Ang Hindi
Madadaig Ng Kamatayan
“ABANG TAO AKO!
Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan? (Roma 7:24)
Ang pahayag na
ito ni Apostol Pablo ay isang katotohanang hindi matatakasan ng lahat ng
tao. Walang pinipili ang kamatayan. Ito ay dumarating sa sinumang tao anuman siya
sa daigdig na ito. Sa harap ng kamatayan
ay aba o kaawa-awa ang kalagayan ng tao.
Kaya kailangan ng tao ng magliligtas sa kaniya. Ganito pa ang sinasabi sa Biblia tungkol sa
tao sa harap ng kamatayan:
“Ipinahahayag ko
alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus
na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako.
“Bakit baga naman tayo’y nanganganib
bawa’t oras?” (I Cor. 15:31, 30)
Araw-araw at
oras-oras ay nanganganib ang tao sa kamatayan, anuman ang kalagayan niya sa
mundo:
“Isang tao ang namatay sa gitna ng kasaganaan, Panatag
ang katayuan, maginhawa nga ang buhay.
“Mayroon namang ibang namatay sa
kahirapan, ni hindi nakalasap ng bahagyang kabutihan.
“Ngunit sila ay parehong sa alabok nahihimlay At kapwa inuuod ang kanilang
katawan.” (Job 21:23, 25-26, Magandang Balita Biblia)
Pagdating ng
kamatayan ay magkakatulad ang sasapitin ng lahat, mayaman man o mahirap. Ang lahat ay uuwi sa alabok—at ito ay hindi
mapipigilan ng sinumang tao:
“Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din
hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan.” (Ecles. 8:8, Ibid.)
Malaki na ang
iniunlad ng kabihasnan at isinulong ng karunungan ng tao, ngunit hanggang
ngayon ay hindi pa rin natutuklasan kung paano mapipigil ang pagdating ng
kamatayan. Hindi kayang pigilin ng
sinuman ang pagdating ng kamatayan.
Ang Paghuhukom
Bukod sa
kamatayang pagkalagot ng hininga ay mayroon pang lalong hindi kayang pigilin
ang tao:
“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na
minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (Heb. 9:27)
Ang kamatayan
at Araw ng Paghuhukom ay kapuwa itinakda ng Diyos kaya hindi mapipigil ng tao
ang mga ito. Kapuwa darating ang mga ito sa tao, hindi niya maiiwasan o
matatakasan.
Bakit itinakda ng Diyos sa tao ang mamatay?
“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay
pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya’y sa pamamagitan ng
kasalanan; at sa ganito’y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka’t ang lahat ay nangagkasala.” (Rom. 5:12)
Itinakda ng
Diyos na mamatay ang tao dahil sa kasalanan niya. Ito rin ang dahilan kaya siya nahiwalay sa
Diyos:
“Kundi pinapaghiwalay ang inyong mga kasamaan at ang
inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha
sa inyo, upang siya’y huwag makinig.” (Isa. 59:2)
Dahil dito,
ang pagtuturing ng Diyos sa mga taong nagkasala ay patay:
“Noong una’y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at
mga kasalanan.” (Efe. 2:1, MB)
Sa ganitong kalagayan ng tao sa harap ng Diyos, tanggapin
kaya Niya ang gagawing paglilingkod sa Kaniya? Hindi,
sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, gaya ng sinasabi sa Mateo
22:32:
“ ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni
Jacob’. Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos
ng mga patay, kundi ng mga buhay.”
(Ibid.)
Ang pakikipag-isa kay Cristo
Kahit
itinuring ng Diyos na patay ang tao dahil sa kasalanan, muli silang magkakaroon
ng kapayapaan sa buhay kung makikipag-isa sila kay Cristo:
“Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila
ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.
“Tayo’y binuhay niya kay Cristo kahit
noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga tayo dahil sa kanyang
kagandahang loob.)
“Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo
Jesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan.” (Efe. 2:4-6, Ibid.)
Kailangan ng
tao si Cristo, ngunit hindi sapat na maniwala o sumampalataya lamang sa
Kaniya. Ang kailangan ay makipag-isa ang
tao sa Kaniya. Ito ang paraan upang
matamo ang habag at pag-ibig ng Diyos.
Paano magiging isa kay Cristo ang mga tao? Sa Efeso 2:14-15 ay ganito ang itinuturo ng
Biblia:
“Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang
pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,
“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan
ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan, upang
sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago sa ganito’y
ginagawa ang kapayapaan.”
Upang maging
isa kay Cristo ang mga tao, kailangang mapabilang sila sa isang taong bago na
ginawa ni Cristo. Ang kabalangkasan ng
taong bago ay ulo at katawan—si Cristo at ang Iglesia:
“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng
iglesia.” (Col. 1:18)
Ano ang pangako ni Cristo sa
Iglesia na Kaniyang itinayo? Sa
Mateo 16:18 ay ganito ang sinasabi:
“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang
aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng
kamatayan.” (MB)
Ang kapangyarihan
ng kamatayan ay hindi makapananaig sa Iglesia na itinayo ni Cristo. Sa Gawa 20:28 ay nilinaw ng mga apostol kung
aling iglesia ang itinayo ng Panginoong Jesus:
“Take heed
therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has
appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased
with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang
buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang
pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Lamsa
Translation)
Ang kamatayan
na hindi kayang daigin ng tao sa ganang kaniyang sarili ay magagawa niyang
daigin kung siya’y nasa Iglesia ni
Cristo. Si Cristo mismo ang nangako
na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi makapananaig saKaniyang
Iglesia. Kung
totoo ito, bakit may mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na namamatay? Nangahulugan ba ito na nadaig sila ng
kamatayan?
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit,
na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang
mangabubuhay na maguli;
“Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na
nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang
Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa
Panginoon tayo magpakailan man.”
(I Tes. 4:16-17)
Ang mga kay
Cristo o mga kaanib sa Iglesia ni Cristo,
bagaman mamatay, ay hindi pa rin napagtagumpayan ng kamatayan sapagkat sa
ikalawang pagparito ng Panginoon sila ang unang bubuhaying mag-uli. Sa dakilang araw na yaon, ang mga nakasama sa
unang pagkabuhay ay hindi lamang nakapagtagumpay sa kamatayang pagkalagot ng
hininga, kundi maging sa ikalawang kamatayan:
“Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na
maguli: sa mga ito’y walang
kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila’y magiging mga saserdote ng
Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid
sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang
kamatayan , samakatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc. 20:6, 14)
Hindi ito
pangako para sa lahat ng namatay na naniniwala kay Cristo kundi ito ang pangako
ni Cristo sa Kaniyang Iglesia. Sa I Juan
5:11-12 ay ganito ang sinasabi:
“At ito ang patotoo, na tayo’y binigyan ng Dios ng buhay
na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.
“Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan
ng buhay, ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.”
Ang
kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay ang Iglesia sapagkat Siya ang ulo nito. Kaya
mapalad ang nasa Iglesia ni Cristo
sapagkat dito ay mapagtatagumpayan niya ang kamatayan.
Polyeto/Pasugo God’s
Message/April 2001/Pages 19-20