Biyernes, Agosto 24, 2012

Huwag Tayong Padaya Kaninuman


Huwag Tayong Padaya Kaninuman



Iba’t ibang pamamaraan ang ginagamit ng mga bulaang tagapangaral sa panlilinlang ng kapuwa.  Upang hindi nila tayo mabiktima, mahalagang kilalanin natin kung sino sila at kung paano nila inaakit ang mga mapaniwalain na sumunod sa kanila.  Ganito inilalarawan ng Biblia ang mga huwad ng propeta:

‘Ako’y nanaginip’
     Sinasabi ng mga nagpapanggap na propeta na napakita raw sa kanila ang Diyos at sila’y kinausap sa panaginip o pangitain.  Noon pa man, nagbabala na ang Diyos ukol sa mga gayon:

     “Narinig ko ang sinasabi ng mga propetang nagpapahayag ng kasinunglingan sa aking pangalan.  Ang sabi nila, ‘Mayroon akong panaginip!  Ako’y nanaginip!’” (Jer. 23:25, New Pilipino Version)

     Di nga ba’t ganito rin ang sinasabi ng mga nagpapakilalang propeta ngayon?  Nanghuhula sila at sinasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap sapagkat diumano’y nakausap daw nila ang Diyos sa kanilang panaginip.  Subalit tiniyak ng Diyos na ang pag-asang kanilang iniaalok ay huwad at walang katuturan:

     “… ‘Huwag ninyong pakikinggan ang anumang ipinapahayag sa inyo ng mga propeta; binubusog lamang nila kayo ng huwad na pag-asa.  Nagsasalita sila ng mga pangitain mula sa sariling kathang-isip, hindi mula sa bibig ng PANGINOON’.” (Jer. 23:16, Ibid.)

     Mag-ingat tayo sa mga bulaang propeta at sa kanilang maririkit na pangungusap.  Huwag tayong paaakit sa kanilang matatamis na pangako, katulad ng pagyaman, sapagkat ang mga ito’y pawang kasinungalingan at magbubulid sa atin sa kapahamakan:

     “Tunay na laban ako sa mga nagpapahayag ng huwad na pangitain’, pahayag ng PANGINOON.  ‘Sinasabi nila ito at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng walang pakundangan nilang pagsisinungaling bagaman hindi ko sila sinusugo ni hinihirang.  Hindi sila nakatutulong sa mga tao kahit kaunti’, pahayag ng PANGINOON.” (Jer. 23:32, Ibid.)

‘Sa pangalan ni Jesus’
     Ang isa pa sa mga paraan ng mga bulaang propeta upang makahikayat ay ang paggamit ng pangalan ni Jesucristo sa pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng masamang espiritu, at paggawa ng mga milagro.  May ibinabala tungkol dito ang Panginoong Jesucristo:

     “Sa huling araw, marami ang magsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, nanghula kami sa pangalan mo, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga kababalaghan’.  Sasabihin ko naman sa kanila, ‘Lumayas kayo sa harapan ko, mga manggagawa ng katampalasanan!  Hindi ko kayo nakikilala’.” (Mat. 7:22-23, NPV)

     Inaakala ng marami na dahil sa ang isang tagapangaral ay nakagagawa ng mga himala sa pangalan ni Cristo, ay nangangahulugan nang siya’y sugo ng Diyos.  Ngunit hindi ito ang wastong panukat.  Ang kakayahang makagawa ng himala ay hindi katunayan ng pagiging sa Diyos.  Ang Diablo man ay nakagagawa rin ng mga himala:

     “Lilitaw ang Suwail na taglay ang kapangyarihan ni Satanas.  Gagawa siya ng lahat ng uri ng himala at nakalilinlang na tanda at kababalaghan.  At gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak—mga taong maliligtas sana kung kanilang tinanggap at inibig ang katotohanan.” (IITes. 2:9-10, Magandang Balita Biblia)

     Kaya hindi lahat ng kababalaghan ay mula sa Diyos at hindi lahat ng gumagawa ng himala ay sinugo Niya.  Ang mga himala, tanda, at kababalaghan ay ginagamit ding kasangkapan ni Satanas upang dayain ang mga tao sa mga huling araw na ito.  Kaya, hindi dahil sa ang isang tao’y nakagagawa ng mga himala’t kababalaghan ay tunay na siyang tagapangaral.

