA ESPIRITU SANTO 

Nang si Jesus ay narito pa sa lupa, maraming ulit Siyang nagturo tungkol sa Espiritu Santo, ngunit kahit kailan ay hindi Niya itinuro na ang Espiritu Santo ay Diyos o"ikatlong persona" ng diumano'y Santisima Trinidad. Ano ang itinuro ng Panginoong Jesucristo tungkol sa Espiritu Santo? Ang Espiritu Santo ay ang ipinangako Niya na Kaniyang susuguin upang umaliw sa mga Cristiano: 

"Datapuwa't pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin." (Juan 15:26) 

Ito ay isang matibay na katunayan na ang Espiritu Santo ay hindi dapat ipagkamali sa tunay na Diyos at hindi maaaring maging kapantay ng Diyos. Ayon na rin sa pagtuturo ng Panginoong Jesucristo, higit na dakila ang nagsusugo kaysa isinusugo (Juan 13:16). Si Cristo ay higit na dakila kaysa Espiritu Santo sapagkat ang Panginoong Jesucristo ay Siyang nagsusugo rito. Sa kabilang dako, ang Diyos ay higit na dakila kaysa kay Cristo (Juan 14:28) sapagkat ang Diyos ang nagsugo sa Kaniya (Juan 17:3). Ganito rin ang sinasabi ni Origen, isa sa mga tina-tawag na Church Fathers: 

"Si Origen ay pumalaot pa sa direksiyong ito sa pamamagitan ng tiyakang pagtuturo na ang Anak ay mababa sa Ama, tungkol sa esensiya o kakaniyahan, at ang Espiritu Santo ay mababa maging sa Anak." (Systematic Theology, p. 82) 

Itinuturo rin ng iba na salungat sa turo ni Cristo na ang Espiritu Santo ay kapantay ng Ama at ng Anak (perfectly equal), at ang Tatlong Persona ay pare-parehong Diyos (the same God): 

"Ang tatlong Persona, kung gayon, dahil [sila'y] iisang Diyos ay ganap na magkakapantay sa kasakdalan, kadakilaan at kaluwalhatian: Ang Ama at ang Anak at ang Espiritu Santo ay nagtataglay ng iisang pagka-Diyos, ng magkakapantay na kaluwalhatian at ng magkakasing walang hanggan na kadakilaan. Kung ano ang Ama, gayon din ang Anak, maging ang Espiritu Santo... ang Ama ay Diyos, Ang Anak ay Diyos, ang Espiritu Santo ay Diyos. Gayunman sila ay hindi tatlong Diyos, kundi iisang Diyos (mula sa Athanasian Creed)." (The Creed, p. 50) 

ANG PINAGMULAN NG ARAL NA ANG ESPIRITU SANTO AY DIYOS 

Malinaw na napatunayan natin na ang Espiritu Santo ay hindi kailanman itinuro at tinawag na Diyos sa Biblia. Sino kung gayon ang pinagmulan ng aral na ang Espiritu Santo ay Diyos at siyang diumano'y ikatlong persona ng Santisima Trinidad? Tunghayan natin ang isinasaad ng kasaysayan: 

"Tertuliano, ipinanganak noong mga 160, naakit o nakumberte sa Cristianismo noong 195 at sa Montanismo noong mga 207, ay isa sa mga pangunahing pilosopong Cristiano ng kaniyang panahon. Siya ay propesyonal na abugado na may malawak na kaisipan, maalam sa pilosopiya, kasaysayan at wikang Griyego, na may natatanging kaloob bilang debatista. Siya ay isa sa mga unang nagpahayag nang tuwiran na ang Espiritu Santo ay Diyos na kapantay ng dalawang iba pang Persona ng Trinidad." (A History of Heresy, p.35) 

Si Tertuliano, na nabuhay sa pagtatapos ng ikalawang siglo at pagsisimula ng ikatlong siglo, ang isa sa mga kauna-unahang nagpahayag na Diyos ang Espiritu Santo at kapantay ng dalawang iba pang persona ng tinatawag niyang Trinidad. Kaya, natitiyak natin na ang aral na ang Espiritu Santo ay Diyos ay hindi nagmula sa ating Panginoong Jesucristo ni sa Kaniyang mga apostol sapagkat si Tertuliano ay nabuhay sa panahong matagal nang tapos ang pagsulat ng Biblia at matagal na ring patay ang mga apostol. 

