Huwebes, Agosto 9, 2012

Mayroon Bang Purgatoryo?


Mayroon bang purgatoryo?

Ang pananampalataya ba
Ng Iglesia Katolika
Ukol sa purgatoryo
Ay naaayon sa
Mga aral ng Diyos
Na nakasulat
sa Biblia?

Ni JOSE R. BERNISCA



Itinataguyod ng Iglesia Katolika ang aral na may purgatoryo kung saan dinadala ang mga kaluluwa  ng mga taong namatay na hindi pa maaaring pumasok sa langit dahil sa maliliit na kasalanan, ngunit hindi naman gaanong masama upang ibulid sa impiyerno.  Ang purgatoryo raw ay sangagan ng kaluluwa:

     “T.  Diyata ano ang purgatorio?

     “S.  Pagsasangagan (cung baga sa guinto) sa mga caloloua ng cristianong banal na nacapagsisi man at nacapagcumpisal man datapoua’t hindi pa nakapag-auas dito sa lupa ng buong auas sa manga casalanan.”  (Catesismo na Pinagpalamnan, p. 24)

     Ayon sa pananampalatayang Katoliko, ang lunas daw sa paghihirap ng mga patay na nasa pagdurusa sa purgatoryo ay ang mga indulhensiya, mga parasal, at pamisa na patungkol sa mga patay:

     “T.  Baquit cailangan ang pagcalagay sa gracia nang taong ibig magcamit nang Indulgencia?

     “S.  Sapagcat ang taong na sa casalanang mortal, hanggang hindi nagcacamit nang patauad sa tunay na pagsisising Contricion, o sa mabuting pangungumpisal, ay dapat magdusa magparating man saan sa apoy nang Infierno, at hindi sa Purgatorio lamang.

     “T.  Bucod sa mga Indulgencias, ?anuano ang ibang bagay na nacapapaui nang parusang nararapat sa taong nagcasala nang daquila, cung macamtan na niya ang capatauaran nang parusang ualang hanggan?
    
     “S.  Ang mabuting pag-ganap nang parusang ipinagbilin nang Confesor, at gayon din naman ang mga gauang cabanalan, at ang pagtitiis nang anumang hirap, cung ang calulua ay na sa gracia:  At  cung hindi mapaui sa buhay na ito ang nasabing parusa, na pinanganganlang pena temporal, ay sapilitang babayaran sa Purgatorio.

     “T.  Baquit pinaquiquinabangan nang mga calulua sa Purgatorio ang mga gauang magaling, na ipinatutungcol natin sa canila?

     “S.  Sapagcat sila ay mga catoto nang Dios:  at inibig nang Dios na ang mga taong binyagan ay napaquinabangan nang canicaniyang gauang cabanalan, cung na sa gracia ang pinatutungculan:  at caya dinadasal natin sa Sumasampalataya ang mga uicang may casamahan ang mga Santos.”  (Compendio Historico De La Religion, pp. 598-599)

     “Ang dinadalita ng mga kaawaawang kaluluwa sa purgatorio ay ang hindi pagkakita sa Dios at maraming sarisaring hirap at sakit.  Wala silang magagawa sa sarili nila upang makaalis sa kanilang kapahamakan.  Nguni’t tayong nabubuhay pa dito sa lupa ang makatutulong at makapagbabayad ng kanilang utang sa Dios.  Tayo ay makatutulong sa kanila sa paraan ng mga panalangin, ng mga indulgensiang ipinatutungkol sa kanila, ng mga paglilimos at ng ibang gawang kabanalan, lalong lalo na sa paraan ng sacrificio ng Santa Misa.”  (Siya ang Inyong Pakinggan:  Ang Aral na Katoliko, p. 73)

     Ngunit ang pananampalataya bang ito ng Iglesia Katolika ay naaayon sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia?

Nasa alabok
     Ayon sa biblia, saan naroon ang mga namatay?  Narito ang ilang pahayag:

     “At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang, at inaalis ang aking kasamaan? Sapagka't ngayo'y mahihiga ako sa alabok; at ako'y hahanapin mong mainam, nguni't wala na ako.  (Job 7:21)

     “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.  (Gen. 3:19)

     Mula nang magkasala ang tao, ipinasiya ng Diyos na siya’y uuwi sa alabok at mananatili roon hanggang sa araw na mawala ang kalangitan:

     “Nguni’t mamamatay ang tao; siya’y ililibing, mapapatid ang kanyang hininga at wala nang kasunod.  Kung paanong ang tubig ay nawawala sa dagat o ang isang ilog ay natutuyo, gayon ang tao, nahihiga at di na nagbabangon; hanggang sa mawala ang kalangitan, ang tao’y di na gigising o magagambala pa sa kanyang pagtulog.”  (Job 14:10-12, New Pilipino Version)

     Ang pagkawala ng langit—na siyang panahon ng pagbangon ng mga patay—ay magaganap sa Araw ng Paghuhukom o sa Muling Pagparito ng Panginoong Jesucristo:

     Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.

      “Na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito'y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init?   (II Ped. 3:10, 12)

     Itinuturo ng Banal na Kasulatan na marami sa mga taong hahatulan sa Araw ng Paghuhukom ay talagang magmumula sa alabok ng lupa:

     At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak.  (Dan. 12:2)

     Malinaw ang pagtuturo ng Biblia na ang taong namatay ay mauuwi sa alabok at mananatili roon hanggang sa maganap ang Araw ng Paghuhukom.  Ang patay ay wala pa sa langit, ni sa impiyerno, at lalong wala sa tinatawag nilang purgatoryo sapagkat wala nito sa pagtuturo ng Biblia.

     Subalit sinasabi ng mga Katoliko na hindi naman daw ang mismong katawang laman ang dinadala agad sa langit, sa impiyerno, o sa purgatoryo kundi ang kaluluwa.  Ganito ang sagot ng Biblia laban sa gayong paniniwala:

     Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.  (Ezek. 18:4)

     Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.  (Awit 44:25)

Wala nang malay o pag-iisip
     Ang patay ay wala nang pag-iisip:

     Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.  (Awit 146:4)

     Nawawala ang kaniyang alaala at kaalaman ukol sa lahat ng bagay.  Siya ay walang anumang bahagi sa gawain ng buhay:

     “Alam ng buhay na siya’y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman.  Wala na silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan.  Nawawala pati ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, pagkainggit; anupa’t wala silang namamalayan sa anumang nangyayari sa daigdig.”  (Ecles. 9:5-6, Magandang Balita Biblia)

     Wala nang nalalaman ang patay tungkol sa anumang bagay na ginagawa o nangyayari sa kaniyang naiwan.  Sa Job. 14:21 ay ganito ang mababasa:

     Ang kaniyang mga anak ay nagtataglay ng karangalan, at hindi niya nalalaman; at sila'y ibinababa, nguni't hindi niya nahahalata sila.

Ang patay ay wala nang magagawang anuman, lalo na ang pagdalangin o pagpuri sa Diyos:

     Di na siya mapupuri niyong mga taong patay, Niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.”  (Awit 115:7, MB)

     Kaya, maling tawagan o dalanginan ang mga diumano’y banal o mga santo na nagsipanaw na sa paniniwalang maipapamagitan nila ang tao sa Diyos.  Hindi magagawa ng taong patay ang magpasalamat ni tumawag sa Dakilang Lumikha:

     Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa: iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.  Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?  (Awit 6:4-5)

Hindi ukol sa purgatoryo
     Ang nilalaman ng Mateo 12:32 at 5:26 ay pinagbabatayan ng Iglesia Katolika ng aral nito tungkol sa purgatoryo.  Ganito ang sinasabi sa naturang talata:

     At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.

     “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.

     Mali ang pagkaunawa ng Iglesia Katolika sa siniping talata.  Hindi ukol sa purgatoryo ang mga talatang ito.  Ang mga ito’y nauukol sa mga kaanib ng Iglesia na nagkakaalit na dapat magkasundo agad (Mat. 5:22-26).  Walang binabanggit o itinuro ang Panginoong Jesus na purgatoryo sa mga talatang ito.

Pagtatapat ng paring Katoliko
     Isang dating paring Katoliko ang nagtapat ng katotohanan tungkol sa purgatoryo—si Lucien Vinet.  Ganito ang sinabi niya sa kaniyang isinulat na aklat na pinamagatang I Was A Priest:

     “Purgatory had been invented by Rome in A.D. 593 but it remained a very unpopular doctrine for many centuries. …

     “Purgatory, like Mass, has no foundation in Holy Scripture, Christ and the first Christians never talked about it and never knew of its supposed existence. …

     “We ex-priest, know very well that Mass and Purgatory are inventions that are exceedingly profitable.”  [Ang Purgatoryo ay inimbento ng Roma noong A.D. 593 ngunit ito ay nanatili na isang lubhang di-kilalang doktrina sa loob ng maraming siglo. …

     Ang Purgatoryo, tulad ng Misa, ay walang saligan sa Banal na Kasulatan.  Hindi kailanman nag-usap si Cristo at ang mga unang Cristiano tungkol dito at kailanman ay wala silang kabatiran sa ipinalalagay na pagkakaroon nito.

     Alam na alam naming mga dating pari na ang Misa at Purgatoryo ay mga imbensiyong lubhang mapagkakakitaan.]  (pp.43-44)

     Inamin ni Lucien Vinet na ang Misa at Purgatoyo ay inimbento lamang ng Iglesia Katolika upang mapagkakitaan ng salapi.

     Ang aral ng Iglesia Katolika tungkol sa purgatoryo ay wala sa Biblia.  Hindi ito itinuro ng Panginoong Jesucristo at ng mga apostol.  Kaya marapat lamang na maging mapanuri at bukas ang isipan ng mga naniniwala sa kathang ito—hindi sila dapat magpadaya sa mga maling aral na hindi ikaliligtas.@@@@@

Pasugo God’s Message, November 2000, p. 16-19.
__________________________________________________________
[Study IglesiaNi Cristo] 
_________________________________________________________


Inaanyayahan ka naming dumalo
sa mga pagsamba ng
Iglesia ni Cristo.
_________________________________________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
________________________________________________________________________