Linggo, Nobyembre 16, 2014

Bakit Nakagawa Si Cristo Ng Mga Kababalaghan?

Bakit Nakagawa Si Cristo Ng Mga Kababalaghan?

Ni JOSE R. BERNISCA



ANG MGA KABABALAGHANG nahayag kay Cristo ay ginagawang batayan ng iba sa pagtuturong Siya ay Diyos.  Ang katuwiran nila:  “Kung si Cristo ay hindi Diyos, bakit Siya nakagawa ng mga kababalaghan?”
     Tunay na maraming himala at mga tanda ang nahayag sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo—ang bulag ay napadilat, ang pilay ay napalakad, ang may ketong ay nilinis at pinagaling, ang bingi ay nakarinig, at maging ang patay ay binuhay.  Nakalakad din si Jesus sa tubig, nagawa Niyang alak ang tubig, at nahayag sa Kaniya ang marami pang ibang kababalaghan.  Subalit nagawa ba Niya ang mga himalang ito dahil sa Siya ay Diyos?  Nagawa ba Niya ang mga ito sa ganang Kaniyang sarili lamang?
     Sa Bagong Tipan na isinalin ng Paring Katoliko na si Juan Trinidad ay ganito ang sinasabi: 

     “Mga lalaking taga Israel pakinggan ninyo ang pananalitang ito:  Si Jesus na taga-Nazaret, taong pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng himala at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa gitna ninyo sa pamamagitan Niya, gaya ng alam na ninyo.”  (Gawa 2:22)

Ang inihahayag ng mga ginawa ni Cristo
     Ang may gawa ng mga himala at tandang nahayag sa pamamagitan ni Cristo ay ang Diyos.  Si Cristo ay kinasangkapan ng Diyos sa paggawa ng mga kababalaghan, at sa kabila nito namamalaging tao ang Kaniyang likas na kalagayan.

     Kaya nga, ipinahayag ng Panginoong Jesucristo na sa Kaniyang sarili ay wala Siyang anumang magagawa:

     “Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig:  at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.”  (Juan 5:30)

     Ang Panginoong Jesucristo mismo ang nagsabi na, “Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili.” Ito’y maliwanag na katunayan na si Cristo ay tao at hindi Diyos.  Subalit iminamatuwid ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos na may dalawa raw Siyang kalikasan—Diyos na totoo at taong totoo—at ang gumawa diumano ng kababalaghan ay si “Cristo na Diyos.”  Ang ganitong paniniwala ay salungat sa aral ng Diyos.  Sinabi ng Diyos na Siya ay Diyos at hindi tao (Ose. 11:9) ni anak ng tao (Blg. 23:19), at ang tao ay hindi Diyos (Ezek. 28:2, 9).

Hindi lamang si Cristo
     Kung ang paggawa ng mga himala ay katunayan ng pagiging Diyos, tiyak na darami ang Diyos dahil hindi lamang si Cristo ang nakagawa ng mga himala.  Ganito ang pinatutunayan ng Biblia:

     “At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo:

     “Ano pa’t ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga maysakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu.”  (Gawa 19:11-12)

     Si Apostol Pablo man ay nakagawa ng mga himala.  Ngunit dahil ba rito ay Diyos na siya?  Gaya ng Panginoong Jesus, si Apostol Pablo ay kinasangkapan din ng Diyos.  Hindi siya ang may gawa ng mga himala sa ganang kaniyang sarili kundi ang Diyos sa pamamagitan niya.

      Si Apostol Pedro man ay ginamit na kasangkapan ng Diyos sa paggawa ng mga himala.  Isang lalaking ipinanganak na lumpo na araw-araw ay namamalimos sa pintuan ng templo ang napalakad ni Apostol Pedro (Gawa 3:1-8).  Sinabi lamang niya sa pilay:

     “Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo.  Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka.”  (Gawa 3:6)

     Sapat ang pananalitang ito upang ang lumpo ay makalakad at pumasok sa templo na lumulukso at nagpupuri sa Diyos.

     Binuhay rin ni Apostol Pedro ang isang babae na nagngangalang Tabita:

     “ … Tabita, magbangon ka.  At iminulat niya ang kaniyang mga mata, at nang makita niya si Pedro, ay naupo siya.

     “At iniabot ni Pedro sa kaniya ang kaniyang kamay, at siya’y itinindig … at siya’y iniharap niyang buhay.

     “At ito’y nabansag sa boong Joppe:  at marami ang mga nagsisampalataya sa Panginoon.”  (Gawa 9:40-42)

     Dalawang malaking himala ang naganap sa pamamagitan ni Apostol Pedro.  Gayunman, hindi nangangahulugang Diyos sina Apostol Pedro at Pablo dahil sa mga nagawa nilang himala.  Tao sina Apostol Pedro at Pablo, subalit sila’y ginamit ng Diyos sa paggawa ng mga himala—gaya rin ng Panginoong Jesus.

     Kaya, hindi mapagbabatayan ang mga himalang naganap sa pamamagitan ni Cristo upang paniwalaan at iturong Siya ay Diyos.

Pasugo God’s Message/February 2001/Volume 53/ Number 2/Pages 14-15