Matatandaan natin na ang aral na si Cristo ay Diyos ay ginawa sa Konsilyo ng Nicea noong 325 (Ang Aral ni Kristo, p.646). Naisama ba sa Kredo ng Nicea ang aral na ang Espiritu Santo ay Diyos? Ganito ang sinasabi ng kasaysayan: 

"Ang Kredo ng Nicea ay walang sinabi tungkol sa pagka-Diyos ng Espiritu Santo." (The Church in History, p.32) 

Ganito rin ang sinasabi ng mga awtoridad Katoliko: "Ang konsilyo ay umiwas na tukuyin ang Espiritu Santo bilang Diyos." (The Left Hand of God, p. 59)12 

Kapuna-puna na ang aral na ang Espiritu Santo ay Diyos ay hindi kabilang sa artikulo ng pananampalatayang Katoliko na nabuo sa Konsilyo ng Nicea noong A.D. 325. Ang aral na ang Espiritu Santo ay Diyos ay idinagdag lamang sa artikulo ng pananampalataya sa Konsilyo ng Constantinopla noong 381: 

"Ang pinakamatanda at tinatanggap ng mas nakararami na pahayag tungkol sa lahat ng punto na may kinala man sa doktrina ng Trinidad, ay ang Kredo ng Nicea. Ito ay inilagda ng Konsilyo ng Nicea noong 325, at ang mga punto na may kinalaman sa pagka-Diyos at personalidad ng Espiritu Santo ay idinagdag sa Konsilyo ng Constanti-nopla noong A.D. 381." (The Three are One, p. 101) 

Pinatutunayan din ito ng paring si Clement H. Crock: 

"Noong 381, sa Konsilyo ng Constantinopla, ipinali-wanag na isang tuntunin ng pananampalataya na ang Espiritu Santo ay Diyos." (The Apostle's Creed, p. 206) 

Malinaw ang patotoo ng kasaysayan na ang aral na ang Espiritu Santo ay Diyos at siyang diumano'y ikatlong Persona ng Santisima Trinidad ay idinagdag lamang sa artikulo ng pananampalataya sa Konsilyo ng Constantinopla noong 381. Ang pasimuno ng aral na ito ay ang tinatawag ng kasaysayan na Three Cappadocian Fathers na sina Gregorio ng Nazianzo, Basilio ng Caesarea, at Gregorio ng Nyssa: 

"Pagkamatay ni Atanacio ang liderato sa laban ng ortodoksiya (katotohanang Cristiano batay sa kasaysayan) ay pinangunahan ng tatlong lalake na kilala bilang "the three great Cappadocians." Tinawag sila ng gayon sapag-kat sila'y nagmula sa lalawigan ng Cappadocia sa Asya Menor at dahil sa ang tatlong ito ay kabilang sa mga pinakabantog na lalake ng Iglesia ng matandang panahon. Sila ay sina Basilio ng Caesarea, Gregorio ng Nazianzo, at Gregorio ng Nyssa. Ang tatlong lalakeng ito ay matatag at malakas na nanindigan sa pagsasanggalang sa mga aral ng Kasulatan." (The Church in History, pp. 31-32)

"Sa tag-init ng 325, ang prinsipe ng imperyo na si Julian, na nang panahong iyon ay estudyante pa lamang sa Atenas, ay namangha nang marinig ang problemang ito nang makilala niya si Gregorio ng Nazianzo, na kilala rin bilang Gregorio ang Teologo. Kasama ang isang nag-ngangalang Basilio at ang kaniyang kapatid, isinusulong ni Gregorio ang pagiging Diyos ng Espiritu Santo." (The Left Hand of God, p.61)

Ayon sa kasaysayan, ang tinatawag na Three Cappado-cians ang naglunsad ng pagdaragdag sa Kredo ng Iglesia Katolika noong 381 sa Konsilyo ng Constantinopla ng aral na ang Espiritu Santo ay Diyos. Ang dogma na ang Espiritu Santo ay Diyos ay hindi aral ng Biblia. 

Hindi kailanman itinuro ng Panginoong Jesucristo, maging ng Kaniyang mga apostol, na Diyos ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo na diumano ay Diyos ay iba sa Espiritu Santo na ipinangaral ng mga apostol. May ibinabala si Apostol Pablo na mangangaral ng ibang espiritu. Kaya iba ay sapagkat iba sa Espiritu Santo na ipinangaral ng mga apostol (II Cor. 11:2-4, Living Bible). 

Yayamang hindi aral ng Biblia ang doktrina tungkol sa diumanoʻy pagiging Diyos ng Espiritu Santo, ni ang diumano'y pagiging ikatlo nito sa mga Persona ng Diyos, ito ay dapat itakwil. Ganito ang itinagubilin ni Apostol Pablo: 

"Ako'y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo. Na ito'y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo'y nagsisiligalig, nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo. Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil." (Gal. 1:6-8).

*NOTA: Lahat ng sinipi mula sa mga referenciang Ingles ay isinalin sa Filipino. 

PASUGO GOD'S MESSAGE

NOVEMBER 2005

PAGES 21-24


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento