KUNG BAKIT INUUSIG AT KINAPOPOOTAN ANG MGA IGLESIA NI CRISTO
ANG pag-uusig ang isá sa mga dahilán kung bakit hindi makapag-Iglesia ni Cristo ang maraming tao. Kahit nálalaman niláng ito ang totoo at maliwanag sa kanilá ang mga aral na kaniláng náririníg, hindi silá makapagpatuloy sa pag-anib sa Iglesia ni Cristo. Ang dahilán: natátakot silá sa pag-uusigat pagkapoot ng mga tao. Ang ilán namáng kaanib na sa Iglesia ni Cristo ay náhihiwaláy pa. Pag-uusig din ang dahilán. Ang ibá'y nagtátaká at nagsásabing kung kailán pa raw silá susunod sa Diyos, gágawa ng mabuti at magbábagong-buhay, ay saka pa silá kinapopootán ng mga tao at inúusig. Náiisip tuloy ng ibá na baka raw hindi totoong sa Diyos ang Iglesia ni Cristo, sapagká't kung ito anyá'y sa Diyos, bakit kinapopootán at inúusig ng mga tao ang mga nagsísianib dito? Dahil dito, sa ikaúunawa ng mga bumábasa nito sa dahilán kung bakit inúusig at kinapopootán ng mga tao ang Iglesia ni Cristo, subaybayán ninyong basahin ang hulíng kabanatang ito.
ANG IPINAGPAUNA NI JESUS NA GAGAWIN SA KANYANG MGA ALIPIN
Maiiwasan ba ng sínumáng nagnánais magíng alipin ni Cristo ang pag-uusig? Basahin natin ang sinabi ni Jesús na nasa Juan 15:20:
"Alalahanin ninyo ang salitáng sa inyo'y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyáng panginoon. Kung ako'y kaniláng pinagusig, kayo man ay kaniláng pagúusigin din; kung tinupád nilá ang aking salita, ang inyo man ay tútuparín din."
Dito'y ipinagpáuná ni Jesús na ang pag-uusig ay hindi maiiwasan ng sínumáng súsunod sa Kanyá. Kailanmá't ang isáng tao'y nagnánais magíng alipin ni Cristo o magíng Iglesia ni Cristo, dapat na niyáng ihanda ang kanyáng sarili sa pag-uusig. Tiyák na dáratíng sa kanyá ang pag-uusig. At kung ang pag-uusig ay dumatíng, dapat niyáng alalahanin ang sinabi ni Jesús, na ang alipin ay hindi dakila kay sa kanyáng panginoon. Kung si Cristo na Panginoon natin ay inusig, ang Iglesia ni Cristo ay úusigin din. Samakatuwíd, hindi maíiwasan ang pag-uusig ng sínumáng mag-íiglesia ni Cristo. Ang pag-uusig ay kakambál ng pagigíng Iglesia ni Cristo.
ANG MGA PAG-UUSIG NA GAGAWIN SA MGA IGLESIA NI CRISTO
Ipinagpáuná rin ba ni Jesús kung anong mga pag-uusig ang gágawín sa Iglesia ni Cristo? Sa Mat. 5:11, ay ganito ang sinabi ni Jesús:
"Mapapalad kayo pagka kayo'y ináalimura, at kayo'y pinagúusig, at kayo'y pinagwíwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin."
Ito ang isá sa pag-uusig na gágawín sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo. Pagsásalitaán silá ng sari-saring masama na pawang kasinungalingan dahil kay Jesús. Kaya hindi dapat magtaká ang mga taong umáanib sa Iglesia ni Cristo at magíng ang mga kaanib na, kung silá'y nakákariníg ng sari-saring masasamáng salita at mga paratang laban sa Iglesia ni Cristo. Ito'y ipinagpáuná ni Jesús. At ito'y nangyari rin kay Jesús. Si Jesús ay pinaratangang sira ang baít (Mar. 3:21), may demonio at naúulol (Juan 10:20); pinaratangan din Siyáng inilíligáw o dinádaya Niyá ang mga tao (Juan 7:12). Nguni't ang mga ito ba'y totoo? "Sumagot si Jesús, Ako'y waláng demonio; kundi pinapúpurihan ko ang aking Amá, at ako'y inyong sinísiraan ng puri" (Juan 8:49). Samakatuwíd, paninirang-puri lamang ang lahát ng mga paratang at sari-saring salitáng masama na sinásabi ng mga tao laban sa Iglesia ni Cristo. Hindi ito dapat pansinín. Hindi ito dapat patulan.