‘Bakit parang totoo?’
     Ang iba’y naiiyak pa habang nagpapatotoo kung paanong sila’y napagaling sa sakit o kaya’y umunlad ang kanilang kabuhayan sa bisa ng himala ng mga kinikilala nilang tagapangaral.  Subalit kahit na mangyari pa ang mga bagay na ito, hindi pa rin tayo dapat na maniwala agad sa mga mangangaral na diumano’y gumawa nito.  Sa Biblia ay sinasabi:

     “Kung may lilitaw sa inyo na isang propeta na nagbibigay kahulugan sa mga panaginip at nagpapahayag sa inyo ng isang kahanga-hangang tanda o kababalaghan, at kung mangyari nga ang tanda o kababalaghang binanggit niya, at sasabihin, ‘Sumunod tayo sa ibang mga dios’, (mga dios na hindi ninyo kilala)’ at sambahin natin sila’, huwag kayong makikinig sa propeta o taga-pagbigay kahulugan sa panaginip.  Sinusubok lang kayo ng PANGINOON ninyong Dios para malaman kung iniibig ninyo siya nang buong puso at buong kaluluwa.” (Deut. 13:1-3, NPV)

     Upang matiyak natin kung ang isang tanda o himala ay sa Diyos o hindi, marapat muna nating suriin kung saan tayo dadalhin ng mga ito.  Magkatotoo man ang pangitain ng mga bulaang propeta at matupad man ang mga tanda o kababalaghang kanilang ginawa, ngunit dinadala naman tayo nito sa pagsamba sa mga rebulto o diyus-diyusan, ang mga himalang iyon ay hindi sa Diyos.  Hindi ba’t ganito ang mga himalang diumano’y nagaganap ngayon?  Sa likod ng mga nagpapagaling at panghuhula ng mga nagpapanggap na mangangaral ay mga rebulto at larawang niluluhuran, dinadasalan, at sinasamba.

     Ang tumatangging kilalanin ang Diyos at sumusuway sa Kaniyang mga utos ay tiyak na hahantong sa walang hanggang kaparusahan (II Tes. 1:8-9).  Kaya, manindigan tayo at huwag pumayag na madaya ninuman sa anumang paraan.*****



***
Ano kaya’t niloko ka ng
kasosyo mo sa negosyo at kinupit
ang bahagi mo sa kita; o, pinag-
nakawan ka ng iyong katulong sa
bahay; o kaya’y ang alahas na
ipinagbili sa iyo nang napakamahal
ay peke pala?

Ayaw nating mangyari ang
alinman sa mga ito sa atin.  Masakit
ang malinlang ng kapuwa lalo na
ng mga taong ating pinagtiwalaan
at inasahang gagawa ng mabuti sa
atin.

Ngunit hindi lamang sa larangan
ng negosyo o kalakalan laganap
ang pandaraya.  Sa ating panahon,
napakaraming mga bulaang
tagapangaral ng relihiyon na nag-
aangking sila’y may pambihirang
kapangyarihan, nag-aalok ng
material na pakinabang, pagpa-
pagaling sa karamdaman, at pag-
unlad ng kabuhayan.

Dapat din tayong mag-ingat sa
kanila, sapagkat higit sa alinmang
bagay, ang nakataya rito ay ang
kaligtasan ng ating kaluluwa.

***

Panghawakan ang katotohanan

     Ang pinakamabuting pananggalang sa anumang uri ng pandaraya ay ang katotohanan.  Ayon kay Apostol Pablo, kaya nalinlang at napahamak ang iba ay dahil sa hindi nila tinanggap at inibig ang katotohanan (II Tes. 2:10).

     Kaya, dapat tayong manghawak sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia upang huwag tayong madaya ng mga bulaang tagapangaral ng relihiyon.  Lagi nating alalahanin ang itinagubilin ng mga apostol:

     “Kayo’y magsipag-ingat, baka sa inyo’y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopiya at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo.” (Col. 2:8)

____________________________________

Ang polyetong ito ay nanggaling kay:



BAGWIS NG AGILA

Inaanyayahan ka naming dumalo
sa mga pagsamba ng
Iglesia ni Cristo.

Inilathala ng Iglesia ni Cristo
Patnugutan:  Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Ave., New Era
Lungsod ng Quezon 1107 Pilipinas


__________________________________


Pamphlets:  Pasugo God’s Message

___________________________________


Basahin din:

Bisitahin:

________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
_____________________________________________________________________

Miyerkules, Agosto 22, 2012

Paano ang mga hindi narating ng Iglesia ni Cristo?


Ang Katarungan Ng Diyos
                  
Sa Araw ng Paghuhukom,
ang mga taong inabot
ng pangangaral ng ebanghelyo
ay hahatulan sa pamamagitan
ng ebanghelyo.

Ni ALBERTO P. GONZALES
_________________________________________



Maraming itinatanong ang mga nakarinig sa pagtuturong ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ang kaparaanan ni Cristo upang iligtas ang tao sa parusa pagdating ng Araw ng Paghuhukom.  Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

-         Paano maliligtas ang nasa mga bansa at mga bayang hindi pa naaabot o nararating ng pangangaral ng Iglesia ni Cristo lalo na ang nabuhay at namatay noong wala pa ito?
-         Hindi ba maliligtas ang mababait  at matutulunging tao na hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo?
-         Hindi ba mangangahulugang may pagtatangi ang Diyos kung ang mga kaanib lamang sa Iglesia ni Cristo ang malilitas?

     Sa pamamagitan ng mga katotohanang nakasulat sa Biblia ay sasagutin natin ang mga tanong na ito.

Paano maliligtas ang hindi narating o naabot ng
Iglesia ni Cristo?
     Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan. (Roma 2:12)

     Ang nagkasala ng walang kautusan ay mapapahamak ng walang kautusan.  Kaya, hahatulan din ang mga taong hindi inabot ng kautusan o ng salita ng Diyos dahil sila ay nagkasala rin.  Ano ang gagamiting batayan ng paghatol sa kanila?

     “(Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;

     “Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa). (Roma 2:14-15)

     Ang hindi inabot o hindi narating ng pangangaral ng ebanghelyo ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusang nasusulat sa kanilang puso.  Ano ang katunayang may mga kautusang nasusulat sa kanilang puso?  Pinatotohanan ito ng kanilang budhi.  Kaya kahit hindi sila narating ng pangangaral ng mga salita ng Diyos ay alam nila ang mabuti at masama.  Ano ang katunayan nito?  Alam sa lahat halos ng bansa at kultura na masama ang pumatay ng kapuwa tao at ang magnakaw.  Bakit tiyak na hahatulan ng Diyos ang taong hinahatulan o inuusig ng kaniyang budhi?  Ganito ang itinuro ni Apostol Juan:

     “Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay. (I Juan 3:20)

     Kung ang isang tao ay hinahatulan mismo ng kaniyang puso dahil sa kasalanan niyang nagawa, lalong hahatulan siya ng Diyos na nakaaalam ng lahat ng bagay.  Ang Diyos din ang hahatol sa mga hindi inabot o hindi nakarinig ng aral tungkol sa Iglesia ni Cristo.  Subalit ang mga taong nakarinig o inabot ng pangangaral na ito at nalamang kailangan ang Iglesia ni Cristo sa kaligtasan ay nananagot na tuparin ang ipinagagawa ng Diyos (I Cor. 5:12-13), New Pilipino Version).

     Ang saligan ng pagliligtas sa tao ay hindi ang kuru-kuro ng tao kundi ang katuwiran ng Diyos.  Ang naghahayag nito ay ang ebanghelyo:

     “Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.

“Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Roma 1:16-17)

     Sa Araw ng paghuhukom, ang mga taong inabot ng pangangaral ng ebanghelyo ay hahatulan sa pamamagitan ng ebanghelyo:

    “Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.(Roma 2:16)

     Ano ang tiyak na pasiya ng Diyos sa lahat ng inabot ng Ebanghelyo subalit hindi sumunod dito?

     “Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus:

Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. (II Tes. 1:8-9)

     Parurusahan ang lahat ng inabot ng ebanghelyo ngunit hindi sumunod dito, kahit pa naglingkod sila sa Diyos at nilakipan pa ito ng mga pagmamalasakit na hindi naaayon sa katuwiran ng Diyos:

     Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala.
    
