Ang Nakinabang Sa Muling Pagkabuhay Ni Cristo
ANG IBA’T IBANG pangkatin ng pananampalataya na
nagpapakilalang sila’y Cristiano ay may isinasagawang paggunita at pag-aala-ala
sa kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Ito’y sa paniniwalang sila ay nakinabang sa
kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon.
Ngunit sino ang mga tunay na
nakinabang sa kamatayan at pagkabuhay na muli ni Cristo?
Alamin muna
natin kung ano ang kahulugan ng pagkabuhay na muli ni Cristo ayon sa Biblia. Sa unang sulat ni Apostol Pablo sa mga
Cristiano sa Corinto ay sinabi niya:
“Ngunit ang totoo, si Cristo’y muling
binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.
“Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat
dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayon din naman, mabubuhay ang lahat
dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang
takdang panahon: si Cristo ang pinakauna
sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya.”
(I Cor. 15:20, 22-23, Magandang Balita
Biblia)
Ayon kay
Apostol Pablo, ang muling pagkabuhay ni Cristo ay nagpapatunay na talagang may
magaganap na muling pagkabuhay o resureksyon ng tao. Ang Panginoong Jesucristo ang pinakaunang
binuhay na mag-uli at susunod namang bubuhayin ang mga taong may kaugnayan sa
Kaniya sa takdang panahon.
Ang mga bubuhaying
muli
Si Cristo
mismo ang nagpakilala kung sino ang mga taong may kaugnayan sa Kaniya at muling
mabubuhay sa takdang panahon na katulad ng Kaniyang pagkabuhay:
“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw
ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya
kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18, Ibid.)
Ang tiniyak ni
Cristo na may kaugnayan sa Kaniya ay ang Iglesia na Kaniyang itinatag. Ito ang Kaniyang pinangakuang hindi
pananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan.
At bagaman sa kasalukuyan ay napakaraming iglesiang nakatatag sa mundo,
tiniyak ng Biblia kung alin ang tunay na Iglesia na tumanggap ng pangakong
ito. Ganito ang patotoo ni Apostol
Pablo:
“Take heed therefore to yourselves and to all the flock
over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of
Christ which he has purchased with his
blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong
mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga
katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.]
(Acts 20:28, Lamsa Translation)
Kung gayon,
ang Iglesia na tinubos ng dugo ni Cristo o pinaghandugan ng Kaniyang buhay ay
walang iba kundi ang Iglesia ni Cristo. Ito lamang ang pinangakuang hindi pananaigan
ng kapangyarihan ng kamatayan.
Sa pagsasabing
ang Iglesia ni Cristo ay hindi
pananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan ay hindi nangangahulugang imortal o
walang kamatayan ang mga kaanib nito.
Ang tao, anuman ang kaniyang relihiyon, ay maaaring mamatay anumang oras
dahil sa siya’y nilikha ng Diyos na mortal.
Ngunit ang pangako ni Cristo na ang Kaniyang Iglesia ay hindi pananaigan
ng kapangyarihan ng kamatayan ay nangangahulugan lamang na hindi mamamalagi sa
libingan ang mga kaanib nitong namatay.
Ganito ang paliwanag ng ating Panginoong Jesucristo:
“Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras
na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig.
“Sila’y muling mabubuhay at
lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng
gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama
ay parurusahan.” (Juan 5:28-29, MB)
Bagaman kapuwa
may pagkabuhay na muli ang mga taong mabuti at mga taong masama sa paningin ng
Diyos, kung sila’y abutan ng kamatayan, ay magkaiba naman ang inilalaan ng
ating Panginoon sa kanila. Ang mga
sumunod sa mga utos ng Diyos na gumawa ng mabuti (Roma 7:12) sa Kaniyang
paningin ay bubuhayin upang gantimpalaan ng buhay na walang hanggan,
samantalang ang mga nagsigawa ng masama ay bubuhayin upang parusahan.
May mauuna at may
mahuhuli
Ang muling
pagkabuhay ng mga namatay na may kaugnayan kay Cristo ay sa kaniyang ikalawang
pagparito:
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit,
na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel,
at may pakakak ng Dios: at ang
nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli.” (I Tes. 4:16)
Hindi magkasabay
na magaganap ang pagkabuhay na mag-uli ng mga gagantimpalaan at ng mga
parurusahan. Mauunang bubuhayin ang mga
kay Cristo. Ito’y sa kaniyang ikalawang
pagparito o sa Araw ng Paghuhukom (Juan 6:39, MB)
Sa kabilang
dako, maghihintay pa ng 1,000 taon mula sa unang pagkabuhay na muli ang mga
parurusahan dahil sa kanilang mga gawang masama. Ang mga ito’y ang hindi nakinabang sa
pagkabuhay na mag-uli ni Cristo:
“Ito ang unang pagkabuhay sa mga patay. Bubuhayin ang iba pang mga patay pagkaraan ng
sanlibong taon.” (Apoc. 20:5, Ibid.)
Tunay na
nakapanaig sa kanila ang kapangyarihan ng kamatayan sapagkat ganito pa ang
sinasabi ng Biblia na kanilang huling hantungan:
“Pagkatapos ng 1,000 taon palalayain si Satanas. Lalabas siya upang dayain ang mga bansa sa
buong sanlibutan—ang Gog at Magog.
Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikidigma. Kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang
hukbong ito. Kumalat sila sa buong
sanlibutan at pinaligiran ang kuta ng mga hinirang ng Diyos at pinakamamahal
niyang lunsod. Ngunit bumaba ang apoy
mula sa langit at tinupok sila. At ang
Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawang apoy at asupre na
pinagtapunan din sa halimaw at sa mga bulaang propeta; magkakasama silang
pahihirapan, araw at gabi, magpakailanman.” (Apoc. 20:7-10, Ibid.)
Pagkalipas pa
ng 1,000 taon mula sa unang pagkabuhay ng mag-uli magkakaroon ng dagat-dagatang
apoy na siyang dakong parusahan ng mga hindi maliligtas o mga hindi nakinabang
sa muling pagkabuhay ni Cristo sapagkat wala silang kaugnayan sa Kaniya. Samantala, tinitiyak naman ng Biblia na:
“Mapalad at pinagpalang lubos ang mga nakasama sa unang
pagbuhay sa mga patay. Walang
kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila’y magiging mga
saserdote ng Diyos at ng Mesias, at maghahari silang kasama niya sa loob ng
sanlibong taon.” (Apoc. 20:6, Ibid.)
Walang
kapangyarihan sa mga kay Cristo o sa Iglesia Niya ang ikalawang kamatayan na
siyang kaparusahan sa apoy. Sa halip na
mapahamak, dadalhin sila sa Bayang Banal upang makapiling ng Diyos at ni Cristo
magpakailan man:
“Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at
isang bagong lupa. Wala na ang dating
langit at lupa; wala na rin ang dagat.
At nakita ko ang Banal na Lunsod, ang bagong Jerusalem, bumababang
galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa
pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya.
Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, ‘Ngayon, ang tahanan
ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao!
Mananahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Makakapiling nila nang palagian ang Diyos [at
siya ang magiging Diyos nila]. At
papahirin niya ang kanilang mga
luha. Wala nang kamatayan, dalamhati,
pag-iyak, at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay’.” (Apoc.
21:1-4, Ibid.)
Kakaiba sa
kasalukuyang pamumuhay ang magiging pamumuhay ng mga maliligtas. Sa Bayang Banal ay wala nang kalungkutan,
kahirapan, at kamatayan.
Kaya upang
makinabang tayo sa kamatayan at muling
pagkabuhay ng ating Panginoong Jesucristo, dapat tayong umanib at manatili sa Iglesia ni Cristo. Sa pamamagitan ng pagiging kaanib natin sa
tunay na Iglesia na katawan ni Cristo (Col. 1:18) ay may kaugnayan tayo sa
Panginoon na dahil dito’y hindi tayo pananaigan ng kamatayan kundi
gagantimpalaan ng walang hanggang buhay.
Christian Readings/Pasugo God’s Message
Inaanyayahan ka naming dumalo sa mga pagsamba ng Iglesia
ni Cristo.