Biyernes, Hunyo 12, 2015

ANG PANAHONG UKOL KUNG KAILAN DAPAT MAGLINGKOD ANG TAO SA DIYOS

ANG PANAHONG UKOL KUNG KAILAN DAPAT MAGLINGKOD ANG TAO SA DIYOS

“NAUUNAWAAN NA IYON ng Diyos.”  Pangangatuwiran ng mga taong maraming pinagkakaabalahan tulad ng trabaho, negosyo, pag-aaral at iba pa—na anupa’t wala na silang panahon sa paglilingkod at pagsamba sa Diyos.  “Saka na lang ako babawi ‘pag medyo nagkapanahon na.  At saka iyan namang ukol sa kaligtasan ng kaluluwa, nariyan lang iyan.  Bata pa naman ako.  Mas mahalaga itong oportunidad na dumating sa akin.  Baka wala na akong makitang ganito,” sabad naman ng isa.

     “Sa hirap ng buhay ngayon, siguro naman mapagpapaumanhinan na ako ng Diyos kung unahin ko naman ang paghahanap ng kakainin naming mag-anak,” pahayag ng isang hirap na hirap na ama.

     “Ako nama’y matanda na at maayos naman ang buhay ko.  Hindi rin naman kami ng aking pamilya sumasala sa oras ng pagkain.  Nakapag-ipon pa nga ako ng medyo malaki-laki rin naman,” sabi ng isang medyo may edad na at nakaririwasa sa buhay.

     “A, ako?  Hindi ko nalilimutan ang maglingkod sa Diyos!  Siya ang pangunahin sa akin,” pagmamalaki ng isang relihiyoso.


NGAYON ANG PANAHONG NAUUKOL
Kailan nga ba dapat maglingkod ang tao sa Diyos?  Dapat ba itong ipagpaliban?  At tama lamang bang ipagpauna ang ukol sa buhay na ito kaysa  kaligtasan ng kaluluwa?  At kung maayos naman ang buhay (tumanda na nga), lalo’t nakapag-ipon pa, kalabisan na bang maglingkod pa sa Diyos?  Lahat ba ng paglilingkod na iniuukol ng tao sa Diyos ay Kaniyang pagiging-dapatin?  Ganito ang sabi ni Apostol Santiago:

     “Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka'y napapawi. (Sant. 4:14)

     Hindi pala dapat ipagpaliban ang paglilingkod sa Diyos.  Dapat pa nga itong ipagpauna.  Dapat lagging isaalang-alang na maikli lamang ang buhay ng tao sa mundo—gaya ng ‘isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi.”  Dahil dito, hindi dapat payagan ng sinuman na mahuli ang lahat.  Dapat niyang tandaan lagi na lahat ay mamamatay.  Ang totoo’y marami ngang bata pa lamang nang pumanaw.

     At dahil sa hindi alam ng tao kung kalian siya mamamaalam sa ibabaw ng mundo, dapat niyang lagging alalahanin ang sinabi ng Diyos (ito’y sinitas ni Apostol Pablo na isang taong marunong, may dating hanapbuhay o pinagkakakitaan, at isang mamamayang Romano na nagtataglay ng mga pribilihiyo):

     “ … Sa panahong ukol kita'y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita'y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.(II Cor. 6:2)

     Kung gayon, NGAYON at HINDI BUKAS o SA HINAHARAP, ang panahong ukol—maging ito man ay sa paglilingkod sa Diyos o ang nauukol sa paghanap ng kaligtasan.  Ngayong taglay pa natin ang ating buhay.  Bakit?  Kapag nagpatumpik-tumpik pa ang tao, baka mahuli na ang lahat.  Dapat itong tandaan:  KAPAG ANG TAO’Y PATAY NA, HINDI NA NIYA MAGAGAWA PANG MAGLINGKOD SA DIYOS O HANAPIN MAN ANG UKOL SA KANIYANG IKALILIGTAS.


MAGTIWALA SA DIYOS
Noong ang ating Panginoong Jesucristo ay narito pa sa lupa, nagsaysay siya sa Kaniyang mga alagad ng isang talinghaga, na sinasabi:

     “… Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:  At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga? At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.  At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.  Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya? ”  (Lucas 12:16-20)

     Dapat matawagan dito ng pansin ang mga taong kampanteng-kampante dahil sa maunlad na ang kanilang buhay at narrating na ang kalagayang halos wala na silang ginagawa kundi magpahingalay, mamasyal, maglimayon—wika nga’y magsaya.  Hindi masama ang managana sa buhay, maging mayaman at maraming tinatangkilik.  Ang masama ay kung doon na lamang nabuhos ang isip at puso ng tao at nakalimutan na o hindi na magawang magtiwala sa Diyos gaya ng nasusulat sa Biblia:

     “Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios; kundi tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.(Awit 52:7)

     Bale ba, nang yumaman ay nagumon sa kasamaan.  Palibhasa’y nagkaroon na ng panahon para sa iba pang bagay.  Sa ganito, si Propeta Jeremias ay may paalala:

     “ Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; sa kaniyang mga kaarawan ay iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas ay nagiging mangmang siya. (Jer. 17:11)

     Isang katotohanan na gaano man kayaman ang isang tao, pagdating ng takdang araw, siya ay mamamatay at hindi niya madadala sa libingan o pakikinabangan man ang lahat ng kaniyang naipon sa mahabang panahon, bagkus ito ay kaniya lamang iiwan.


NAGLILINGKOD AT UMIIBIG SA DIYOS
“Kaya nga naglilingkod kami sa Diyos.  Siya ang pangunahin sa amin!  At walang maaaring mag-akusa at humusga sa amin na wala kaming panahon sa Kaniya.  Umiibig kami sa Diyos!”  sabi ng isang wari’y relihiyoso.

     Ito naman ang sabi ni Apostol Juan:

     “ …Ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos.  At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos.”  (I Juan 5:3, Magandang Balita Biblia)

     Maaaring sabihin ng iba, “Aba e, sumusunod kami sa Diyos!”  Dahil ba sa sinabi ng isang tao na sumusunod siya sa Diyos ay tunay na ngang sumusunod?  Sa isang pagtuturo ni Apostol Pedro ay sinabi niyang:

     “Tunay na sinabi ni Moises, Ang Panginoong Dios ay magtitindig sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain niya. (Gawa 3:22)

     Ang sinugo ng Diyos na binabanggit sa talata na dapat pakinggan ay walang iba kundi ang ating Panginoong Jesucristo (Gawa 3:20).


ANG UTOS NG PANGINOONG JESUCRISTO
“Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas …” (Juan 10:9, isinalin mula sa Revised English Bible).  Anong utos ni Cristo ang dapat sundin ng tao sa ikaliligtas?  Pumasok sa loob ng kawan.  Alin ang kawang dapat pasukan ng tao?  “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo. (Gawa 20:28, isinalin mula sa Lamsa Translation).  Maliwanag sa pagtuturo ng Biblia na kailangan ng taong pumasok sa Iglesia Ni Cristo kung nais niyang maligtas.

     Maging ang mga maglilingkod o magpupuri sa Diyos ay inuutusang pumasok sa pintuang daan (Awit 100:2-4).  Si Cristo ang pintuan (Juan 10:9).  Siya rin ang daan patungo sa Diyos (Juan 14:6).  Ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristo ay pagdaan at pagpasok kay Cristo.  Ito’y hindi dapat ipagpaliban!  Halina kayo.  Ngayon na ang panahong ukol.  *


Sinulat ni:
Kapatid na NICANOR P. TIOSEN

Kinopya mula sa
PASUGO GOD’S MESSAGE
APRIL 2015
PAGES 38-39

Emphasis:
ADMIN.