Ano pa ang pag-uusig na gágawín sa mga Iglesia ni Cristo? Sa Luc. 6:22, ay ganito pa ang sabi ni Jesús:
"Mapapalad kayo kung kayo'y kapootán ng mga tao, at kung kayo'y ihiwaláy nilá, at kayo'y alimurahin, at itakuwíl ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anák ng tao."
Ayon kay Jesús, ang mga Iglesia ni Cristo'y kapopootán, áalimurahin, ihíhiwaláy at itátakwíl dahil sa Kanyá. Kaya may mga Iglesia ni Cristo na hiníhiwalayán ng kaniláng asawa, mga magulang at mga kapatíd. May mga Iglesia ni Cristo na itinátakwíl ng kaniláng mga kamag-anak, pinalálayas sa kaniláng mga lupang sinásaka at ibá't ibá pang pagtatakwíl. Hindi ito dapat ipagtaká, Ipinagpáuná ito ni Jesús. Tangi rito, ano pang pag-uusig ang gágawín sa mga Iglesia ni Cristo? Sa Mat. 10:17-20, ganito pa ang sabi ni Jesús:
"Datapuwa't mangagpakaingat kayo sa mga tao: sapagká't kayo'y ibíbigáy nilá sa mga Sanedrin at kayo'y háhampasín sa kaniláng mga sinagoga;
"Oo at kayo'y dádalhín sa haráp ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanilá at sa mga Gentil.
"Datapuwa't pagka kayo'y ibinigáy nilá, huwág ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sásabihin: sapag-ká't sa oras na yaon ay ipagkákaloob sa inyo ang inyong sásabihin.
"Sapagká't hindi kayo ang mangagsásalita, kundi ang Espíritú ng inyong Amá ang sa inyo'y magsásalita."
Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, ang Kanyáng mga alagád ay ibíbigáy sa mga Sanedrin o mga Húkuman, háham-pasín sa mga sinagoga, dádalhín sa haráp ng mga pinuno, gaya ng mga gobernador at mga hari. Ito ay natútupád din sa mga Iglesia ni Cristo sa hulíng araw. At sinabi pa ni Jesús na ang ibá'y pápatayín at kapopootán ng lahát dahil sa Kanyáng pangalan (Mat. 24:9). Samakatuwíd, maáaring humangga sa kamatayan ang pagsunod sa ating Panginoong Jesucristo. Datapuwa't dapat ba itong ikatakot ng mga tunay na umíibig sa Diyos at kay Jesús?
HINDI DAPAT IKATAKOT AYON KAY JESUS AT MGA APOSTOL
Dapat bang ikatakot ang pag-uusig kahit na ito'y nangángahulugán ng kamatayan? Sa Mat. 10:28, ganito ang sabi ni Jesús:
"At huwág kayong mangatakot sa mga nagsísipatáy ng katawán, datapuwa't hindi nangakákapatáy sa káluluwá: kundi bagkús ang katakutan ninyo'y yaong makapúpuksa sa káluluwá at sa katawán sa impierno."
Ayon kay Jesús, hindi dapat matakot sa pumápatáy ng katawán, datapuwa't hindi nakapápatáy ng káluluwá. Ang dapat katakutan ng tao ay ang makapápatáy sa káluluwá at sa katawán sa impierno, na ito ang Diyos. Sa Diyos dapat matakot ang tao at hindi sa kanyáng kapwa-tao. Kayá't kung kayo'y binábalaang itátakwíl, híhiwalayán at pápatayín kung kayo'y áanib sa Iglesia ni Cristo, huwág ninyong ikatakot ito ayon kay Jesús. Sabihin natin ang sinabi ng mga Apostol noong silá'y inúusig, hináhadlangán at binábalaan ng mga mang-uusig: "SUSUNOD MUNA KAMI SA DIYOS BĂGO SA MGA TAO" (Gawa5:29).
