Martes, Hunyo 16, 2015

ANG TUNAY NA SA DIYOS AT KAY JESUS

ANG TUNAY NA SA DIYOS AT KAY JESUS

MARAMING NAG-AANGKIN at naniniwala na sila ay tunay na mga anak ng Diyos at mga lingkod ng Panginoong Jesucristo.  Ito ay isang mahalagang katangian na dapat nating matiyak sa ating sarili.

     Paano natin matitiyak na tayo nga ay mga anak ng Diyos at mga lingkod ni Jesus?  Ayon sa Biblia, makikilala ang mga tunay na lingkod ng Diyos.  Paano sila makikilala?  Ganito ang sabi ng Banal na Aklat:

     “Kaming iyong lingkod, Lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan, Magpupuring lagi’t magpapasalamat! (Awit 79:13, Magandang Balita Biblia)

     Ayon kay Haring David, ang mga lingkod ng Diyos ay PARANG MGA TUPA SA PASTULAN NG DIYOS.  Ang Diyos mismo ang nagsabi na ang mga tupa na nasa Kaniyang pastulan ay Kaniyang mga tao—mga tao ng Diyos:

     “At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako'y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.” (Ezek. 34:31)

     Ang mga lingkod ng Diyos ay TINATAWAG NA TUPA AT KABILANG SA KANIYANG PASTULAN.  Ang Panginoon ang kanilang Diyos.  Sila’y kumikilala sa Diyos at kinikilala rin sila ng Diyos:

     “Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos—dapat ko pa ngang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos …” (Gal. 4:9, MB)

     Mahalagang kilalanin ng tao ang Diyos.  Subalit lalong mahalaga na kinikilala siya ng Diyos.  Ang mga taong kinikilala ng Diyos na mga tunay na lingkod Niya ay kinikilala rin ni Jesus at tinatawag din Niyang KANIYANG MGA TUPA:

     “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin.” (Juan 10:27)

     Ang mga tupa ni Jesus ay nakikinig at sumusunod sa Kaniyang tinig.  Hindi sila kumikilala lamang sa Kaniya.  Ang sabi ni Jesus:  “… sila’y aking nakikilala.”  Kaya, ang mga kay Cristo  ay kinikilala Niyang Kaniyang tupa.  Sila ang may kahalalan o mga lingkod ng Diyos.

 PUMASOK SA KAWAN O IGLESIA
     Ano ang isa sa mga utos ni Cristo na sinunod ng mga tunay na lingkod ng Diyos kaya sila kinikilala ni Cristo na Kaniyang mga tupa?  Ipinag-utos ng Tagapagligtas ang ganito:

     “Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng kulungan ng mga tupa’.
     “Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Jn. 10:7, 9, Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

     Nauunawaan nila na si Jesus ang pintuan ng kulungan ng mga tupa at ang mga PUMASOK SA KAWAN sa pamamagitan Niya ay TIYAK NA MALILIGTAS.  Sinunod nila ang utos na PUMASOK SA KAWAN.  Dapat Nating mapansing ang pagiging tupa ni Jesus ay kaugnay ng pangakong kaligtasan.  Ang Tagapagligtas mismo ang gumagarantiya ng kaligtasan sa mga pumasok sa kawan.

     Kaya, ang isa sa mga pagkakakilanlan sa mga tunay na lingkod ng Diyos ay ang pagkakasangkap nila o PAGIGING KABILANG NILA SA KAWAN.  Ang kawan ay ang IGLESIA NI CRISTO:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Acts 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

     Ang mga KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO, kung gayon, ang mga lingkod ng Diyos—MGA TUPA NI JESUS.  Angkinin man ng isang tao na siya’y lingkod ng Diyos samantalang hindi naman siya kaanib sa Iglesia ni Cristo ay hindi siya tunay na lingkod ng Diyos.  Gayundin ang kalagayan ng mga nagsasabing hindi na kailangan pa ang Iglesia ni Cristo at sapat nang kumilala at sumampalataya lamang kay Cristo upang maligtas.


MATUWID NA PAMUMUHAY
     Si Apostol Pablo ay isa sa mga tunay na lingkod ng Diyos.  Ito’y pinatunayan niya sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay:

     “Ipinakilala kong ako’y lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay, kaalaman, pagpapahinuhod, kabutihang-loob, ganoon din sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tapat na pag-ibig, tapat na pananalita at kapangyarihan ng Diyos.” (II Cor.6:6-7, MB)

     ANG MGA TUNAY NA LINGKOD NG DIYOS AY HINDI LAMANG BASTA UMANIB SA IGLESIA NI CRISTO.  Malinis ang kanilang pamumuhay, masunurin, may mabuting kalooban, at may tapat na pag-ibig.  Kaya, kung paanong hindi tunay na lingkod ng Diyos ang hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo ay GAYUNDIN ANG SINUMANG KAANIB NA HINDI MALINIS ANG PAMUMUHAY—YAONG NABUBUHAY SA KASALANAN.  Sa kabilang dako, hindi dapat akalain ninuman na dahil sa malinis ang kaniyang buhay—kahit hindi siya kaanib sa Iglesia ni Cristo—ay lingkod na siya ng Diyos.  HINDI MAAARING PAGHIWALAYIN ANG PAG-ANIB SA IGLESIA AT ANG PAGTATAGUYOD NG MALINIS NA PAMUMUHAY.  Tandaan nating nang sabihin ni Apostol Pablo na siya’y lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang malinis na pamumuhay ay nasa loob na siya ng Iglesia kung saan siya’y inilagay ng Diyos (I Cor. 12:28).  Dito kabilang ang mga tupa ni Jesus.

     Bukod sa kalinisan ng pamumumuhay, ano pa ang pagkakakilanlan sa mga tunay na lingkod ng Diyos?  Ayon kay Apostol Juan:

     “Sinungaling ang sinumang nagsasabi na iniibig niya ang Dios ngunit namumuhi naman sa kanyang kapatid.  Pagkat paano niya maiibig ang Dios na hindi nakikita kung hindi niya maibig ang kapatid niyang nakikita?  At ito ang utos na ibinigay niya sa atin:  Sinumang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kanyang kapatid.” (I Juan 4:20-21, New Pilipino Version)

     ANG TUNAY NA LINGKOD NG DIYOS AY UMIIBIG SA KANIYANG KAPATID SA IGLESIA.  Ang pag-ibig sa kapatid ay napatutunayan hindi lamang sa salita kundi sa gawa.  Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama o ng makapipinsala sa kaniyang kapatid sa pananampalataya sapagkat ang isa sa mga kahayagan ng pag-ibig sa Diyos ay ang pag-ibig sa kapatid.  Isang kasinungalingan ang pagpapahayag ng pag-ibig sa Diyos ng isang taong napopoot o namumuhi naman sa kapatid.  Ipinadarama ng tunay na lingkod ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagdamay at pagtulong sa mga kapatid na nangangailangan.


NAKAHANDANG MAGTIIS
     Sa pagtitiis ng kahirapan, kapighatian, at mga kagipitan ay makikilala rin ang tunay na mga lingkod ng Diyos:

     “Sa halip, ipinakikilala ko sa lahat ng paraan na ako’y lingkod ng Diyos:  sa pagtitiis ng kahirapan, kapighatian, at mga kagipitan.” (II Cor. 6:4, MB)

     ANG TUNAY NA LINGKOD NG DIYOS AY NAKAHANDANG MAGTIIS, MAHIRAPAN, MAGIPIT, AT MAPIGHATI KUNG KINAKAILANGAN.  Naniniwala siyang kung danasin man niya ang mga ito ay bahagya at panandalian lamang:

     “Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas ko ngayon ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad.” (II Cor. 4:17, Ibid.)

     Ang pagtitiis sa buhay na ito alang-alang sa pagiging kaanib ng Iglesia ni Cristo ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad.  Kaya, ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay hindi umuurong ni tumitigil man sa paglilingkod anumang balakid o hadlang ang kanilang masagupa.  Para sa kanila, iyon ay magbubunga naman ng kaligayahang walang hanggan.  Ito ang pangakong kanilang tinatanaw.

     Sa panahon ng kahirapan, kapighatian ay lalong nagiging malapit sa Diyos ang mga tunay Niyang lingkod sa pag-asang diringgin sila at ililigtas (II Cron. 20:9).  Nagtitiwala sila na may kakayahan ang Diyos na tuparin ang Kaniyang ipinangako.  Hindi Niya sila pababayaan sa panahon ng kagipitan.

     Inaasahan naman ng Diyos na ang Kaniyang mga lingkod ay mananatiling tapat sa Kaniya at kailanman ay hindi Siya pagtataksilan (Isa. 63:8, MB).  Ang Diyos ay tapat sa mga lingkod Niyang tapat (Awit 18:25, 21-24, NPV).  Sino ang tapat sa Diyos?  ANG TAPAT SA DIYOS AY YAONG LUMALAKAD O SUMUSUNOD SA KANIYANG KAUTUSAN, HINDI TUMATALIKOD SA KANIYA, MALINIS ANG PAMUMUHAY, AT LUMALAYO SA KASALANAN.  Sa mga ganito nakalaan ang mga gantimpala ng Panginoon.  Ang gantimpalang ito’y ang pag-iingat ng Diyos, ang pagsagot sa kanilang pagtawag, ang pagsaklolo sa panahon ng pangangailangan, ang mahabang buhay, at ang kaligtasan:

     “Ang sabi ng Diyos, ‘Aking ililigtas ang tapat sa akin.  At iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin.  Pag sila’y tumawag, laging handa ako na sila’y pakinggan, Aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan; Aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.  Sila’y bibigyan ko’t gagantimpalaan ng mahabang buhay, At nakatitiyak na ang tatamuhin nila’y kaligtasan’” (Awit 91:14-16, MB)

     Mahalaga ang pananatiling tapat sa Panginoong Diyos.  Sa mga gayon ay ipinangako Niya ang Kaniyang pag-iingat, pagsama, gantimpala, at higit sa lahat ang kaligtasan.

     Tunay na malaking biyaya ang nakalaan para sa mga taong tunay na sa Diyos at kay Jesus.  Dahil dito, napakahalang matiyak ng tao na siya ay mapabilang sa mga kinikilalang lingkod ng Diyos—sa pamamagitan ng pag-anib sa Iglesia ni Cristo, pamumuhay ng matuwid, pagtitiis alang-alang sa pagsunod, at pagtatapat sa Diyos.  *


Sinulat ni:
Kapatid na DANIEL D. CATANGAY

Kinopya mula sa:
PASUGO GOD’S MESSAGE
July 2003
Pages 23-25

Emphasis:
Admin.