WALANG KAUGNAYAN SA KARAPATAN KAY CRISTO AT SA MGA APOSTOL ANG IGLESIA KATOLIKA
Lucas M. Bulante Sr.
ANG TUNAY NA Iglesiang sa Diyos ay yaong Iglesiang itinayo ni Cristo. Si Cristong nagtayo ay may karapatang galing sa Diyos. Ang mga Apostol na nangasiwa sa Iglesia noong si Cristo ay umakyat sa langit ay nakaugnay sa karapatan ni Cristo. Kaya ang Iglesiang pinamamahalaan ng mga Apostol ay tunay na Iglesia na itinayo ni Cristo at, kung gayon, ay sa Diyos.
Sinumang tagapangaral na magsasabing ang Iglesiang ipinangangaral niya ay Iglesiang itinatag ni Cristo ay kailangang makapagbigay ng katunayan na mayroon siyang kaugnayan kay Cristo at sa mga Apostol kapag ang pinag-uusapan ay karapatan. Kapag wala ang kaugnayang ito, ang ipinangangaral niya ay hindi tunay na Iglesia kundi bulaan.
Sinasabi ng mga paring Katoliko na ang Iglesia Katolika raw ay may kaugnayan sa karapatan - kay Cristo at sa mga Apostol. Papaano ipinagpapanggap ng Iglesia Katolika na siya ang tunay na Iglesia? Sa aklat na sinulat ng paring si Enrique Demond, na pinamagatang Siya Ang Inyong Pakinggan, Ang Aral na Katoliko, sa pahina 85, ay ganito ang sinasabi:
Lubhang malinaw na namamalas na kay Jesucristo ay nanggaling ang Iglesia Katolika Romana lamang na itinayo Niya noong taong 33 sa Jerusalem. Ang labingdalawang Apostol ang labingdalawang pinakahaligi namang pumapasan ng gusaling ito, Si San Pedro ang pinaka-ulo at principe nila. Ang kahalili niya'y ang Santo Papang natitira sa Roma.
Ayon sa paring sumulat nito, ang Iglesia Katolika raw ay nanggaling kay Cristo at siyang itinayo ni Cristo.Si San Pedro raw ang pinaka-ulo ng Iglesia, at ang papa raw na naninirahan sa Roma ay siyang kahalili ni San Pedro. Sino raw ang naglagay kay Apostol Pedro upang maging puno ng Iglesia? Sa aklat na ito ni pare Enrique Demond, sa pahina 80, ay ganito ang ating mababasa:
"Ipinagkatiwala ni Jesu-cristo ang pamamahala ng Kanyang Iglesia sa mga apostol at sa kanilang mga kahalili. Inila-gay niya na parang pinakapuno ng buong Iglesia ni San Pedro."
Sino raw ang naglagay kay Pedro bilang puno ng Iglesia? Ayon sa pare ay si Jesucristo. Totoo ba ang sinasabi ng pare na inilagay ng ating Panginoong Jesucristo si Apostol Pedro upang maging puno ng buong Iglesia? Sino ba ang ipinakikilala ng Biblia na puno o ulo ng Iglesia? Sa Col. 1:18 ay ganito ang nakasulat:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia..
Ayon kay Apostol Pablo, si Cristo ang ulo ng katawan na siyang Iglesia. Kung gayon, hindi totoo na inilagay ni Cristo si Pedro na maging ulo o puno sa Iglesiang itinayo Niya. Maaari po bang palitan si Cristo sa karapatan Niyang ito? Ganito ang sinasabi sa Heb. 7:24-25:
Datapuwa't siya, sapagka't namamalagi magpakailan man ay may pagkasaserdote siyang di mapapalitan....
Dahil dito, naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagi-tan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila.
Maliwanag na hindi maaaring palitan si Cristo sa Kaniyang karapatan. Narito pa ang isang talata sa Biblia na lalong nagpapatunay na si Cristo, sa lahat ng panahon, ay hindi napalitan sa Kaniyang pananagutan. Sa Heb. 13:8 ay ganito ang nakasulat:
"Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man."
Maliwanag na si Cristo ang ulo o puno, kahapon, ngayon at magpakailan man. Ang pinapalitan ay yaong nagretiro o kaya'y wala nang kakayahan. Ito kailan man ay hindi nasumpungan o ginawa ni Cristo. Bakit hindi maaaring si Apostol Pedro ang maging puno ng Iglesia? Ano ang sagutin ng puno ng Iglesia? Ganito ang mababasa natin sa Efe. 5:23:
"Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. "Lubhang napakalinaw na ang sagutin ng puno o ulo ng Iglesia ay ang pagliligtas Niya sa katawan o Iglesia. Hindi ito magagawa ni Apostol Pedro. Ngunit ito'y magagawa ni Cristo sapagkat Siya ang inilagay ng Diyos na maging Tagapagligtas.
Kung si Pedro ay hindi ulo o puno sa Iglesiang itinayo ni Cristo, ano ang tungkulin ni Pedro? Ganito ang mababasa natin sa Gal. 2:7-8:
Kundi bagkus nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang evangelio ng di-pagtutuli, gaya rin naman ng pagkakatiwala kay Pedro ng evangelio ng pagtutuli
(Sapagka't ang naghanda kay Pedro sa pagka-apostol sa pagtutuli ay naghanda rin naman sa akin sa pagkaapostol sa mga Gentil);.
Maliwanag na ang tungkulin ni Apostol Pedro ayon sa Biblia ay Apostol sa mga Judio. Mayroong dalawang pangkatin ng mga tao na naging kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo noong unang siglo. Ang isa ay ang lahing Judio na dito Apostol si Pedro,at ang isa ay ang mga Gentil na dito naman Apostol si Pablo.
Papaano pa pinatunayan sa pangyayari sa panahon ng mga Apostol na si Apostol Pedro ay hindi nga siyang nangangasiwa sa buong Iglesia? Dito sa Gawa 8:14 ay ganito ang sinasabi:
"Nang mabalitaan nga ng mga Apostol na nangasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Dios, ay sinugo nila sa kanila si Pedro at si Juan."Si Apostol Pedro ay isinugo sa Samaria kasama si Juan. Ayon din sa patotoo ng mga paring Katoliko, sino ba ang mataas: ang nagsusugo o ang sinusugo? Sila rin ang sasagot sa pamamagitan ng aklat na sinulat ni Cardinal Gibbons, na tinagalog ni Rufino Alejandro, Ang Pananampalataya Ng Ating Mga Ninuno, pahina 122. Ganito ang nakasulat:
"Di ba ang kapangyarihang nagsusugo ay mataas kaysa sinusugo?" Ma-linaw na mataas ang nagsusugo kaysa isinusu-go.Si Apostol Pedro ay sinugo lamang at hindi nagsusugo. Kaya may mas mataas sa kaniya sa karapatan. Papaano magiging puno si Pedro gayong sinusugo lamang?
Sino ang namamahala sa buong Iglesia noong si Cristo ay nasa langit na? Kapag nagkakaroon ng mga suliranin sa Iglesia, sino ang nagpapasiya o humahatol? Ganito ang maba-basa natin sa Gawa 15:1-2:
At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas.
At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito.
Nang magkaroon ng suliranin ang Iglesia sa dako ng mga Gentil na pinamamahalaan ng Apostol na si Pablo ay ipinasiya nila na umahon sa Jerusalem upang dito pagpasiyahan ang suliranin. Bakit sa Jerusalem? Sapagkat naroon ang nangangasiwa sa buong Iglesia na siyang may karapatang humatol o magpasiya. Nang umahon sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem upang malutas ang suliranin, sino ang humatol? Ganito ang mababasa natin sa Gawa 15:12-13, 19:
At nagsitahimik ang boong karamihan; at kanilang pinakinggan si Bernabe at si Pablo na nagsisipagsaysay ng mga tanda at ng mga kababalaghang ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila.
At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako:
Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios.
Maliwanag na ang nagpapasiya o humahatol sa mga suliranin sa buong Iglesia nang panahong yaon ay si Apostol Santiago (Alfeo). Si Apostol Pedro ay tagatanggap lamang ng ipinasiya ng nangangasiwang pangkalahatan na si Santiago (Alfeo).
Ano ang pinagbabatayan ng Iglesia Katolika na si Apostol Pedro'y inihalal ni Jesus na puno ng Iglesia? Sa aklat ni Cardinal Gibbons na pinamagatang Ang Pananampalataya Ng Ating Mga Ninuno, sa pahina 106-107, ay ganito ang nakasulat:
Katuparan ng Pangako. Ang pangakong binitiwan ng ating Mananakop sa paglikha kay Pedro bilang Kataastaasang Puno ng Kanyang Iglesia ay natupad sa mga sumusunod na pangungusap: "Ang wika ni Hesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga Ako nang higit sa mga ito? Ang sagot niya sa Kaniya: Oo, Panginoon, nalalaman Mong Ikaw ay iniibig ko. Ang wika Niya sa kanya: Pakanin mo ang Aking maliliit na tupa. Ang wika Niya uli sa kanya: Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Ang sagot niya sa Kanya: Oo, Panginoon, nalalaman Mong Ikaw ay iniibig ko. Ang wika Niya sa kanya: Pakanin mo ang Aking maliliit na tupa. Ang ikatlong wika niya sa kanya: Iniibig mo baga ako? Ang sagot niya sa kanya: Panginoon, natatalos Mo ang lahat ng bagay. Nalalaman Mong Ikaw ay iniibig ko. Ang wika Niyasa kanya: Pakanin mo ang Aking mga tupa. (San Juan XXI. 15-17)
Ano ang pinagbabatayan ng mga pare sa kanilang pagsasabi na si Pedro ay inihalal ni Cristo na maging kataastaasang puno ng Iglesia? Noon daw mabuhay na mag-uli si Cristo ay kay Pedro ipinagkatiwala ang pagkapuno ng Iglesia. Ang talata sa Biblia na kanilang ginamit ay ang Juan 21:15-17. Paghahalal nga kaya kay Pedro bilang pangulo ng Iglesia ang tagpong binabanggit sa Juan 21:15-17? Bakit si Pedro ang hinarap ni Cristo sa pagkakataong ito? Dahil ba 'sa itinataas siya sa tungkulin? Basahin natin ang simula ng tagpong ito. Sa Juan 21:1-4 ay ganito ang ating mababasa:
Pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias; at siya'y napakita sa ganitong paraan.
Samasama nga si Simon Pedro, at si Tomas na tinatawag na Didimo, at si Natanael na taga Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kaniyang mga alagad.
Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya, kami man ay magsisisama sa iyo. Sila'y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong; at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman.
Nguni't nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayon ma'y hindi napagalaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus.
Si Apostol Pedro ang nanguna sa pagiiwan ng tungkulin at pagbabalik sa pangingisda. Nahikayat din niya ang ibang mga Apostol upang iwan din nila ang kanilang tungkulin. Kaya, si Pedrong Apostol ang hinarap ni Cristo. Sa mga tanong ni Cristo sa kanya ay matitiyak natin na si Pedro ay hindi itinataas sa tungkulin kundi sinusumbatan o kinagagalitan. Bakit pinapananagot sa pagpapakain ng mga tupa si Pedro at ang ibang mga Apostol? Ganito ang mababasa natin sa Mateo 4:18-22:
At sa paglalakad niya sa tabi ng dagat ng Galilea; ay nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.
At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamalakaya ng mga tao.
At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.
At paglakad sa dako roon ay nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo,at ang kaniyang kapatid na si Juan, sa daong na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nagsisipaghayuma ng kanilang mga lambat; at sila'y kaniyang tinawag.
At pagdaka'y iniwan nila ang daong at ang kanilang ama, at nagsisunod sa kaniya.
Ang mga Apostol ay itinalaga ni Jesus sa pangangaral ng Ebanghelyo at inalis sa pamamalakaya ng isda. Ito ang binalikan ni Pedro at ng ibang mga Apostol nang si Cristo ay hindi pa nabubuhay na mag-uli. Kaya, may katuwiran si Cristo na kagalitan o sumbatan si Pedro sapagkat iniwan nito ang pamamalakaya ng tao o pagpapakain sa mga tupa ni Cristo. Mapatutunayan kaya ng Iglesia Katolika na may pahayag na mula sa Diyos ukol sa pagiging obispo o papa ni San Pedro? Ganito ang ating mababasa sa isang aklat na may pamagat na The Question Box, sinulat ng paring si Bertrand L. Conway sa pahina 145:
It was not divinely revealed that St. Peter was Bishop of Rome.The Vatican Council...defined it as an article of faith that "St. Peter still lives presides and judges in the person of his successors, the Bishops of Rome."
Sa Pilipino:
Walang pahayag na mula sa Diyos na si San Pedro ay naging Obispo ng Roma...Ipinahayag ng Konsilyo ng Batikano...bilang tuntunin ng pananampalataya na si "San Pedro ay nabubuhay pa, nangangasiwa, at nagpapasiya sa katauhan ng kaniyang mga kahalili, ang mga Obispo ng Roma."
Kahit ang Iglesia Katolika ay hindi makapagbigay ng katunayan na si San Pedro ay naging obispo sa Roma. Lalong walang pahayag na mula sa Diyos ang ukol sa bagay na ito. Ang kasaysayan kaya ay nagpapatunay na si San Pedro ay naging obispo sa Roma? Sa isang aklat na may pamagat na History of Western Europe, sinulat ni James Harvey Robinson, sa pahina 49 ay ganito ang nakasulat:
The New Testament speaks repeatedly of Paul's presence in Rome, and Peter's is implied. There had always been, moreover, a persistent tradition, accepted throughout the Christian Church, that Peter was the first Bishop of Rome. While there is no complete historic proof for this belief, it appears to have been generally at least as early as the middle of the second century.
Sa Pilipino:
Ang Bagong Tipan ay paulit-ulit na bumabanggit ng pamamalagi ni Pablo sa Roma, at ang tungkol kay Pedro ay ipinahihiwatig. Ngunit, nagkaroon lagi ng isang patuloy na umiiral na sali't saling sabi na tinanggap ng buong Iglesia Kristiana na si Pedro ay naging unang Obispo sa Roma. Samantalang walang hustong pagpapatunay ng kasaysayan tungkol sa paniniwalang ito, lumalabas na ito ay nagsimulang tanggapin ng lahat kahit paano nuon pa mang kalagitnaan ng ikalawang siglo.
Maging sa kasaysayan ay hindi mapatutunayan na si Pedro ay naging Obispo sa Roma. Ang paniniwala nila na si Pedro ay naging obispo sa Roma ay salig lamang sa tradisyon o sali't saling sabi. Narito pa ang patunay ng isang aklat na may pamagat na The World's Great Events, Volume II, pahina 163:
Our knowledge of the Papacy in its earliest days is very dim and uncertain. Peter the Fisherman of Galilee,who as a tradition relates, was crucified with his head downward about 66, is claimed by the advocates of the Papal system, but without a shadow of historical proof, as first Bishop of Rome.
Sa Pilipino:
Ang ating kaalaman tungkol sa Kapapahan sa mga unang araw nito ay napakalabo at walang katiyakan. Si Pedro, ang Mangingisda ng Galilea, na ayon sa isinaysay ng sali't saling sabi ay ipinako sa krus nang patiwarik humigit-kumulang nuong 66, ay ipinahahayag ng mga tagapagtanggol ng pamahalaan ng Kapapahan, ngunit walang anino ng patunay ng kasaysayan, bilang unang Obispo ng Roma.
Ayon sa patotoo ng aklat na ito, ang pagiging papa ni Pedro sa Roma ay napakalabo at hindi tiyak. Ni walang anino ng patunay ng kasaysayan. Madilim ayon sa kasaysayan.
Ginawa ba ni Jesus na papa si Apostol Pedro? Ano ang sinasabi ng mga awtoridad ng Iglesia Katolika? Sa isang babasahing Katoliko na may pamagat na Why Millions Call Him 'Holy Father', ipinalimbag ng Supreme Council Knights of Columbus, may imprimatur ni Joseph Ritter, Arsobispo ng St. Louis, sa pahina 1 ay ganito ang nakasulat:
"Christ Never Called Peter 'Pope'."
Sa Pilipino:
"Hindi Kailanman Tinawag ni Cristo si Pedro na 'Papa'."
Maliwanag na hindi tinawag ni Cristo si Pedro na papa. Ano ba ang ibig sabihin ng "papa"? Sa aklat na isinulat ni Juan Trinidad, na may pamagat na Iglesia ni Cristo, sa pahina 26 ay ganito ang nakasulat:
"At ang Santo Papa (Ama) ay ang pinakamataas na Ama ng ating kaluluwa dito sa lupa, dahil sa siya ang kahalili nang ating Panginoon."
Ano raw ang ibig sabihin ng papa? Ang ibig sabihin ng papa ay ama ayon na rin sa paliwanag ng pari. Bakit hindi ginawa o tinawag ni Cristo si Pedro na papa o Ama? Ganito ang ating mababasa sa Mateo 23:9:
"At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit."
Bawal ni Cristo na tawagin o patawag na ama ang sinumang tao sa lupa, kaya kailanman ay hindi maaaring gawin ni Cristo na papa o ama si Pedro. Anong uring ama ang hindi bawal ng Diyos na itawag sa tao sa lupa? Dito sa Mateo 15:4 ay ito naman ang nakasulat:
"Sapagka't sinabi ng Dios, igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina at ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamamatay siyang walang pagsala."
Anong uring ama ang hindi bawal? Ang ama na asawa ng ating ina. Ito ang ama natin sa laman. Ang amang bawal itawag sa kaninumang tao sa lupa ay ang gaya ng pagiging ama ng Diyos. Anong uring ama ang Diyos? Dito sa Ezek.18:4 ay ganito ang nakasulat:
"Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung papaano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay."
Maliwanag na ang Diyos ay ama ng kaluluwa sapagkat sa Kaniya nagbuhat ang lahat ng kaluluwa ng tao.
Itinala ng mga awtoridad Katoliko na si San Pedro raw ang unang papa sa Roma, at ito'y mababasa natin sa Catholic Encyclopedia, Vol. 12, pahina 272:
List of the Popes
1) St. Peter, d.67 (?)
2) St. Linus,67-79 (?)
3) St. Anacletus I, 79-90(?)..
Papaano itinala ang pagiging unang papa ni San Pedro? Itinala nila na sa dulo ng pagkakatala ay may "question mark" o tandang pananong. Dalawa ang pinaggagamitan ng "question mark": kung ang isang pangungusap ay pa tanong, at may pagaalinlangan o hindi nakatitiyak. May katuwiran kaya na mag-alinlangan ang nagtala sa pagiging unang papa ni San Pedro? Dito rin sa Catholic Encyclopedia, Vol. 12, pahina 270 ay ganito ang nakasulat:
The title pope was, as has been stated, at one time employed with far more latitude... It was apparently in the fourth century that it began to become a distinctive title of the Roman Pontiff.
Sa Pilipino:
Ang katawagang papa, tulad ng nasabi na, ay ginamit sa isang pagkakataon nang may higit na malawak na kahulugan...Lumilitaw na sa ikaapat na siglo ito ay pinasimulang maging katangi-tanging katawagan ng Pontipise Romano.
Noon lamang ikaapat na raang taon nagsimula na gamitin ng Pontipise Romano o ng papa sa Roma ang pamagat na papa. Kailan naman namatay si Apostol Pedro ayon din sa Catholic Encyclopedia, Vol. II, pahina 750? Ganito ang ating mababasa:
"In the Chronicle of Eusebius the thirteenth or fourteenth year of Nero is given as that of the death of Peter and Paul (67-68)..."
Sa Pilipino:
"Sa salaysay ni Eusebio, ang ika-13 o ika-14 na taon ni Nero ang siyang ibinibigay na pagkamatay nina Pedro at Pablo (67-68)..."
Ayon sa aklat ng mga Katoliko, si Apostol Pedro ay namatay noong taong 67-68 A.D. Papaano magiging papa si Pedro gayong matagal na siyang patay nang magsimulang gamitin ng obispo sa Roma ang titulong papa? Gaano katagal nang patay si Pedro? Humigit kumulang tatlong siglo nang patay si Pedro, saka pa lamang ginamit ang titulong papa.
Kung gayon, hindi nagkaroon kailanman ng kaugnayan sa karapatan ang mga papa ngayon ng Iglesia Katolika kay Apostol Pedro o sa sinumang Apostol ni Cristo. Ito ang nagpapapatotoo na hindi itinayo ni Cristo ang Iglesia Katolika at kung gayo'y hindi kay Cristo. 🕎
PASUGO GOD'S MESSAGE
MARSO-ABRIL 1981
Pahina 45-48