Ano namán ang itinuro ng mga Apostol sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo tungkol sa mga kumákaaway sa kanilá? Sa Fil. 1:28, ay ganito ang sinásabi:
"At sa anomán ay huwág kayong mangatakot sa mga kaaway: na ito sa kanilá ay malinaw na tanda ng kapaha-makán, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtás, at ito'y mula sa Dios."
Dapat bang matakot ang mga Iglesia sa mga kumákaaway sa kanilá? Hindi, ayon kay Apostol Pablo. Sa anumáng paraá'y hindi tayo dapat matakot sa mga nagsísiusig at napopoot sa atin. Ito ang malinaw na tanda ng kaniláng kapahamakán, datapwa't tanda ito ng ating pagkaligtás.
Ayon namán sa ating Panginoong Jesucristo, anong damdamin ang dapat madamá ng mga pinag-úusig at itinátakwil dahil sa pagka-Iglesia ni Cristo? Sa Luc. 6:22-23, ay ganito ang sinabi ni Jesús:
"Mapapalad kayo kung kayo'y kapootán ng mga tao, at kung kayo'y ihiwaláy nilá, at kayo'y alimurahin, at itakuwíl ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anák ng tao.
"Mangagalák kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagká't nárito, ang gantí sa inyo'y malakí sa langit; sapagká't sa gayon ding paraán ang ginawa ng kaniláng mga magulang sa mga propeta."
Dapat ba nating ikalungkot ang pag-uusig at pagtatakwíl sa atin ng mga tao dahil kay Jesús? Hindi, kundi bagkús dapat natin itong ikagalák, sapagká't malakí ang gantí sá atin sa langit.
Samakatuwíd, hindi malúlugi ang mga Iglesia ni Cristo na nagtítiís ng mga pag-uusig at pagkapoot ng mga tao dahil kay Jesús. Gágantihín silá sa langit. Kaya hindi dapat maduwág ang mga tao sa pag-i-Iglesia ni Cristo. Dapat kayong magpatuloy at hindi kayo dapat pahadláng sa kanínumán. Dapat nating ipagpáuná ang pagsunod sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo. Ibigin natin si Jesús nang higít sa lahát. Sinabi Niyá: "Ang umíibig sa amá o sa iná ng higít kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umíibig sa anák na lalake o sa anák na babae ng higít kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin" (Mat. 10:37).
ANG DAHILAN NG PAGKAPOOT NG MGA TAGA SANLIBUTAN SA MGA IGLESIA NI CRISTO
Itinátanong ng ibá: Bakit kaya gayon na lamang ang pagkapoot ng mga tao sa Iglesia ni Cristo? Ano ang dahilán at silá'y pinag-úusig at kinapopootán, samantalang wala namán siláng ginawáng masama doon sa mga taong napopoot sa kanilá? Nárito ang isá sa dahiláng ikinapopoot sa mga Iglesia ni Cristo ayon kay Jesús. Sa Juan 15:19, ay ganito ang sinásabi:
"Kung kayo'y taga sanglibután, ay iibigin ng sanglibután ang kaniyáng sarili; nguni't sapagká't kayo'y hindi taga sanglibután, kundi kayo'y hinirang ko sa sanglibután, Kaya napopoot sa inyo ang sanglibután."
Bakit ang Iglesia ni Cristo ay kinapopootán ng sanlibután? Sapagká't silá'y hindi taga-sanlibután kundi silá'y mga hinirang ni Jesús sa sanlibután. Ang ibig bang sabihin ng silá'y hindi taga-sanlibután ay wala na silá sa mundong ito? Hindi gayon ang kahulugán, kundi, nárito rin silá sa sanlibutáng ito, datapuwa't nabubukod silá sa pamumuhay at sa kaugalian. Ibá ang pamumuhay ng mga Iglesia ni Cristo sa pamumuhay ng mga taga-sanlibután. Kaya sinabi ni Apostol Pedro: "Ikinaháhanga nilá ang bagay na ito na kayo'y hindi nakikitakbong kasama nilá sa gayong pagpapakalabis ng kaguluhan, kung kayá't kayo'y pinagsásalitaan ng masama" (I Ped. 4:4).