     “Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios. (Roma 10:2-3)

     Kung gayon, makatarungang hahatulan ng Diyos ang lahat ng tao.  Ang hindi kailanman nakaalam na may Iglesia ni Cristo ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusang nasusulat sa kanilang puso.  Samantala, para sa mga taong inabot ng pangangaral ng ebanghelyo ay ebanghelyo ang gagamiting batayan sa paghatol sa kanila.  Ang nakarinig ng ebanghelyo na hindi sumunod dito ay tiyak na parurusahan.

Paano ang mababait at matutulunging
hindi Iglesia ni Cristo?
     Kailangan ang pagiging mabait, matulungin, at mapagmalasakit, ngunit ang mga ito ay hindi saligan sa ikaliligtas ng tao, kundi ang batas o katuwiran ng Diyos na nasa ebanghelyo:

     “Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait. (I Cor. 1:19)

     Napatunayan na sa pangyayari noong panahon ng mga apostol na bagaman mahalaga ang mabubuting gawa ay hindi naman ito ang batayan sa kaligtasan.  Ganito ang tala ng Biblia:

     “ At may isang lalake nga sa Cesarea, na nagngangalang Cornelio, senturion ng pulutong na tinatawag na pulutong Italiano.
     “Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios.  

     “Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio.

     “At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.

     “At ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppe, at ipagsama mo yaong Simon, na may pamagat na Pedro.” (Gawa 10:1-5)

     Pansinin na si Cornelio ay may mabubuting katangian; siya at maging ang kaniyang buong sambahayan ay masipag sa kabanalan at matatakutin sa Diyos tulad din ng maraming tao ngayon.  Naglilimos siya sa mga tao at mapanalanginin pa.  Subalit bakit hindi sinabi ng anghel ng Diyos kay Cornelio na “sapat na ang iyong mga panalangin at mga paglilimos upang tanggapin ka ng Diyos”?  Bakit inutusan pa siyang ipatawag si Apostol Pedro?  Ano pa ang kulang kay Cornelio gayong taglay niya ang maaraming katangian upang siya ay makapasok sa kaharian ng langit?

     “Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat.

     “Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.(Gawa 10:32-33)

     Si Apostol Pedro ay isa sa mga sugo ng Diyos.  Nasa kaniya ang mga katotohanang kailangang marinig, sampalatayanan, at sundin ni Cornelio.  Sa sinugo pinaugnay si Cornelio upang matanggap niya ang tunay na aral at tanggapin siya ng Diyos.  Ang katunayang tinanggap na ng Diyos si Cornelio ay noong bumaba ang Espiritu Santo sa kanila:

     “Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita.

     “Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro,

     “Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?

     “At inutusan niya sila na magsipagbautismo sa pangalan ni Jesucristo. Nang magkagayo'y kanilang ipinamanhik sa kaniya na matirang mga ilang araw. (Gawa 10:44, 46-48)

     Samakatuwid, kailangang maugnay muna ang tao at maaralan ng sugo ng Diyos bago siya tanggapin ng Diyos.  Ang sugo ang may tanging karapatan na mangaral ng ebanghelyo upang maunawaan ng tao ang katuwiran ng Diyos sa pagliligtas (Roma 10:15).

Wala bang pagtatangi ang Diyos?
     At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.(Gawa 10:34)

     Hindi kailanman nagtatangi ang Diyos.  Kung gayon, bakit may maliligtas at may mapapahamak?  Ang lahat ng tao ay nagkasala, at dahil dito, ang lahat ay nahatulang mamatay (Roma 5:12; 6:23) at maparusahan sa dagat-dagatang apoy sa Araw ng panghuhukom (Apoc. 20:14; II Ped. 3:7, 10).  Dahil dito, ang Diyos ay nagtakda ng wastong paraan ng pagliligtas.  Ang paraang ito ang siyang dapat sundin ng sinumang ibig maligtas.

     May tuntunin ang Diyos sa wastong paraan ng pagkilala at pag-ibig na dapat gawin ng tao:

     “At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos. (I Juan 2:3)

     Napakahalaga ng pagsunod sa utos ng Diyos.  Ang taong ayaw pasakop sa tuntuning ito, kahit nagsasabing siya’y kumikilala sa Diyos, ay sinungaling at ang katotohanan ay wala sa kaniya:

     “Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya. (I Juan 2:4)

     Ang pagtalima sa utos ng Diyos ang siyang kahayagan ng pag-ibig sa Kaniya:

     “Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.(I Juan 5:3)

     Ang isa sa mga utos ng Diyos na dapat tuparin ng tao ay yaong ipinahayag ng Panginoong Jesus:

     “Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Juan 10:9, Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

     Ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

     Ang lahat ay inaanyayahan ng ating Panginoong Jesucristo.  Kaya, walang itinatanging tao.  Ngunit may tiyak na ipinagagawa sa ibig maligtas—pumasok sa kawan sa pamamagitan ni Cristo o umanib sa Iglesia ni Cristo.

     Kung hindi susundin ng tao ang ipinagagawa sa kaniya ng Tagapaligtas ay wala na siyang dapat sisihin kundi ang kaniyang sarili kung hindi siya maligtas:

     “ Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan. (Juan 15:22)@@@@@

Pasugo God’s Message, August 2000, pp. 24-25, 28.
___________________________________________
Basahin din: 

Bisitahin: 
_____________________________________________________________________________________

Ang Pinatutunayan Na Tanging May Kaligtasan


Ang Pinatutunayan Na
Tanging May Kaligtasan

Ni INOCENCIO J. SANTIAGO




     Ang mga nakatatag na relihiyon ngayon ay nagsisipag-angkin na sila ang maliligtas.  Ngunit kung ating susuriin ang kanilang mga aral at mga gawain ay kasalungat at hindi naaayon sa itinuturo ng Biblia.  Ang gayong pag-aangkin ay kalaban ng katotohanan.

     Ang dapat pag-ukulan ng pagsusuri ay kung katotohanan o hindi ang sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang Iglesiang ito ang ililigtas ni Cristo.  Hindi kaya ito pag-aangkin lamang tulad ng pag-aangkin ng ibang relihiyon?

     Sinu-sino ang mga nagpapatotoo na ang Iglesia ni Cristo lamang ang may kaligtasan?  Sa Juan 10:9 ay ganito ang mababasa:

     “Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

     Dito ay may binabanggit na kawan na kinapalooban ng pumasok kay Cristo.  Sila ay pinangakuang maliligtas.  Alin ang kawan na tinutukoy?  Sa Gawa 20:28:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Lamsa, isinalin mula sa Ingles)

     Ang kawan ay ang Iglesia ni CristoAno ang garantiya ni Cristo sa Iglesia na itinayo Niya?  Sa Mateo 16:18 ay ganito ang sinasabi:

     “At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Magandang Balita Biblia)

     Ang Tagapagligtas mismo ang nagpapatotoo na ang Kaniyang Iglesia ang maliligtas.  Sinabi ni Cristo na hindi ito pananaigan kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.  Dahil dito, kailangan ng tao ang Iglesia.

     Sino pa ang nagpapatotoo na ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas?  Si Apostol Pablo.  Pinatunayan sa unang bahagi nito na ang binili ng dugo ni Cristo ay ang Iglesia ni CristoSa ano tiyak na maliligtas ang mga napawalang-sala sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ayon kay Apostol Pablo?  Sa Roma 5:8-9 ay ganito ang mababasa:

     “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.

     “At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.” (Ibid.)

     Pinatutunayan din ng apostol na si Pablo na ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas sa poot ng Diyos.  Sino, higit sa lahat ang nagpapatotoo na nasa Iglesia ang maliligtas?  Ganito naman ang sinasabi sa Gawa 2:47:

     “Na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng kagandahang-loob ng lahat ng tao. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.” (King James Version, isinalin mula sa Ingles)

     Ang Diyos mismo ang nagpapatotoo sa Iglesia; Siya mismo ang naglalagay sa Iglesia ng mga taong maliligtas.

     Tunghayan naman natin ang mga patotoo ng mga tagapagturo ng iba’t-ibang relihiyon.  Unahin natin ang patotoo ng mga tagapagturo ng Iglesia Katolika.  Ganito ang pahayag ng isang naging papa ng Iglesia Katolika:

     “…ang Iglesia ni Cristo, na siyang may banal na pagkakatatag sa kapakanan ng mga kaluluwa at ng walang hanggang kaligtasan…” (Papal Encyclicals, p. 153, isinalin mula sa Ingles)

     Ang papa mismo ng Iglesia Katolika ang nagpapatotoo na kaya itinatag ni  Cristo ang Iglesia ni Cristo ay para sa kaligtasan ng tao.

     Sa isa pang aklat-Katoliko na may pamagat na Religion:  Doctrine and Practice na isinulat ni Fracis B. Cassilly ay ganito pa ang sinasabi:

     “Ang iglesiang ito, na itinatag at binalangkas ni Cristo at ipinangaral ng mga Apostol, ay ang Iglesia ni Cristo,…ito lamang ang tunay na Iglesia, at siyang ipinag-uutos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.” (pp. 444, isinalin mula sa Ingles)

     Ayon kay G. Francis B. Cassilly, ang Iglesia ni Cristo ay itinatag ni Cristo at ipinangaral ng mga apostol.  Ito ang ipinag-utos ng Diyos na aniban ng lahat ng mga tao.  Kaya mahalaga ang Iglesia ni Cristo at ito’y kailangan ng lahat sa ikaliligtas.

     Maliligtas ba ang tumangging pumasok sa Iglesia ni Cristo?  Ganito ang pahayag ng isang paring Katoliko:

     “…ang Iglesia ni Cristo ngayon sa kalagayan, sa kapangyarihan, sa aral ay dapat maging katulad ng kaniyang dating kalagayan nang ito ay maglingkod sa mga tao sa pamamagitan ng labindalawang Apostol.  Sa Iglesiang ito ang lahat ay nananagot na umanib upang maligtas.  Yaong mga taong sa pamamagitan ng kanilang lubhang kapabayaan ay hindi  nakilala ang Iglesia, o nakilala man ito, ngunit tumangging umanib dito, ay hindi maliligtas.” (Father Smith Instructs Jackson, pp.35-36, isinalin mula sa Ingles)

     Maliwanag ang pahayag ng paring si John Francis Noll, na mahalaga ang Iglesia ni Cristo.  Ayon sa kaniya, obligadong umanib ang lahat sa Iglesiang ito.  Sinumang tumangging umanib dito ay hindi maliligtas.

     Ang mga Protestante man ay may patotoo rin na ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas.  Tunghayan natin ang kanilang pahayag:

     “Ang Iglesia ay ang katawan ni Cristo, at si Cristo ang Tagapagligtas ng katawan; kung gayon lahat ng maliligtas ay ang nasa katawang iyon, at sa labas ng katawang iyon ay walang kaligtasan.

     “…Ang Iglesia ni Cristo ay nangangahulugang yaong mga naligtas magpakailanman sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya…”

     “…Ikaw ba ay nasa Iglesia ni Cristo?  Ikaw ba ay miyembro ng Kaniyang Iglesia?  Ito ay isang dakilang pribilehiyo.  Ang Iglesia ang siyang babaing Kaniyang iniibig at ganap na inayos.  Ang Iglesia ang Kaniyang katawan na kaniyang binubuhay at minamahal.  Ang Iglesia ang Kaniyang templo na kung saan pinupuno Niya ng Kaniyang Banal na Espiritu.  Ang pintuan ng impiyerno ay hindi makapananaig laban dito.  Isang dakilang pribilehiyo ang maging miyembro ng Iglesia ni Cristo… Ang paraan upang mapaanib sa Iglesia ni Cristo ay ang pag-anib kay Cristo.” (A Time to Unite, pp. 31, 25, 27, isinalin mula sa Ingles)

     Pinatutunayan ng mga Protestante na mahalaga ang Iglesia ni Cristo, sapagkat ang Iglesia ang katawan ni Cristo at sa labas ng katawang iyon ay walang kaligtasan.  Pinatutunayan din nila na ang Iglesia ni Cristo ay hindi pananaigan ng pintuan ng impiyerno.  Isa raw dakilang pribilehiyo ang maging kaanib sa Iglesia ni Cristo.  Dahil dito ang sinumang pumasok sa Iglesia ni Cristo ay tiyak na maliligtas. 

     Tanungin naman natin ang mga Sabadista.  Sino ang pinatutunayan nila na maliligtas?  Basahin natin ang kanilang aklat at ganito ang sinasabi:

     “Ang Iglesiya ni Kristo ay siyang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas sa mga tao.” (Paglapit kay Cristo, p. 111)

     Ayon kay Gng. Ellen G. White, ang Iglesia ni Cristo ang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas  sa mga tao.

     Ano naman ang patotoo ng mga Saksi ni Jehovah?  Basahin natin sa kanilang aklat:

     “…Sapagkat ang mga kasapi sa katawang-iglesia ni Cristo ay ‘itinatanim na katawang-ukol sa lupa; binubuhay na mag-uli na katawang ukol sa espiritu’, ang pagkabuhay na mag-uli ng mga natutulog na yaon ay sa buhay espiritu.” (Ang Katotohanan Ang Magpapalaya Sa Inyo, p. 300)

     Lumilitaw ayon sa mga patotoo na nakasulat sa mga aklat na ating nabasa ay walang Katoliko, Protestante, Sabadista, at Saksi ni Jehovah na maliligtas.  Sapagkat ayon sa kanila, ang Iglesia ni Cristo ang maliligtas.

     Sinasabi ng iba’t ibang tagapangaral na ang Iglesia ni Cristo ay ang lahat ng taong sumasampalataya kay Cristo kahit sa alimang relihiyon kaanib.  Totoo ba iyon?  Basahin naman natin ngayon ang Smith’s Bible Dictionary:

     “Dito ay nakikita natin kung ano ang bumubuo sa pagkakaisa ng iglesia sa isipan ng mga apostol… Ang iglesia kung gayon, sa panahong ito ay isang katawan (o pulutong) ng mga bautisadong lalake at babae na sumasampalataya kay Jesus bilang Cristo… Ano ang bumubo sa katawang ito?  Sa gabi ng araw ng pentecostes, ang tatlong libo, isang daan at apat na pung miyembrong bumubuo dito ay ang (1) mga Apostol (2) mga unang alagad; (3) mga nagbalik-loob.  Sa panahong ito ang Iglesia ay hindi lamang halos kundi talagang iisang kongregasyon.” (pp. 109-110, isinalin mula sa Ingles)

     Malinaw na sinasabi rito na ang sumasampalataya kay Cristo ay nasa iisang organisasyon lamang.  Ano raw ang dapat maging katangian ng iisang Iglesia ni Cristo?  Basahin natin ang isang lathalaing Protestante na ganito ang sinasabi:

     “Sa pagpihit ng siglong ito, isinulat ng teologong si John Murray:  ‘Dapat ay magkaroon ng iisa lamang Iglesia Criatiana sa buong mundo, ang Iglesia ni Cristo, iisa sa doktrina, iisa sa pagsamba, iisa sa pamamahala, iisa sa disiplina’.” (Monthly Moody, p.28, isinalin mula sa Ingles)

     Ayon sa ating nabasa ay dapat magkaroon ng iisa lamang na Iglesia Cristiana sa buong mundo, ang Iglesia ni Cristo, iisa sa doktrina, iisa sa pagsamba, iisa sa pamamahala, at iisa sa disiplina.  Ito ang dapat maging katangian ng tunay na Iglesia.

     Ganito ba ang mga Iglesiang Protestante?  Sa pahina 28 ay ganito ang sinasabi:

     “Minarkahan ng pagkakabaha-bahagi at ng duplikasyon, ang mga kasalukuyang iglesia ay bahagya ng makahawig ng unang siglong huwaran [iglesia noong unang siglo].” (Ibid.)

     Bahagya na raw mahawig sa unang siglong huwaran ang Protestantismo.  Bakit?  Gaano karami na ba ang pangkating Protestante?  Ituloy pa natin ang pagbasa sa pahina 28:

     “Sa pamamagitan ng 20,800 denominasyon sa mundo, na dinagdagan pa ng mahigit na 15,000 bukod na ahensiyang pang-iglesia, tayo ay mayroong ‘isang bagay para sa bawa’t isa’, ang karnabal sa pagitan ng Cristianismo.  Subalit ang paligsahan sa mga tanghalan ng karnabal na ito ay hindi nakalilibang.” (ibid.)

     Ang mga Protestante ay bumibilang na 20,800 at 15,000 pangkatin ay nagkabaha-bahagi, hiwa-hiwalay, at hindi iisang organisasyon.  Kaya itanong natin sa Biblia, sa Diyos ba ang mga baha-bahagi at pangkat-pangkat?  Sa Santiago 3:14-15 ay ganito naman ang sinasabi:

     “Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.

Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo.

     Kung gayon, ayon sa Biblia, ang nagkakabaha-bahagi o pangkat-pangkat ay hindi kay Cristo, hindi sa Diyos kundi sa Diablo.  Ganito ang mga Protestante ayon na rin sa kanila.  Baha-bahagi at nasa iba’t ibang pangkat, wala sa iisang organisasyon.  Kaya tiyak na walang kaligtasan.

Ang Iglesia ni Cristo ngayon
     Tinatanggap nila na totoo ang Iglesia ni Cristo noong unang siglo, ngunit ang Iglesia ni Cristo na lumitaw dito sa Pilipinas ay hindi nila matanggap.  Sinu-sino ang mga nagpapatotoo sa Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Ating babasahin ang Juan 10:16:

     May iba pa Akong mga tupa, na wala pa sa kulungang ito.  Kailangang dalhin Ko rin sila rito.  Makikinig sila sa Akin, kaya’t magiging isang kawan na lamang silang lahat, at iisa ang kanilang Pastol.” (Salita ng Buhay

     Sino ang nagpapatotoo sa Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Ang ating Panginoong Jesucristo.  Sinabi Niyang mayroon pa Siyang ibang mga tupa na wala sa kulungan noon.  Sila’y dapat din Niyang dalhin upang maging isang kawan, at magkaroon ng isang pastol.

     Kailan itinakda na ang ibang mga tupa ni Cristo ay maging isang kawan?  Sa isang salin naman ng Bagong Tipan, ang Easy-to-Read New Testament ay ganito ang sinasabi sa Juan 10:16, sa wikang Pilipino:

“At mayroon
pa akong
ibang mga tupa.
Sila ay wala
sa kawang narito.
Akin din silang
pangungunahan.
Sila’y makikinig
sa aking tinig.
Sa hinaharap
ay magkakaroon
ng isang kawan
at isang pastor.”

     Sa hinaharap ay magkakaroon ng isang kawan at isang pastor.  Ang tinutukoy dito ay ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw.  Ito ang patotoo ni Cristo.

     Hinulaan din ba ng mga apostol ang Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Sa Gawa 2:39 ganito naman ang nakasulat:

     “Sapagkat sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayong mga panahon at mga dako, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Diyos.” (Rieu, isinalin mula sa Ingles)

     Ito naman ang patotoo ng mga apostol, na sa malayong mga panahon at sa malayong mga dako ay mayroong tatawagin ang Diyos na kasama sa mga pinangakuan ng Espiritu Santo.  Ang naunang grupo (sa inyo) na may pangako ay ang mga Judio na nata-wag sa Iglesia sa panahon ni Cristo; ikalawa’y ang mga Gentil (sa inyong mga anak) na natawag sa panahon ng mga apostol; at ang ikatlo’y ang mga tatawagin ng Diyos mula sa malayong mga panahon at mga dako.  Ito ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa mga wakas ng lupa (1914) sa Malayong Silangan o Pilipinas.

     Ano naman ang patotoo ng Diyos mismo sa Iglesia ni Cristo sa huling araw?  Basahin natin ang Isaias 43:5-6:

     “Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

     “Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.

Sinabi ng
Diyos na
sa Malayong Silangan,
sa mga wakas
ng lupa,
ay tatawagin
Niya ang
Kaniyang mga
anak na
lalake at
babae.

     Aling Silangan ang pagmumulan ng mga hinuhulaan dito na mga anak ng Diyos na lalake at babae?

     “Huwag kang matakot, Ako’y kasama mo, Mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran.  Ay titipunin ko kayo At ibabalik sa dating tahanan.” (MB)

     Ang Pilipinas ang Malayong Silangan.  Dito sa Pilipinas natupad ang hulang ito ng Diyos.  Dito bumangon ang Iglesia ni Cristo na kinikilala ng Diyos na Kaniyang mga anak na lalake at babae sa pamamagitan ng Kaniyang pagsusugo kay Kapatid na Felix Y. Manalo.@@@@@

Pasugo God’s Message, September 1994. pp. 10-13
________________________________________________
Basahin din:
____________________________________________________________________________________

Bisitahin:
 [Study Iglesia NiCristo]

 INDEX

____________________________________________________________________________________