HINDI DAPAT DALANGINAN
SI MARIA NA INA NI JESUS
Ni KENNETH A. QUANO
ANG ISA SA MGA itinatanong ng iba, lalo na ng mga Katoliko, sa Iglesia Ni Cristo ay ang tungkol kay Maria na ina ng Panginoong Jesucristo, na tinatawag din nila na "Mama Mary." Nagtataka sila kung bakit hindi nananalangin kay Maria ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo.
Sa relihiyong kanilang kinaaaniban ay maalab ang debosyon nila kay Maria na ina ni Jesus. Ganito ang pahayag ng isang paring Katoliko na si Enrique Demond:
"Dapat nating igalang at dalanginan na manigit sa lahat ng mga santo ang kabanalbanalang Virgen Maria, sapagka't ang una, siya'y ina ng Dios; ang ikalawa, siya'y hari ng lahat ng mga santo, sa langit; ang ikatlo, siya naman ay atin ding ina;ang ikaapat, ang kanyang pamanhik at pamamagitan sa Dios ay makapangyayari sa lahat." (Siya Ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, p. 117)
Sang-ayon ba sa mga katotohanang nakasulat sa Biblia ang mga paniniwala nilang ito? Dapat bang dalanginan si Maria na ina ni Jesus? Siya nga ba ay ina diumano ng Diyos?
SI MARIA BA AY INA NG DIYOS?
Ang paniniwalang si Maria ay ina ng Diyos, o sa Griyego ay Theotokos na ang ibig sabihin ay God-bearer o mother of God (The Teaching of Christ, p. 115), ay hindi matatagpuan sa Biblia. Nalalaman ng mga awtoridad Katolika mismo na ang mga ekspresyong mother of God at Theotokos ay hindi nanggaling sa Biblia:
"Walang matatagpuan sa Biblia na ginamit ang pariralang "Ina ng Diyos" (Fundamentals of Mariology,p. 37, isinalin mula sa Ingles). Ang titulong ito ay ikinapit kay Maria sa paniniwalang ang Panginoong Jesucristo ay Diyos daw sa likas na kalagayan. Subalit sa Biblia ay hindi tinawag na "ina ng Diyos" si Maria, kundi tinawag na "ina ni Jesus" (Gawa 1:14; Juan 2:1,3).
Kaya wala sa Biblia at hindi itinuro ni Cristo at ng mga apostol na si Maria ay ina ng Diyos. Saan, kung gayon, nagmula ang titulong iyan? Ganito ang pahayag ng isang paring Katoliko na si Bayani Valenzuela:
"Pangkalahatang Concilio ng Efeso, 431
"Upang mapabulaanan ang erehiyang kristolohikal ni Nestorius ipinahayag na muli ng conciliong ito ang doktrina sa tunay na pagkatao ni Kristo, at ipinangaral na tunay na Theotokos, Ina ng Diyos, ang Kanyang ina, ang Banal na Birhen Maria, sa pamamagitan ng pagkakatawang tao." (Ang Aral ni Kristo: Isang Katesismong Katoliko, p. 647)
Ang Konsilyo ng Efeso noong taong 431 ay pagtitipon ng mga pinuno ng Iglesia Katolika upang talakayin ang mga itinuturing na kontrobersiyal na mga pahayag ng isang patriarkang taga Constantinopla na si Nestorius.
Kinondena ng konsilyo ang kaniyang paniniwala na si Jesus na ipinanganak ni Maria ay ang Cristo, hindi ang Diyos. Pagkatapos ng maraming pagpupulong, pinagkasunduan ng konsilyo at pinagtibay ni Emperador Theodosius II na sinumang magtuturo at maninindigan sa gayong paniniwala ni Nestorius ay patatalsikin kung sila ay obispo o kleriko, at ititiwalag kung sila ay parokyano (newworldencyclopedia.org).
Samakatuwid, ang paniniwalang si Maria ay ina ng Diyos ay hindi galing sa Biblia, kundi pinagkasunduan lamang sa isang konsilyo. Hindi maaaring maging ina ng Diyos si Maria sapagkat pinatutunayan ng Biblia na ang Panginoong Jesucristo ay hindi Diyos kundi tao sa likas na kalagayan (Juan 8:40; I Tim. 2:5; Juan 20:17, maaaring sangguniin ang iba pang mga artikulo sa sipi na ito).
NASA LANGIT NA BA SI MARIA AT NAKAPAMAHAGITAN?
Naniniwala rin ang mga Katoliko na si Maria ay nasa langit na, at ganito ang pagtuturo ng kanilang mga pari:
"Pagdating nang icatlong arao, sumilid ang calulua ni Maria sa mahal niyang catauhan, at siya ay muling nabuhay, at umaquiat sa langit, at doon pinutungan ng corona nang Santisima Trinidad, at caya ang puri at bati sa caniya nang tanang lumualhati sa Langit, at nating lahat dito sa lupa, ay Anac nang Dios Ama, Ina nang Dios Anac, at Esposa nang Dios Espiritu Santo." (Compendio Historico De La Religion,p.501)
Ayon sa mga awtoridad Katolika, si Maria diumano ay muling nabuhay, umakyat sa langit, at pinutungan ng korona ng tinatawag nilang Santisima Trinidad. Subalit, ang aral na ito ay hindi nakasulat sa Biblia. Ang totoo, alam din ng mga tagapangaral nila na ito ay hindi matatagpuan sa Biblia: "Matapos mabuhay sa lupa, muling nakapiling si Maria ng kanyang Anak sa langit. Iniakyat siya sa langit, katawan at kaluluwa. Walang hayagang sinasabi sa Ebanghelyo tungkol sa pag-aakyat niya sa langit" (Ang Aral ni Kristo: Isang Katesismong Katoliko, p.259, idinagdag ang pagdiriin).
Hindi lang wala kundi tahasang sumasalungat iyon sa katotohanang nasa Biblia. Ano ba ang nangyari sa mga taong namatay, gaya ni Maria? Sila ay nasa Sheol o sa libingan at hindi na babangon pa hanggang sa ang langit ay mawala:
"Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: Hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, Ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog Oh ikubli mo nawa ako sa Sheol. Na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, Na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at iyong alalahanin ako!" (Job 14:12-13)
Sa Araw ng Paghuhukom, mawawala ang langit (II Ped. 3:7, 10). Habang hindi pa dumarating ang araw na iyon, ang mga taong namatay ay hindi magsisibangon o magsisigising sa kanilang pagkakatulog. Batay sa katotohanang ito, napakahalagang itanong: May kabuluhan ba ang pagdalangin kay Maria upang diumano'y maipamagitan niya ang tao sa Diyos? Ang sagot ay, wala! Hindi iyon magagawa ni Maria, sapagkat "Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, Ni sinomang nabababa sa katahimikan" (Awit 115:17).
Kung paanong hindi makapupuri ang patay, ay hindi rin nito magagawa ang manalangin. Ang patay ay wala nang alaala ni pag-iisip (Awit 6:5; 146:4). Wala nang kinalaman ang mga patay sa anumang ginagawa ng mga buhay, ayon sa Eclesiastes 9:5-6:
"Sapagka't nalalaman ng mga buháy, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw."
Samakatuwid, si Maria, na matagal nang namatay, ay hindi rin makapananalangin o makalalapit sa Diyos para ipamagitan diumano ang mga buháy
ANG IISANG TAGAPAMAGITAN
Kung si Maria ay dinadalanginan ng mga tao upang mamagitan sa kanila sa Diyos, hindi ito makararating sa Diyos dahil hindi lamang siya'y patay na at wala sa langit, kundi dahil hindi siya ang itinalaga ng Diyos na Tagapamagitan. Sa Biblia ay iisa lamang ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. Ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:
"Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus." (I Tim. 2:5)
Maliban sa Panginoong Jesucristo ay wala nang ibang maaaring mamagitan sa Diyos at sa mga tao. Siya, hindi si Maria, ang binuhay na muli ng Diyos para dito:
"Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila." (Heb. 7:25)
Si Cristo rin, hindi si Maria, ang pinatutunayan ng Biblia na umakyat sa langit kaya nakapamamagitan si Cristo sa Diyos at sa mga tao:
"Na ayon sa tunay na kahawig ngayo'y nagligtas, sa makatuwid baga'y ang bautismo, hindi sa pagaalis ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling ng isang mabuting budhi sa Dios, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo; Na nasa kanan ng Dios, pagkaakyat niya sa langit; na ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan ang mga kapangyarihan." (I Ped.3:21-22)
Pinatutunayan ng Biblia na si Cristo ay nabuhay na mag-uli, umakyat sa langit, at ngayoʻy nasa kanan na ng Panginoong Diyos sa langit (Efe. 1:20). Walang ganitong patotoo ang Biblia tungkol kay Maria.
Samakatuwid, hindi nananalangin kay Maria ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sapagkat hindi siya makapamamagitan sa Diyos para sa mga tao. Ang paniniwalang si Maria ay tagapamagitan, kaya maaaring manalangin sa kaniya ay tahasang paglabag sa mga aral na itinuturo ng Biblia. Hindi totoo ang sinasabi ng mga awtoridad Katolika na si Maria ay muling nabuhay at nasa langit na, dahil taliwas ito sa itinuturo ng Biblia tungkol sa mga taong namatay. Ang kaniyang pagiging diumano'y ina ng Diyos ay isang dogma o aral na kinatha lamang ng tao, at hindi aral ng Diyos.
Mga referencia
Siya Ang Inyong Pakinggan: Ang Aral Na Kato-liko. Sinulat ni P. Enrique Demond, S.V.D., sadyang inilaan sa mga nagtuturo ng Katesismo. Imprimi Potest ni Theo But-tenbruch, Superior S.V.D., Nihil Obstat ni Jose N. Jovellanos, Pbro., Mayo 1935, Im-primatur ni Jose Bustamante, Prov. y Vi-cario Gral., Mayo 18, 1935. Catholic Trade School, Oroquieta, Manila. 1916.
Fundamentals of Mariology. By Juniper B. Carol, O.F.M. Imprimi Potest by Celsus Wheeler, O.F.M. Provincial, Nihil Obstat by John A. Goodwine, J.C.D., Censor Li-brorum, Imprimatur by Francis Cardinal Spellman, Archbishop of New York, Benz-inger Brothers Inc., New York, USA. 1956.
Ang Aral ni Kristo: Isang Katesismong Katoliko. Salin sa Pilipino ni Padre Bayani Valenzue-la, S.V.D.- Mula sa "The Teaching of Christ -a Catholic Catechism for Adults". Nihil Obstat ni Reberendo Laurence Gollner, Censor Librorum, Imprimatur ni Leo A. Pursley, D.D. Obispo ng Fort Wayne-South Bend, Ika-8 ng Disyembre 1975. JMC Press, Quezon Ave., Quezon City. 1978.
Compendio Historico De La Religion. Sinulat ni Dr. Josef Pinton. Tinagalog ni D. Antonio Florentino, Puansen Maestro sa Latrini-dad. Tip. De La Univ. De Santo Tomas, Manila. 1932.
APRIL 2023·PASUGO:GOD'S MESSAGE
PAGES 41-43