Martes, Hunyo 16, 2015

ANG PAKIKIPAG-ISA KAY JESUS

ANG PAKIKIPAG-ISA KAY JESUS

Walang kapantay ang biyayang kaloob ng Diyos sa tao sa pamamagitan ni Jesucristo na Kaniyang Anak.  Ang Panginoong Jesucristo ang ating pag-asa upang matubos tayo at mapatawad sa kasalanan at maligtas sa kaparusahang walang hanggan.  Sa pamamagitan Niya ay makapapasok tayo sa kaharian ng Diyos upang doon ay tamasahin natin magpakailanman ang buhay na walang hanggan, ang buhay na laya na sa lahat ng uri ng pagdurusa.  Gaano man kalaking kayamanan sa mundo, at kahit ang buong mundo mismo, ay hindi maitutumbas sa mga dakilang biyayang ito.

     Subalit matatamo lamang natin ito kung tayo ay NAKAUGNAY kay Jesus.  Kaya, kung paanong may mabubuting ugnayang nais nating itatag, panatilihin, at palaguin, katulad ng kaugnayan sa kasambahay, kamag-anak, kaibigan, at maging sa kasosyo sa negosyo, ang lalong dapat nating hangarin at pagsikapan ay ang tayo’y magkaroon ng KAUGNAYAN sa ating Panginoong Jesucristo.

     Paano ba magkakaroon ang tao ng kaugnayan kay Cristo?  Sapat na kaya ang sinasabi ng iba na tinanggap na nila si Cristo bilang Panginoon at pansariling Tagapagligtas?  Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga Cristiano sa Corinto ay ipinaalala niya KUNG PAANO SILA NAGKAROON NG KAUGNAYAN sa Panginoong Jesucristo:

     “TAPAT ANG DIYOS  NA TUMAWAG SA INYO UPANG KAYO’Y MAKIPAG-ISA SA KANYANG ANAK NA SI JESU-CRISTONG ATING PANGINOON” (I Cor. 1:9, Magandang Balita Biblia)

     Malibang tawagin at dalhin ng Diyos ang tao ay hindi siya makalalapit kay Jesucristo (Juan 6:44).  Kaya, hindi mapanghahawakan ang sinasabi ng marami ngayon na sila’y kay Cristo na, dahil lamang sa tinanggap na raw nila ang Panginoon sa kanilang puso.  Totoong dapat sumampalataya kay Jesus, subalit malinaw ang pahayag ng Biblia na ang mga nakipag-isa kay Cristo ay ang mga TINAWAG NG DIYOS.  Kaya, dapat tiyakin ng tao na kabilang siya sa mga tinawag ng Diyos.


KUNG PAANO TINATAWAG NG DIYOS
Paano tinawag ng Diyos ang mga unang Cristiano?  Sa II Tesalonica 2:14 ay ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:

     “TINAWAG KAYO NG DIOS SA PAMAMAGITAN NG EBANGHELYONG IPINANGARAL NAMIN SA INYO upang makahati kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-cristo.” (New Pilipino Version)

     Ang pagtawag ng Diyos ay sa pamamagitan ng pangangaral ng Kaniyang salita.  Subalit HINDI DAPAT IPAGKAMALI na lahat ng pangangaral ay pagtawag ng Diyos sa tao.  Ibinabala ng Panginoong Jesucristo na sa mga huling araw ay lilitaw ang maraming bulaang tagapangaral at ililigaw ang marami (Mat. 24:24).

     Ang pangangaral na siyang tunay na pagtawag ng Diyos ay ang PANGANGARAL NG SINUGO NIYA.  Walang karapatang mangaral ng dalisay na ebanghelyo ang hindi sinugo ng Diyos, gaya ng binigyang-diin ni Apostol Pablo:

     “AT PAANO SILANG MAGSISIPANGARAL, KUNG HINDI SILA MGA SINUGO?” (Roma 10:15)

     “BULAANG TAGAPANGARAL” ang tawag ng Panginoong Jesucristo sa nangangahas mangaral ng ebanghelyo na hindi naman sinugo ng Diyos.  Hindi lamang walang karapatang mangaral ang hindi sugo, kundi ang ipinangangaral niya ay hindi tunay na ebanghelyo.  Ayon kay Apostol Pablo:

     “Ako'y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo; Na ito'y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo'y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo. ” (Gal. 1:6-7)

     Ang mga bulaang tagapangaral ay mapagpanggap.  Sinisitas din nila ang mga talata ng Biblia upang mapapaniwala ang mga tao na sila’y kay Cristo.  Ngunit palibhasa’y hindi pinagkaloobang makaunawa ng salita ng Diyos, ang kanilang itinuturo ay lihis sa katotohanan (Mar. 4:11; II Ped. 3:16).  Sinabi ni Apostol Pablo na pinasasama nila ang ebanghelyo—pinipilipit o binibigyan nila ng ibang pakahulugan ang mga nakasulat sa Biblia kaya ang kanilang turo ay labag na sa aral ng Diyos.

     Kung gayon, hindi tayo dapat na basta maniwala na lamang sa kung sinu-sinong mangangaral.  Dapat nating tiyakin na ang ating pinakikinggan ay sinugo ng Diyos .  Ipinaliliwanag ng Biblia kung bakit ito mahalaga:

     “SAPAGKA’T ANG SINUGO NG DIOS AY NAGSASALITA NG MGA SALITA NG DIOS.” (Juan 3:34)

     Ang mga sugo sa pangalan ni Cristo ang pinagkatiwalaan ng Diyos ng Kaniyang salita o ng ebanghelyo (II Cor. 5:18-20).  Sila ang Kaniyang mga kasangkapan sa pagtawag sa tao upang ipakisama sa Kaniyang Anak na si Jesucristo.  Ang pangangaral nila ay katumbas ng pagtawag ng Diyos sa tao.  Kaya, kung nais nating magkaroon ng kaugnayan kay Jesucristo ay dapat nating pakinggan at sampalatayanan ang pangangaral ng sugo ng Diyos na magbubunga ng pakikipag-isa kay Cristo.  Ang kaisa Niya ang nakaugnay sa Kaniya.



KUNG SAAN TINATAWAG
Subalit, hindi rin dapat na ipagkamali na makinig lamang at sumampalataya sa tunay na ebanghelyo ay sapat na upang ang tao ay magkaroon ng kaugnayan kay Cristo.  Saan dapat humantong ang pagsampalataya natin sa pangangaral ng sugo?  Ayon kay Cristo, ang sumasampalataya sa ebanghelyo ay kailangan ding mabautismuhan.  Sa Marcos 16:15-16 ay nakatala ang pahayag Niyang ito:

     “At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.  Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.”

     Iniutos ng Panginoong Jesucristo sa Kaniyang mga alagad na ipangaral ang ebanghelyo sapagkat ito ang paraan ng pagtawag ng Diyos sa tao upang ipakipag-isa sa Kaniya.  Ipinangako ni Cristo na ang sumasampalataya sa pangangaral ng sugo at tumanggap ng tunay na bautismo ay maliligtas.

     Ang mga tumanggap ng bautismong iniutos ni Jesus ay nasa isang katawan, ayon sa I Corinto 12:13:

     “Tayong lahat—maging Judio o Griego, alipin o malaya—ay binautismuhan sa iisang Espiritu UPANG MAGING SANGKAP NG ISANG KATAWAN. (NPV)

     Sa ibang sulat ni Apostol Pablo ay maliwanag na sa isang katawan dinadala ang mga tinawag ng Diyos:

     “At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat.” (Col. 3:15)

    Ang tinutukoy na “isang katawan” ay ang Iglesiang pinangunguluhan ni Cristo:

     “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia.” (Col. 1:18)

     Ang pangalan ng Iglesiang katawan ni Cristo ay Iglesia ni Cristo:

     “Magbatian kayo ng banal na halik.  Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16, NPV)

     Kung gayon, ang dapat ibunga ng pagsampalataya sa mga tunay na aral na ipinangangaral ng mga sugo ng Diyos ay ang PAG-ANIB SA IGLESIA NI CRISTO.  Ito ang wastong pagtugon sa pagtawag ng Diyos na tayo’y makipag-isa sa Kaniyang Anak na si Jesucristo.


KUNG PAANO NAGING KAISA
Ang mga umanib sa tunay na Iglesia ni Cristo ang naging kaisa ni Cristo sapagkat, sa harap ng Diyos, si Cristo at ang Kaniyang Iglesia ay isang taong bago:

     “Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.” (Efe. 2:15)

     Ang isang taong bago ay nilalang sa pamamagitan ng pagkakaugnay ni Cristo na Siyang ulo sa mga tinawag bilang sangkap na bumubuo sa isang katawan o Iglesia (I Cor. 12:27). ANG MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO, KUNG GAYON, ANG MAY KAUGNAYAN SA ATING PANGINOONG JESUCRISTO.  Ito ang pinatutunayan mismo ni Apostol Pablo:

     “ISANG DAKILANG KATOTOHANAN ANG INIHAHAYAG NITO—ANG KAUGNAYAN NI CRISTO SA IGLESYA ANG TINUTUKOY KO.” (Efe. 5:32, MB)

     Bilang kaanib sa Iglesia o sangkap ng katawan ni Cristo hindi lamang kay Cristo tayo may kaugnayan kundi maging sa Ama (Juan 17:9-11). Dahil dito, makaaasa tayo sa mga dakilang biyayang ipinangako ng Diyos—ang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom at ang pananahanan sa piling Niya at ng Kaniyang Anak na si Jesucristo sa Bayang Banal magpakailanman  *

Isinulat ni:
Kapatid na ALBERT P. GONZALES

Kinopya mula sa:
PASUGO GOD’S MESSAGE
FEBRUARY 2006
PAGES 25-26

Emphasis:
ADMIN.