Sabado, Oktubre 6, 2012

Kung May Kapatid Na Nasumpungan Sa Pagsuway


Kung May Kapatid Na
Nasumpungan Sa Pagsuway


Sinulat ni EMILIANO P. MAGTUTO SR.

“Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan…”
-     Galacia 6:1


Ang isa sa mahalaga at pangunahing aral ng Diyos na tinutupad sa loob ng Iglesia ni Cristo ay ang nauukol sa pag-iibigang magkakapatid.  Ang pag-ibig sa kapatid ay napatutunayan at nahahayag sa pamamagitan ng gawa at hindi ng salita lamang.  Hindi nagkakapootan ang magkakapatid na nag-iibigan.  Hindi gumagawa ng masama ang sinuman sa kaninuman.  Sa halip, ang nakikita sa kanila ay ang pagdadamayan—nagtutulungan ang isa’t isa sa abot ng makakaya lalo na sa panahon ng matitinding kalamidad.

     Subalit hindi sa gayong paraan lamang natin mapatutunayan ang pag-ibig sa ating mga kapatid.  Kung may nakikita tayong nasa pagsuway o hindi nabubuhay nang ayon sa mga aral na itinuro sa atin, mayroon ding inaasahan ang Diyos na ating gagawin.

Ang dapat gawin kung may
masumpungan sa pagsuway
Itinuro ito ng mga apostol sa atin:

     Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso. (Gal. 6:1)

     Kung may masumpungan tayong kapatid sa anumang pagsuway, ipakita at ipadama natin sa kaniya ang ating pag-ibig.  Sa paanong paraan?  Hindi sa pamamagitan ng pagkunsinti o pagtatakip sa kaniyang kasalanan na anupa’t tayo ay “magtago sa piging ng pagiibigan” (Jud. 1:12).  Bagkus, gaya ng ipinahayag ni Apostol Pablo, “papanumbalikin ang gayon” at himukin natin na talikuran at iwaksi niya ang mga gawang kadiliman upang siya’y mabuhay nang matuwid at may kabanalan.  Huwag natin siyang kamumuhian o lalayuan.  Sa halip ay atin siyang kaawaan at matiyagang akayin hanggang sa siya’y makapanumbalik.

     Si Apostol Pablo ay patuloy na nagturo tungkol sa mga sumasalangsang:

     Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan,

     “At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.(II Tim. 2:25-26)

     Gaya ng sinabi ni Apostol Pablo, ang kapatid na nasa pagsalangsang o pagsuway ay nasa silo o bihag ng diablo kaya kailangang siya’y kaawaan.  Dapat nating maunawaan na hindi rin nais ng kapatid ang nangyari sa kaniya.  Nadaig lamang siya at napagtagumpayan ng silo ng diablo.  Paano natin siya maililigtas at mapalalaya sa silo ng diablo?  Sawayin natin siyang may kaamuan at paalalahanan nating may pag-ibig upang madama ang ating buong pusong pagmamalasakit sa kaniya.  Huwag natin siyang susumbatan, sisigawan, o kagagalitan.  Buong giliw natin siyang payuhan na manumbalik sa aral ng Diyos.

     Napakahalaga ng gawang pagpapabalik-loob ng isang makasalanan.  Sa sulat ni Apostol Santiago ay maliwanag ang sinasabi:

     Mga kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y papagbaliking loob ng sinoman;

     “Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan. (Sant. 5:19-20)

Paraan ng pagpapanumbalik  
Nagturo si Apostol Pablo tungkol sa pagpapanumbalik sa kapatid na nakagawa ng kasalanan:

     “Ngunit huwag naman ninyo siyang ituturing na kaaway; sa halip, pangaralan ninyo bilang kapatid.” (II Tes. 3:15, Magandang Balita Biblia)

     Huwag nating ituturing na kaaway ang kapatid na nagkasala.  Kapag nilayuan, kinamuhian, at itinuring natin siyang kaaway at hindi kapatid, paano natin siya mapanunumbalik?  Gaano kasama kung ariin nating kaaway ang ating kapatid at mapoot sa kaniya dahil sa siya’y nagkasala?  Maliwanag na sinabi ni Apostol Juan:

     Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan. (I Juan 3:15)

     Kaya, upang mapanumbalik natin ang kapatid na nasa pagsuway, huwag mawawala ang pag-ibig natin sa kaniya.  Kaawaan natin siya at sundin ang sinabi ni Apostol Pablo na “pangaralan ninyo bilang kapatid.”

Ang dapat gawin sa mahihinang kapatid
Hindi lamang ang mga kapatid na nasa pagsuway ang pananagutan ng bawat isa sa atin na akayin upang makapanumbalik.  May mga kapatid tayong mahina pa sa pananampalataya kaya hindi pa nila lubos na napagtatalagahan ang kanilang paglilingkod at pagsamba sa Diyos.

     Dahil dito, ano naman ang dapat gawin sa mahihinang kapatid?  Sa Roma 15:1, sinasabi:

     “Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin.” (MB)

     Huwag natin silang lalayuan o kaiinisan kung hindi natin makita sa kanila ang katulad ng taglay nating kasiglahan at kalakasan sa pananampalataya.  Maging matiyaga tayo sa pagdadala at pagtuturo sa mga kapatid nating mahihina pa sa pananampalataya.  Sa halip na sila’y kayamutan, sundin natin ang pamanhik ng mga apostol:

     At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. (I Tes. 5:14)

     Dapat nating pagmalasakitan ang ating mahihinang kapatid sapagkat, bilang mga kaanib sa tunay na Iglesia, pinamuhunan din sila ng buhay ng ating Panginoong Jesucristo:

     Sapagka't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kaniya'y namatay si Cristo. (I Cor. 8:11)

Ang kapatid na dapat itakuwil o alisin
Itinuro ng mga apostol kung sinu-sinong kapatid ang dapat itakuwil:

     Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo;

     “Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang sarili. (Tito 3:10-11)

     Ang kapatid na may maling pananampalataya, kung hindi magbago, ang sabi ng talata, “pagkatapos…ay itakuwil mo.”  Ang ganito ay inaalis sa Iglesia dahil itinakuwil nila ang tunay na pananampalataya, gaya ng nangyari kay Himeneo at Alejandro sa panahon ng mga apostol (I Tim. 1:19-20).  Sila’y ibinigay kay Satanas upang huwag nang makapamusong sa loob ng Iglesia;  ang kahulugan nito’y hindi na sila maliligtas.

     Sa kabilang dako, kaawaan naman natin ang mga kapatid na nakikita nating nasa pagsuway o mahina sa pananampalataya.  Hindi sila maliligtas kung hindi sila makapanumbalik at hindi magpakatatag.  Kung sila’y ating pagmalasakitang papanumbalikin, mapatutunayan natin ang pag-ibig natin sa ating kapatid na kahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos (I Juan 4:21, MB). *****


GOD’S MESSAGE/February 2008, Pages 21-22
___________________________________________