Biyernes, Oktubre 31, 2025

ANG ITINAKWIL NA TUNGKULIN NG MGA TAO SA DIYOS AY SIYANG ITINATAGUYOD AT PINANININDIGANAN NG MGA IGLESIA NI CRISTO

ANG ITINAKWIL NA TUNGKULIN NG MGA TAO SA DIYOS AY SIYANG ITINATAGUYOD AT PINANININDIGANAN NG MGA IGLESIA NI CRISTO

ANO ang dakilang tungkulin ng tao sa Diyos na Lumikha na ipinakíkilala ng Biblia? Sa Awit 100:3, sinásabi ang ganito:

"Alamín ninyo na ang Panginoon ay siyáng Diyos: Siyá ang lumaláng sa atin, at tayo'y Kaniyá: Tayo'y Kaniyáng bayan at mga tupa ng Kaniyáng pastulan."

Dapat málaman ng lahát ng mga tao na ang Diyos ay Panginoon. Dapat sa Panginoon ay sinúsunod. Bakit namán dapat mamanginoon ang lahát ng mga tao sa Diyos? Sapagká't ang Diyos ang lumaláng sa atin at tayo'y sa Kanyá. Kailangang patunayan ng tao ang pagkamay-ari ng Diyos sa kanyá.

 

UTOS NG DIYOS ANG MAGPASALAMAT 

Ano ang isá sa utos ng Diyos na ipinag-uutos sa tao na Kanyáng nilaláng? Sa Awit 100:4, ganito ang sabi:

"Mangagsipasok kayo sa kaniyáng mga pintuang-daán na may pagpapasalamat, At sa Kaniyáng looban na may pagpupuri: Mangagpasalamat kayo sa Kaniyá, at purihin ninyo ang Kaniyáng pangalan."

Ang tunay na pagkilala sa Diyos ay ang pagsunod sa Kanyáng mga utos.

(I Juan 2:3). Ang utos sa tao na nilaláng ng Diyos ay pasalamatan ang Diyos. Dapat pasalamatan ng mga tao ang Diyos sa Kanyáng mga pintuang-daán. Alín ang pintuan at daán na dapat pasukan upang doon isagawa ang pagpapasalamat sa Diyos na lumaláng!

Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, Siyá ang pintuan na dapat pasukan upang máligtás. (Juan 10:9). At sa paliwanag din ng ating Panginoong Jesucristo, Siyá rin ang daán. (Juan 14:6). Sinumán ay hindi makarárating sa Amá kundi sa pamamagitan Niyá. Ang itinúturo ni Cristo'y ang Kanyáng katawán. Ang katawán kaya Niyáng pinakuan sa krus ang dapat pasukan at dapat daanan ng mga tao upang sa loob noon isagawa ang pagpapasalamat sa Diyos? Hindi mangyayari ito. Una, si Cristo'y nasa langit na ngayon. Ikalawá, hindi maáaring magkásiya ang mga tao sa loob ng katawán ni Cristo. Hindi namán maáaring mag-utos si Cristo ng hindi maáaring tuparín ng inúutusan. Kung gayon, alín kayáng katawán ni Cristo ang dapat pasukan ng mga tao? Sa Col. 1:18, ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:

"At Siyá ang ulo ng katawán, samakatuwíd bagá'y ng Iglesia; na Siyá ang pasimula, ang panganay sa mga patáy; upang sa lahát ng mga bagay ay magkaroon Siyá ng kadakilaan." 

Ang katawán na tinútukoy ni Cristo na dapat pasukan ng mga tao'y ang Kanyáng Iglesia, sapagká't ang Iglesia Niyá'y siyáng katawán. Nagíng katawán ni Cristo ang Kanyáng Iglesia, sapagká't ang Kanyáng sarili at ang Iglesia Niyá ay nilaláng Niyáng isáng taong bago sa haráp ng Diyos. (Efe. 2:15). Si Cristo ang ulo at ang Iglesia namán ang siyáng katawán, kaya iisáng tao sa haráp ng Diyos ang Iglesia at si Cristo. Dapat pumasok ang tao na sangkáp ng katawán ni Cristo o ng Iglesia upang siyá'y magíng tagapagmana. (Efe. 3:6). Ano ang pangalang itinawag ni Apostol Pablo sa katawán ni Cristo na siyáng Iglesia? Ito'y tinawag niyáng "Iglesia ni Cristo." (Rom. 16:16). Kung gayon, da-pat pumasok ang mga tao sa Iglesia ni Cristo upang doon isagawa ang pagpapasalamat sa Diyos na Manlalalang.

 

ANG DAHILAN KUNG BAKIT DAPAT PASALAMATAN ANG DIYOS 

Bakit dapat pasalamatan ang Diyos ng mga tao? Sa Awit 100:5, ganito namán ang mababasa:

Sapagká't ang Panginoon ay mabuti; ang Kaniyáng kagandahang-loob ay magpakailán man; At ang Kaniyáng pag tatapát ay sa lahát ng sali't-saling lahi."

Makatuwirang maghanáp ang Diyos sa mga tao ng pagpapasalamat, sapagká't Siyá'y mabuti at tapát sa mga tao na Kanyáng nilaláng.

Ano ang mga kabutihang tinátamo ng tao sa Diyos na siyáng dapat magíng dahilán ng pagpapasalamat?

Sa Gen. 2:7, ganito ang ipinakíkilala:

"At nilaláng ng Panginoong Diyos ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahán ang kanyáng mga butas ng ilong ng hiningá ng buhay; at ang tao ay nagíng káluluwáng may buhay."

Ang Diyos ang pinanggalingan ng buhay ng tao. Pati ng ikabúbuhay ng tao'y sa Diyos din nang galing. "At sinabi ng Diyos, nárito, ibinigáy Ko sa inyo ang bawa't pananím na nagkákabinhi, na nasa ibabaw ng balát ng lupa, at ang bawa't punong kahoy na may bunga ng punong kahoy na nagkákabinhi; sa inyo'y magiging pagkain;" (Gen. 1:29). Tunay na nápakabuti ng Diyos na lumaláng sa tao. Ibinigáy na ang buhay ng tao patí pa ikabúbuhay ay Siyá ang nagbíbigáy. Kaya sa Rom.14:7-8, ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

"Sapagká't ang sínomán sa atin ay hindi nabúbuhay sa kanyáng sarili, at sínomán ay hindi namámatáy sa kan-yáng sarili."

"Sapagká't kung nangabúbuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabúbuhay; o kung nangamámatáy tayo, sa Panginoon tayo'y nangamámatáy, kayá't sa mamatáy tayo o mabuhay man, tayo'y sa Panginoon."

Hindi natin maiiwasan na kilalanin ang Diyos. Nasa kamáy ng Diyos ang ating hiningá at buhay (Job 12:10). Nabúbuhay tayo at namámatáy sa Panginoon. Tayo'y nangabúhuhay at nagsísikilos at mayroon tayo ng ating pagkatao dahil sa Diyos. (Gawa 17:28). Anupá't lahát ng ating tinátamasa sa buhay ay galing na lahát sa Diyos na lumaláng sa atin. Dapat nga tayong kumilala ng malakíng utang na loob sa Diyos.

 

TINALIKURAN NG TAO ANG KANYANG TUNGKULIN 

Ano ang ginawa ng mga tao sa tungkuling pagkilala sa Diyos at pagpapasalamat? Sa Rom. 3:10-12, ganito ang patotoo na nagíng buhay ng tao:

"Gaya ng násusulat, waláng' matuwíd, wala, wala kahit isá; 

"Waláng nakatátalastás, Waláng humáhanap sa Diyos. 

"Siláng lahát ay nagsilihís, magkakasamang nawalán ng kasaysayan: Waláng gumágawa ng mabuti, wala, wala kahit isá."

Iyán ang patotoo ng Biblia na nagíng buhay ng tao sa haráp ng Diyos sa kabila ng mga pagpapala sa kanilá. Tinalikurán ng tao ang Diyos. Hindi Siyá hinanap at hindi ginawa ang Kanyáng mabuti, samakatuwid bagá'y ang Kanyáng mga utos. (Rom. 7:12).

"Sapagká't kahit kilalá nilá ang Diyos, Siyá'y hindi niluwalhati niláng tulad sa Diyos, ni pinasalamatan; kundi bagkús niwaláng kabuluhán sa kaniláng mga pagmamatuwíd at ang mangmáng niláng puso ay pinapagdilím." (Rom. 1:21). Maraming pagdiriwang at pagpapasalamat na ginágawa ang mga tao, datapuwa't hindi sa Diyos iniúukol. Ang maraming pagpapasalamat at pagpupuri ay sa mga nilaláng at hindi sa Lumaláng isinásagawa. (Rom. 1:25). Sa mga larawan ng mga tao na may kasamang ibon, hayop na may apat na paá at sa mga nagsísigapang isinagawa ang pagpupuri at pagpapasalamat. Ang pángunahín dito'y ang Iglesia Katolika. Ang kaniláng ipinagpípistá ay ang larawan ng kaniláng mga santo at santa na may kasamang ibon, hayop na may apat na paá at mga nagsísigapang, gaya niná San Pedro, San Nicolás, San Isidro, San Roque at La Purísima Concepcion. Waláng pistá pará sa Diyos ang Iglesia Katolika. Lahát ay pará sa mga santo at santa nilá.

Ano ang nangyari sa maraming tao sa lupa? Sa Awit 14:2-3, ganito ang patotoo ng Biblia:

"Tinútunghán ng Panginoon ang mga anák ng mga tao mula sa langit, Upang tingnán, kung may sínumáng nakákaunawa, na hináhanap ang Diyos.

"Siláng lahát ay nagsihiwaláy; silá'y magkakasama na nagíng kahalayhalay; waláng gumágawa ng mabuti. Wala, wala kahit isá."

Iyán ang nákita ng Diyos sa mga tao sa lupa. Pawang mga kahalayan ang ginawa at hindi namán gumágawa ng mabuti. At mayroon pa ring nagsásabi namán ng ganito: "Waláng Diyos!.." (Awit 14:1). Hindi lamang ayaw pasalamatan ang Diyos na lumaláng, kundi ayaw pang kilalanin na may Diyos na sa kanilá'y lumikha at pinagkákautangan nilá ng buhay at ikinabúbuhay. Waláng utang na loob na mga tao. Mabuti pa sa kanilá ang hindi na sana nilaláng, na pagkatapos ay ayaw pang kilalanin ang Diyos na sa kanilá'y nagpala. Ang totoo hindi lamang ang mga taong táhasang nagsásabi na waláng Diyos ang waláng Diyos. Sino pa ang mga taong waláng Diyos? Sa Efe. 2:12, ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

"Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwaláy kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibáng lupa tungkol sa mga tipán ng pangako, na waláng pag-asa at waláng Diyos sa sanglibután."

Ang mga taong hiwaláy kay Cristo o hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo ay waláng Diyos ayon kay Apostol Pablo.

TINAWAG TAYO SA IGLESIA UPANG MAGPASALAMAT 

Bakit ang mga Iglesia ni Cristo ang nagtátaguyod at nanínindigan sa dakilang tungkuling kumilala at magpasalamat sa Diyos? Sa Col. 3:15, ganito ang sabi:

"At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diyá'y tinawag din namán kayo sa isáng katawán; at kayo'y magíng mapagpasalamat."

Ang mga tinawag sa isáng katawán ay dapat pagharian ng kapayapaan ni Cristo na ito ang kawaláng hatol sa haráp ng Diyos. 

Alín ang katawán na doon tinawag ang pagháharian ng kapayapaan? Sa Col. 1:18, ganito ang sagot:"At siyá ang ulo ng katawán, samakatuwíd bagá'y ng Iglesia."

Nasa Iglesia na katawán ni Cristo ang paghahari ng kapayapaan sa Diyos o ang kawaláng-hatol.

Ano ang dahilán at tinawag ang mga tao sa loob ng Iglesia ni Cristo? Doon din sa Col. 3:15, sinásabi "at kayo'y magíng mapagpasalamat." Kung gayon, ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang may karapatáng magpasalamat sa Diyos. Kaya namán ang Iglesia ni Cristo'y nagsásagawa ng pagpapasalamat sa Diyos upang itaguyod ang tungkulin ng tao na nilaláng ng Diyos.

Papaano dapat isagawa ang pagpapasalamat sa Diyos ng mga tinawag sa loob ng Iglesia ni Cristo? 

Sa Col. 2:7, ganito ang sabi:

"Na nangauugát at nangatátayo sa Kaniyá, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumásagana sa pagpapasalamat."

Silá'y tinúturuang sumagana sa pagpapasalamat sa Diyos dahil sa masagana namán sa pagpapala ang Diyos. Hindi dapat limutin ang pagpapasalamat sa Diyos. Hindi ito dapat katisuran o pag-alinlanganan. Sa Efe. 5:20, sinásabi pa ang ganito:

"Na kayo'y laging magpasalamat sa lahát ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Diyos na ating Amá."

Dapat bang ikublí o ikahiya ang pag'sasagawa ng pagpapasalamat sa Diyos? Sa Amos 4:5, ganito ang sagot:"

"At kayo'y mangaghandog ng hain ng pasasalamat na may lebadura, at kayo'y mangaghayág ng kusang mga handog at inyong itanyág sapagká't ito'y nakalulugod sa inyo, Oh ninyong mga anák ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos."

Kailangang makilala ang nagpápasalamat at kung gaano ang kanyáng ipinagpápasalamat sa Diyos. Ganito lamang máhahayág at mátatanyág ang handog na hain ng isáng nagpápasalamat sa Diyos. 

Ano yaong mga kusang handog na dapat mákalakip doon sa pag-papasalamat sa Diyos? Sa Heb. 13:15-16, ganito namán ang paliwanag:

"Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid bagá, ay ng bunga ng mga labi na nagpápahayag ng Kanyáng pangalan. Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pag-aabuloy ay huwág ninyong kalimutan: Sapagká't sa mga gayong hain ang Diyos ay totoong nalúlugod."

Ang kusang handog na iniháhain ay ang mga bunga ng labi, gaya ng mga panalangin at mga pag-awit, at saka ang abuloy na hindi dapat kalimutan sapagká't ito'y totoong nakalúlugod sa Diyos. Kung ang ibáng mga sakím ay nakalílimot sa bahaging ito, ang mga tunay at tapát na mga Iglesia ni Cristo'y dapat na tumupád.

Bakit kaya kinalúlugdán ng Diyos ang abuloy na iniháhandog sa pagpapasalamat sa Diyos? 

Ito'y kinalúlugdán ng Diyos, sapagká't ito ang ginúgugol sa ikalálaganap ng Ebanghelyo ni Cristo na nagbúbunga ng pagkakilala ng maraming tao sa Diyos at kay Cristo. Ito rin ang ginágamit sa ikapangángasiwa sa mga tinawag na manatili sa matuwíd na paglilingkod sa Diyos. Ang lalong malakíng bahagi nito'y ginágamit sa pagpapatayo ng malalakíng bahay-sambahan ng mga Iglesia ni Cristo na isá rin sa utos ng Diyos. (II Cor. 9:12-13;Hagai 1:8).

Kaya kung itinakwíl man ng maraming tao ang pagpapasalamat sa Diyos, ito'y itinátaguyod ng mga Iglesia ni Cristo at kaniláng pinanínindiganan. Hindi namin ito ikinahíhiya, kundi bagkús pa ngang ikinarárangál na ito'y isinásagawa namin sa pangalan ng Diyos at ni Cristo. Dapat magpakatibay dito ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sapagká't silá ang nagkapalad na makákilala ng ganitong nápakabanál na tungkulin sa Diyos. 🕎


ISANG PAGBUBUNYAG

SA IGLESIA NI CRISTO

1964

Kabanata 27

Pahina 233-238

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento