Martes, Hunyo 16, 2015

SA JUAN 1:1 AT 14, SINO ANG TUNAY NA DIYOS?

SA JUAN 1:1 AT 14, SINO ANG TUNAY NA DIYOS?


SI CRISTO BA ay Diyos o tao?  Siya ba ay tao at Diyos, o tao at hindi Diyos?  Ipinakikilala ng Biblia ang maraming katangian at karangalan ni Cristo.  Siya ay ginawang Panginoon (Gawa: 36), Tagapagligtas (Gawa 5:31), Pangulo ng Iglesia (Col. 1:18), at ipinag-utos Siyang sambahin (Filip. 2:9-11).

     Sa kabila ng lahat ng Kaniyang katangian, pinatutunayan ng mga propeta ng Panginoong Diyos, ng mga apostol, at ng Panginoong Jesucristo mismo na Siya ay tao sa Kaniyang likas na kalagayan at Siya’y iba sa tunay na Diyos (Isa. 53:3; Mat. 1:18, 20; Gawa 2:22-24, Magandang Balita Biblia; I Tim. 2:5; Juan 8:40).

     Ngunit sa kabila ng katotohanang ito, marami pa rin sa hanay ng mga nagpapakilalang Cristiano ang naniniwalang Diyos ang Panginoong Jesucristo.  Gumagamit sila ng mga talata ng Biblia upang patunayan na aral ng Biblia ang paniniwala nilang ito.

     Ang isa sa mga itinuturing nilang malalakas daw na batayan ng kanilang paniniwalang ito ay ang isinasaad sa Juan 1:1 at 14 na doon ay itinuturo diumano ni Apostol Juan na si Cristo ay Diyos na nagkatawang-tao.  Bago pa raw likhain ang sanlibutan ay naroon na Siya o eksistido na.  Tama ba ang kanilang pagkaunawa sa nilalaman ng mga talatang ito?  Suriin natin ang nilalaman ng Juan 1:1 at 14:

     “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay sumasa Dios, at ang Salita ay Dios.
     “Nagkatawang-tao ang Salita at tumahan sa gitna natin …” (New Pilipino Version)

     Paano inuunawa ng iba ang mga talatang ito?  Si Cristo raw ang Salita na may likas na kalagayan na (o eksistido na) noon pang una.  Yayamang si Cristo raw ang Salita at ang Salita ay Diyos, kaya si Cristo raw ay Diyos na umiiral na sa pasimula pa lamang at pagkatapos ay nagkatawang-tao.  Ito ang aral nila na nakapaloob sa sinasabi nilang inkarnasyon o pagkakatawang-tao ng Diyos.

     Ano ang dapat nating mapansin sa nilalaman ng Juan 1:1 at 14?  Una, walang sinasabi sa mga talatang ito na si Cristo ay eksistido o umiiral na sa pasimula pa lamang.  Ikalawa, wala ring sinasabi rito na si Cristo ang tunay na Diyos.  Ikatlo, wala ring sinasabi sa mga talatang ito na si Cristo ay Diyos na nagkatawang-tao.

     Kaya, suriin natin ang bawat sugnay (clause) ng talatang Juan 1:1 at ang unang sugnay ng talatang 14.  Paano dapat unawain ang mga sugnay ng mga talatang ito na gaya ng sumusunod?

a)       Sa pasimula ay ang Salita
b)      At ang Salita ay sumasa Dios
c)       At ang Salita ay Dios
d)      Nagkatawang-tao ang Salita (talatang 14)


‘SA PASIMULA AY ANG SALITA’
Talakayin natin ang nilalaman ng unang sugnay.  Paano dapat unawain ang sinabi ni Apostol Juan na, “Nang pasimula ay ang Salita”?  Ano ba ang kahulugan ng terminong “Salita”?  Ito ba ay Cristo na may kalagayan na?  Ganito ang sinasabi sa footnote ng Juan 1:1 sa Bagong Tipan na isinalin ng paring Katoliko na si G. Juan Trinidad:

     “Verbo … at ang Anak ay tinawag Niyang isang uri ng banaag ng kaisipan na nagmumula sa Ama …”

     Ang paniniwala ng Iglesia Katolika tungkol kay Cristo ay Siya ay Diyos.  Ano ang pakahulugan ng isang awtoridad ng Iglesia katolika sa terminong “Verbo”?  Hindi likas na kalagayan kundi isang uri ng banaag ng kaisipan na nagmula sa Ama (Diyos).  Iba ang Verbo o Salita sa tunay na Diyos na kinaroroonan ng salita o kaisipan.  Kaya, sa pasimula ay hindi pa eksistido o hindi pa umiiral ang Panginoong Jesucristo kundi nasa isip pa lamang siya ng Diyos.
     Namalagi ba Siyang nasa isip ng Diyos?  Hindi.  Dumating ang panahong si Cristo ay ipinangako ng Diyos, gaya ng nakasulat sa Roma 1:2-3:

     “Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman.

     Samakatuwid, wala pang umiiral na Cristo sa pasimula kundi Siya ay pangako pa lamang ng Diyos.  Sa halamanan pa lamang ng Eden ay sinalita na ng Diyos ang tungkol kay Cristo (Gen. 3:15) at pagkatapos ay Kaniyang ipinangako kay Abraham (Gen. 17:7; Gal. 3:16).  Ang aral bang ito ng Biblia tungkol sa pagkakaroon ng Cristo na sa pasimula’y balak, panukala o plano pa lamang ng Diyos ay sinang-ayunan maging ng mga nagtuturong si Cristo ay Diyos, gaya ng Iglesia Katolika?  Ganito ang sinasabi ng isang aklat-Katoliko na pinamagatang The Teaching of Christ:  A Catholic Catechism for Adults, pahina 74:

     “Si Cristo ay sadyang inilalarawan mula pa sa pasimula ng kasaysayan ng tao.’  ‘… Si Cristo na siyang magtitipon sa lahat ng anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaisa sa Kaniyang mistikal na Katawan, na ito, ay ang Iglesia, ay Siyang “panganay sa lahat ng nilalang” (Col. 1:15).’  ‘… Si Cristo ang tiyak na tiyak na una sa banal na plano.’1

     Tinatanggap maging ng mga awtoridad Katoliko na si Cristo ay una sa banal na plano o panukala ng Diyos upang maging panganay sa lahat ng nilalang tulad ng isinasaad sa Colosas 1:15.  Samakatuwid, wala pang Cristo sa kalagayan sa pasimula kundi plano, balak o nasa isip pa lamang Siya ng Diyos.  Kaya sinasabi sa unang sugnay (clause) ng Juan 1:1 na, “Sa pasimula ay ang Salita” (NPV)


‘AT ANG SALITA AY SUMASA DIOS’
Paano ang wastong pag-unawa sa sinabi ni Apostol Juan sa ikalawang sugnay ng Juan 1:1 na, “at ang Salita ay sumasa Dios”?  Ihambing natin ito sa itinuturo din ng Biblia na sa pasimula pa lamang o bago pa lalangin ang daigdig, ang Panginoong Jesucristo ay nasa isip na ng Diyos.  Ito ang pinatutunayan ni Apostol Pedro sa kaniyang sulat sa I Pedro 1:20:

     Nasa isip na siya ng Diyos bago pa lalangin ang daigdig ngunit ipinakilala Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.” (Salin ni Trinidad)

     Sa liwanag ng katotohanang ito, na sa Biblia rin nakasulat, dapat nating unawain ang sinabing “ang Salita ay sumasa Dios.”  Sumasa Diyos ang Kaniyang salita.  Siya ang may-ari o pinagmulan ng salita.  Kapag tinanggap na may kalagayan na sa pasimula ang Salita, bilang isang Diyos, at isinaalang-alang ang sinasabi sa ikalawang sugnay ng Juan 1:1 na “ang Salita ay sumasa Dios,” lilitaw na dalawa ang tunay na Diyos:  ang Salita at ang kinaroroonan ng Salita.  Labag ito sa aral ng Biblia na iisa lamang ang tunay na Diyos (Juan 17:1, 3; I Cor. 8:6).

     Kailan nagkaroon ng katuparan ang sa pasimula ay salita, plano o pangako pa lamang ng Diyos ukol sa Cristo?  Nang Siya ay ipagdalang-tao at ipanganak ng Kaniyang ina na si Maria.  Ito ang pinatutunayan sa Galacia 4:4:

     “ Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.

     Nang hindi pa ipinagdadalang-tao at ipinanganganak ni Maria ang Panginoong Jesucristo ay hindi pa Siya umiiral, hindi pa Siya eksistido o wala pa Siyang kalagayan.  Sa pasimula ay salita o plano pa lamang ang tungkol sa pagkakaroon ng Cristo.  Ang nagplano o nagsalita ay ang Diyos.  Kaya sinabi ni Apostol Juan sa ikalawang sugnay na, “ang Salita ay sumasa Dios.”  Kung gayon, sino ang tinutukoy ni Apostol Juan na tunay na Diyos sa ikalawang sugnay ng Juan 1:1 (“ang Salita ay sumasa Dios”) na kinaroroonan ng Verbo o ng salita?  Hindi si Cristo kundi ang Ama.  Ito ang pinatutunayan sa sulat din ni Apostol Juan sa Juan 17:1, 3:

     “Pagkasabi ni Jesus nito, tumingala Siya sa langit at nagsabi, ‘Ama, dumating na ang oras. … At ito ang buhay na walang hanggan—ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Dios, at si Jesu-Cristong sinugo Mo.’” (Salita ng Buhay)

     Pansinin natin na ang sumulat ng Juan 1:1, 14 ay si Apostol Juan na siya ring sumulat ng Juan 17:1 at 3.  Hindi niya sasalungatin ang kaniyang sariling sulat at pahayag na natutuhan niya mismo sa ating Panginoong Jesucristo.  Sino ang ipinakilalang tunay na Diyos sa sulat ni Apostol Juan?  Ang Ama at hindi si Cristo.


‘AT ANG SALITA AY DIOS’
Suriin naman natin ang sinabi ni Apostol Juan sa ikatlong sugnay ng Juan 1:1 na “at ang salita ay Dios.”  Ano ang pagkakagamit ng terminong “Dios” sa ikatlong sugnay ng talatang ating pinag-aaralan?  Hindi niya ito ginamit bilang isang pangngalan (noun) kundi bilang isang pang-uri (adjective).  Inuuri lamang niya ang salita ng Diyos.  Ano ang katunayan nito ayon sa Biblia?  Ano ba ang katangian ng salita ng Diyos?  Ang salita ng Diyos ay makapangyarihan, gaya ng mababasa sa Lucas 1:37.  Ganito ang pahayag:

     “Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.

     Ano rin ang katangian o uri ng Panginoong Diyos na nagsalita?  Ganito ang Kaniyang patotoo mismo sa Genesis 35:11:

     “At sinabi sa kaniya ng Dios, ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; …”

     Samakatuwid, magkauri ang Diyos at ang kaniyang salita sapagkat taglay ng salita ng Diyos ang kapangyarihan ng Diyos na nagsalita.  Kapag sinalita ng Diyos ay tiyak na matutupad (Isa. 46:11).  Ang katotohanang ito’y tinatanggap maging ng ibang mga nagsuri.  Sa aklat na The New Bible Dictionary, ganito ang sinasabi:

     “Ang salita ay may kapangyarihang katulad ng sa Diyos na nagsalita nito.” (p. 703)2

     Kaya, ginamit ang terminong “Diyos” sa ikatlong sugnay ng Juan 1:1 (“ang Salita ay Dios”) hindi bilang isang pangngalan (noun) kundi bilang pang-uri (adjective).  Inuuri lamang ang salita o ang verbo ng Diyos.  Kauri ng Diyos ang Kaniyang salita sa kapangyarihan kaya sinabing “ang Salita ay Dios.”  Ayon din sa iba pang mga nagsuri, kaya sinabing “ang salita ay Dios” ay upang ipakilala o ilarawan ang uri ng Salita, gaya ng isinasaad sa Aid To Bible Understanding:

     “Una, dapat mapansin na sa teksto mismo ay ipinakikita na ang Salita ay ‘kasama ng Diyos,’ dahil dito ay hindi maaaring ‘maging Diyos,’ samakatuwid baga’y, ang Makapangyarihang Diyos. (Pansinin din ang bersikulo 2, na hindi na sana kailangan kung sinasabi sa bersikulo 1 na ang Salita ay ang Diyos.)  Bilang karagdagan, ang salitang katumbas ng ‘Diyos’ (Griyego, the-os) sa ikalawang paglitaw nito sa bersikulo ay walang pantukoy na ‘ang’ (Griyego, ho).  Tungkol sa katotohanang ito, sinabi ni Obispo Westcott, kasamang gumawa ng Westcott and Hort Greek text of the Christian Scriptures, na:  ‘Talagang ito ay hindi dapat magkaroon ng pantukoy (the-os, hindi ho the-os) yayamang ito ay paglalarawan sa uri ng Salita at hindi nagtuturo ng Kaniyang Persona.’  (Sinipi mula sa pahina 116 ng An Idiom Book of New Testament Greek, na sinulat ni Prof. C.F.D. Moule, 1953 ed.)  Kinikilala rin ng iba pang tagapagsalin na ang terminong Griyego ay ginamit bilang isang pang-uri upang maglarawan sa uri ng Salita, kaya isinalin nila ang parirala nang ganito:  ‘ang Salita ay banal.’” (p. 919)3

     Ayon din sa aklat na ito, ang terminong “Diyos” ay hindi ginamit na pangngalan (noun) kundi pang-uri (adjective), sapagkat ginamit ito upang uriin at ilarawan ang Salita.  Ang salita ay Diyos.  Dapat ding mapansin na sa mga manuskritong Griyego ng Bagong Tipan, ang terminong “diyos” sa nabanggit na sugnay ay walang pantukoy na “ang” (ang katumbas nito sa Griyego ay ho) samantalang kapag ang terminong “Diyos” ay ginagamit bilang pangngalan (noun) ito ay ginagamitan ng pantukoy, samakatuwid baga’y “ang Diyos” (sa Griyego, ho Theos).  Ito rin ang pinatutunayan ni R. H. Strachan, D.D. sa kaniyang aklat na The Fourth Gospel:  Its Significance and Environment:

     “Ang mga pangwakas na salita ng tal. 1 ay dapat isaling, ‘Ang Logos ay banal.’   Dito, ang salitang theos ay walang pantukoy, na nangangahulugang ito ay pang-uri.” (pp. 99)4

     Dahil walang pantukoy na “ang” (sa Griyego, ho) ang terminong “diyos” (sa Griyego, theos) sa ikatlong sugnay ng Juan 1:1, ito ay ginamit bilang pang-uri (adjective) at hindi bilang pangngalan (noun).  Hindi sinabi ni Apostol Juan na “ang Salita ay ang Dios” kundi “ang Salita ay Dios.”  Kaya, sa ibang mga salin ng Biblia ay sinasabi sa ikatlong sugnay ng Juan 1:1 na “ang Salita ay banal” (“the Logos was divine”—Moffatt’s Translation; “the word was divine”—Goodspeed’s Translation).


‘NAGKATAWANG-TAO ANG SALITA’
Isa ring karaniwang paniniwala na si Cristo ay Diyos na nagkatawang-tao dahil sinasabi sa Juan 1:14 na, “nagkatawang-tao ang Verbo.”  Para sa mga taong nagtataglay ng ganitong paniniwala, may dalawang likas na kalagayan si Jesucristo:  taong totoo at Diyos na totoo.  Ito ay maling pag-unawa sa nakasulat sa Biblia.  Una, walang nakasulat sa Juan 1:14 na “ang Diyos ay nagkatawang-tao.”  Ikalawa, hindi lamang wala, kundi labag pa, sa Biblia ang paniniwalang ito sapagkat ang Diyos ay hindi tao (Ose. 11:9) at ang tao ay hindi Diyos (Ezek. 28:9).  Ikatlo, kapag tinanggap ang paniniwala na ang Diyos ay nagkatawang-tao, na mula sa kalagayang espiritu na walang laman at mga buto (Juan 4:24; Lu. 24:39 ay naging tao, labag din ito sa aral ng Biblia sapagkat ang Diyos ay hindi nagbabago ni may anino man ng pag-iiba (Mal. 3:6, NPV; Sant. 1:17).  Kung gayon, paano natin dapat unawain ang sinasabi sa talatang 14 na “Nagkatawang-tao ang Salita”?  Natupad ang salita plano ng Diyos tungkol sa pagkakaroon ng Cristo, at tao ang katuparan nito.  Ganito ang mababasa sa Mateo 1:18, 20:

     “Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. …Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

     Ang Diyos ba na nagsalita o ang kinaroroonan ng Salita ang nagkatawang-tao gaya ng ibinibigay na pakahulugan ng iba? Hindi.  Ang nakasulat sa Juan 1:14 ay maliwanag:  “Nagkatawang-tao ang Salita” (NPV).  Walang sinasabi sa talata na ang Diyos na nagsalita ang nagkatawang-tao.  Kaya sa King James Version ang pagkakasalin ay “And the Word was made flesh” [At ang Salita ay ginawang laman].  Kung may isang taong nagplano na siya’y magtatayo ng bahay, may bahay na ba?  Wala pa dahil plano o salita pa lamang.  Ang salita o planong iyon ay kaisipan at sumasa kaniya sapagkat siya ang nabalak at pinagmulan niyon.  Kalian nagkaroon ng bahay?  Nang matupad ang plano ukol sa kayarian nito.  Nang maitayo na ang bahay, siya ba, na nagsalita, ang naging bahay?  Hindi.  Kaya, hindi rin ang Diyos na nagsalita ang nagkatawang-tao.  Kung gayon, ano ang katumbas ng sinabing “Nagkatawang-tao ang Salita”?  Natupad ang plano, balak o salita ng Diyos tungkol sa pagkakaroon ng Cristo na sa pasimula’y salita pa lamang ng Diyos—ang katuparan ay tao sa likas na kalagayan.

     Bilang pangwakas, napatunayan natin na nagkamali ng pagkaunawa sa Juan 1:1, 14 ang mga gumagamit ng mga talatang ito upang patunayang si Cristo diumano ay Diyos na nagkatawang-tao.  Labag sa aral ng Biblia ang paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang-tao.  Labag din sa aral ng Biblia ang paniniwalang si Cristo ay Diyos na totoo at tao pang totoo.  Ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos, at ang Panginoong Jesucristo ay sugo ng Diyos—ito ang pagkilalang may buhay na walang hanggan (Juan 17:1, 3, SNB.  *
___________________________________________

ENDNOTES:

1         “ ‘Christ was already foreshadowed at the very beginning of human history.’ ‘Christ who was to gather together all the children of men into the unity of His Mystical Body, that is, the Church is the “first-born of  all creation” (Col. 1:15).’  ‘… Christ is absolutely first in the divine plan.’”  (Lawler, Ronald, O.F.M. Cap., et al., ed.  The Teaching of Christ:  A Catholic Catechism for Adults.  Huntington, Indiana:  Our Sunday Visitor, Inc., 1976.)

2         “The word possesses a like power to the God who speaks.” (J.D. Douglas, ed. The New Bible Dictionary. London:  Inter-Varsity Fellowship, 1962.)

3         “ ‘First, it should be noted that the text itself shows that the word was ‘with God,’ hence could not ‘be God,’ that is, be the Almighty God.  (Note also verse 2, which would be unnecessary if verse 1 actually showed the Word to be God.)  Additionally, the word for ‘god’ (Greek, the-os) in its second occurrence in the verse is without the definite article ‘the’ (Greek, ho).  Regarding this fact, Bishop Westcott, coproducer of the noted Westcott and Hort Greek text of the Christian Scriptures, says:  ‘It is necessarily without the article (the-os not ho theos) inasmuch as it describes the nature of the Word and does not identify his person.’ (Quoted from page 116 of An Idiom Book of New Testament Greek, by Professor C.F.D. Moule 1953. Ed.) Other translators, also recognizing that the Greek term is used as an adjective to describe the nature of the Word, therefore render the phrase:  the Word was divine.” (Aid To Bible Understanding.  Pennsylvania:  Watchtower Bible and Tract Society, 1971.)

4         “The closing words of v. 1 should be translated, ‘the Logos was divine.’  Here the word theos has no article, thus giving it the significance of an adjective.” (Strachan, R. H., D.D.  The Fourth Gospel:  Its Significance and Environment, 3rd ed., London:  SCM Press Ltd., 1941.)


Sinulat ni:
Kapatid na MICHAEL M. SANDOVAL

Kinopya mula sa:
PASUGO GOD’S MESSAGE | NOVEMBER 2004 | VOLUME 56 | NUMBER 11 | PAGES 21-24

Emphasis:
ADMIN.