Ano pa ang isáng dahilán ng ikinapopoot ng mga taga-sanlibután sa mga Iglesia ni Cristo? Sa Juan 17:14, ay ganito ang sabi ni Jesús:
"Ibinigáy ko sa kanilá ang iyong salita: at kinapootán silá ng sanglibután, sapagká't hindi silá taga sanglibután, gaya ko namán na hindi taga sanglibután."
Dahil sa pagsunod ng mga Iglesia ni Cristo sa mga utos ng Diyos na itinuro ni Jesús kaya silá kinapopootán ng san-libután. Ang isá sa mga utos na ito na sinúsunod ng mga Iglesia ni Cristo ay ang pagbabawal ng Diyos sa kanilá, na siláng mga sangkáp ng katawán ni Cristo ay sumangkáp pa sa ibáng mga kapisanang itinatag ng mga tao dito sa lupa, laluna sa mga unyon. Dahil sa hindi namin pagsapi sa mga kapisanan at sa mga unyon, kamí'y pinag-úusig at kinapopootán. Ang ibá'y ináalís sa trabaho. At ang ibá namá'y ayaw tanggapín sa trabaho kung hindi sásapi sa unyon. Gayunmá'y hindi natátakot ang mga Iglesia ni Cristo, kung alisín man silá sa trabaho, dahil sa pagsunod nilá sa kalooban ng Diyos. Nálalaman naming dáratíng sa amin ang pag-uusig, at ito'y hindi namin maiiwasan. Una'y dahil sa kamí'y hindi na taga sanlibután at ikalawá'y dahil sa pagsunod namin sa mga salita ng Diyos. Tangi rito'y ano pa ang dahilán at napopoot ang mga tao sa mga Iglesia ni Cristo? Sa Mat, 10:22, ay ganito pa ang sabi ni Jesús:
"At kayo'y kapopootán ng lahát ng mga tao dahil sa pangalan: datapuwa't ang magtítiís hanggáng sa wakas ay siyáng máliligtás."
Nárito pa ang isáng dahilán lung bakit napopoot ang mga tao sa Iglesia ni Cristo. Ang sabi ni Jesús, kapopootán kayo ng lahát ng mga tao dahil sa aking pangalan. Dahil sa pangalan ni Cristo o pangalang Iglesia ni Cristo kaya kami inúusig at kinapopootán. Noong kami'y katoliko, protestante, aglipayano, at ibá pa, hindi kamí inúusig, waláng napopoot sa amin. Datapuwa't nang mag-Iglesia ni Cristo kamí, saka kamí kinapootán at pinag-usig ng mga tao. Tupád na tupád ang sinabi ni Jesús: "Datapuwa't ang lahát ng mga bagay na ito (ang pag-uusig at pagkapoot ng mga tao) ay gagawin nilá sa inyo dahil sa aking pangalan..." (Juan 15:21).
Dahil dito, nanánawagan kamí sa lahát ng mga taong naliliwanagan sa mga aral ng Iglesia ni Cristo na naháhadlangán ng mga pag-uusig at pagkapoot ng mga tao. Huwág kayong matakot sa pagsunod sa mga salita ng Diyos. Magpatuloy kayo at manindigan. Lakasán ninyo ang inyong loob. Mag-Iglesia ni Cristo kayo. Iyán ang kalooban ng Diyos. Ang pag-uusig ay huwág ninyong katakutan. Sinabi ni Jesús na ang mawalán ng buhay dahil sa Kanyá at sa ebanghelyo ay máliligtás, nguni't ang nag-íingat ng kanyáng buhay sa kanyáng sarili ay mawáwalán nito (Mar. 8:35). Ang mga duwág at hindi mánanampalatayá ay sa dagát-dagatang apoy at asupre, kasama ng mga mámamatay-tao, mapakiapíd, mánanambá sa diyus-diyusan at mga sinungaling (Apoc. 21:8).
Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo
1964
PAGES 258-263
 
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento