Lunes, Abril 2, 2012

Sapat Na Nga Ba?

Aral Ba Ng Bibliya  Na Sumampalataya
Lamang Upang Maligtas?


Ni CRISPIN N. FLORENTINO
PASUGO/October 1999

     Isang aral na tinatanggap at pinaniniwalaan ng marami ang sapat nang sumampalataya upang maligtas ang tao at hindi na raw kailangan pa ang pag-anib sa alinmang iglesia.  Marami ang naaakit sa paniniwalang ito sapagkat natuon ang kanilang pansin sa malaking pakinabang na kanilang matatamo na ang tanging gagawin ay pagsampalataya lamang.

     Totoong mahalaga na ang tao ay magtaglay ng pananampalataya.  Kailangan ito upang maligtas. Ngunit nangangahulugan bang pagsampalataya na lamang ang kailangan at wala nang gagawin?

Simulaing Protestante
     Ang paniniwalang sumampalataya lamang upang maligtas ay simulaing Protestante.  Ganito ang sinasabi sa kanilang aklat:

     "Mga Simulaing Protestante
     "Inaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.  Ang tao ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo, hindi sa pamamagitan ng mabubuting mga gawa."  20 Centuries of Christianity, p. 32, isinalin mula sa Ingles)

     Diumano, ang aral na ito'y may batayan sa Biblia na nakasulat daw sa Efeso 2:8-9, Roma 3:20 at 28, at Tito 3:5.  Ganito pa ang sinasabi sa isang pang aklat:

     "Makapagtatamo ba tayo ng kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa?
     "Ang ating mabubuting gawa ay di makapagdudulot sa atin ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, ni hindi tayo madadala ng mga ito sa isang matuwid na pakikipag-ugnay sa Dios.  Sa ibang salita, tayo'y di inaaring ganap (di tayo magiging katanggap-tanggap sa Dios, ang Ama) sa pamamagitan ng ating pagiging kaanib ng Iglesia, ni sa pagsunod sa mga tuntunin nito, ni ng kautusan ng Diyos,
... (Tingnan ang... Roma 3:20 ...; Epe. 2:8, 9; Tito 3:5)."  (Ang Pananampalataya Nating Protestante, p. 17)

     Hindi raw magiging katanggap-tanggap sa Diyos o aaring-ganap ang tao sa pamamagitan ng pagiging kaanib ng Iglesia, ni sa pagsunod sa mga tuntunin, ni ng kautusan ng Diyos.  Para sa kanila, sapat nang sumampalataya lamang.

Sapat nga ba?
     Sipiin natin ang nilalaman ng Efeso 2:8-9 at alamin natin kung totoong sapat na ang sumampalataya lamang:

     "Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios;
     "Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri."

     Sinasabi sa talata na " ... kayo'y nangaligtas sa pamamagita ng pananampalataya; ... Hindi sa pamamagitan ng mga gawa,... " ngunit hindi sinabing sapat na ang sumampalataya lamang .  Hindi sinabing "kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at hindi na kailangan pang gumawa ng anuman."  Hindi rin mapagbabatayan ang nakasulat sa Roma 3:20 at 28.  Ang gawa na tinutukoy sa talatang ito na hindi ikaaaring-ganap ng tao ay ang gawa ng kautusan:

     "Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka't sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkilala ng kasalanan.
     "Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan."

     Ang gawa ng kautusan na kahit gawin ng tao ay hindi niya ikaaaring ganap ay ang kautusan ni Moises:

     "At sa pamamagitan niya ang bawa't nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito'y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng kautusan ni Moises."  (Gawa 13:39)

     Hindi saligan ng kaligtasan ang kautusan ni Moises.  Halimbawa, ang isa sa mga gawang ayon sa kaugalian ni Moises ay ang paghahalas (Gawa 15:1-2),  kaugaliang hindi ginagawa ng mga Gentil.  Itinuro ng mga Judio sa mga Gentil na malibang sila'y mangaghalas ay hindi sila maliligtas.  Nagkaroon ng pagtatalo ukol dito kaya't ipinasiya nilang dalhin ang suliraning ito sa Jerusalem, and sentro ng Iglesia noong unang siglo.  Doon ay ipinasya ng Pamamahala ng unang Iglesia na huwag nang gambalain pa ang mga Gentil (Gawa 15:19).  Hindi na ipinatupad sa kanila ang paghahalas na kabilang sa kautusan ni Moises sapagkat ang kautusan ni Moises ay hanggang kay Juan Bautista lamang:

     "Ang kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay hanggang kay Juan Bautista.  Buhat noon, ipinangaral ang Mabuting Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at bawat isa'y sapilitang pumapasok dito."  (Lu. 16:16,  Magandang Balita Biblia)

Sa Pamamagitan Ng Gawa
     Paano aariing ganap ang tao?  Ang isang halimbawa sa Biblia na inaring ganap ng Diyos ay si Abraham.  Sinabi ni Apostol Santiago ang ganito:

     "At natupad ang kasulatan na nagsasabi, At si Abraham ay sumamapalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios."  (Sant. 2:23)

     Walang pagtatalong si Abraham ay inaring-ganap sa Diyos.  Subalit paano siya  inaring-ganap?  Sumampalataya lamang ba siya at wala nang ginawa?  Hindi.  May ginawa si Abraham:

     "Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana?" (Sant. 2:21)

     Si Abraham ay hindi sumampalataya lamang.  Pinatunayan niya ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng gawa.  Mahalaga na magtaglay ang tao ng panamnampalataya subalit dapat niya itong lakipan ng gawa upang siya ay ariing-ganap ng Diyos.  Gayunpaman, hindi nangangahulugang kahit anong gawa na lamang ang gagawin niya.  Ang dapat niyang gawin ay ang mabubuting gawa:

     "Tapat ang pasabi, at tungkol sa mga bagay na ito ay ninanasa kong patotohanan mong may pagkakatiwala, upang ang mga nagsisisampalataya sa Dios ay maging maingat na papanatilihin ang mabubuting gawa.  Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at mapapakinabangan ng mga tao." (Tito 3:8)

     Ang mabubuting gawa ang pakikinabangan ng tao.  Ang mga ito ang dapat na maingatan niyang panatilihin na kalakip ng kaniyang pananampalataya.  Niliwanag ni Apostol Pablo kung aling gawa ang hindi kailangan na binabanggit sa Tito 3:5.  Ganito ang sinasabi niya sa talatang ito:

     "Na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at at pagbabago sa Espiritu Santo."

     Ang gawang hindi ikaliligtas ay ang mga gawang ginawa lamang ng tao sa ganang kaniyang sarili.  Kahit pa sabihing ang mga gawang ito ay mabubuti sa panukat ng tao ngunit kailanma't ginawa lamang niya sa kaniyang sarili ay hindi mapanghahawakan sa kaniyang ikaliligtas.  Ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:

     "Iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mabubuting ginawa natin, kundi dahil sa kanyang kahabagan.  Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis ng muling kapanganakan at pagbabagong likha ng Espiritu Santo." (Tito 3:5, New Pilipino Version)

     Ang mga gawang ikaliligtas ay hindi ang mabuti lang sa panukat ng tao.  Ang mabuti ay ang mga utos ng Diyos:

"Gayon din, ang
pananampalatayang
walang gawa
ay patay" 

     "Kaya nga ang kautusan ay banal , at ang utos ay banal, at matuwid at mabuti." (Roma 7::12)

     Kaya ang mga gawang mabuti ay ang pagsunod sa mga kalooban ng Diyos.  Ito ang hinahanap ng Diyos na dapat ilakip sa pananampalataya.  Ang halimbawa ng mga gawang mabuti ay ang binabanggit ni Apostol Pablo sa I Timoteo 6:18-19:

     "Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi;
     "Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay."

     Ang pamimigay o paghahandog  at ang pamamahagi ng pananampalataya ay mabubuting gawang ikaliligtas.  Iba ito sa mabubuting gawa na ginawa lamang ng tao sa ganang kaniyang sarili. Ang mga ito'y mga gawang ipinagagawa ng Diyos.

Kautusan Ni Cristo
     Sa panahong Cristiano, ang ipinangangaral na ay ang mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos.  Sinasabing bawat isa'y magpumilit na pumasok sa kahariang ito upang maligtas:

     "Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan:  mula noo'y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit." (Lu. 16:16)

     Ang kaharian na dapat pasukan ng tao na may pagpupumilit ay ang kaharian ng Anak na kinaroroonan ng katubusan.  Sinabi ni Apostol Pablo:

     "Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig;
     "Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan." (Col. 1:13-14)

     Ang kaharian na tinubos ay ang Iglesia ni Cristo gaya ng pinatunayan ng mga Apostol:

     "Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo." (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
     
     Ang tao ay dapat magpumilit na pumasok sa Iglesia ni Cristo.  Ito'y ipinag-utos mismo ng Tagapagligtas na si Cristo:

     "Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas." (Juan 10:9, Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

    Hindi sinabi ni Cristo na sumampalataya lamang ang tao ay maliligtas na.  Mayroon pa siyang ipinag-utos--ang pagpasok sa kawan na siyang Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation).

     Itinuro ni Apostol Pablo na dapat tuparin ng tao ang kautusan ni Cristo.  Sinabi niya na "Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't-isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo" (Gal. 6:2).  Ang ibang tawag sa kautusan ni Cristo ay kautusan ng pananampalataya (Roma 3:27).

     Kaya, hindi totoo ang sinasabi ng mga Protestante na hindi aariing-ganap o katanggap-tanggap sa Diyos ang tao sa pamamagitan ng pagiging kaanib sa Iglesia.  Ang totoo, ito ang unang dapat gawin ng tao upang maligtas.

Pananampalatayang Patay
     Sinumbatan ni Cristo ang mga tumatawag lamang sa Kaniya ng "Panginoon" ngunit hindi naman ginagawa ang kaniyang sinasabi:

     "At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?" (Lu. 6:46)

     Sinabi ni Cristo na dapat sumampalataya sa Kaniya:

     'Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y nangamamatay sa inyong mga kasalanan:  sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan," (Juan 8:24)

     Mahalaga na magtaglay ang tao ng pananampalataya kay Cristo.  Ang totoo sinabi ni Cristo na " ... malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan."  Subali't hindi Niya sinabing sasampalataya lang.  Hinahanap Niya sa mga sumasampalataya sa Kaniya na magsipanatili s Kaniyang salita:

     "Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko.'  (Juan 8:31)

      Ang kausap dito ni Cristo ay mga sumasampalataya na.  Ngunit hindi sinabi ni Cristo na sapat na ang kanilang pananampalataya.  Sinabi Niyang " ... Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko."

     Ang pananatili sa mga salita ni Cristo na binabanggit ay ang pagsunod sa Kaniyang mga aral:

     "Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, 'kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo'y mga alagad ko'.'  (Juan 8:31, MB)

     Ang pananatili o pagsunod sa mga salita ni Cristo ang ikapagiging tunay na alagad ng mga nagsisisampalataya  sa kaniya.  Hindi maliligtas ang tao kung walang kalakip na gawa ang kaniyang pananampalataya.  Pinatunayan ito ni Apostol Santiago:

     "Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?"  (Sant. 2:14)

     Walang pakikinabangin ang tao sa pananampalataya lamang dahil hindi siya aariing-ganap sa pamamagitan lamang nito:

     "nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang."  (Sant. 2:24)

     Kaya nga ang tawag sa pananampalatayang walang gawa ay patay.  Ang sabi ni Apostol Santiago:

     "Gayon din, ang pananampalatayang walang gawa ay patay" (Sant. 2:17, NPV)

     Ang patay ay walang magagawa.  kaya, ang pananampalatayang walang kalakip na gawa--ang pananampalatayang patay--ay hindi ikaliligtas ng tao.  Hangal ang tawag ng Biblia sa mga taong ayaw maniwalang ang pananampalatayang walang gawa ay walang kabuluhan:

     "Ikaw na hangal, gusto mo ba ang katibayan na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang gawa?"  (Sant. 2:20, Ibid.)

     Kahangalan ang paniniwalang sumampalataya lang kahit walang gawa ay ligtas na.  kailangang gumawa, at ang isa sa ipinagagawa ng Tagapagligtas ay ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo.  Ngunit hindi naman nangangahulugang aanib lamang sa Iglesia ni Cristo ang tao ay maliligtas na siya.  Ang mga umanib sa Iglesia ni Cristo ay may gagawin pa rin.  Ganito ang patotoo ni Apostol pablo:

     "Kaya nga, mga minamahal, higit na kailangang maging masunurin kayo ngayon kaysa noong kasama ninyo ako.  May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan."  (Filip. 2:12, MB)

     Ang ikalulubos ng kaligtasan ay ang patuloy na pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos.  Ngunit ang mga ito'y dapat gawin sa loob ng Iglesia ni Cristo.
_________________________________

Bible Study Suggestion: Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
_______________________________________________________________________________